Ang Sangkakristiyanuhan ay Tumatahak sa Daan ng Canaan
ANG mga Cananeo ay may relihiyon na kinasasangkutan ng pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad, at pagpatay ng mga bata. Dahil dito, iniluwa sila ng lupa. Tinularan ng mga Israelita ang relihiyong iyon at isinama ang mga kahalayan nito sa pagsamba kay Jehova, at iniluwa sila ng lupain. Ngayon, may mga tao at mga relihiyon na nag-aangking mga Kristiyano gayunma’y tinutularan ang sinaunang mga imoralidad na iyon sa sekso. Ang pakikiapid at pangangalunya ay naging pangkaraniwan. Ang homoseksuwalidad at ang pagkitil ng buhay sa bahay-bata ay nagiging palasak. Palibhasa’y inaayawan, daan-daang mga sanggol sa Canaan ay inihahain; ngayon, ang mga ito ay itinatapon nang milyun-milyon—55 milyon sa isang taon.—Ihambing ang Exodo 21:22, 23.
Upang huwag mabansagang makaluma o masyadong konserbatibo, maraming relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ang nagmadaling sumunod sa kausuhan na “kahit ano puwede.” Ang iba ay naglalaan pa nga para sa “ligtas” na pagkakasala sa sekso, gaya ng ministro ng Unitarian Universalist na inihinto ang kaniyang sermon upang ipasa ang mga condom sa kaniyang kongregasyon.
Isang manunulat sa pahayagan, na isa ring Episcopaliano, ay nagsabi: “Ang Simbahang Episcopal ng mga taóng ’80 ay isang teolohikal na tindahang taksidermiya. Ito’y maaasahang magdispley at magpalit ng anumang waring pinakabagong uso. Noon ito’y pulitika. Ngayon naman ito’y sekso.” Tinutukoy niya ang bagong kurikulum sa edukasyon-sa-sekso na nagpapakita na “ang mga Kristiyano ay nahuhuli sa panahon kung hindi nila tinatanggap ang mga bakla . . . at ang lubos na kaligayahan ng pagsasama nang hindi kasal.” Isang obispong Episcopaliano sa New York ang naniniwala na “ang responsableng mga kaugnayang homoseksuwal ay tatanggapin balang araw bilang kalooban ng Diyos.”
Si Roy Howard Beck, kaugnay sa lingguhang babasahin tungkol sa relihiyon na United Methodist Reporter, ay sumulat sa kaniyang aklat na On Thin Ice: “Nahuli sa akto [na mga imoralidad] ay ang mga ebanghelista sa TV, ang kilalang mga predikador, mga obispo, kilalang mga lider ng karismatik, bantog na mga lider na mga lego, pinagpipitaganang mga pastor, pari ng maliliit na simbahan, mga Pentecostal, mga liberal, mga konserbatibo—marami pang iba. Anong talim na komentaryo tungkol sa papel ng relihiyon sa pagpapataas sa lipunan!”—Pahina 214.
Ang Iglesya ng Inglatera
Ang parlamento ng Iglesya ng Inglatera, ang Panlahat na Sinodo, ay nagtipon noong Nobyembre 1987 upang isaalang-alang ang isang mosyon na nagpatawag nito upang muling pagtibayin na “ang pakikiapid, pangangalunya, at mga gawang homoseksuwal ay masama.” Ang panlahat na kalihim ng Kilusan ng Kristiyanong mga Tomboy at mga Bakla ay nagsabi: “Kung ang mosyong ito ay tatanggapin wawasakin nito ang Iglesya, at nalalaman ito ng Arsobispo ng Canterbury. Sa panlahat na bilang, naniniwala kaming sa pagitan ng 30 at 40 porsiyento ng mga klerigo ng Iglesya ng Inglatera ay mga bakla.”
Ang reporter na si Philippa Kennedy, sumusulat sa Daily Express ng Inglatera, Oktubre 29, 1987, ay nagsasabi: “Ang pag-atake ni Margaret Thatcher sa mga lider ng Simbahan dahil sa hindi pagbibigay sa bansa ng sapat na moral na patnubay ay makadaragdag ng sigla sa inaasahang magiging isang malaking labanan ng mga klerigo ng dekada. Sapagkat hindi lamang ang Punong Ministro ang naniniwala na ang mga Obispo sa pangkalahatan at lalo na ang Arsobispo ng Canterbury, ay isang pangkat ng walang-saysay na mga tagapagsalita.”
Noong Nobyembre 11, 1987, ang panukala ay pinagtalunan, nasumpungan na ito ay mahirap tanggapin, kaya ito ay pinalitan ng isang walang saysay na susog na sinang-ayunan ng lahat. Kaya hindi ito “isang malaking labanan ng mga klerigo ng dekada.” Wala ring nangyari. Ang mga obispo ay sumuntok sa hangin, yumuko, sumayaw, umilag, at umatras.
Ang pasiya ng Panlahat na Sinodo: Ang huwaran ay ang seksuwal na pagtatalik sa loob ng isang permanenteng kaugnayang mag-asawa; ang pakikiapid at pangangalunya ay mga kasalanan laban sa huwarang ito; ang mga gawang homoseksuwal ay hindi nakatutugon sa huwarang ito; at lahat ng mga Kristiyano ay dapat na maging uliran sa lahat ng pitak ng moralidad, pati na sa moralidad sa sekso. Ang mga gawang homoseksuwal ay itinuring na hindi gaanong malubhang kasalanan na gaya ng pakikiapid at pangangalunya—ang huling banggit na mga kasalanan ay laban sa huwaran, samantalang ang homoseksuwalidad ay hindi lamang nakatutugon sa huwaran. Hindi tinatanggal ang mga mapakiapid. Hindi inaalis ang mga mangangalunya. Ang mga pari at mga bikaryong bakla ay pinagtatakpan.
