GAWA
Mga Study Note—Kabanata 12
Herodes: Si Herodes Agripa I, apo ni Herodes na Dakila. (Tingnan sa Glosari.) Ipinanganak si Herodes Agripa I noong 10 B.C.E., at nag-aral siya sa Roma. Marami siyang naging kaibigan sa pamilya ng emperador ng Roma. Isa sa kanila si Gayo, na mas kilalá bilang Caligula at naging emperador noong 37 C.E. Di-nagtagal, itinalaga niyang hari si Agripa sa mga rehiyon ng Iturea, Traconite, at Abilinia. Pagkatapos, idinagdag pa ni Caligula ang Galilea at Perea sa sakop ni Agripa. Nasa Roma si Agripa nang patayin si Caligula noong 41 C.E. Sinasabing malaking papel ang ginampanan ni Agripa para ayusin ang sumunod na problema. Namagitan siya sa maiigting na pag-uusap ng makapangyarihang kaibigan niyang si Claudio at ng Senado ng Roma. Dahil diyan, ipinroklamang emperador si Claudio at napigilan ang pagsiklab ng digmaang sibil. Para gantimpalaan ang ginawa ni Agripa, ginawa rin siyang tagapamahala ni Claudio sa Judea at Samaria, na pinamamahalaan ng mga Romanong prokurador mula pa noong 6 C.E. Kaya ang teritoryong sakop ni Agripa ay naging kasinlaki ng kay Herodes na Dakila. Ang kabisera nito ay Jerusalem, kung saan nakuha niya ang loob ng mga lider ng relihiyon. Sinasabing detalyado niyang sinusunod ang kautusan at tradisyong Judio. Halimbawa, araw-araw siyang naghahandog sa templo at nagbabasa ng Kautusan sa publiko. Sinasabi ring masigasig siya sa pagtataguyod ng pananampalatayang Judio. Pero pakitang-tao lang ang pagsamba niya sa Diyos dahil nagsaayos siya ng mga labanan ng mga gladiator at paganong mga palabas sa teatro. Inilarawan si Agripa na tuso, mapagkunwari, at maluho. Biglang nagtapos ang pamamahala niya nang patayin siya ng anghel ni Jehova, gaya ng mababasa sa Gaw 12:23. Sinasabi ng mga iskolar na namatay si Haring Herodes Agripa I noong 44 C.E. Siya ay 54 na taóng gulang noon at tatlong taon siyang namahala sa buong Judea.
Pinatay niya si Santiago na kapatid ni Juan: Posibleng ipinapatay si Santiago noong mga 44 C.E. Kaya siya ang una sa 12 apostol na namatay bilang martir. Posibleng pinuntirya ni Herodes si apostol Santiago dahil kilalá siyang malapít kay Jesus o dahil sa pagiging masigasig niya. Malamang na ito ang dahilan kaya si Santiago at ang kapatid niyang si Juan ay binigyan ng apelyidong Boanerges, na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog.” (Mar 3:17) Ang ginawang ito ng duwag na si Herodes para mapanatili ang kapangyarihan niya ay hindi nakapigil sa paglaganap ng mabuting balita, pero nawalan pa rin ang kongregasyon ng isang minamahal na apostol at pastol na nagpapatibay sa kanila. Ang pananalitang gamit ang espada ay posibleng nagpapahiwatig na pinugutan ng ulo si Santiago.
Panahon iyon ng Tinapay na Walang Pampaalsa: Ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay nagsisimula nang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa (Nisan 14), at umaabot ito nang pitong araw. (Tingnan sa Glosari, “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,” at Ap. B15.) Ang madalas na pagbanggit ng mga Ebanghelyo at ng aklat ng Gawa sa iba’t ibang kapistahan ay nagpapakitang ang kalendaryong Judio ay ginagamit pa rin ng mga Judio noong panahon ni Jesus at ng mga apostol. Ang mga kapistahang ito ay ginagamit para tantiyahin kung kailan nangyari ang ilang ulat sa Bibliya.—Mat 26:2; Mar 14:1; Luc 22:1; Ju 2:13, 23; 5:1; 6:4; 7:2, 37; 10:22; 11:55; Gaw 2:1; 12:3, 4; 20:6, 16; 27:9.
anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 5:19 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:7.
