Malapit Nang Matapos ang Taning na Panahon!
SA KANILANG pagtaya ng mga bagay-bagay, kadalasa’y hindi pinakukundanganan ng mga tao ang Maylikha ng lupa at ng tao. Kanilang nakikinita ang hinaharap batay lamang sa hula-hula ng mga pinunong tao at mga siyentipiko. Subali’t noon pang sinaunang panahon buong linaw nang inilarawan ng Bibliya ang mga pangyayari sa kaarawan natin pati na ang magiging resulta. Ang mga hulang naririto ay hindi kailanman nagmimintis. Kaya’t may mainam na dahilang maingat na isaalang-alang ang mga ito ngayon.
Sa Aklat na iyan, na malaganap ang sirkulasyon kaysa ano mang aklat dito sa lupa, ay nasusulat ang tinukoy ni Jesu-Kristo na “ang tanda para . . . sa katapusan ng sanlibutang ito.” (Mateo 24:3, Phillips) Sa Aklat na ito’y sinasabi kung kailan nagsimula ang taning na panahon at kung ano ang mangyayari kung tapos na ang panahong iyon. Ang binabanggit ng kaniyang hula ay hindi ang pagkawasak ng planetang Lupa, kundi ang wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ito’y isang hula ng pag-asa, hindi ng kapuksaan, para sa lahat ng tao.
Ano ba ang “tanda” na binanggit ni Jesus? Ito’y isang tanda na masasaksihan sa loob ng isang yugto ng panahon na bumibilang ng mga taon upang magkaroon ang mabubuting-loob na mga tao sa lahat ng dako na makilala ito. Ito’y binubuo ng maraming mga pangyayari na magaganap sa loob ng panahon na ikinabubuhay ng isang natatanging salin ng lahi ng mga tao. Pag-usapan natin ang mga ilang bahagi lamang nito.
MGA DIGMAAN
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.”—Mateo 24:7; Marcos 13:8; Lucas 21:10.
Kung sa bagay, nagkaroon na ng maraming digmaan, sapol nang salitain iyan ni Jesus. Kahit na ngayon, hanggang noong Mayo 1984, sa kalkulasyon ng Center for Defense Information sa Washington, D.C. ay apat na milyong katao ang naglalaban-laban sa 42 bukud-bukod na mga digmaan. Subali’t noong 1914 nagpasimula ang isang digmaan na walang katulad sa buong kasaysayan ng tao hangga noon. Ang nasawi ay makadobleng dami ng mga kawal kaysa nasawi sa lahat ng malalaking digmaan mula noong 1790 hanggang 1913 pagsama-samahin mang lahat!
● Nasawi: 9,000,000 kawal ang nangamatay; 5,000,000 sibilyan ang nangamatay sa mismong mga lugar na pinagdidigmaan.
● Bansa: Mahigit na 25 ang napasangkot sa digmaan.
● Gastos: Mahigit na $337,000,000,000 (U.S.) ang nagugol.
Komusta naman ang Digmaang Pandaigdig II? Sang-ayon sa United States Army Brigadier General James L. Collins, Jr., ito “ang digmaan na lumikha ng pinakamalaking pagkasalanta sa sangkatauhan.”
● Nasawi: 16,000,000 kawal ang nangamatay; 39,000,000 ang nangamatay na sibilyan.
● Bansa: Mahigit na 50 ang naglaban-laban.
● Gastos: Di-maubus-maisip na halagang umabot sa $1,150,000,000,000, at ang mga ari-ariang nasira ay umabot lahat-lahat sa halagang mahigit na $239,000,000,000.
Ano ang magagawang pinsala ng isang pandaigdig na digmaang ikatlo? Malamang na ang magagawa nito’y ganap na pagkalipol. Kung hindi pa natin nakita sa ganiyan ang katuparan ng hulang ito bilang “tanda” ng panahon na inihula ni Jesus, ano pa ang hahanapin natin?
KAKAPUSAN SA PAGKAIN
‘Magkakaroon ng kakapusan ng pagkain sa iba’t-ibang dako.’—Mateo 24:7; Marcos 13:8; Lucas 21:11.
Ang World Food Conference na ginanap sa Roma noong 1974 ay nangako na maalis ang gutom sa daigdig pagsapit ng 1985. Sa ngayon, waring lalong lumabo ang pag-asang mabaligtad—o kahit na mapigil man lamang—ang mabilis na pagdami ng mga taong patuloy na nagugutom. “Ang talamak na gutom ay isa pa ring problema hangga ngayon para sa milyun-milyon na mga tao,” ang sabi ng The Unesco Courier, isang lathalain ng United Nations. “Halos 500 milyong tao, na nakalugmok sa karalitaan ang nagugutom araw-araw.” Hindi pa kaya mapapaniwala ang isang taong tapat-puso na ang nasasaksihan niya ay katuparan ng hula ni Jesus?
MGA LINDOL
‘Lilindol sa maraming iba’t ibang dako.’—Mateo 24:7; Marcos 13:8; Lucas 21:11.
