HEBREO
Mga Study Note—Kabanata 6
unang mga doktrina tungkol sa Kristo: Tumutukoy ito sa pinakasimple at pangunahing mga turong natutuhan ng mga Kristiyano nang una silang maging alagad. (Heb 5:12 at study note) Bumanggit dito si Pablo at sa sumunod na talata ng anim sa mga turong ito at tinawag ang mga ito na panimulang mga bagay (lit., “pundasyon”). Sa literal na gusali, simula pa lang ng pagtatayo ang pundasyon. Ganiyan din sa may-gulang na mga Kristiyano. Hindi sila nakokontento sa panimulang mga turo. Nalampasan na nila ito, at patuloy silang kumuha ng kaalaman at nagkaroon ng kaunawaan sa mas malalalim na turong gaya ng mababasa sa mga liham ni Pablo. Nakatulong ito sa kanila na maintindihan ang Kasulatan at mamuhay ayon sa mga prinsipyong itinuturo nito.—Heb 5:14.
sumulong tayo: Isinama ni Pablo ang sarili niya sa payo niya sa mga kapananampalataya niya na sumulong bilang mga tagasunod ni Kristo. Ayon sa isang reperensiya, para bang sinasabi niya dito: “Sama-sama tayong sumulong.” Kahit may-gulang na Kristiyano na si Pablo, gustong-gusto niyang patuloy pang sumulong para mas matularan si Kristo.—Fil 3:13-16.
maygulang: Idiniin dito ni Pablo kung gaano kahalaga ang pagiging isang may-gulang na Kristiyano—isa na nagsisikap maintindihan ang mga pangunahin at mas malalalim na katotohanan at mapasulong ang kakayahang ituro ito sa iba. Ang salitang Griego na ginamit dito ay kaugnay ng salitang isinalin ding “maygulang” sa Heb 5:14 (tingnan ang study note), kung saan ikinumpara ang gayong mga tao sa “isang sanggol.” (Heb 5:13 at study note) Sinasanay ng isang may-gulang na Kristiyano ang ‘kakayahan niyang umunawa para makilala ang tama at mali.’ (Heb 5:14) Kaya hindi siya madaling mailigaw o maimpluwensiyahan ng iba—halimbawa, sa pagkaunawa niya sa mga turong Kristiyano.—Efe 4:11-14.
pagsisisi sa walang-saysay na mga gawa: Lit., “pagsisisi sa patay na mga gawa.” Kasama sa “walang-saysay na mga gawa” ang mga pagkakasala at ang pagsisikap na maligtas sa pamamagitan ng mga gawaing hindi kaayon ng kalooban ng Diyos. (Mat 7:21) Kasama diyan ang pagsisikap na maligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko, na wala nang bisa. (Ro 10:2-4; Gal 2:16 at study note) Kahit para bang mabuti ang isang gawa, maituturing itong walang saysay, o patay, kung hindi pag-ibig ang motibo sa paggawa nito. (1Co 13:3) Kailangan ng mga Hebreong Kristiyano na pagsisihan, o talikuran, ang lahat ng walang-saysay na mga gawaing iyon para sumulong sa pagiging maygulang.—Heb 9:14.
pananampalataya sa Diyos: Binanggit ni Pablo na kasama ang “pananampalataya sa Diyos” sa panimulang mga bagay, o pundasyon, ng pagiging Kristiyano. (Heb 11:6) Bago maging mga Kristiyano, naniniwala na sa Diyos ang mga kausap ni Pablo dahil mga Judio sila. Kaya sinabi ng isang reperensiya tungkol sa “pananampalataya” sa tekstong ito: “Hindi ito tumutukoy sa basta pananampalataya lang na may Diyos . . . kundi sa pagtitiwala sa Diyos.” Kasama ang ganiyang pananampalataya at pagtitiwala sa “unang mga doktrina tungkol sa Kristo,” kaya mahalagang manampalataya rin ang mga Hebreong Kristiyano kay Jesus, na inatasan ng Diyos bilang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan nila.”—Heb 2:10 at study note; Ju 14:1; Gaw 4:12; 1Pe 1:21.
