Codex Vaticanus
Ang codex na ito, na mula noong ikaapat na siglo C.E., ay naglalaman ng buong Bibliya sa wikang Griego. Gawa sa magandang klase ng vellum ang mga pahina ng manuskritong ito, at ginamit sa pagsulat nito ang istilong uncial. (Tingnan ang MANUSKRITO; UNCIAL.) Ang mga aklat na patula ay nakasulat sa dalawang kolum kada pahina, samantalang lahat ng iba pang bahagi ng Bibliya ay nakasulat sa tatlong kolum kada pahina.
Marami nang nawalang pahina sa codex na ito. Sa mga 820 pahina nito, 759 na lang ang natira. Ang codex na ito sa ngayon ay nagsisimula na sa Genesis 46:28, at wala na rito ang ilang bahagi ng Awit, Hebreo 9:14 hanggang 13:25, at ang buong 1 at 2 Timoteo, Tito, Filemon, at Apocalipsis. Sinasabing ginawa ang codex na ito sa Ehipto, pero walang tiyak na impormasyon sa ngayon kung saan ito nagmula. Nasa Vatican Library na ito noong mga ika-15 siglo. Pero nasimulan lang itong mapag-aralan ng mga iskolar noong ika-19 na siglo.
Dahil sa edad ng codex at magandang kalidad nito, itinuturing ito na isa sa pinakamaaasahang mga manuskrito ng Griegong Septuagint at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Isa ito sa mga pangunahing basehan ng mga tagapagsalin ng Bibliya sa ngayon. Ginamit ng mga iskolar ang mapananaligang manuskritong ito, kasama ang Codex Sinaiticus at Codex Alexandrinus, para matukoy at maitama ang mga pagkakamali at naidagdag ng mga eskriba sa sumunod na mga manuskrito.—Tingnan sa Media Gallery, “Codex Vaticanus—Ang Katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos” at study note sa Ju 7:53.