Gamitin ang Introduksyon sa Salita ng Diyos Para Magpasimula ng Pag-uusap
1. Anong bagong pantulong ang tinanggap natin para sa ministeryo?
1 Isang bagong buklet na pinamagatang Introduksyon sa Salita ng Diyos ang inilabas sa panrehiyong kombensiyon natin noong 2014. Paano natin magagamit ang bagong pantulong na ito kapag naghahanda ng mga presentasyon para sa ministeryo? Dahil iginugrupo nito ang mga teksto ayon sa iba’t ibang paksa sa Bibliya gaya ng format ng aklat na Nangangatuwiran, tamang-tama ito sa pagpapasimula ng pag-uusap.
2. Paano natin magagamit sa ministeryo ang Introduksyon sa Salita ng Diyos?
2 Puwede mong gamitin ang tanong 8 at sabihin: “Dumadalaw kami sandali dahil maraming tao ang nag-iisip, ‘Dapat bang isisi sa Diyos ang pagdurusa ng tao?’ [Sa ilang teritoryo, mas epektibong ipakita ang tanong sa may-bahay.] Ano sa tingin mo? [Hayaang sumagot.] Maganda ang sagot ng Bibliya sa tanong na ’yan.” Basahin at talakayin ang isa o higit pang siniping teksto mula mismo sa Bibliya. Kung magpakita ng interes ang may-bahay, puwede mong ipakita sa kaniya ang 20 tanong sa buklet at hilingan siyang pumili ng pag-uusapan ninyo sa pagbabalik mo. O puwede mong ialok ang isa sa mga publikasyon natin para sa pag-aaral na may karagdagan pang impormasyon tungkol sa pinag-uusapan ninyo.
3. Paano natin maaaring gamitin ang Introduksyon sa Salita ng Diyos sa pagpapasimula ng pag-uusap sa mga teritoryong di-Kristiyano ang relihiyon?
3 Ang mga tanong 4 at 13 hanggang 17 ay magagamit sa pangangaral sa mga teritoryong di-Kristiyano ang relihiyon. Halimbawa, puwede mong gamitin ang impormasyon mula sa tanong 17 at sabihin: “Dumadalaw kami sandali sa mga pamilya sa lugar n’yo. Napapansin mo ba na maraming problema ang mga pamilya sa ngayon? [Hayaang sumagot.] Maraming mag-asawa ang natulungan ng matalinong payong ito: “Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” [Hindi mo na kailangang banggitin na mula iyan sa Efeso 5:33. Kung nakikipag-usap ka sa isang babae, sabihin mo ang mga salita sa Efeso 5:28.] Sa tingin mo, makakatulong kaya sa mga mag-asawa ang pagsunod sa payong ito?”
4. Ano ang puwede mong gawin sa dulo ng pakikipag-usap mo sa isa na di-Kristiyano ang relihiyon?
4 Sa dulo ng pag-uusap ninyo, makipag-appointment para maipagpatuloy ninyo ang pag-uusap sa iba pang pagkakataon. Puwede mong sabihin na pag-uusapan ninyo ang isa pa sa mga teksto mula sa tanong na tinalakay ninyo. Sa angkop na panahon, sabihin sa may-bahay na ang matatalinong payo na ibinabahagi mo sa kaniya ay galing sa Bibliya. Batay sa dati ninyong mga pag-uusap at sa pangmalas niya sa Bibliya, mag-alok ng isang publikasyon na iniisip mong magugustuhan niya.—Tingnan ang insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian, Disyembre 2013.