‘Lumakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa Pamamagitan ng Paningin’
Malapit na noong kubkubin at wasakin ang Jerusalem. Sumulat si apostol Pablo na dapat asahan ng mga Kristiyano, bilang mga kawal ni Kristo, ang mahihirap na kalagayan at huwag nilang gawing priyoridad ang sariling kaalwanan at kaluguran. (2 Tim. 2:3, 4) Dahil papalapít na ang kapahamakan ng masamang sanlibutang ito, kailangan natin ang matibay na pananampalataya para manatili tayong nakapokus sa espirituwal na mga bagay. (2 Cor. 4:18; 5:7) Panoorin ang videong ‘Lumakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa Pamamagitan ng Paningin.’ (Magpunta sa jw.org/tl, at tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO.) Pansinin kung paano napahamak sina Naham at Abital dahil sa sobrang pagpapahalaga sa materyal na mga bagay. Pagkatapos, sagutin ang sumusunod na mga tanong.
(1) Ano ang “kasuklam-suklam na bagay . . . na nakatayo sa isang dakong banal” noong unang siglo, at anong agarang pagkilos ang dapat gawin ng mga Kristiyano na nasa Jerusalem? (Mat. 24:15, 16) (2) Bakit nangailangan ng pananampalataya ang pagtakas mula sa lunsod? (3) Anong mga sakripisyo ang kinailangan sa pagtakas? (4) Bakit hindi agad umalis sina Naham at Abital? (Mat. 24:17, 18) (5) Ano pang pagsubok sa pananampalataya ang napaharap kay Raquel habang papaalis sa Jerusalem? (Mat. 10:34-37; Mar. 10:29, 30) (6) Paano nagpakita si Etan ng mainam na halimbawa ng pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova? (7) Anong mahihirap na kalagayan ang naranasan ng mga Kristiyano sa Pela? (8) Paano unti-unting humina ang pananampalataya nina Naham at Abital? (9) Paano pinaglaanan ni Jehova ang mga Kristiyano sa Pela? (Mat. 6:33; 1 Tim. 6:6-8) (10) Paano natin matutularan sina Abraham at Sara habang papalapít ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay? (Heb. 11:8-10) (11) Bakit gustong bumalik nina Naham at Abital sa Jerusalem? Bakit mali ang kanilang kaisipan? (Luc. 21:21) (12) Ano ang totoong kalagayan sa Jerusalem nang bumalik sina Naham at Abital? (13) Bakit dapat nating patibayin ang ating pananampalataya ngayon—bago dumating ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay?—Luc. 17:31, 32; 21:34-36.
Ang paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangahulugan ng (1) pagtitiwala sa patnubay ni Jehova, (2) pagpapaakay sa kaniyang patnubay, at (3) higit na pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay kaysa sa materyal na mga bagay. Maging determinado sana tayong lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, na nagtitiwalang “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.