Ang Maaari Mong Gawin
“HIRAP na hirap ako sa pagpigil ng aking mga damdamin,” paliwanag ni Mike, sa paggunita sa kamatayan ng kaniyang ama. Nagturo ito sa kaniya ng isang mahalagang leksiyon. Kaya nang mamatay ang lolo ng kaibigan ni Mike, ano kaya ang sinabi ni Mike? “Kung noon ito nangyari maaaring tinapik ko siya sa balikat at sinabi, ‘Magpakalalaki ka.’ Ngunit ngayon ay hinawakan ko siya sa balikat at sinabi, ‘Ibulalas mo kung ano ang iyong nadarama. Makatutulong ito sa iyo. Kung nais mo akong umalis, aalis ako. Kung nais mo akong manatili, mananatili ako. Ngunit huwag kang matakot na ibulalas ang iyong nadarama.’”
Hirap na hirap din si MaryAnne na pigilin ang kaniyang mga damdamin nang mamatay ang kaniyang asawa. “Alalang-alala ako tungkol sa pagiging isang mabuting halimbawa sa iba,” sabi niya, “anupa’t hindi ko hinayaan ang aking sarili sa normal na mga damdamin. Inaakala ko na iyon ang inaasahan sa akin ng iba. Subalit sa wakas ay natutuhan ko na ang pagsisikap upang maging isang haligi ng lakas para sa iba ay hindi nakatulong sa akin. Sinuri ko ang aking kalagayan at sinabi, ‘Tama na. Sobra na iyang pagkahabag mo sa sarili. Umiyak ka kung gusto mong umiyak. Huwag mong sikaping maging napakatibay. Ibulalas mo kung ano ang iyong nadarama.’”
Kapuwa si Mike at si MaryAnne ay nagmumungkahi: Hayaan mo ang iyong sarili na magdalamhati! At sumasang-ayon ang mga dalubhasa sa kalusugang pangkaisipan. Gaya ng sabi ng aklat na Death and Grief in the Family: “Ang pinakamahalagang bagay tungkol sa pagdadalamhati ay gawin ito, danasin ang pamamaraan ng paggaling.” Bakit?
“Ito’y ginhawa,” sabi ng isang sikologo sa Gumising! “Ang paglalabas ng iyong mga damdamin ay maaaring makapagpaginhawa sa kaigtingan na nadarama mo.” Sabi pa ng isang doktor: “Ang natural na pagpapahayag ng mga damdamin, kung sinasamahan ng pagkaunawa at tumpak na impormasyon, ay nagpapangyari sa isa na mailagay ang kaniyang mga damdamin sa tamang pangmalas.”
Mangyari pa, hindi lahat ay nagdadalamhati sa iisang paraan. At ang mga salik na gaya baga kung ang mahal sa buhay ay namatay na bigla o namatay pagkatapos ng matagal na karamdaman ay magkakaroon ng epekto sa emosyonal na reaksiyon ng mga naulila. Subalit isang bagay ang tiyak: Ang pagpigil ng iyong mga damdamin ay maaaring makasamâ kapuwa sa pisikal at emosyonal na paraan. Kaya huwag matakot na ilabas ang iyong dalamhati. Ngunit papaano?
Paglalabas ng Dalamhati—Papaano?
Ang pakikipag-usap ay maaaring makatulong. Gaya ng isinulat ni Shakespeare sa Macbeth: “Salitain ang mga kalungkutan; ang dalamhating hindi ibinubulalas sa puso ay pahirap at mapangwasak.” Kaya ang pakikipag-usap tungkol sa iyong mga damdamin sa “isang tunay na kaibigan” na matiyaga at may pakikiramay na makikinig ay makapagdudulot ng ginhawa. (Kawikaan 17:17) At kung ang nakikinig ay isang taong naulila na mabisang napakitunguhan ang kaniyang sariling kawalan maaaring makapulot ka ng ilang praktikal na mga mungkahi kung ano ang maaari mong gawin.
