Ano Ba ang Kanser? Ano ang mga Sanhi Nito?
MARAHIL nararapat lamang, sa lumipas na mga taon ang salitang “kanser” ay nagkaroon ng matinding negatibong pahiwatig. Ang mga katagang gaya ng “kumakalat na parang isang nakamamatay, traidor na kanser” ay nagtaboy sa maraming tao na isara ang kanilang isipan sa salita at sa tunay na kahulugan nito.
Gayunman, sa ngayon, kapag pinag-uusapan sa isang makatuwirang paraan, ang paksa ay hindi gaanong nakatatakot. Sa halip na laging “nakamamatay,” ito kadalasan ay nagiging “may lunas.” Sa halip na laging “kumakalat,” ito ay kadalasang nasasawata samantalang maliit pa. Kaya, ano nga ba ang kanser? At ano ang mga sanhi nito?
Ang Britanong mga dalubhasang sina Sir Richard Doll at Richard Peto ay nagpapaliwanag: “Ang sarisaring kanser ng tao ay mga sakit kung saan ang isa sa maraming mga selula na bumubuo sa katawan ng tao ay nababago sa isang paraan na ito ay di-angkop na paulit-ulit na nagpaparami sa ganang sarili, gumagawa ng angaw-angaw na magkakatulad na mga selulang nagpaparami-sa-sarili, ang ilan ay maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan at sa wakas ay gapiin ito.”—The Causes of Cancer.
Ang malaking katanungan ngayon ay bakit? Bakit ang ibang mga selula ay lumalabas sa normal na molde at di-normal na nagpaparami?
Mahalaga ba ang Iyong Istilo ng Pamumuhay?
Sa kasalukuyang yugto ng pananaliksik sa kanser, ang mga doktor ay wala pang kompletong kasagutan sa nagpapahirap na kanser. Ang bagay na ito ay dumarami ay pinatutunayan nina Dr. John C. Bailar III at Dr. Elaine M. Smith na nagsabi kamakailan sa The New England Journal of Medicine: “Mula noong 1973 hanggang 1981 ang bilis ng paglitaw ng lahat ng mga bukol [kanser] na pinagsama ay dumami ng 13.0 porsiyento. . . . Walang dahilan na mag-isip na, sa kabuuan, ang kanser ay nagiging hindi gaanong pangkaraniwan.”
Sa malaking bahagi, ang mga dalubhasa sa kanser ay para bang naiipit sa pagitan ng pangangailangan na humanap ng isang sapat na paggamot para sa grabeng mga tumor o bukol at ng pangangailangan na himukin ang pag-iingat sa pamamagitan ng pagtunton sa tunay na mga sanhi. Ang paghahanap sa mga sanhi ay umakay sa isang masalimuot na nagkakaibang mga teoriya—ito ba’y dahilan sa mga virus, genes, mga pagtugon ng imyunidad ng katawan, mga kemikal, kapaligiran, mga lason sa katawan, ang mga kombinasyon nito, o iba pang bagay? At sa anong paraan na ang isang selula ay nagiging grabe o malala at pagkatapos ay lumilipat?
Isang dalubhasa sa kanser, si Propesor Stephan Tanneberger, ay nagsabi: “Isa na ngayong napatunayang bagay na ito ay isang pamamaraan na kinasasangkutan ng ilang mga yugto kung saan ang isang normal na selula na may tiyak na genetikong kayarian ay nagiging isang selulang tumor sa ilalim ng impluwensiya ng ilang mga salik. Alam natin na ang mga virus, radyasyon at kemikal na mga sustansiya ang bumubuo ng mga salik na iyon, subalit ligtas sabihin na tanging ang impluwensiya ng ilan sa mga salik na iyon ang gumagawa ng isang kanser na selula sa isang maraming-yugtong pamamaraan.”—Prisma.
Ano ang kahulugan nito sa atin sa pang-araw-araw na buhay? Sang-ayon kay Dr. Charles A. LeMaistre, pangulo ng American Cancer Society, ang ating pang-araw-araw na mga kaugalian sa pamumuhay ay may kaugnayan sa mga sanhi ng kanser. Sabi niya: “Karamihan ng mga siyentipiko ay naniniwala ngayon na ang ating pang-araw-araw na mga kaugalian—kung ano ang ating kinakain at iniinom, kung tayo baga ay naninigarilyo at kung gaano kadalas nating ibinibilad ang ating mga sarili sa araw ay tumitiyak sa malaking bahagi ng ating panganib na magkaroon ng maraming kanser.”—Magasing Ebony.