Magbihis ka: O “Bigkisan mo ang sarili mo.” Lumilitaw na tumutukoy ito sa pagsusuot ng sinturon o pagtatali ng isang mahabang piraso ng tela sa baywang para sikipan ang isang maluwag na panloob na damit.—Tingnan ang study note sa Luc 12:35.
isinugo ni Jehova ang anghel niya: Ang pariralang ‘isinugo ang anghel niya’ ay nagpapaalala ng ganito ring mga pagliligtas na binanggit sa Hebreong Kasulatan. Halimbawa, sa Dan 3:28; 6:22, sinabing ‘isinugo ng Diyos ang anghel niya’ para iligtas si Daniel at ang mga kasama nito.—Ihambing ang Aw 34:7; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:11.
bahay ni Maria: Lumilitaw na ang kongregasyon sa Jerusalem ay nagtitipon noon sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Malaki ang bahay na ito dahil kasya rito ang ‘maraming’ mananamba, at mayroon ditong isang alilang babae. Kaya posibleng maykaya si Maria. (Gaw 12:13) Posible ring biyuda na siya dahil tinawag ang tirahan niya na “bahay ni Maria” at hindi binanggit ang asawa niya.
Juan na tinatawag na Marcos: Isa sa mga alagad ni Jesus na “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10) at ang manunulat ng Ebanghelyo ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat.) Ang pangalang Juan ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Sa Gaw 13:5, 13, ang alagad na ito ay tinatawag lang na Juan. Pero dito at sa Gaw 12:25; 15:37, binanggit din ang Romanong apelyido niya na Marcos. Sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, Marcos lang ang tawag sa kaniya.—Col 4:10; 2Ti 4:11; Flm 24; 1Pe 5:13.
Anghel iyon: Lit., “Anghel niya iyon.” Ang terminong Hebreo at Griego na isinasaling “anghel” ay nangangahulugang “mensahero.” (Tingnan ang study note sa Ju 1:51.) Posibleng iniisip ng mga nagsabing “anghel niya [ni Pedro] iyon” na may isang mensaherong anghel sa may pinto na kumakatawan sa apostol. Lumilitaw na may ilang Judio na naniniwalang bawat lingkod ng Diyos ay may sariling anghel, o anghel de la guwardiya, pero walang direktang mababasa sa Bibliya tungkol dito. Gayunman, alam ng mga alagad ni Jesus na may indibidwal na mga miyembro ng bayan ng Diyos na tinulungan noon ng mga anghel. Halimbawa, may binanggit si Jacob na isang ‘anghel na nagligtas sa kaniya sa lahat ng kapahamakan.’ (Gen 48:16) Sinabi rin ni Jesus tungkol sa mga alagad niya na “nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama,” na nagpapakitang nagmamalasakit ang mga anghel sa bawat alagad ni Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 18:10.) Siguradong hindi naisip ng mga nagtitipon sa bahay ni Maria na si Pedro mismo na nasa anyong anghel ang nagpapakita, na para bang namatay na siya at naging espiritu, dahil alam nila ang itinuturo ng Hebreong Kasulatan tungkol sa kalagayan ng mga patay.—Ec 9:5, 10.
Jehova: “Panginoon” (sa Griego, ho Kyʹri·os) ang ginamit dito sa karamihan ng manuskritong Griego. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, maraming dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:17.
Santiago: Malamang na ang kapatid ni Jesus sa ina. Posibleng siya ang sumunod kay Jesus, dahil una siyang binanggit sa apat na iba pang anak ni Maria: sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas. (Mat 13:55; Mar 6:3; Ju 7:5) Nakita mismo ni Santiago ang nangyari noong Pentecostes 33 C.E., nang ang libo-libong Judio mula sa ibang bansa na dumalaw sa Jerusalem ay tumanggap ng mabuting balita at nagpabautismo. (Gaw 1:14; 2:1, 41) Sinabihan ni Pedro ang mga alagad na ‘magbalita kay Santiago,’ na nagpapakitang si Santiago ang nangangasiwa sa kongregasyon sa Jerusalem. Lumilitaw na siya rin ang Santiago na binabanggit sa Gaw 15:13; 21:18; 1Co 15:7; Gal 1:19 (kung saan tinawag siyang “kapatid ng Panginoon”); 2:9, 12 at ang sumulat ng aklat ng Bibliya na nakapangalan sa kaniya.—San 1:1; Jud 1.
ang nangangasiwa sa sambahayan ng hari: Lit., “ang nangangasiwa sa silid-tulugan ng hari.” Lumilitaw na isa siyang kagalang-galang na opisyal na pinagkatiwalaan ng malaking responsibilidad sa sambahayan ng hari at iba pang personal na mga bagay na may kaugnayan sa kaniya.
anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 5:19 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:23.
salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:24.
maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong: O “maibigay ang lahat ng tulong bilang paglilingkod.”—Tingnan ang study note sa Gaw 11:29.