turo tungkol sa mga bautismo: Isinama ni Pablo ang turong ito sa “unang mga doktrina tungkol sa Kristo.” (Heb 6:1) Ang pagpapabautismo ang simula ng pagiging Kristiyano, at dapat na patuloy na sumulong ang isang alagad pagkatapos nito. Kahit bautisado na ang isang Kristiyano, marami pa siyang kailangang matutuhan at isabuhay.—Mat 28:19, 20; Gaw 2:38.
mga bautismo: Pamilyar ang mga kausap ni Pablo sa iba’t ibang uri ng bautismo sa tubig. Halimbawa, alam nila ang iba’t ibang “seremonyal na paghuhugas,” o sa literal, “bautismo,” ng mga Judio. (Heb 9:10 at study note; Mar 7:4 at study note) Alam din nila ang tungkol sa “bautismo . . . ni Juan.” (Gaw 18:25 at study note) Pero para sa mga Kristiyano, wala nang bisa ang mga bautismong iyon; iisang paraan na lang ng bautismo sa tubig ang sinasang-ayunan ng Diyos.—Efe 4:5 at study note.
pagpapatong ng mga kamay: Ipinapatong ni Jesus at ng mga alagad niya ang mga kamay nila sa mga indibidwal para pagpalain sila (Mat 19:13-15), pagalingin (Gaw 28:8), o atasan sa isang uri ng paglilingkod (Gaw 6:6 at study note; 13:2, 3; 2Ti 1:6). Pero dito, posibleng ang tinutukoy ni Pablo ay ang pagpapasa ng “mga kaloob ng espiritu” sa mga kapananampalataya nila para makagawa rin sila ng mga himala. (1Co 14:12; Gaw 8:17, 18; 19:6) Kapag nakita ng tapat-pusong mga tao ang mga himalang ito, madali nilang mauunawaan na hindi na ang sinaunang bansang Israel ang sinasang-ayunan ni Jehova, kundi ang espirituwal na Israel. (Mat 21:43; Gaw 15:14; Gal 6:16; Heb 2:3, 4 at study note) Iyan ang dahilan kaya isinama ito ni Pablo sa unang mga doktrina na natututuhan ng isang taong gustong maging Kristiyano.—Heb 6:1.
pagkabuhay-muli ng mga patay: Isinama ni Pablo ang pagkabuhay-muli sa “unang mga doktrina” ng Kristiyanismo. (Heb 6:1) Napakahalaga nito sa pananampalatayang Kristiyano (Ju 5:28, 29; 1Co 15:12-19), at malaki ang kaugnayan nito sa iba pang pangunahing turo ng Bibliya.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:14 at Glosari, “Pagkabuhay-muli.”
walang-hanggang hatol: Lumilitaw na sa kontekstong ito, ang “hatol” ay tumutukoy sa lahat ng hatol ng Diyos. ‘Walang hanggan’ ang mga ito dahil ang mga resulta, o epekto, ng mga hatol niya ay magpakailanman.—Ihambing ang Ju 5:24 at study note; Ro 2:3, 6-8; Apo 20:12, 15.
kung ipapahintulot ng Diyos: Hindi sinasabi dito ni Pablo na puwedeng hindi pahintulutan ng Diyos ang mga Hebreong Kristiyano na sumulong. Ipinapakita niya lang na kailangang-kailangan ng mga Kristiyano ang tulong at pagpapala ng Diyos habang nagsisikap silang sumulong.—Tingnan ang study note sa 1Co 4:19; 16:7.
mga naliwanagan noon: Inilalarawan dito ni Pablo ang ilang Kristiyano na sadyang “tumalikod sa pananampalataya” matapos matanggap ang espirituwal na liwanag mula kay Jehova. (Heb 6:6) Naliwanagan sila, o nagkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan, kaya nakalaya sila sa espirituwal na kadiliman—ang kawalang-alam nila at makasalanang pamumuhay. (Ju 3:19-21) Bilang mga Kristiyano, nakalakad na sila noon sa liwanag at nakapamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.—Ju 8:12; Efe 5:8, 9; Heb 10:26, 32; 1Ju 1:7; ihambing ang 1Pe 2:9.