Ang pakikipagtalastasan ng iyong mga damdamin ay maaari ring tumulong upang linawin ang mga di pagkakaunawaan. Ganito ang paliwanag ni Teresea: “Narinig namin ang tungkol sa ibang mag-asawa na nagdiborsiyo pagkatapos mamatayan ng anak, at ayaw naming mangyari iyan sa amin. Kaya anumang oras na kami ay nakadarama ng galit, nais na sisihin ang isa’t-isa, ipakikipag-usap namin ito. Sa palagay ko talagang naging mas malapit kami sa isa’t-isa sa paggawa niyan.” Kaya ang pagsasabi ng iyong mga nadarama ay maaaring makatulong sa iyo upang maunawaan na ang isa ay maaaring nagdadalamhati sa kakaibang paraan.
Nasumpungan ni Cindy na ang pagsasabi ng kaniyang mga damdamin sa isang matalik na kaibigan ay nakatulong sa kaniya nang mamatay ang kaniyang ina. Sabi niya: “Ang aking kaibigan ay laging naroroon upang tumulong sa akin. Siya ay nakiiyak sa akin. Siya ay nakipag-usap sa akin. Maaari kong sabihin sa kaniya ang aking mga damdamin, at iyon ay mahalaga sa akin. Hindi ako nahihiya na umiyak.”
Binabanggit ni Cindy ang isang bagay na maaaring makatulong sa paglalabas ng dalamhati—ang pag-iyak. Sa maraming kaso ang mga luha ay basta tumutulo. Ngunit sa ibang mga kultura pinipigil ng mga tao ang mahalagang labasang ito. Bakit gayon? Ang aklat na The Sorrow and the Fury ay nagpapaliwanag: “Itinuturing ng lipunan na nakabababa ang isa na umiiyak kapag siya ay nasasaktan, nagagalit o nalulungkot. Ang mga medalya ay para sa mga istoiko o mga taong maitisin, gaanumang kirot ang nadarama nila.”
Ang mga lalaki lalo na ang nakadarama na kailangan nilang pigilin ang mga luha. Yamang, sila ay naturuan, na ang “tunay” na lalaki ay hindi umiiyak. Isang malusog na saloobin? Ang aklat na Recovering From the Loss of a Child ay sumasagot: “Ang pagluha upang ilabas ang masidhing damdamin ay katulad ng paghiwa sa isang sugat upang palabasin ang nana. Ang isang lalaki o babae ay may karapatang ibulalas ang kaniyang kalungkutan.”
At sumasang-ayon ang Bibliya. Kaya, mababasa natin kung paanong “naparoon si Abraham na tinangisan si Sara [kaniyang asawa] at iniyakan siya,” at kung paanong si David “ay tumangis at umiyak” nang mamatay si Haring Saul at si Jonathan. (Genesis 23:2; 2 Samuel 1:11, 12) At kumusta naman si Jesu-Kristo? Walang alinlangan na siya ay isang “tunay” na lalaki. Gayunman, nang mamatay ang kaniyang mahal na kaibigan na si Lazaro, si Jesus “ay nabagbag sa espiritu at nagulumihanan,” at pagkatapos siya ay “tumangis.” (Juan 11: 33, 35) Kaya nga, talaga bang hindi gawang lalaki ang umiyak?
Pakikitungo sa Pagkakasala
Gaya ng binanggit sa naunang mga artikulo, ang iba ay nakadama ng pagkakasala pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Ang kabatiran na normal na makadama nang gayon ay maaaring makatulong mismo. At, minsan pa, huwag sarilinin ang gayong mga damdamin. Ang pagsasabi ng hinggil sa pagkakasalang nadarama mo ay maaaring maglaan ng kinakailangang ginhawa.