Ang lupa ay yumayanig sa mahigit na isang milyong lindol isang taon, 3,000 sa mga lindol na ito ang may sapat na lakas upang mapansin natin na yumayanig ang lupa. Ang modernong mga instrumento ng mga siyentipiko ay napakahusay na magmatyag at magrekord ng kahit na pinakamahinang lindol. Subali’t ang inihula ni Jesus ay “malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Naging lalong madalas baga ang mga lindol na ito? Hindi na kailangan pa ang mahuhusay na instrumento upang mabatid natin kung kailan lilindol nang malakas. Sapol noong 1914 ang taunang katamtamang dami ng iniulat na malalakas na lindol ay umabot sa mahigit na 11 beses ang kahigitan kaysa naiulat noong yugtong sanlibong taon bago noon. Mahigit pa ba riyan ang kailangan upang matupad ang hula?
SALOT
“Sa iba’t ibang dako ay magkakaroon ng mga salot.”—Lucas 21:11.
“Ang mga sakit ang pumatay o lumumpo sa higit na maraming tao kaysa lahat ng mga digmaang naganap na,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Narito ang ilan sa mga gayong sakit at pati mga nagiging biktima sa buong daigdig sa taun-taon:
● Kanser, na 37 milyon ang biktima.
● Chagas’ disease, na bumibiktima sa 10 milyon.
● Malaria, na 150 milyon ang nagkakasakit.
● Onchocerciasis (isang uri ng pagkabulag), na may biktimang 40 milyon.
● Snail fever, na 200 milyon ang biktima.
● Malulubhang impeksiyon sa mga sangkap sa paghinga, na pumapatay sa di-kukulangin sa 2 milyon.
● Pagkukurso, na ayon sa ulat ay 5 milyong bata ang namamatay—di-sukat mapaniwalaan na sampung bata ang namamatay bawa’t minuto araw-araw sa taun-taon sa mga bansang atrasado! Lahat na ito’y nangyayari sa kabila ng pagsulong ng siyensiya ng medisina! Sino ang totohanang makapagtatatuwa sa katuparan ng hula ni Jesus sa kaarawan natin?
Marami pang mga ibang bahagi ng ‘tanda para sa katapusan ng sanlibutang ito’ ang mahahalatang nagaganap na. Subali’t ang tinalakay na ay sapat-sapat upang ipakita kung paanong ang hula sa Bibliya ay natutupad sa kaarawan natin.
Subali’t gaano pa ang itatagal ng kasalukuyang sistema ng mga bagay? Ang mga salita ni Jesus ang sumasagot:
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang saling-lahing ito ay hindi lilipas sa ano mang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”—Mateo 24:34; Marcos 13:30; Lucas 21:32.
Alin bang saling-lahi ito? Aba, di yaong nakasaksi ng pasimula ng katuparan ng hula ni Jesus. Ang ibig sabihin ay yaong mga tao na buháy noong taóng 1914. Ilan sa kanila ang buháy pa? Batay sa pinakahuling ulat, noong 1980 mayroon lamang 259 milyong taong edad 65 anyos o mas may edad pa na buháy.a Marami rito ang nangamatay na sapol noong 1980. Yaong mga ipinanganak noong may dakong 1914, na isang makasaysayang taon, ay 70 anyos na ngayon, at ang mga iba na buháy na noong 1914 ay nasa kanilang ika-80 anyos at pataas, ika-90 anyos at pataas at mayroon pang ilan na nasa kanilang ika-100 anyos at pataas. Subali’t sila’y mabilis na kumakaunti,
Sino ang Nakakaunawa ng Kahulugan ng 1914?
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang bagong tinig na tumutukoy sa kahulugan ng mga pangyayaring ito. Hindi lamang bago noong 1914 kundi magbuhat na noon ay paulit-ulit silang napabalita dahil sa paliwanag nila tungkol sa taóng iyan.b Halimbawa, mahigit na tatlumpong taon na ngayon, sa kanilang kombensiyon sa Philadelphia noong Nobyembre 22, 1947, pinagtibay ng mga Saksi ni Jehova ang isang resolusyon na isang bahagi ang nagsasabi:
“Ang mga pangyayari sa daigdig mula noong 1914 at pagkatapos, pasimula sa unang Digmaang Pandaigdig, ay katuparan ng mga hula tungkol sa katapusan ng sanlibutang ito.”
Tayo’y nasa ika-70 taon na ng ‘tanda para sa katapusan ng sanlibutang ito.’ Ang ebidensiya ay hindi napapawi sa paglipas ng mga taon. Bagkus pa nga, ito’y lalong tumindi at naging lalong malaganap.
Kung paanong ang mga siyudad, mga bansa at maging mga imperyo man ay nagsilipas nang matapos na ang taning na panahon sa kanila, tayo man naman ay sumapit na sa punto na lahat ng mga bansa at kaharian ay malapit nang sumapit na sabay-sabay, sa wakas ng taning na panahon para sa kanila.
Ano ang mangyayari sa lupa at sa mga taong naririto pagsapit ng wakas ng daigdig na ito?
