Salita ng Diyos—Ang Pinakamagaling na Depensa!
KUNG may magtangkang magnakaw sa iyo, ano ang gagawin mo? Agad mo bang iaabot ang iyong mga ari-arian o manlalaban ka ba sa pagsisikap na ingatan kung ano ang sa iyo? Sa marahas na daigdig sa ngayon, maraming tao ang naniniwala na ang isa ay binibigyan-matuwid na gumamit ng lakas upang pangalagaan ang kaniyang pag-aari. Ang pagmamay-ari ng isang baril o pagsasanay sa ilang anyo ng martial arts ay ipinalalagay na isang pananggalang laban sa pagsalakay. Subalit ang mga ito ba ay talagang nagbubunga ng pinakamabuting resulta? Kadalasan, ang mga taong gumamit ng mga sandata ay pinagsisihan ito pagkatapos. Gayunman, sa kabaligtaran ay ganito ang sabi ng pantas na si Haring Solomon: “Huwag mong sabihin: ‘Ako’y gaganti ng kasamaan!’ Magtiwala ka kay Jehova, at kaniyang ililigtas ka.”—Kawikaan 20:22.
Kamakailan, isang membro ng pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ay nagtungo sa tahanan ng ilang kaibigan sa Brooklyn. “Pagdating ko sa harap ng gusali, sinalakay ako ng isang lalaki na nakasuot ng army jacket na may dalang patalim, at ang sabi: ‘Nais ko ang pera mo! Ibigay mo sa akin ang lahat ng pera mo!’
“Nakikita na ako ay hindi nataranta sa kaniyang pagsalakay, sabi niya: ‘Pumasok ka sa gusali! Ayaw kong may makakarinig na sinuman! Pumasok ka!’ Nang nasa loob na, hiningi niya ang aking pitaka. Halagang $2.00 lamang ang nakita niya. Habang naghahanap pa siya ng ibang laman nito, ipinaliwanag ko sa kaniya na isa ako sa mga Saksi ni Jehova.
“Nagkukunwang hindi nakikinig, iginiit niya ang higit pang salapi. Pagkatapos, ginagamit ang kaniyang malayang kamay ay tiningnan niya ang laman ng mga bulsa ng aking pantalon samantalang ang isang kamay ay nakahawak sa patalim, nakita niya ang 20-dolyar na itinago ko. Inaasahang makakakita ng higit pa, siya ay nagpatuloy sa kaniyang paghahanap, inihahagis sa sahig ang anumang masumpungan niya sa aking mga bulsa. ‘Saan mo ginagamit ang pera?’ tanong ko. ‘Sa droga?’ ‘Oo,’ sabi niya. Saka ako nagpaliwanag: ‘Alam mo ba na kung hindi ako isa sa mga Saksi ni Jehova, malamang na patay ka na ngayon? Ako ay sinanay sa karate. Hindi lamang minsan na naging walang ingat ka sa paghawak mo ng patalim na iyan.’
“Nang banggitin ko ang Bibliya upang linawin ang aking katayuan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, dumukot siya sa kaniyang bulsa sa harapan at kinuha ang isang maliit na aklat at ang sabi, ‘Tingnan mo, mayroon akong Bibliya!’ Ito ay isang maliit na Bibliya.
“‘Mahusay na tulong iyan para sa iyo,’ sabi ko. ‘Hindi mo nga ikinakapit ang sinasabi riyan.’ Kinuha ko ang kaniyang Bibliya at binasa ko sa kaniya ang Mateo 6:33 at Juan 17:3 at idiniin ko ang kahalagahan hindi lamang ng pagkuha ng kaalaman sa Bibliya kundi ang pagkakapit din nito sa kaniyang buhay.
“Ipinagtapat niya na dalawang buwan pa lamang siyang nakalalaya mula sa bilangguan. Wala siyang trabaho at nangangailangan ng salapi, kaya siya ay nagnanakaw. Binabasa ang 1 Corinto 6:9, 10, ipinakita ko sa kaniya na ang mga magnanakaw ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Sabi ko pa: ‘Balang araw malamang na may makatagpo ka na isang mangmang at makipaglaban dahil sa kaniyang salapi, at maaaring mapatay mo siya, o ikaw ang mapatay niya, o ikaw ay maaaring madakip at magwakas na muli sa bilangguan!’ ‘Huwag mong sabihin iyan!’ takot na takot na sabi niya. Ipinaalaala ko sa kaniya na ‘yaong nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay.’—Mateo 26:52.
“Maliwanag na naudyukan ng Kasulatan, siya ay humingi ng tawad. Nahihiya, napansin niya ang mga inihagis niya sa sahig nang inaalisan niya ng laman ang aking mga bulsa. Nangingimi, dinampot niyang lahat at ibinigay ito sa akin, subalit kinuha niya ang pera. Patungo sa pintuan, tinanong niya kung ipagdarasal ko siya. Ipinaliwanag ko, ‘Ang ginawa mo sa akin ay mali, subalit higit sa lahat, ikaw ay nagkasala laban kay Jehova. Iyan ay nasa pagitan mo at ni Jehova.’
“Nang papaalis na, hiniling niya kung puede ko ba siyang gawan ng pabor. Iniuunat ang kaniyang kamay na may tangang patalim, sabi niya, ‘Puede bang itapon mo ito para sa akin? Hindi na ako magnanakaw sa mga tao.’ Kinuha ko ang patalim at pinalitan ito ng isang magasing Awake!”—Gaya ng iniulat ni Ricky Hanagami.