Marahil ay inaakala mo na ang ilang pagpapabaya mo ay naging dahilan ng kamatayan ng iyong mahal sa buhay. Kung gayon, alamin mo na gaano man natin kamahal ang isang tao, hindi natin makukontrol ang kaniyang buhay. Hindi natin mahahadlangan ang “panahon at di-inaasahang pangyayari” na mangyari sa ating mga mahal sa buhay. (Eclesiastes 9:11) Isa pa, walang alinlangan na ang iyong mga motibo ay mabuti. Halimbawa, sa hindi paggawa ng pakikipagtipan sa doktor na mas maaga, tinangka mo bang magkasakit o mamatay ang iyong mahal sa buhay? Mangyari pa hindi! Kaya ikaw nga ba ang maysala sa kaniyang kamatayan?
Natutuhan ni Teresea na pakitunguhan ang pagkakasala pagkatapos mamatay ang kaniyang anak na babae sa isang aksidente sa kotse. Paliwanag niya: “Ako’y nakadama ng pagkakasala na inutusan ko siya. Ngunit natanto ko na walang katotohanan na isipin nga ang gayon. Walang masama sa pagpapasama ko sa kaniya sa kaniyang ama na gawin ang isang bagay na ipinag-utos. Ito’y isang kakila-kilabot na aksidente.”
‘Subalit napakaraming bagay na sana’y nasabi o nagawa ko,’ maaaring sabihin mo. Totoo, ngunit sino sa atin ang makapagsasabi na tayo’y naging sakdal na ama, ina, o anak? Ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin: “Sapagkat tayong lahat ay malimit na natitisod. Kung sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2; Roma 5:12) Kaya tanggapin ang katotohanan na ikaw ay hindi sakdal. Ang pagtutuon ng isip sa lahat ng uri ng “kung sana’y” ay hindi makapagpapabago ng anumang bagay, ngunit maaari nitong pabagalin ang iyong paggaling.
Kung inaakala mo na ang iyong pagkakasala ay tunay, hindi guniguni lamang, kung gayon isaalang-alang ang pinakamahalagang salik sa lahat sa pagpapabawa ng kasalanan—ang pagpapatawad ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Kung ikaw ay nag-iingat ng talaan ng aming mga kasalanan, sino ang hindi tatanggap ng hatol? Ngunit pinatawad mo kami, upang kami’y buong pagpipitagang sumunod sa iyo.” (Awit 130:3, 4, Today’s English Version) Hindi mo maaaring balikan ang nakaraan at baguhin ang anuman. Ngunit maaari kang humingi ng kapatawaran sa Diyos sa nakaraang mga pagkakamali. Pagkatapos ay ano? Bueno, kung ang Diyos ay nangangako na pawiin ang iyong mga pagkakasala, hindi ba dapat ay gayundin ang iyong gawin?—Kawikaan 28:13; 1 Juan 1:9.
Pakikitungo sa Galit
Ikaw ba’y nakadarama ng bahagyang galit, marahil sa mga doktor, mga narses, mga kaibigan, o pati na sa namatay? Alamin mo na ito man, ay isang pangkaraniwang reaksiyon sa namatayan. Bakit? Ganito ang paliwanag ng isang sikologo: “Ang masaktan at magalit ay magkasama. Halimbawa, kapag sinaktan ng isa ang iyong damdamin, malamang na ikaw ay magalit. Ang galit ay isang protektibo, depensibong damdamin.”
Kaya’t tanungin ang sarili: ‘Bakit ako nagagalit?’ Kung wala kang makuhang kasiya-siyang sagot, kung gayon marahil ang iyong galit ay dala nang nasaktan ang iyong damdamin. Ang pagkakilala nito ay maaaring makatulong. Gaya ng ipinaliliwanag ng aklat na The Sorrow and the Fury: “Tanging sa kabatiran lamang ng galit—hindi ang reaksiyon dito kundi ang pagkaalam na nadarama mo ito—saka ka lamang makakalaya sa mapangwasak na epekto nito.”