nakatikim ng walang-bayad na kaloob mula sa langit: Kasama sa kaloob na ito ang haing pantubos at ang paanyayang mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Nakinabang na sa pantubos ang mga nagsisi at tumalikod sa makasalanan nilang pamumuhay. (Gaw 3:19; 2Co 9:15) Binigyan sila ng pag-asang mabuhay sa langit. (Tingnan ang study note sa Efe 1:18; Heb 3:1.) Sa ganiyang diwa nila ‘natikman’ ang mga pakinabang ng “walang-bayad na kaloob mula sa langit.”
naging kabahagi sa banal na espiritu: Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu para pahiran ang mga pinili niyang indibidwal at ampunin sila para maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” sa langit. (Ro 8:14-17; 2Co 5:5) Bukod diyan, tumanggap ang ilang bautisadong mánanampalatayá ng mga kaloob ng banal na espiritu.—Gaw 19:5, 6; 1Co 12:7-11; ihambing sa Glosari, “Pagpapatong ng kamay.”
nakatikim ng mabuting salita ng Diyos: Lumilitaw na tumutukoy ang “mabuting salita ng Diyos” sa pangakong gagantimpalaan niya ng buhay sa langit ang ilan. (2Co 5:5; Efe 1:18) ‘Natikman’ ng pinahirang mga Kristiyano ang pangakong iyan nang isiwalat sa kanila ng banal na espiritu na may pag-asa silang mabuhay sa langit. Nang malaman nila iyan, inaasam-asam na nilang maranasan nang lubusan ang mabubuting bagay na ipinangako sa kanila ng Diyos.
mga pagpapala ng darating na sistema: Lit., “mga kapangyarihan ng darating na panahon.” Ang ekspresyong “darating na sistema” ay tumutukoy sa panahon kung kailan ang mga pinahirang Kristiyano ay mamamahalang kasama ni Kristo sa “kaniyang Kaharian sa langit.” (2Ti 4:18; tingnan ang study note sa Efe 2:7 at Glosari, “Sistema.”) Kausap dito ni Pablo ang mga pinahiran ng Diyos ng banal na espiritu “bilang garantiya ng darating.” (2Co 1:22 at study note) Nasaksihan ng marami sa kanila ang “mga tanda at kamangha-manghang mga bagay” na ginawa ni Jehova. (Heb 2:4 at study note) Ginamit ng Diyos ang mga himalang iyon para ipakita ang ilan sa gagawin ng Anak niya bilang Tagapamahala sa “darating na lupa.” (Heb 2:5 at study note) Kaya masasabing natikman na ng pinahirang mga Kristiyano ang mga bagay na gagawin ng Diyos sa “darating na sistema” gamit ang kapangyarihan niya.—Ihambing ang study note sa Efe 1:3.
imposibleng mapanumbalik sila para magsisi: Tinutukoy dito ni Pablo ang ilan sa mga tumalikod sa pananampalatayang Kristiyano, o nag-apostata. Lumilitaw na sinadya nilang mag-apostata kahit “naliwanagan” na sila noon. (Heb 6:4 at study note) Sa patnubay ng espiritu, ipinakita ni Pablo na sinadya nilang magkasala laban sa banal na espiritu ng Diyos. Imposible nang magsisi ang ganitong mga tao.—Mar 3:28, 29; Heb 10:26, 27; 12:25.
muli nilang ipinapako sa tulos ang Anak ng Diyos: Napakatindi ng pananalitang ginamit dito ni Pablo para kondenahin ang mga pinahirang Kristiyanong iyon na sadyang tumalikod sa pananampalatayang Kristiyano. Siyempre, hindi literal ang ekspresyong ito. Namatay si Kristo “nang minsanan”; imortal na siya ngayon, at wala nang magagawa ang iba para patayin siya. (Heb 9:12; 1Ti 6:16 at study note) Gayundin, posible pang mapatawad ang mga sundalong Romano na aktuwal na nagpako kay Jesus sa tulos. (Luc 23:34 at study note) Kaya lumilitaw na ikinukumpara dito ni Pablo kay Hudas Iscariote at sa mga lider ng relihiyon na nagpapatay kay Jesus ang mga di-nagsising apostata. (Ju 19:11 at study note, 15, 16) Hinamak ng mga apostatang ito si Jesus at ang haing pantubos, gaya ng ginawa ng masasamang taong iyon, at pare-pareho sila ng magiging parusa—pagkapuksa magpakailanman.—Heb 10:29.
