Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Gayon Ba Kasamâ ang Pagsisinungaling?
Batid ni Michelle na magagalit ang kaniyang mga magulang kapag nalaman nila na nabasag niya ang isang itinatanging abubot. Gayunman, wala siya sa kondisyon na tumanggap ng parusa o isang mahigpit na sermon. Kaya nakaisip siya ng isang payak na paraan upang iwasan ang galit ng kaniyang mga magulang: pinaratangan niya ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki na siyang bumasag nito.
PAGSISINUNGALING—inaakala ng maraming tin-edyer na wala namang masama rito sa ilalim ng ilang kalagayan. Ang ilan ay nagsasabi na sila ay magsisinungaling upang hadlangan ang ilang kriminal na pagkilos, upang pangalagaan ang walang sala, o upang iligtas ang isang buhay. Ang gayong mga kalagayan, gayunman, ay bihira sa tunay na buhay. Kadalasan, ang mga kabataan ay nagsisinungaling sa iisang dahilan. Si Michelle ay nagsinungaling: upang maiwasan ang parusa o makalusot sa ilang gipit na kalagayan.
Sinabi ni Donald sa kaniyang ina na nilinis na niya ang kaniyang silid samantalang, sa totoo lang, inihagis niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng kama. Sa gayunding paraan, sinabi ni Richard sa kaniyang mga magulang na siya ay nakakuha ng bagsak na mga marka sa klase, hindi dahilan sa hindi siya nag-aaral, kundi dahilan sa ‘hindi niya makasundo ang kaniyang guro.’ Hindi nakakukumbinsi.
Isa pa, baka inaakala mo na sapagkat ang mga ito ay hindi masamang mga kasinungalingan, wala namang masama roon. ‘Ano naman ang sama sa isang maliit na kasinungalingan?’ maaaring sabihin mo. At yamang binibigyan-kahulugan ng mga diksiyunaryo ang isang maliit na kasinungalingan bilang isang “magalang o walang panganib na kasinungalingan,” ang pagsasabi ng maliit na kasinungalingan ay wari bang hindi gaanong masama.
Sa aklat na The Importance of Lying, si H. L. Mencken ay sinisipi na nagbibigay ng isa pang dahilan kung bakit ang ilan ay nagsisinungaling: “Ang hirap sa katotohanan ay na ito ay pangunahin nang hindi maginhawa, at kadalasang nakababagot. Ang isipan ng tao ay naghahanap ng isang bagay na mas nakaaaliw at mapagmahal.” Hindi nga kataka-taka, kung gayon, karaniwan nang ayaw mapakinggan ng mga tao ang katotohanan, pinipili sa halip na ‘kilitiin ang kanilang tainga.’ (2 Timoteo 4:3) Nasumpungan ng pinakadakilang guro na kailanma’y nabuhay, si Jesu-Kristo, na ito ay totoo. “Kung sinasabi ko ang katotohanan,” sabi niya sa mga tao noong kaniyang kaarawan, “bakit hindi ninyo ako pinaniniwalaan?” (Juan 8:46) Nakatutukso nga kung minsan na magsabi ng nakasisiyang mga kasinungalingan sa halip ng hindi popular na mga katotohanan!
Subalit ang bagay ba na ang isang kasinungalingan ay maaaring maging kaakit-akit o tungkol sa isang maliit na bagay lamang o may mabuting intensiyon ay nangangahulugan na ito ay tama?
Ang Pangmalas ng Diyos sa Pagsisinungaling
Ang hilig ng mga tao na magsinungaling ay napansin na noon pa mang panahon ng Bibliya. Sabi ng salmista: “Sila’y nagsasalitaan bawat isa ng kabulaanan sa kani-kaniyang kapuwa; na may mapanuyang labi at may dalawang puso sila ay patuloy na nagsasalita.” Ang interes-sa-sarili ang nasa likuran ng kanilang mga kasinungalingan. Sinasabi nila: “Sa pamamagitan ng aming mga dila ay magsisipanaig kami. Ang aming [sinungaling] na mga labi ay aming sarili. Sino ang panginoon sa amin?” Pansinin, gayunman, kung ano ang palagay ng Diyos tungkol sa kanilang pagsisinungaling: “Ihihiwalay ni Jehova ang lahat na mapanuyang labi, ang dila na nagsasalita ng mga dakilang bagay.”—Awit 12:2-4.