Makatutulong din na ipahayag ang galit. Papaano? Tiyak na hindi sa pamamagitan ng walang kontrol na mga silakbo ng damdamin. Ang Bibliya ay nagbababala na ang pinatagal na galit ay maaaring maging mapanganib. (Kawikaan 14:29, 30) Ngunit ang iba ay ibinubulalas ang kanilang galit sa pagsulat. Iniulat ng isang biyuda na isinulat niya ang kaniyang mga nadarama at pagkatapos ng ilang mga araw binasa niyang muli ang kaniyang isinulat. Nasumpungan niya na ito ay nakatulong. Nasumpungan naman ng iba na ang masiglang pag-eehersisyo kapag sila ay nagagalit ay nakatutulong. At maaaring makasumpong ka ng kaaliwan sa pagsasabi tungkol dito sa isang maunawaing kaibigan.
Samantalang mahalaga na maging prangka at tapat tungkol sa iyong mga damdamin, kailangang maging maingat. Ang aklat na The Ultimate Loss ay nagpapaliwanag: “Dapat ay may kaibahan sa pagitan ng pagpapahayag [ng galit o kabiguan], sa isa’t-isa, at ang pagsisi sa isa’t-isa. . . . Dapat nating ipaalam sa isa’t-isa na samantalang tayo ay kumikilos dahilan sa ating mga damdamin, hindi natin sinisisi ang isa’t-isa dahilan dito.” Kaya maging maingat sa pagsasabi ng inyong mga damdamin sa paraang hindi nagbabanta.—Kawikaan 18:21.
Bukod pa sa mga mungkahing ito, may isa pang tulong upang mabata ang pagdadalamhati. ‘Ano iyon?’ maitatanong mo.a
Tulong Mula sa Diyos
Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa kanila na may bagbag na puso; at inililigtas ang mga namimighati.” (Awit 34:18) Oo, higit sa anumang bagay, ang kaugnayan sa Diyos ay makatutulong sa iyo na makayanan ang kamatayan ng mahal mo sa buhay. Papaano?
Una, makatutulong ito sa iyo na pakitunguhan ang iyong pagdadalamhati ngayon. Marami sa praktikal na mga mungkahi na nabanggit ay salig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang pagkakapit ng gayong mga simulain ay makatutulong sa iyo.
Karagdagan pa, huwag maliitin ang kahalagahan ng panalangin. Ang Bibliya ay humihimok sa atin: “Ilagak mo kay Jehova ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Gaya nang nabanggit na, kung ang pagsasabi ng iyong mga damdamin sa isang nakikiramay na kaibigan ay makatutulong, gaano pa ngang higit na tutulungan ka ng “Diyos ng buong kaaliwan” kung bubuksan mo sa kaniya ang iyong puso.—2 Corinto 1:3, 4.
Hindi ibig sabihin na ang mga pakinabang ng panalangin ay sa isipan o sikolohikal lamang. Ang “Dumirinig ng panalangin” ay nangangako na bibigyan niya ng banal na espiritu ang kaniyang mga lingkod na taimtim na humihingi nito. (Awit 65:2; Lucas 11:13) At ang banal na espiritung iyon, o aktibong puwersa, ay maaaring sangkapan ka ng “kapangyarihan na higit kaysa pangkaraniwan” upang ikaw ay makaraos sa araw-araw. (2 Corinto 4:7) Tandaan: Matutulungan ng Diyos ang isang tapat na lingkod na matiis ang anumang problema na makaharap niya.—Ihambing ang 1 Corinto 10:13.
Ang ikalawang paraan na ang kaugnayan sa Diyos ay tumutulong sa atin upang makayanan ang pagdadalamhati ay na ito ay nagbibigay ng pag-asa. Isaalang-alang: Ano ang madarama mo kung alam mo na posibleng makasamang muli ang iyong mahal sa buhay na namatay sa malapit na hinaharap dito mismo sa lupa sa ilalim ng matuwid na mga kalagayan? Isang nakatutuwang pag-asa nga! Ngunit ito ba ay makatotohanan? Si Jesus ay nangako: “Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:13; 21:3, 4.
