Pakikipagbaka sa Isang Malupit na Kaaway
“ITO ang pinakamalaking pagsubok sa aking buhay,” sabi ni Elizabeth. “Minsan pa ang pagiging hindi umaasa sa iba ay kahanga-hanga. Para bang nagkaroon ako ng isang bagong buhay. Ngayo’y nasisiyahan na naman ako kahit sa simpleng mga bagay!” Nadaig ng 42-anyos na babaing ito ang isang kaaway na sinasabing sanhi ng mas maraming paghihirap kaysa anumang iba pang sakit sa isip—ang panlulumo.
Si Alexander ay hindi mapalad. Ang 33-anyos na ito ay lubhang nanlumo, nawalan ng gana sa pagkain, at nais na mapag-isa. “Nadama niya na para bang ang buong mundo ay gumuho at na wala nang halaga na mabuhay pa,” paliwanag ng kaniyang asawa, si Esther. “Inakala niya na siya ay walang kahala-halaga.” Kumbinsido na hinding-hindi na siya bubuti pa, si Alexander ay nagpatiwakal.
Si Elizabeth at si Alexander ay kabilang sa iniulat na 100,000,000 katao sa buong daigdig na taun-taon ay nanlulumo. Isa sa bawat apat na Amerikano at isa sa bawat limang taga-Canada ang dumaranas ng matinding panlulumo sa buong buhay nila. Ang panlulumo ay iniulat din na isang karaniwang karamdaman sa Aprika, at lumalaganap sa Pederal na Republika ng Alemanya. Kaya baka mayroon kang isang kaibigan o kamag-anak na nanlulumo o naging biktima ng panlulumo.
Ang asawa ni Alexander, na ginawa ang lahat ng magagawa niya upang tulungan ang kaniyang asawa, ay nagbabala: “Kapag ang isa ay nagsasabi na siya ay nanlulumo at nakadarama na wala siyang halaga, ituring ito na seryoso.” Kaya ang grabeng panlulumo ay higit pa sa isang lumilipas na kondisyon ng kalooban o isa lamang kaso ng kalungkutan. Maaari itong maging isang mamamatay-tao, isang malupit na kaaway na maaaring sumalanta o puminsala. Ang makilala ito ay maaaring mangahulugan ng kaibhan sa pagitan ng buhay at kamatayan.
“Isang Salot sa Aking Utak”
Lahat tayo ay dumaranas ng masakit na mga kawalan, mga pagkasiphayo, at mga kabiguan. Ang kalungkutan ay isang likas na tugon. Ikaw ay emosyonal na nagsasawalang-imik, nakakabawi sa mga pinsala, at sa wakas ay nakakayanan mo ang katotohanan ng nagbagong kalagayan. Ikaw ay umaasa sa mas mabuting kinabukasan at di nagtatagal ikaw ay nasisiyahan na naman sa buhay. Ngunit kakaiba sa mga kaso ng malubhang panlulumo.
“Walang pamimilí sa loob ng walong buwan, walang anumang bagay, ang nakapagpabuti ng aking pakiramdam,” sabi ni Elizabeth. Isa pang nanlulumo, si Carol, ay nagsabi pa: “Para ba itong isang salot sa aking utak, gaya ng isang katakut-takot na ulap na nakabitin sa itaas ko. Maaari mo akong bigyan ng isang milyong dolyar, gayunman ay hindi nito mapahihinto ang kakila-kilabot na mga damdamin.” Isang lalaki ang nagsabi na ‘pakiramdam mo ba’y nagsuot ka ng madilim na salamin—ang lahat ay pawang hindi kaakit-akit. At, ang mga salamin ay may mga lenteng nagpapalaki, anupa’t ang bawat problema ay wari bang pagkalaki-laki.’
Ang panlulumo ay sarisaring emosyon mula sa pagkadama ng kalungkutan hanggang sa kawalang pag-asa at pagpapatiwakal. (Tingnan ang kahon sa pahina 4.) Ang dami ng mga sintomas, ang kanilang tindi, at ang kanilang tagal ay mga salik na lahat na nagsasabi kung kailan ang kalungkutan ay nagiging malubhang panlulumo.
Hindi Laging Madaling Makilala
Ang panlulumo ay karaniwan nang mahirap makilala sapagkat ang nanlulumo ay maaaring mayroon ding pisikal na mga sintomas. “Kumikirot ang aking mga paa, at kung minsan makirot ang buo kong katawan. Nagpatingin ako sa maraming doktor,” reklamo ni Elizabeth. “Kumbinsido ako na hindi nila pinapansin ang ilan sa pisikal na mga karamdaman at na ako ay mamamatay.” Katulad ni Elizabeth, halos 50 porsiyento ng mga pasyenteng nanlulumo na nagpapagamot ay inirireklamo ang pisikal sa halip na emosyonal na mga sintomas.
