Isang Malapitang Pagmamasid sa Relihiyon
KUNG tatanungin, baka sumang-ayon ka kay Voltaire nang tawagin niya ang relihiyon na “ang ugat ng panatisismo at sigalutang pambayan, . . . ang kaaway ng tao.” O kaya sa espiritu ng pagwawalang-bahala baka sabihin mo, gaya ng sinabi ng klerigong Anglicano noong ika-17 siglo na si Robert Burton: “Ang isang relihiyon ay katulad din ng iba.”
Marahil ay aaminin mo na ikaw ay katulad niyaong tao na, gaya ng inilarawan ng Pranses na manunulat ng sanaysay noong ika-18 siglo na si Joseph Joubert, “nakasusumpong ng kaniyang kagalakan at ng kaniyang pananagutan dito.”
Mababaw na Relihiyon
Sa ngayon, ang taong talagang “nakasusumpong ng kaniyang kagalakan at ng kaniyang pananagutan sa [relihiyon]” ay may dahilang mabahala. Kahit na sa mga bansang relihiyoso, maraming tao ang mayroon lamang malabong ideya ng kung ano ang dapat nilang paniwalaan; ang kanilang relihiyon ay may kaunting impluwensiya sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa ibang dako, ipinakikita ng mga estadistika ang pagbaba sa mga kasapi sa relihiyon. Halimbawa, isinisiwalat ng mga estadistika kamakailan sa Alemanya na 6.8 milyon lamang ng mga Katoliko ang dumadalo sa Misa sa kabuuang 26.3 milyon. Hindi kataka-taka na sinasabi ng mga Katoliko na hindi nila ipinalalagay ang Pederal na Republika na “isang bansang Kristiyano maliban na lamang sa pinakamababaw na interpretasyon ng katagang iyon.”
Sang-ayon sa World Christian Encyclopedia, inilathala noong 1982, “hindi lamang ang Kristiyanismo ang humihina; ito’y ang buong palatandaan ng relihiyon.”
Bakit Dapat Nating Repasuhin ang Kasaysayan ng Relihiyon?
Dahil sa gayong mga kalagayan, ano nga ba ang hinaharap ng relihiyon? Ang aming serye ng 24 na mga artikulo sa Gumising! na lalabas sa 1989 ay idinisenyo upang sagutin ang tanong na iyan. Sa pagrirepaso sa kahapon ng relihiyon, mula sa maagang mga taon nito hanggang sa modernong panahon, ihaharap ng mga artikulong ito ang isang maikli subalit malaman, at nauunawaang, kasaysayan ng relihiyon ng daigdig. Ang pagsulyap sa nakaraang kasaysayan ay magpapangyari sa atin na tanawin ang hinaharap ng relihiyon kasuwato ng kilalang simulaing: Aanihin mo kung ano ang inihasik mo.
Huwag maging pagbigla-bigla sa pagsasabing, ‘Hindi ako interesado sa kasaysayan ng relihiyon!’ Ang kasalukuyan ay salig sa nakaraan at kung ang isa man ay naniniwala o hindi, apektado ng kasaysayan ng relihiyon ang lahat, tuwiran man o di-tuwiran.
Ang mga taong ayaw maniwala sa pag-iral ng Diyos sa katunayan ay relihiyoso pa rin. Paano? Sa pamamagitan ng paghahalili sa Diyos ng isang bagay na pinag-uukulan nila ng pagsamba. Ganito ang pagkakasabi ni J. M. Barrie, nobelistang taga-Scotland noong maagang ika-20 siglo: “Ang relihiyon ng isa ay yaong anumang bagay kung saan lubhang interesado ang isa.”
Gaya ng pagkagamit sa magasing ito, ang relihiyon ay binibigyang-kahulugan bilang isang anyo ng pagsamba, pati na ang isang sistema ng relihiyosong mga saloobin, paniwala, at gawain, na pinaniniwalaan ng isa o itinataguyod ng isang organisasyon. Karaniwang ito’y kinasasangkutan ng paniniwala sa Diyos o sa maraming diyos, o tinatrato nito ang mga tao, mga bagay, mga nasà, o mga puwersa bilang mga bagay na pinag-uukulan ng pagsamba.
Inaasahan naming masisiyahan ka sa “Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito.” Yamang ang relihiyon ay malaon nang pinagmumulan ng alitan, nararapat lamang na simulan natin sa paksang “Pagkakabaha-bahagi ng Relihiyon—Kung Paano Ito Nagsimula.”