Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
‘Hindi Ba Maaaring Maging Magkaibigan na Lang Tayo?’
“WALA naman kaming kaugnayan sa isa’t isa.” sabi ni Marie.a “Nag-uusap lamang kami. Ano na lang ang mangyayari sa daigdig kung ang lahat ay paghihinalaan mo? Mabuti pang magkulong ka na lang sa bahay!” Ang medyo mariing sinabi ni Marie ay binigkas niya pagkaraang may nagbabala sa kaniya tungkol sa mga panganib ng pagpapalipas niya ng panahon sa isang kotse na silang dalawa lamang ng isang lalaki na kasing-edad niya. Maliwanag, hindi niya pinahalagahan ang babala. Inaakala niya: ‘Ano naman ang masama sa pagiging magkaibigan lamang?’
Si Michel naman ay may mas maliwanag na pangmalas, lalo na dahil sa kaniyang karanasan sa kaniyang magandang kapitbahay na si Louise. Ganito ang paliwanag ng binata: “Nagkaroon kami ng napakalapit na relasyon subalit wala sa aming isip ang tungkol sa pag-aasawa. Gayunman, lubha akong naguguluhan—hindi ko maalis sa aking isip si Louise. Hindi ko mapigil ang aking mga damdamin! Kaya’t isang gabi sinabi ko ang aking problema sa isang kaibigan na nagpatuloy sa akin nang gabing iyon.” Naalis mula sa ‘mapanganib na dako,’ si Michel ay nakapag-isip-isip nang mas malinaw tungkol sa kung saan humahantong ang kaniyang pakikipagkaibigan.
Gaya ito ng sinabi ni Dr. Marion Hilliard mga ilang taon na ang nakalipas sa The Ladies’ Home Journal: “Ang isang maginhawang pakikisama na naglalakbay ng mga sampung milya isang oras ay maaaring biglang mauwi sa isang nakabubulag na silakbo ng damdamin na tumatakbo ng isang daang milya isang oras.”
Emosyonal na mga Pinsala
Hinihimok ng Bibliya ang mga kabataang lalaki na pakitunguhan “ang mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:2) Matagumpay na ikinapit ng marami ang simulaing ito at bunga nito ay nagtatamasa ng malinis, kaaya-ayang pakikipagkaibigan sa mga hindi kasekso. Maingat nilang pinananatili ang kanilang mga kaugnayan sa loob ng makatuwiran mga hangganan. Subalit ano ang nangyayari kapag ang gayong pakikipagkaibigan ay hindi masupil? Isang naunang artikulo ay nagbabala tungkol sa moral na mga kahihinatnan na maaaring ibunga.b Nakatutuwa, hindi ipinahihintulot ng karamihan sa mga kabataang Kristiyano na humangga roon ang mga bagay-bagay. Gayunman, maaaring magkaroon ng emosyonal na mga pinsala.
Natutuhan ito ng disiseis-anyos na si Mike nang magkaroon siya ng kaugnayan sa isang 14-anyos na babae: “Sa simula, nais lang naming maging magkaibigan. Subalit gaya ng natuklasan ko, ang dalawang tao ay hindi maaaring manatiling magkaibigan lamang kung patuloy silang nagkikita na silang dalawa lamang. Ang aming kaugnayan ay patuloy na umuunlad. Hindi nagtagal nagkaroon kami ng pantanging damdamin para sa isa’t isa, at gayon pa rin ang nadarama namin sa isa’t isa.” Yamang wala pa sa kalagayang mag-asawa ang sinuman sa kanila, ang mga damdaming iyon ay isang pinagmumulan ng labis na kabiguan. Hindi kataka-taka na si Mike ay nagtatanong: “Dapat ko bang putulin ito?”
‘Ngunit hindi naman ganiyan ang nadarama ko sa aking kaibigan,’ maaaring sabihin ng isa. ‘Hindi ako naaakit sa kaniya at hinding-hindi ako iibig sa kaniya.’ Marahil. Gayunman, ang kawikaan ay nagbababala: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang.” (Kawikaan 28:26) Ang ating puso ay maaaring maging mapandaya, mapanlinlang, binubulag tayo sa ating tunay na mga motibo.
Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias, ang Diyos ay nagbababala sa atin tungkol dito: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito? Ako, si Jehova, ang sumasaliksik ng puso, sumisiyasat sa mga bato, upang ibigay sa bawat tao ang ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga gawain.”—Jeremias 17:9, 10.
Halimbawa, isang kabataang babaing Kristiyano ang naging lubhang palakaibigan sa isang kabataang lalaki sa paaralan. Ikinatuwiran niya na hindi naman ito masama sapagkat ibabahagi niya ang mga kaisipan mula sa Bibliya sa kaniya. Subalit di nagtagal naging malinaw na ang lalaki ay interesado higit pa sa pakikipag-usap lamang tungkol sa Bibliya. “Bagaman hindi ko kasalanan,” sabi ng babae, “siya ay higit at higit na napalapit sa akin.” Gayunman, kung siya ang tatanungin, hindi gayon ang kaniyang nararamdaman.
Gayunman, kapansin-pansin na inamin ng babae: “Iginigiit ng aking nanay na nahuhulog ang loob ko sa lalaking iyon.” Malakas talaga ang pakiramdam ng mga ina. At walang alinlangan na nakikita ng inang ito na dinadaya ng kaniyang anak na babae ang kaniyang sarili. Tutal, makatuwiran bang isipin na matatag na pananatilihin ng isang babae ang kaugnayan kung siya ay hindi emosyonal na nasasangkot? At ipagpalagay nang talagang interesado siyang tulungan ang kaniyang kaibigan, masasabi ba niya na ang matinding damdamin ng lalaki para sa kaniya ay ‘hindi niya kasalanan’? Ang aklat na The Family, Society, and the Individual ay nagsasabi “na ang lalaki ang mas madaling maakit.” Kahit na ang walang malay na pagpapakitang-giliw ay maaaring madaling pumukaw sa isang lalaki—sa emosyonal at seksuwal na paraan.
Gayunding bagay ang nangyayari kapag ang isang binata ay nagbibigay ng pansin sa isang dalaga. Ang mga babae ay maaaring mas mabagal na tumugon kaysa mga lalaki sa pansin na ibinibigay ng hindi kasekso, subalit kapag sila sa wakas ay tumugon, ang damdamin na napupukaw ay kadalasan nang mas matindi. Kaya, ang sinuman na nagpapahintulot ng pakikipagkaibigan sa isang hindi kasekso na maging napakalapit ay dinadaya ang kaniyang sarili. Sapagkat bagaman maaaring hindi mapukaw ang damdamin ng isang tao, baka mapukaw ang damdamin ng isa pang tao.
Ang pagsasabi na, ‘Maging magkaibigan na lang tayo’ ay maaari at kadalasang pinahahaba ang matinding paghihirap ng pagmamahal na hindi sinusuklian ng pagmamahal. Gaya ng ipinaliliwanag ng publikasyong Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito: “Karaniwan na, ang lalaki ang siyang nagpapasimula sa pagliligawan, sa pamamagitan ng pagpapakita ng interes sa babae. Kung taimtim at seryoso ang lalaki maaaring maniwala ang babae na ito ay nagbabalak nang mag-asawa.”c Samakatuwid ang patuloy na pakikisama ay maaaring akalain na nangangahulugan ng pagliligawan, at ng inaasahang pag-aasawa.