Talaga bang mapaniniwalaan natin ang gayong pangako? Bueno, yamang ang Diyos na Jehova ang lumikha ng buhay sa pasimula, hindi ba niya kaya na ibalik muli ang buhay ng isa na dati nang nabuhay? Isa pa, yamang “ang Diyos, na hindi maaaring magsinungaling,” ay nangako na gagawin ang gayon, hindi ba siya mapagkakatiwalaan na isasagawa ang kaniyang sinabi?—Tito 1:2; Isaias 55:10, 11.
Matatag na naniniwala si Mike na magkakagayon nga. Taglay ang matibay na pananampalataya sa pag-asang iyon ng pagkabuhay-muli, sabi niya: “Kailangan kong pag-isipan kung ano ang dapat kong gawin ngayon, upang sa pagbabalik ng aking itay sa pagkabuhay-muli, naroon ako upang salubungin siya.”
Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tulungan ka na makaalam nang higit tungkol sa nakapupukaw-damdamin na pag-asang ito. Ang gayong pag-asa ay gumagawa ng kaibhan. Hindi, hindi nito inaalis ang kirot, ngunit magagawa nitong mas madaling batahin. Hindi iyan nangangahulugan na hindi ka na iiyak o makakalimutan mo ang iyong mahal sa buhay. Ngunit ikaw ay makakabawi. At habang ikaw ay nakakabawi, ang naranasan mo ay maaaring gumawa sa iyo na higit na maunawain at nakikiramay sa pagtulong sa iba na makayanan ang gayunding kawalan.
[Talababa]
a Dapat pansinin na sa ibang mga kalagayan maaaring kailanganin ang propesyonal na tulong, lalo na kung ang naulila ay may kasaysayan ng mga suliranin sa pangkaisipang kalusugan o may mga sintomas ng pagpapatiwakal. Para sa mga tuntunin, pakisuyong tingnan ang Awake! ng Oktubre 22, 1981, mga pahina 24 at 25.
[Kahon sa pahina 12]
Ilang Praktikal na mga Mungkahi
Magtiwala sa mga kaibigan: Kung ang iba ay nag-aalok ng tulong, hayaang gawin nila iyon. Unawain na maaaring ito ang kanilang paraan ng pagpapakita sa iyo kung ano ang kanilang nadarama; marahil hindi nila alam kung paano sasabihin ito.
Ingatan ang iyong kalusugan: Ang iyong katawan ay nangangailangan ng sapat na pahinga, nakapagpapalusog na ehersisyo, at wastong pagkain gaya ng dati. Kung napapabayaan mo ang iyong kalusugan, baka kailangang magpatingin ka sa inyong doktor ng pamilya.
Ipagpaliban ang mahalagang mga disisyon: Kung maaari, bakit hindi maghintay hanggang sa ikaw ay nakapag-iisip nang mas malinaw bago ka magpasiya kung ipagbibili mo ang iyong bahay o kung magbabago ka ng iyong trabaho?—Kawikaan 21:5.
Isaalang-alang ang iba: Sikaping maging mapagpaumanhin. Alamin na ito’y asiwa para sa kanila. Hindi nalalaman kung ano ang sasabihin, maaaring masabi nila ang hindi tamang bagay.
Huwag maging lubhang balisa: Maaaring masumpungan mo ang iyong sarili na nag-aalala, ‘Ano na lang ang mangyayari sa akin ngayon?’ Ang Bibliya ay nagpapayo na mamuhay sa araw-araw. “Ang pamumuhay sa araw-araw ay talagang nakatulong sa akin,” paliwanag ng isang biyuda.—Mateo 6:25-34.