Ang opinyong ito ay pinatutunayan ng pananaliksik ng mga dalubhasa sa University of Oxford na sina Doll at Peto. Sabi nila: “Mga obserbasyon tungkol sa pabagu-bagong paggawi ng tao ay maaaring magpahiwatig ng mga ideya na malamang ay hindi maisip ng isang nagsisiyasat sa laboratoryo. Sa makasaysayang paraan, sa malaking bahagi sila ay naglaan ng pagsisimulang punto ng lahat ng pananaliksik sa kanser sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga panganib na nauugnay sa pagkalantad sa nasusunog na mga produkto ng karbón, sikat ng araw, X-rays, asbestos, at maraming tagapagdalang mga kemikal. Itinawag-pansin nila ang mga panganib na nauugnay sa pagnganga ng bunga, maskada, at apog at sa paninigarilyo.”
Yamang ang mga istilo ng pamumuhay at mga kapaligiran ay nagkakaiba sa bansa at bansa, nangangahulugan ito na may tendensiya sa ilang bansa na magkaroon ng mas marami ng ilang uri ng kanser at mas kaunti ng iba. Halimbawa, ang Inglatera, kung saan ang paggamit ng tabako ay naging malaganap sa loob ng mga ilang dekada, ay nangunguna sa kanser sa bagà. Ang Nigeria, na hindi pa nakakapantay sa paggamit ng tabako, ay mayroong mas mababang insidente ng karamdamang iyan sa kasalukuyan. Ang Connecticut, E.U.A., ay nangunguna sa kanser sa bituka (colon) at pantog, samantalang ang Nigeria ang may pinakamababang antas.
Ang isa pang halimbawa sa kung paanong ang istilo ng pamumuhay ay maaaring makatulong sa pagkakaroon ng kanser ay ang Kaposi’s sarcoma, isang di-pangkaraniwang kanser. Ang mga homoseksuwal ay nagkasakit nito sa nakalipas na ilang taon bilang resulta ng AIDS, na nagpapahina sa sistema ng imyunidad ng pasyente at nagpapangyari sa kaniya na madaling tablan ng mga impeksiyon at ng sarcoma na ito.
Isa pang posibleng salik na nagdadala ng kanser ay ipinakikila ni Dr. Kenneth R. Pelletier ng University of California School of Medicine: “Ipinakita ng maraming eksperimental na mga pag-aaral sa mga hayop at mga tao na ang kaigtingan, sikolohikal na panlulumo, at iba pang psychosocial na mga salik ay inilalagay sa kompromiso ang kakayahan ng organismo na hadlangan ang pagpasok ng sakit na gaya ng kanser o takdaan ang pagkalat nito.”—Holistic Medicine.
Ganito rin ang paniniwala ng iba pang mga doktor na ang labis na kaigtingan ay maaaring makaapekto sa sistema ng imyunidad at sa gayo’y ilagay ang isang tao na madaling tablan ng kanser at ng iba pang sakit. Ngayon siyasatin nating mas mabuti ang ilan sa mas kilalang sanhi ng kanser.
Tabako—Isang Nakamamatay na Kaaway
Sa nakalipas na mga dekada ang tabako ay iniugnay sa kanser. Samakatuwid hindi nakapagtataka na mabasa ang sumusunod na mga pahatid balita: “Ang World Health Organization, sinisipi ang isang report na halos isang milyong kamatayan taun-taon ang nauugnay sa paggamit ng tabako, ay naglabas ng isang matinding paghatol sa paninigarilyo at paggamit ng tabako.” Ang ulat na iyan, inilathala sa The New York Times, ay patuloy na nagsabi na “ang paninigarilyo ang may pananagutan sa 90 porsiyento ng lahat ng mga kaso ng kanser sa bagà, 75 porsiyento ng lahat ng kaso ng talamak na brongkitis at emphysema at 25 porsiyento ng sakit sa puso gayundin ng iba pang uri ng kanser, komplikasyon sa pagdadalang-tao at mga sakit sa palahingahan.”
Ang tabako ay gumaganap ng gayong kalaking bahagi sa kanser anupa’t si Dr. Byron J. Bailey, ng University of Texas Medical Branch, ay naniniwala na ang pagkasugapa sa tabako ay dapat na tawaging tabakoismo, at ang resulta nito, kanser. Siya ay sumulat sa JAMA (Journal of the American Medical Association): “Dapat nating matalos na ang tabakoismo ang pinakanakamamatay na pagkasugapa sa droga sa Estados Unidos [sa daigdig!] sa ngayon at na ito ay pinagbabayaran ng mas maraming buhay at dolyar kaysa cocaine, heroin, ang acquired immuno-deficiency syndrome o AIDS, mga aksidente sa trapiko, pagpatay, at mga pagsalakay ng terorista na pinagsama-sama.”
