Introduksiyon sa Roma
Manunulat: Pablo
Saan Isinulat: Corinto
Natapos Isulat: mga 56 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Ipinatungkol ni Pablo ang liham na ito sa mga Kristiyanong Judio at Gentil sa Roma—ang kabisera ng Imperyo ng Roma, na ikaanim na kapangyarihang pandaigdig sa kronolohiya ng Bibliya. Sa 14 na liham ni Pablo, ito ang pinakamahaba.—Ro 1:7.
Hindi Roma ang unang liham na isinulat ni Pablo. Pero sa mga Bibliya sa ngayon, nauuna ito sa iba pang mga liham niya, na angkop naman dahil ipinapakita rito ang pagbabago sa pakikitungo ng Diyos sa bayan niya. Ipinaliwanag sa aklat ng Roma na matagal nang inihula sa Hebreong Kasulatan na ipapangaral din ang mabuting balita sa mga di-Judio. (Ro 1:16) Detalyadong ipinaliwanag ni Pablo, “isang apostol para sa ibang mga bansa,” na magkapantay lang ang mga Judio at di-Judio na tumanggap kay Jesus bilang ipinangakong Mesiyas.—Ro 11:13; 15:8-12.
Ang pinakatema ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma ay tungkol sa kung paano magkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Hindi iyon namamana o nakukuha dahil sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko. Nagiging matuwid ang isa dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo at dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (Ro 3:21-24; 4:4, 16) Makikita ang temang ito sa Ro 1:16, 17, kung saan sinipi ni Pablo ang propetang si Habakuk at sinabi: “Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya.” Kaugnay ng temang ito, iniaalok ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya ang pagkakataong maligtas, Judio man sila o Gentil.—Hab 2:4; Ro 2:10, 11.
Sa paliwanag ni Pablo kung paano magiging matuwid dahil sa pananampalataya, ginamit niya ang terminong Griego para sa “katuwiran” nang mahigit 30 beses sa aklat ng Roma—di-hamak na mas marami kumpara sa pagkakagamit ng terminong ito sa iba pang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Madalas ding gamitin sa aklat ng Roma ang kaugnay na mga salita para sa “matuwid” at “ipinahayag na matuwid.”
Sa liham ni Pablo, may mga personal na detalye na nakatulong sa mga mambabasa niya na makilala at mahalin siya bilang isang tunay at masigasig na Kristiyano. Halimbawa, sinabi niyang nananabik siyang makita ang mga kapuwa niya Kristiyano sa Roma (Ro 1:8-12), nakikipaglaban siya sa makasalanang laman (Ro 7:7-25), at namimighati at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng pananampalataya ng mga kapatid niyang Judio (Ro 9:1-5; 10:1, 2; 11:13, 14, 25). Nakiusap siya sa mga mambabasa niya ayon sa ‘awa ng Diyos.’ (Ro 12:1) Sa huling mga kabanata, sinabi niya ang lawak ng gawaing pangangaral niya at ang kagustuhan niyang mapangaralan ang mga taong hindi pa nakakarinig ng mabuting balita. (Ro 15:20, 21) Sa huling kabanata, bumati si Pablo sa 26 na Kristiyanong pinangalanan niya at sa maraming iba pa.