Totoo, ang pagsasabi sa isang sumisintang kaibigan na ang kaniyang damdamin ay hindi tinutugon ng gayunding damdamin ay maaaring maging isang matinding emosyonal na dagok. Subalit ang pagpapatuloy ng kaugnayan ay nag-aantala lamang sa araw ng pagtutuos. Sabi ng Bibliya: “Kung paanong ang taong hangal ay naghahagis ng mga dupong na apoy, mga pana at kamatayan, gayon ang tao na dumadaya sa kaniyang kapuwa at nagsasabi: ‘Hindi ba ako nagkakaroon ng katuwaan?’” (Kawikaan 26:18, 19) Ang orihinal na salitang Hebreo na isinaling “pandaraya” ay maaari ring mangahulugan na “linlangin, iligaw.” Kung ang pakikipagkaibigan ay isang paraan lamang ng paglilibang o katuwaan na walang anumang pangako o pananagutan, hindi ba ito nakaliligaw? Kapag ang isa ay labis-labis na pinag-uukulan ng pansin ang isang hindi kasekso na wala namang balak na mag-asawa, hindi ba ito mapanlinlang? Oo, maaaring walang masamang motibo na nasasangkot. Subalit hindi ba ipinakikita nito ang kasakiman at kawalan ng malasakit sa damdamin ng ibang tao? Ang pagsisikap na iwasan ang isyu sa pagsasabing, ‘Subalit magkaibigan lang tayo’ o, ‘Hindi ako nangako ng anuman,’ ay malamang na hindi mabuti sa isa na tinanggihan.
Pag-iwas sa mga Problema
Ang Kawikaan 2:7 ay nagpapayo sa mga kabataan na “pakaingatan ang praktikal na karunungan.” Samakatuwid iiwasan ng matalinong mga kabataan na hayaang ang pakikipagkaibigan sa hindi kasekso ay maging napakalapit—hanggang sa sila ay handa na sa pag-aasawa. Ang mga gawaing panggrupo ay maaaring maging isang kaaya-ayang paraan upang iwasan ang problema ng pagsinta. Gayumpaman, bakit tatakdaan mo ang iyong sarili sa isang maliit na grupo ng mga kaibigan? Tutal, ang pagsinta ay maaaring mangyari kahit na sa isang grupo. Ang isa pang pananggalang ay isama ang isa o dalawang nakatatandang tao sa mga gawaing panggrupo.
Gayunman, kumusta naman kung sa kabila ng mga pananggalang, waring nahuhulog ang loob ng isa sa iyo ngunit hindi mo naman gusto? Hangga’t maaga linawin mo ang mga bagay upang alam ninyo kapuwa kung saan kayo nakatayo. “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa,” payo ng Bibliya. (Efeso 4:25) Kung ang hayagang pagsasabi ng iyong mga damdamin ay hindi pa rin pumuputol sa mga bagay-bagay, baka makabubuting layuan mo ang taong ito. Huwag mangatuwiran: ‘Bueno, malinaw na ngayon ang mga bagay, kaya maaaring hindi na namin banggitin ang bagay na ito. Subalit wala namang hahadlang sa amin sa pananatiling mabuting magkaibigan.’ Ang romantikong mga apoy ay kadalasang patuloy na nagbabaga, inaasahan na ang isa ay magbabago ng kaniyang isip.
Ang pagsunod sa mga mungkahing ito ay maaaring hindi madali. Subalit tandaan: Ipinag-utos ng Maylikha na ang lubhang matalik na kaugnayan sa hindi kasekso ay para lamang sa mag-asawa. “At nagpatuloy ang Diyos na Jehova na sinabi: ‘Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa. Ako’y gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.’ Kaya’t iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” Sinipi ni Jesus ang mga salitang iyon at idiniin ang kaselanan ng pag-aasawa: “Kung gayon, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”—Genesis 2:18, 24; Mateo 19:5, 6.
Samakatuwid, ingatan ang pakikipagkaibigan sa hindi kasekso sa makatuwirang hangganan nang maiwasan ang labis na kirot at sama ng loob.
[Mga talababa]
a Ang ibang mga pangalan ay pinalitan.
b Pakisuyong tingnan ang artikulong “Anong Masama sa Pagiging ‘Magkaibigan Lamang’?” na nasa Nobyembre 22, 1985, na labas ng Gumising!
c Inilathala noong 1976 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 19]
Ang pagkaalam na ikaw lamang ang nagkakagusto at hindi siya ay maaaring maging isang matinding emosyonal na dagok
[Larawan sa pahina 18]
Ang dalawang tao ay hindi maaaring manatiling magkaibigan lamang kung patuloy silang nagkikita na silang dalawa lamang