ang lupa ay tumatanggap ng pagpapala: Pinagpala ang mga Kristiyano dahil nalaman nila ang mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesus, kaya inihalintulad sila ni Pablo sa lupa na naulanan. Sinabi ni Pablo na normal lang na asahan ng isang magsasaka na magiging mabunga ang ganitong lupa. (Luc 13:6-9; 1Co 3:9) Pero gaya ng ipinapakita sa sumunod na talata, may ilang Kristiyano na hindi namunga at nanganganib na masumpa.—Heb 6:8.
Pero kung magsibol ito ng matitinik na halaman: Sa halip na magpasalamat sa mga “pagpapala mula sa Diyos” (Heb 6:7), pinili ng ilang Kristiyano na mamuhay nang makasalanan (Heb 6:4-6). Sinadya nilang maging walang utang na loob at magkaroon ng iba pang masasamang ugali. Kaya tulad sila ng lupa na walang silbi ang ibinubunga, gaya ng “matitinik na halaman.” Noon, kapag ganito ang lupa ng isang magsasaka, sinusunog niya ito para mamatay ang walang-silbing mga halaman. Sa katulad na paraan, tatanggap ng maapoy na hatol, o pagkapuksa magpakailanman, ang mga dating Kristiyanong iyon na “tumalikod sa pananampalataya.”—Heb 6:6 at study note; ihambing ang Isa 5:1-7.
mga minamahal, kumbinsido kami na nasa mas mabuting kalagayan kayo: Sa naunang bahagi ng liham na ito, nagbigay si Pablo ng matinding payo sa mga humina ang pananampalataya. (Heb 3:12; 5:11 at study note) Sa kontekstong ito, kinondena niya ang mga hindi nanatiling tapat. (Heb 6:4-8) Ngayon, pinatibay naman niya ang mga Hebreong Kristiyano at tinawag silang “mga minamahal.” Ipinakita niyang malaki ang tiwala niya sa kanila. (Ihambing ang Ro 15:14; 2Te 3:4.) Di-gaya ng mga tumalikod kay Kristo at naiwala ang pag-asa nila sa hinaharap, nasa “mas mabuting kalagayan” ang tapat na mga Hebreong Kristiyano—isang kalagayang aakay sa kanila sa kaligtasan, dahil may pag-asa pa silang mamahalang kasama ni Kristo sa langit.—Tingnan ang study note sa 2Ti 2:12.
Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo: Sa kontekstong ito, ang “lilimutin” ay nangangahulugang mawalan na ng pakialam o bale-walain. (Ihambing ang Luc 12:6.) Dito, hindi lang basta tinitiyak ni Pablo sa mga Kristiyano na aalalahanin ng Diyos ang mabubuting bagay na ginagawa nila. Idiniin pa ng apostol ang katotohanang ito nang idagdag niyang “matuwid ang Diyos.” Kaya para sa Diyos, kung babale-walain niya ang mabubuting bagay na ginagawa ng tapat na mga lingkod niya, siya ay magiging di-matuwid. Imposible para kay Jehova na gumawa ng anumang di-matuwid; halimbawa, “imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Tingnan ang study note sa Heb 6:18.) Malayong-malayo iyan sa personalidad ni Jehova, kaya hinding-hindi iyan mangyayari. (Tingnan din ang Job 34:12; San 1:13.) Kaya makakatiyak ang mga Hebreong Kristiyano na hindi kakalimutan ni Jehova at lagi niyang pahahalagahan ang mabubuting bagay na ginawa nila, kahit pa matagal na itong nakalimutan ng ibang tao o nila mismo.
ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya: Sa Bibliya, malawak ang kahulugan ng salitang “pangalan.” Hindi lang ito tumutukoy sa mismong pangalan ng isang indibidwal, kundi sa lahat ng bagay tungkol sa kaniya—partikular na ang reputasyon niya. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9.) Gaya ni Jesus, ipinapakilala ng mga Kristiyano sa iba ang pangalan ng Diyos dahil mahal nila ito. Dahil sa pag-ibig nila kay Jehova, hindi lang nila ginagamit ang banal na pangalan niya, kundi niluluwalhati din nila ito sa pamamagitan ng magandang paggawi at pagpapakita ng kabaitan sa iba. Idinidiin ng sinabi ni Pablo na napakahalaga sa lahat ng tagasunod ni Kristo ang pagpapakita ng pag-ibig sa banal na pangalan ng Diyos. Sinabi rin mismo ni Jesus kung saan umikot ang ministeryo niya sa lupa nang sabihin niya sa Ama niya: “Ipinakilala ko ang pangalan mo.”—Tingnan ang study note sa Ju 17:6, 26.
patuloy na paglilingkod sa mga banal: Sa kontekstong ito, tumutukoy ang “mga banal” sa mga lalaki’t babaeng pinahirang tagasunod ni Jesu-Kristo na may makalangit na pag-asa. (Tingnan ang study note sa Ro 1:7.) Matagal nang naglilingkod sa isa’t isa ang mga Hebreong Kristiyano sa iba’t ibang paraan. (Gaw 4:32-35; 12:5) Halimbawa, lumilitaw na nagbigay sila ng materyal na tulong sa mga nangangailangan. (Ihambing ang study note sa Luc 8:3.) Pinuri sila ni Pablo dahil ginawa nila iyan noon at patuloy nila itong ginagawa. Ipinaalala niya sa kanila na para kay Jehova, kapag tinutulungan ng isa ang mga lingkod Niya, naipapakita ng taong iyon ang pag-ibig sa pangalan Niya.—Tingnan din ang Heb 10:32-34; 13:1-3.
magpakita ng gayon ding kasipagan: Sa naunang talata, binanggit ni Pablo na noon pa man, naglilingkod na ang mga Hebreong Kristiyano sa “mga banal.” Ngayon, pinapatibay niya ang “bawat isa” sa kanila na huwag tumigil. Dapat na patuloy silang magpakita ng “gayon ding kasipagan,” o maglingkod nang masigasig at may matinding kagustuhan at determinasyon.—Tingnan ang study note sa Ro 12:11.
para hindi kayo maging tamad: O “para hindi kayo maging makupad.” Ang salitang Griego dito na isinaling “tamad” ay nangangahulugang ayaw kumilos o gumawa ng pagsisikap. Ayon sa isang reperensiya, puwede itong mangahulugan sa kontekstong ito na “mabagal sa pag-unawa sa espirituwal na mga bagay o pagkilos kaayon nito.” Maiiwasan ng mga Hebreong Kristiyano ang ganiyang panganib kung magiging masipag sila. (Tingnan ang study note sa Heb 6:11.) Ang terminong Griego para sa “tamad” ay puwede ring isaling “mabagal” o “walang pakialam.”—Tingnan ang study note sa Heb 5:11.
maging mga tagatulad kayo: Kaugnay ito ng paksang detalyadong tinalakay sa Hebreo 11—ang kahalagahan na matuto mula sa magagandang halimbawa ng pananampalataya at tularan sila. (Tingnan din ang Heb 13:7.) Sa sumunod na mga talata, may mga binanggit si Pablo tungkol kay Abraham, isa sa mga pinakamahusay na halimbawa ng mga nagmana ng mga pangako. Napakagandang mana ng mga pangako ng Diyos kay Abraham. Nagbigay ang mga iyon sa kaniya ng pag-asa at nagpatibay ng pananampalataya niya. Sigurado rin siyang matutupad ang mga pangako ni Jehova dahil nakita niyang natupad ang ilan sa mga iyon. At makikita niya ang katuparan ng iba pang pangako kapag binuhay na siyang muli. (Gen 18:14, 18; 21:1-3; Heb 6:13-16) Nagpakita siya ng malaking pananampalataya at mahabang pagtitiis hanggang kamatayan, kaya karapat-dapat siyang tularan.—Heb 11:8-10, 17-19.