Subalit kumusta naman ang paggamit ng tinatawag na “walang dingas ng tabako,” ang pagsinghot at pagnguya ng tabako, na ngayo’y popular sa angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig? Ang The New England Journal of Medicine ay nag-uulat na “sa India, sa mga bahagi ng Sentral Asia, at Timog-silangang Asia, ang kanser sa bibig ay mas malaganap kaysa sa Estados Unidos. Sa katunayan, ito ang pinakakaraniwang kanser sa dakong iyon.” Ang report ay nagpapatuloy: “Ang walang dingas na tabako na nangunguya, na mag-isa o kasama ng mga sangkap na gaya ng bunga at ikmo at apog, ay ipinakita na lubhang nagparami sa panganib ng kanser sa bibig.”
Tabako at Alkohol—Mayroon bang Kaugnayan?
Ano naman ang masasabi tungkol sa pinagsamang paninigarilyo at pag-inom? Sinasabi nina Dr. Doll at Dr. Peto na ang alkohol ay talagang “‘nakakaapekto’ sa paninigarilyo, bawat isa ay pinatitindi ang mga epekto ng isa’t isa. Na ang alkohol ay nasasangkot sa pagkakaroon ng kanser ay pinaghinalaan na sa loob ng 60 mga taon, yamang nakita na ang mga kanser sa bibig, lalamunan, gulung-gulungan, at lalaugan ay mas karaniwan sa mga lalaking pumapasok sa mga trabaho na humihikayat ng malakas na pag-inom ng inuming may alkohol.”
Ang konklusyong ito ay sinasabing totoo ng Alemang dalubhasa sa kanser na si Propesor Tanneberger, na nagsabi: “Ang paninigarilyo at labis-labis na pag-inom ay isang pangunahing salik sa panganib. . . . Hindi natin maiiwasan ang katotohanan na may kaugnayang umiiral sa pagitan ng paraan ng pamumuhay ng isang tao at ng pagkakaroon ng kanser.”
“Hindi Kahina-hinalang” Salarin
Inilalantad ng angaw-angaw na mga tao taun-taon ang kanilang sarili sa isang ala-suwerteng salarin na wari bang kasiya-siya at hindi kahina-hinala—ang mga sinag ng araw. Gayunman ang labis-labis na pagbibilad sa araw, lalo na kung ito ay humahantong sa matinding pagkasunog ng balát ng mga nasa kasibulang gulang, ay maaaring pagmulan ng melanoma, isang maitim at animo’y balat na kanser sa balát. Gaya ng paliwanag ng isang medikal na ulat: “Ang mga kalagayan na nagpapasidhi sa panganib ay maaaring yaong kinasasangkutan ng biglaang pagkalantad sa sikat ng araw ng balát na hindi nasisikatan ng araw.”—The Causes of Cancer.
Ang sanhing ito ay hindi dapat waling-bahala, yamang, sa Estados Unidos lamang, 23,000 bagong mga kaso at 5,600 mga kamatayan ang inaasahan sa taóng ito. Mas madaling maapektuhan yaong mga taong mapuputi, asul ang mata, blond o pula ang buhok, at may pekas.
Ang labis na pagkalantad sa mga X-ray sa medikal na mga pagsusuri ay maaaring isa pang “di-kahina-hinalang” sanhi ng kanser. Halimbawa, ang “mabilis na pagdami ng kanser . . . ay mas marami sa kanser sa thyroid kaysa anumang ibang uri ng tumor at maaaring bahagyang ipaliwanag ng epidemya ng hindi nakamamatay na mga kanser sa thyroid na udyok ng medikal na paggamit ng mga X-ray.”—The Causes of Cancer.
Kahit na ang pagkaing kinakain natin ay maaaring maging isa pang hindi pinaghihinalaang sanhi ng kanser. “Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang ilang pagkain at ilang mga nutriyenteng nasa mga pagkaing ito ay maaaring nauugnay sa pagkakaroon ng kanser. Ipinakikita ng mga tuklas na ang pagkain ng maraming taba ay isang salik na panganib sa kanser. . . .
“Natuklasan ng mga siyentipiko ang ilang kaugnayan sa pagitan ng kakulangan ng ilang mga bitamina—A at C—at ng kanser. Halimbawa, ang mga pagkaing hindi mayaman sa bitamina A ay iniugnay sa mga kanser sa prostate gland, cervix, balát, pantog at colon o bituka.”—U.S. Department of Health and Human Services.