[Mga talababa]
a Demographic Yearbook 1981, Department of International Economic and Social Affairs, United Nations, lathala sa New York, 1983.
b Para sa higit pang kaalaman tungkol sa kahalagahan ng 1914 pakisuyong tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” na lathala ng Watchtower Society.
[Kahon sa pahina 6]
Nagkaroon ng dalawang digmaang pandaigdig mula noong 1914. Natapos ang isa nito nang gumamit ng dalawang maliliit na bomba atomika. Ang mga arsenal ng bombang nuclear ngayon ay mayroong mga isang “milyong beses” na lakas upang makapuksa kaysa roon sa ibinagsak sa Hiroshima. Para maniwala ang mga tao na talagang natutupad na ang hula ni Jesus, kailangan pa bang magkaroon ng digmaang nuclear na lilipol sa sangkatauhan?
[Kahon sa pahina 6]
Sapol noong 1914 ang taunang katamtamang bilang ng iniulat na mga lindol ay dumami. May 11 beses ang kahigitan kaysa dami noong nakaraan, sa katamtaman at sa taun-taon, noong yugtong 1,000 taon bago ng petsang iyan. At maka-20 beses ang higit sa taunang promedyo para sa 2,000 taon bago ng 1914.c Kailangan pa ba ang lalong marami upang matupad ang hula?
[Talababa]
c Ang mga lindol na nakatala ay tumutugon sa kahit man lamang isa sa mga sumusunod na katangian:
Lakas 7.5 o higit pa sa Richter scale
Nasawi 100 o higit pa
Pinsala $5 milyon (U.S.) o higit pa ang ari-ariang napinsala
[Kahon/Graph sa pahina 7]
Ang Paubós Nang Saling-Lahi ng 1914
Sa Estados Unidos, Gran Britanya at Hapon, halos isang katlo ng mga taong buháy noong 1914 ang nangamatay na sa pagitan ng mga taon ng 1970 at 1980.
Sa mga taong buháy noong 1914, halos 15 porciento lamang sa buong daigdig ang buháy pa noong 1980. Gaano pa kayang panahon ang natitira pa bago ‘lumipas ang saling-lahing ito’?
[Graph]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1914
1980
15%
ANG BUHAY
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
‘Nanlulupaypay Dahil sa Takot’—Bakit?
Kung magmamasid ka sa daigdig ngayon, natutupad ba ang siniping hula?
“Magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin at sa lupa’y manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon dahilan sa hugong ng dagat at mga daluyong, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa; sapagka’t yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.”—Lucas 21:25, 26.
Dati, pagsikat ng araw kagalakan ang dala—isang masayang araw na kinasasabikan. Ngayon marami ang nahihintakutan sa maaaring mangyari sa kanila. Dati, pagsikat ng buwan at mga bituin, ang mga tao ay matiwasay na makapamamasyal na. Ngayon marami ang natatakot na maglakad sa kalye dahil sa masasamang-loob. Ang mga ibang pagbabago sa daigdig ay katuparan naman ng hula tungkol sa langit.
Ang SIPRI Yearbook 1983, na lathala ng mga mananaliksik ng Stockholm International Peace Research Institute, ay nag-uulat ng ganito:
NUCLEAR WARHEADS: Ang armas nuclear ng daigdig ay mga 50,000 warheads na ngayon. Sang-ayon kay Frank Blackaby, SIPRI director, ang sama-samang superpowers ay nagdaragdag ng isang Hiroshima bomb sa taglay ng daigdig ngayon, ito’y tuwing 20 minutos, araw at gabi, mula nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945! Tinataya ng SIPRI na aabot sa mahigit na 60,000 ang nuclear warheads ng daigdig pagpasok ng mga taon ng 1990. Kaya maraming tao ang ‘nanlulupaypay dahil sa takot.’
POSIBLE ANG GIYERA SA ITAAS: Pati kalangitan sa itaas ay sinasangkapan ng armas. Patuloy na nagpapaunlad ang mga superpowers ng mga armas laban sa satellite at ng mga lasers na nakapuwesto sa itaas. Noong Hunyo 1982, nagtagumpay ang isang superpower sa ginawang pagsubok, napapangyari niyang isang satellite ang maghanap at magwasak sa isa pang satellite na pinaimbulog sa itaas. Sapol noon ay malaki na ang naisulong ng dalawang superpowers sa gayong teknolohiya, pati na sa space shuttles na may kargamentong 30 tonelada, sa satellite launchers, at sa pagpapabagsak sa isang target sa tulong ng laser beam. Talagang ang nagaganap sa kalangitan sa itaas ay kakilakilabot.
ANG KASINDAK-SINDAK NA KARAGATAN: Dumami ang mga boke de-giyera. May mga submarinong kargado ng nuclear missiles na handang magpaulan ng kapuksaan sa mga karatig na baybaying-dagat. Walang siyudad sa ibabaw ng lupa na ligtas dito. Oo, ‘humuhugong’ ang karagatan.
Sa kabila nito, sinabihan ni Jesus ang mga alagad niya na ‘itaas ang kanilang ulo at magalak.’ Bakit?—Lucas 21:28-31.