ipinanumpa niya ang sarili niya: Katulad ito ng sinabi ni Jehova kay Abraham sa Gen 22:16: “Ipinanunumpa ko ang sarili ko.” “Hindi makapagsisinungaling” si Jehova. (Tit 1:2) Ang mismong pangalan niya, o reputasyon, ay isa nang garantiya na matutupad ang bawat pangako niya. (Ihambing ang Isa 45:23.) Pero dahil sa pag-ibig niya, higit pa ang ibinibigay niyang garantiya kung minsan. Sumusumpa rin siya. Dahil sa kahanga-hangang pananampalataya at pagkamasunurin ni Abraham, sumumpa pa si Jehova nang mangako Siya, at nagsilbing “legal na garantiya” ang sumpang ito. (Heb 6:16 at study note; tingnan din ang study note sa Heb 6:17 at Glosari, “Sumpa.”) Kaya dobleng katiyakan ang ibinigay ni Jehova kay Abraham nang mangako siyang “ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila” sa pamamagitan ng supling nito.—Gen 22:17, 18.
pagkatapos magpakita ni Abraham ng pagtitiis: Nangako si Jehova kay Abraham na siya ay magiging “isang malaking bansa” at na “pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan” niya. (Gen 12:1-4; ihambing ang Gaw 7:2, 3 at study note.) Inulit ni Jehova ang pangako niya noong nasa Canaan si Abraham para tiyaking matutupad ito. (Gen 13:16) Pero wala pang anak si Abraham nang panahong iyon. Sa wakas, pagkalipas ng 25 taon mula nang mangako ang Diyos, nakita ni Abraham na nagsimula nang matupad ang sinabi ng Diyos nang isilang si Isaac. (Gen 21:2, 5) At pagkalipas ulit ng mga 25 taon (ayon sa paniniwala ng mga Judio), pinatunayan ni Abraham na handa siyang ihandog si Isaac. Nang pagkakataong iyon, ipinanumpa ng Diyos “ang sarili niya” para pagtibayin ang pangako niya.—Heb 6:13 at study note, 14; 11:17; Gen 22:15-18.
isang legal na garantiya: Ang salitang Griego na ginamit dito ay isa sa maraming termino sa batas na makikita sa kontekstong ito. Tumutukoy ang terminong ito sa panunumpang karaniwang ginagawa para tiyakin ang isang bagay. (Ang iba pang halimbawa ng mga termino sa batas na ginamit sa Heb 6:13-18 ay “panunumpa,” “pagtatalo,” “hindi mababago,” at “ginarantiyahan.” Tingnan din ang study note sa Fil 1:7, kung saan ang terminong Griego sa Heb 6:16 ay isinaling “legal na pagtatatag.”) Makikita sa Hebreong Kasulatan na madalas ipanumpa ng mga tao ang Diyos o ang pangalan niya. (Gen 14:22; 31:53; Deu 6:13; Jos 9:19, 20; Jer 12:16) Binanggit ni Pablo ang tungkol sa panunumpang ito para idiin ang susunod niyang punto—naging sigurado at talagang mapagkakatiwalaan ang pangako ng Diyos kay Abraham dahil sa panunumpa Niya.—Heb 6:17, 18.
mga tagapagmana ng pangako: Pinatibay ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano nang ipaalala niya sa kanila ang kaugnayan nila kay Abraham. Ipinangako ng Diyos sa tapat na lalaking iyon na magkakaroon siya ng anak na magdudulot ng mga pagpapala sa “lahat ng bansa sa lupa.” (Gen 22:17, 18) Bilang likas na mga inapo ni Abraham, mga Judio sana ang magmamana ng pangakong ito. Itinakwil ng karamihan sa kanila ang Mesiyas, kaya hindi nila natanggap ang mana. Pero naging “mga tagapagmana ng pangako” ang mga Hebreong Kristiyano. Hindi ito dahil sa likas na mga inapo sila ni Abraham, kundi dahil tinanggap nila si Kristo, ang pangunahing supling ni Abraham, at naging pinahirang tagasunod niya sila. (Tingnan ang study note sa Gal 3:29.) Darating ang panahon na makikinabang sa mga pangako ng Diyos kay Abraham ang lahat ng tapat na Kristiyano, kasama na ang mga may makalupang pag-asa.