Ang isang kataka-takang halimbawa ay yaong aflatoxin, “isang produkto ng fungus na Aspergillus flavus na sumisira sa mga mani at iba pang mga pagkaing karbohitrato na itinitinggal sa mainit at umidong mga klima.” Sang-ayon kina Dr. Doll at Dr. Peto, ito “ang pangunahing salik sa pagkakaroon ng kanser sa atay sa ilang tropikal na mga bansa.”
Pagkatapos ng Sanhi at Epekto—Ano ang Susunod?
Ang katotohanan tungkol sa bagay na ito ay na mayroong di-kukulanging 200 iba’t ibang uri ng kanser na may maraming naiiba o magkakaugnay na mga sanhi o dahilan. Sa ilang mga kaso, ang mga dahilan ay hindi pa nalalaman nang tiyak. Ang mga kemikal na ginagamit sa pagkain, gayundin ang mga dumi na ibinubuga ng mga industriya, ay itinuro bilang posibleng mga sanhi. Sa ilang kadahilanan, ang pag-aantala sa pagkakaroon ng unang anak, sa gayo’y ipinagpapaliban ang likas na paggawa ng gatas, ay may kaugnayan din sa pagkakaroon ng kanser sa suso. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga sanhi ng kanser, tingnan ang kahon sa pahina 6.
Kung napatunayan na ng mga siyentipiko na ang maraming kanser ay dahilan sa paggawi ng tao at mga salik sa kapaligiran, tayo ay patungo na sa mahalagang mga lunas sa suliranin ng kanser—ang pag-iingat at ang lunas. Ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 5]
Mga Kahulugan ng Termino sa Kanser
Tumor—isang di-normal na bukol; isang masamang magâ; tinatawag ding neoplasm, o bagong bukol. Ito ay maaaring hindi grabe o grabe.
Benign o hindi grabe—mga selulang hindi sumasalakay o lumulusot sa ibang himaymay. Gayunman, ang isang hindi grabeng bukol ay maaaring pagmulan ng mapanganib na panggigipit.
Malignant o grabe—mga selulang sumasalakay at pumapasok sa paligid na mga himaymay at, malibang pigilin, sa wakas ay magagapi ang pasyente.
Kanser—isang grabeng tumor. Ang mga kanser ay itinatala sa ilalim ng dalawang pangunahing grupo: sarcomas at carcinomas.
Sarcomas—mga kanser sa istraktural at konektibong mga himaymay, kasama na ang mga buto, kartilago, taba, at kalamnan.
Carcinomas—mga kanser na umaapekto sa mga himaymay na tumatakip o sumasapin sa mga sangkap ng katawan gaya ng balat, bituka, bagà, at suso.
Carcinogen—isang sustansiyang pinagmumulan ng kanser.
Metastasis—paglilipat ng isang sakit mula sa dating pinagmumulan nito tungo sa iba pang mga dako sa katawan.
Lymph—isang malinaw na likido na tumatakbo sa katawan. Ito’y naglalaman ng puting mga selula ng dugo, mga antibodies, mga karumihan, at pagkain.
Lymph glands—o mga kulani. Karaniwan nang sinasala nito ang mga karumihan sa katawan. Ang lymph system ay mahalaga sa paglaban ng katawan sa impeksiyon.
(Batay sa Cancer and Vitamin C, nina Dr. Ewan Cameron at Dr. Linus Pauling; The Facts About Cancer, ni Dr. Charles F. McKhann.)
[Kahon sa pahina 6]
Ilang Napatunayang Tagapagdala ng Kanser sa mga Tao
Sanhi Lugar ng kanser
Aflatoxin (sa maamag na mani)‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Atay
Labis na mga inuming may alkohol‐‐‐‐‐‐‐Bibig, lalamunan, lalaugan, atay
Asbestos‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Bagà, pleura, peritoneum
Pagnganga ng bunga, maskada, apog‐‐‐‐‐‐Bibig
Muwebles (kahoy)‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Mga sinus sa ilong
Mga panindang katad o balát‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Mga sinus sa ilong
Labis na pagkain (sanhi ng pagtaba)‐‐‐‐Endometrium, apdo
May edad na para sa unang pagbubuntis‐‐Suso
Walang anak o kakaunting anak‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Obaryo
Parasitikong mga impeksiyon:
Schistosoma haematobium, Aprika‐‐‐‐‐‐Pantog
Chlonorchis sinensis, Tsina‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Atay
Kahandalapakan sa Sekso‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Cervix uteri; balat
Mga steroids‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Atay
Tabako‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Bibig, lalamunan, bagà
Virus (hepatitis B)‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐Atay
(Batay sa The Causes of Cancer)