“Karaniwan na, irireklamo nila ang tungkol sa sakit ng ulo, di pagkatulog, kawalan ng gana sa pagkain, hindi pagdumi, o talamak na pagkapagod,” sulat ni Dr. Samuel Guze, hepe sa Departamento ng Psychiatry ng Washington University sa St. Louis, “subalit wala silang sasabihin tungkol sa pagkadama ng kalungkutan, kawalang pag-asa, o kabiguan. . . . Ang ibang mga pasyenteng nanlulumo ay wari bang walang kabatiran sa kanilang panlulumo.” Ang talamak na kirot, pangangayayat o pagtaba, at umuunting seksuwal na pagnanais ay tipikal na mga sintomas.
Si Dr. E. B. L. Ovuga ng Umzimkulu Hospital, Transkei, Timog Aprika, ay nag-uulat na bagaman ang nanlulumong mga Aprikano ay bihirang nag-uulat ng mga damdamin ng pagkakasala o kawalang halaga, sila’y nagrireklamo tungkol sa labis na gawain, paglayo, at mga kirot sa katawan. Natuklasan ng isang report noong 1983 ng World Health Organization na karamihan ng taong nanlulumo na pinag-aralan sa Switzerland, Iran, Canada, at Hapón ay nagtataglay na lahat ng parehong pangunahing mga sintomas ng kawalang ligaya, pagkabalisa, kawalan ng sigla, at mga ideya ng pagiging di-sapat.
Ang pagkasugapa sa alak at droga, gayundin ang pagkahandalapak sa sekso, ay ilan lamang sa mga paraan na ginagawa ng iba upang pagtakpan ang kanilang panlulumo. Oo, “maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw.” (Kawikaan 14:13) Totoo ito lalo na sa mga kabataan. “Ang mga adulto ay mukhang nanlulumo, subalit kung ang isang nanlulumong bata ay pumasok sa isang silid, wala kang mapapansin na anumang bagay,” paliwanag ni Dr. Donald McKnew ng NIMH (National Institute of Mental Health) sa isang panayam sa Gumising! “Iyan ang dahilan kung bakit ang panlulumo sa kabataan ay hindi nakilala sa loob ng mahabang panahon. Subalit minsang makausap mo sila tungkol dito, ilalabas o sasabihin nila ang tungkol sa kanilang panlulumo.”
Gayunman, nagkaroon ng malaking pagsulong noong 1980’s sa pag-unawa at paggamot sa panlulumo. Ang mga hiwaga ng kimika ng utak ay nilulutas. Nakagawa na ng mga pagsubok upang makilala ang ilang uri ng panlulumo. Ang pakikipagbaka ay dinagdagan pa sa paggamit ng antidepressant na paggagamot at mga nutriyente na gaya ng ilang amino acids. Isa pa, mabisang ginamit ang maikling-panahong pakikipag-usap na mga terapi. Sang-ayon sa mga siyentipiko sa NIMH, sa pagitan ng 80 at 90 porsiyento ng lahat ng mga biktima ay maaaring matulungan sa kabuuan sa pamamagitan ng angkop na paggamot.
Subalit ano ang sanhi ng nakasasalantang emosyonal na sakit na ito?
[Chart sa pahina 4]
Ang Sarisaring Panlulumo
Simpleng Kalungkutan Malubhang Panlulumo
Kondisyon ng Kalooban
Kalungkutan, normal na pagdadalamhati Lipos ng kawalang pag-asa
Pagkaawa-sa-sarili, pagkasira-ng-loob Pagkadama ng
kawalang-halaga
Pagsisi-sa-sarili at pagkadama ng Labis na pagkadama ng kasalanan pagkakasala at
pagsisi-sa-sarili
Nakakasumpong ng ilang kasiyahan Walang kasiyahan, hindi na
nababahala
Pag-iisip
Mataos na nagsisisi o naghihinanakit Mga kaisipan ng
pagpapatiwakal
Mahirap magtuon ng isip
Tagal
Sandaling panahon (mga ilang araw) Mahabang panahon (dalawang
linggo o mahigit pa)
Pisikal na mga Sintomas
Normal na pagkilos Madalas na pagod; hindi
maipaliwanag na mga sakit
Bahagyang pisikal na mga problema Mga pagbabago sa mga
kaugalian sa pagkain at
pagtulog
(pansamantala) Hindi mapakali sa upuan,
paglakad na paroo’t
parito, pagpilipit ng
kamay
Mabagal na pagsasalita o
mga kilos ng katawan