hindi mababago ang layunin niya: Ang salitang Griego na isinalin dito at sa sumunod na talata na “hindi mababago” ay isa sa maraming termino sa batas na ginamit ni Pablo sa kontekstong ito. (Tingnan ang study note sa Heb 6:16.) Saklaw naman ng salitang isinalin ditong “layunin” ang desisyon, determinasyon, intensiyon, at kalooban ng isa.—Tingnan ang study note sa Gaw 20:27; tingnan din ang study note sa Efe 3:11, kung saan isinalin ding “layunin” ang terminong Griego na kasingkahulugan ng ginamit dito sa Heb 6:17.
ginarantiyahan niya iyon sa pamamagitan ng pagsumpa: Nang mangako ang Diyos kay Abraham, “ipinanumpa niya ang sarili niya.” (Heb 6:13 at study note) Hindi obligado si Jehova na sumumpa para patunayang totoo ang mga pangako niya, pero ginawa niya pa rin iyon para lubusang magtiwala ang mga tao sa mga sinasabi niya. Wala nang mas sigurado pa sa garantiyang ibinibigay niya. Ang pandiwang Griego na isinaling “ginarantiyahan niya iyon” ay puwede ring mangahulugang “namagitan siya” sa pamamagitan ng isang sumpa para tiyakin ang pangako niya. Ayon sa isang reperensiya, idiniriin ng pandiwang iyon sa kontekstong ito “ang pagiging totoo ng mga pangako ng Diyos. Diyos [mismo ang gumagarantiya] . . . sa mga sinabi niyang gagawin niya.”—Tingnan sa Glosari, “Sumpa.”
dalawang bagay na hindi mababago: Tumutukoy ito sa pangako at sumpa ng Diyos. Sa pamamagitan ng pangako at sumpang ito, tinitiyak niya na hindi magbabago ang layunin niyang pagpalain “ang lahat ng bansa sa lupa” sa pamamagitan ng supling ni Abraham; siguradong mangyayari ang mga sinabi ni Jehova.—Gen 22:16-18; Heb 6:17; tingnan ang study note sa Heb 6:13.
imposibleng magsinungaling ang Diyos: Kapareho ito ng sinasabi sa Bil 23:19 at 1Sa 15:29.—Tingnan din ang study note sa Tit 1:2.
tumakas papunta sa kanlungan: Ang buong ekspresyong ito ay salin para sa isang pandiwang Griego na nangangahulugang pagtakbo, pagtakas, o panganganlong. (Gaw 14:6) Malamang na pamilyar dito ang mga kausap ni Pablo, dahil sa Septuagint, ginamit din ang pandiwang Griegong ito para ilarawan ang pagtakas papunta sa mga kanlungang lunsod. (Deu 4:42; 19:5; Jos 20:9) Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipaalala sa mga Hebreong Kristiyano na nakatakas na sila mula sa Judiong sistema, na itinakwil na ng Diyos at malapit nang wasakin. (Mat 21:43; 23:37, 38) Nasa pinakaligtas na lugar na sila—mayroon na silang malapít na kaugnayan sa kanilang mapagkakatiwalaang Diyos at Ama, si Jehova. (Aw 118:8; 143:9) Ayon sa isang reperensiya, ito ang ideya ng ekspresyong ito: “Tayo na nanganlong sa Diyos para maging ligtas.”
magkaroon ng malakas na pampatibay: Ang salitang Griego na isinalin ditong “pampatibay” ay puwedeng tumukoy sa isang bagay na nagpapalakas ng loob ng isa at nag-uudyok sa kaniya na kumilos. (Ihambing ang study note sa Ro 12:8.) Ang pangako at sumpa ng Diyos ay sobra-sobrang patunay sa bayan niya na hindi magbabago ang layunin niyang pagpalain ang mga tao. Sinabi ng isang iskolar na “hindi ito basta-bastang pampatibay.” Gaya nga ng sinabi ni Pablo, isa itong “malakas na pampatibay” sa mga Kristiyano na “manghawakan” sa kanilang pag-asa.