Oo, “ang sinungaling na dila” ay isa sa mga bagay na “kinasusuklaman ni Jehova.” (Kawikaan 6:16, 17) Sapagkat, si Satanas na Diyablo mismo “ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kapuna-puna, gayunman, ang Bibliya ay walang binabanggit na pagkakaiba sa pagitan ng kasinungalingan at ‘maliit na kasinungalingan.’ Basta sinasabi nito, “Alin mang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan.” (1 Juan 2:21) Iyan ang dahilan kung bakit ang isang “suwail ay kasuklam-suklam kay Jehova, ngunit Siya ay matalik na nakikisama sa matuwid.” (Kawikaan 3:32) Oo, si Jehova ay hindi magkakaroon ng isang malapit na kaugnayan sa isa na di-tapat.
Sa gayon hindi maaaring malasin ng kabataang may takot sa Diyos ang anumang uri ng pagsisinungaling na kaaya-aya. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataang nagngangalang Tyrone: “Ito ay katulad ng isang pagsubok na tama-o-mali. Ang isang bagay ay alin sa tama o mali.”
Pagsisinungaling—Kung Bakit Ito Nakapipinsala
Bakit, kung gayon, napakasama ng pagsisinungaling? Hindi ba’t ang isang kasinungalingan ay maaaring magligtas sa iyo na ikaw ay maparusahan? Marahil. Subalit ano ang nangyayari kung ang kasinungalingan ay malantad? Kung gayon ito ay naantala lamang na parusa. Sabi rin ng kabataang si André: “Nakakainis kapag mayroong nagsabi sa iyo ng isang bagay at pagkatapos ay matuklasan mo na ito ay isang kasinungalingan.” Oo, ang pagsisinungaling ay pumupukaw ng galit at hinanakit. At kapag ang pinagwiwikaan ng kasinungalingan ay ang iyong mga magulang—maaaring magbunga ito ng malubhang disiplina.
Hindi kataka-taka ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagtatamo ng mga kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay.” (Kawikaan 21:6) Sa ibang pananalita, ang anumang mga bentaha na maaaring dalhin ng isang kasinungalingan ay panandalian lamang na gaya ng singaw.
Pagsisinungaling at ang Iyong Budhi
Ang pagsisinungaling ay nakasasamâ rin sa nagsisinungaling mismo. Nakumbinsi ni Michelle (na nabanggit sa simula) ang kaniyang mga magulang na ang kaniyang kapatid na lalaki ang siyang nakabasag ng abubot. Gayunman, nang dakong huli napilitan siyang ipagtapat ang kaniyang pagkakamali sa kanila. Ganito ang paliwanag ni Michelle: “Ang samâ ng pakiramdam ko sa karamihan ng panahon. Ang aking mga magulang ay nagtitiwala sa akin, at binigo ko sila.”
Mainam na inilalarawan ng binabagabag na budhi ni Michelle ang isang simulain na binanggit ni apostol Pablo. Sa Roma 2:14, 15 ipinakita niya na inilagay ng Diyos sa mga tao ang budhi. Ipinaliliwanag ni Pablo kung paano ito kumikilos, na sinasabi: “Pinatotohanan ito ng kanilang budhi at, sa kanilang sariling pag-iisip, sila ay sinusumbatan na may kasalanan o kaya’y pinawawalang-kasalanan pa nga.” Sa kaso ni Michelle ang kaniyang budhi ay ‘nagpatotoo’ sa bagay na ang pagsisinungaling ay masama at ‘sinumbatan siya’—pinahihirapan siya ng mga pagkadama ng kasalanan.
Mangyari pa, maaaring hindi pansinin ng isa ang kaniyang budhi, pinatitigas ito. Halimbawa, ipinakita ng isang artikulo sa babasahing Adolescence na ipinalalagay ng mas nakababatang mga tin-edyer na masama ang pagsisinungaling. Subalit mientras nagkakaedad sila, ang kanilang pangmalas tungkol sa pagsisinungaling ay tumitigas. “Ang mga kinse-anyos,” sabi ng artikulo, “ay mas madalas na ipinalalagay ang pagsisinungaling na kung minsan ay hindi masama kaysa mga dose-anyos.” Maliwanag, mientras mas madalas magsinungaling ang isang tao, mas nanganganib siya na maging manhid na ‘hinerohan ang kaniyang budhi ng isang bakal na panghero.’—1 Timoteo 4:2.