Ang pag-asa nating ito ay nagsisilbing angkla: Sinusuportahan ng metaporang ito ang punto sa naunang mga talata: Sigurado at maaasahan ang pag-asa ng mga Kristiyano. Gaya ng isang angkla na nakakatulong sa isang barko na maging matatag at hindi maanod kapag may bagyo, magpapatatag din sa mga Kristiyano sa mahihirap na panahon ang matibay na pag-asa nilang makita ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. (Ihambing ang Aw 46:1-3.) Alam na alam ni Pablo kung gaano kahalaga ang angkla, dahil maraming beses siyang nanganib sa dagat. (Gaw 27:13, 29; tingnan ang study note sa 2Co 11:25; tingnan sa Media Gallery, “Angklang Gawa sa Kahoy at Metal.”) Kahit sa mga sekular na akda noong panahon ni Pablo, ginagamit ang angkla bilang simbolo ng pag-asa.
buhay: Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
tiyak at matatag: Idiniin ni Pablo na talagang maaasahan ang pag-asa ng mga Kristiyano nang sabihin niyang ang angklang ito, o pag-asa, ay “pumapasok . . . sa loob ng kurtina.” (Tingnan ang study note sa pumapasok ito sa loob ng kurtina sa talatang ito.) Sa pagsasabi nito, ipinakita niya na sa Diyos mismo nakadepende ang kasiguraduhan ng pag-asang ito. Sinabi ng isang reperensiya tungkol dito: “Ang ibang angkla ay pababa sa kalaliman: ang isang ito ay paakyat naman sa pinakamataas na langit at nakaangkla sa mismong trono ng Diyos.”
pumapasok ito sa loob ng kurtina: Ipinapakita dito ni Pablo na ang pag-asa ng mga Hebreong Kristiyano ay hindi nakadepende sa sinumang tao o anumang bagay dito sa lupa. Sa halip, ang pag-asang ito ay “pumapasok . . . sa loob ng kurtina,” o sa langit. Kaya may kaugnayan ang pag-asang ito sa Diyos, na naglaan ng pantubos, at kay Jesus, na nagbigay ng buhay niya para dito. Naihihiwalay ng kurtina ang Kabanal-banalan sa iba pang bahagi ng tabernakulo. Taon-taon, pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan. “Sa loob,” o paglampas ng kurtina, maghahandog siya ng pambayad-sala para sa mga Israelita. (Heb 9:7) Gaya ng ipapaliwanag ni Pablo sa kasunod na bahagi ng liham niya, lumalarawan ang Kabanal-banalan sa langit. (Heb 9:24) Lumalarawan naman ang kurtina sa katawan ni Jesus bilang tao, dahil nakakahadlang ito sa pagpasok niya sa langit. (1Co 15:50; Heb 10:20 at mga study note) Nakalampas si Jesus sa ‘kurtinang’ iyon nang isakripisyo niya ang katawan niya bilang tao at makapasok siya sa langit nang buhayin siyang muli bilang espiritu. (1Pe 3:18) Sa presensiya ng Diyos, iniharap niya ang halaga ng inihandog niyang buhay para matubos ang mga tao mula sa kasalanan. (Heb 6:20; 9:12) Dahil sa paglalaang iyon—pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pantubos ni Kristo—siguradong matutupad ang ‘pangako ng Diyos kay Abraham.’ (Heb 6:13, 14) Kaya tiyak ang pag-asa ng lahat ng masunuring tao.—Mat 20:28.
ang nauna: Si Jesus ang unang tao sa lupa na umakyat sa langit sa presensiya ni Jehova. (Ju 3:13; 1Co 15:20; Heb 9:24) Kaya sinabing “nauna” siya sa iba. Nang iharap niya sa Diyos ang haing pantubos, binuksan niya ang daan para sa mga inanyayahang mamahalang kasama niya sa Kaharian.—Ju 14:2, 3; Heb 10:19, 20.
gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec magpakailanman: Tingnan ang study note sa Heb 5:6.