Pagkakaroon ng “Isang Malinis na Budhi”
Sa kabaligtaran, masasabi ni apostol Pablo tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kasama: “Kami’y may tiwala na kami ay may malinis na budhi.” (Hebreo 13:18) Hindi ipinahihintulot ng budhi ni Pablo na siya ay magsinungaling o magsabi ng bahagyang mga katotohanan. Ang iyo bang budhi ay sensitibo rin sa kabulaanan? Kung hindi, sanayin mo ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at ng mga literaturang salig-Bibliya, gaya ng magasing ito at ng kasama nitong, Ang Bantayan.
Gayon ang ginawa ng isang kabataang nagngangalang Bobby, taglay ang mabuting mga resulta. Kung minsan ang mga publikasyong ito ay tumatalakay sa isang problema na nararanasan niya. Sa halip na pagtakpan ang problema ng mga kasinungalingan, inudyukan siya ng kaniyang budhi na lapitan ang kaniyang mga magulang at matapat na ipakipag-usap ang bagay na ito. Kung minsan ito ay nagbunga ng pagtanggap niya ng disiplina. Gayumpaman sinasabi niya na ‘mas mabuti ang pakiramdam niya sa loob niya’ sa pagiging tapat.
Ipagpalagay na, gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataan: “Kung ikaw ay magsasabi ng katotohanan, masasaktan nito ang iyong mga magulang.” Gayunman, igagalang nila ang pagsasabi mo sa kanila ng katotohanan. Ipakikita nito sa kanila na ikaw ay lumalaki at matanto na ikaw ay may pananagutan sa iyong mga pagkilos.
Isa pang tulong sa pagkakaroon ng isang malinis na budhi ay ang maging maingat sa pagpili ng mga kaibigan. “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara,” sabi ng Kawikaan 13:20. Sabi ni Bobby: “Ang isang kaibigan na kasama mo sa pagsisinungaling ay aakayin ka sa gulo. Hindi siya isang kaibigan na mapagkakatiwalaan.” Kaya ang salmista ay matalinong nagsasabi: “Hindi ako naupo na kasama ng mga taong sinungaling.” (Awit 26:4) Sikapin mong humanap ng mga kaibigan na iginagalang ang maka-Diyos na mga simulain.
Sa katapusan, kung natutukso kang magsinungaling, tandaan ang mga pamantayan ng Diyos na Jehova para sa kaniya mismong mga kaibigan: “Oh Jehova, sino ang makapanunuluyan sa iyong tabernakulo?” tanong ng salmista. “Siyang . . . nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Awit 15:1, 2) Ang pagmumuni-muni sa kung anong laking pribilehiyo nga na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos ay gumaganyak sa isa na maging tapat!
Ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi laging madali. Maaari ka pa ngang malagay sa isang kalagayan kung saan “isang pangkat ng mga tao na nagsasabi ng isang kasinungalingan, at ikaw ay kailangang magsalita ng katotohanan,” gaya ng pagkakasabi rito ng kabataang nagngangalang Mark. Ngunit ang isa na nagpapasiyang magsabi ng katotohanan ay mapananatili ang isang mabuting budhi, isang mabuting kaugnayan sa kaniyang tunay na mga kaibigan, at higit sa lahat, isang mabuting kaugnayan sa kaniyang Maylikha. Sa gayon magandang binubuod ng isang kabataang nagngangalang Steven ang bagay na ito nang kaniyang sabihin: “Ang bagay na ang iba ay nagsisinungaling, ay hindi nangangahulugan na ikaw ay dapat ding magsinungaling!”
[Blurb sa pahina 20]
Ang mga kasinungalingan ay kadalasang hindi nakakukumbinsi at maaari lamang iaantala ang parusa hanggang sa ito ay malantad
[Larawan sa pahina 21]
Ang pagsasabi ng isang kamalian ay hindi madali, subalit igagalang ng iyong mga magulang ang iyong katapatan