Ang trumpeta ng sinodo ay malabo ang tunog, at ang orihinal na panukala na iniharap ng paring paroko na si Tony Higton ay iniwan sa kaguluhan. (1 Corinto 14:8) Gayunman, kataka-taka, siya ay bumoto sa walang saysay na bersiyon at “siyang-siya” sa kinalabasan. Isang reaksiyong mahirap arukin dahil sa kaniyang dating mga sinabi. “Kung hindi aayusin ng Simbahan ang bahay nito,” babala niya, “kung gayon ay hahatulan ito ng Diyos.”
Noong panahon ng sinodo, iniharap ni Higton ang nakagugulat na isang tambak ng mga katibayan laban sa homoseksuwal na mga klero. Ang isa ay hinatulan sa salang seksuwal na pag-abuso sa mga bata subalit siya ay basta inilipat sa ibang parokya. Ang isa pang pari, hinatulan sa salang labis na kahalayan sa isang palikurang pambayan, ay hinirang sa ibang diosesis, kung saan siya ay nahatulan sa gayunding kasalanan—subalit hindi pa rin inaalis sa pagkapari. Ang homoseksuwal na mga paring Anglicano sa London, iniulat ni Higton, ay namamahala sa isang tindahan ng mga aklat ng simbahan na “nagbibili ng mga literatura na sinasabing humihimok ng homoseksuwal na kahandalapakan, ang paggamit ng mga patutot na lalaki, at sarisaring gawang homoseksuwal.” Isang aklat sa tindahan ay sinasabing nagpapakita ng “isang limang-taóng-gulang na batang babae sa kama na kasama ng kaniyang tatay at ng mangingibig na lalaki ng tatay.”
Yamang hindi pinansin ang katibayan ni Higton, paano kaya siya naging “siyang-siya”? Walang alinlangan sapagkat ang mga klerong Anglicano ay mahinahon at madaling palugdan. Gaya ng sabi ng isang report sa pahayagan: “Sabihin pa, sa halip na batikusin ang mga iskandalong ito na parang kulog, ito ay tinugon na tulad ng marahang ambon na kinagawian ng mga Anglicano.”
Sabihin pa, ang mga klerong homoseksuwal ay natuwa. “Maliwanag na binigyan ng Sinodo ang pamayanan ng mga bakla at ng mga tomboy ng isang dako sa buhay ng Simbahan,” sabi nila. Tutal, ang Arsobispo ng Canterbury na si Runcie ay “nakipagtalo na hindi dapat hatulan ng simbahan ang disiplinado at responsableng mga homoseksuwal,” at ang sabi pa: “Nais kong igiit na ang maging likas na homoseksuwal ay ang pagiging isang ganap na tao.”
“Likas na homoseksuwal,” ang sabi ng Arsobispo ng Canterbury. Walang-kayang mga homoseksuwal na hinatulang maging gayon ng genetiko? Ang iba ay tumututol, sinasabing ang kalagayan ng homoseksuwal “ay isang pangunahing sikolohikal na ugali na nauna pa sa alinmang moral na pagpili.” Pinawawalang-saysay nila si apostol Pablo, na sa ilalim ng pagkasi ay hinatulan ang homoseksuwalidad, bilang “isang masyadong konserbatibo,” sang-ayon sa The Times ng London.
Kinuwestiyon ni Sir Immanuel Jakobovits, isang punong rabi, na “ang gayong natural na hilig sa homoseksuwalidad” ay napatunayan at ang sabi: “Ang tumutol sa likas na patiunang hilig ay isang madulas na dalisdis na maaaring humantong sa pagbagsak ng buong kaayusan sa moralidad . . . Di namin matatanggap sa alinmang lipunan na ang likas na kagustuhan sa ganang sarili ay sapat na upang pawalang-sala ang kasalanan. Tayo’y dapat na maging mga panginoon ng kalikasan, at hindi ang mga biktima nito.”
Inalis ng Arsobispo ng Canterbury ang mga salita ni Jesus hanggang sa ito ay muling nabago upang bigyan-daan ang mga homoseksuwal sa iglesya ni Kristo, na ang sabi: “Sa makalupang tabernakulong ito ng iglesya ni Kristo ay maraming mansiyon, at ang mga ito ay pawang yari sa salamin.” (Ihambing ang Juan 14:2.) Kaya sinasabi niya, ‘Huwag mong pukulin ng bato ang sinuman, kahit na ang mga homoseksuwal, sapagkat mayroon ding mansiyon para sa kanila sa iglesya ni Kristo.’
Ang Obispo ng Chester, si Michael Baughen, ay nangatuwiran na “binibigyan-katuwiran ng Griego ng Bagong Tipan ang muling pagsasabi ng doktrinang Anglicano na magpakita ng ‘pag-ibig, kalungkutan, pagkasensitibo at pagkaunawa’ sa mga homoseksuwal,” na ang homoseksuwalidad ay sinaway lamang sa Kasulatan bilang “isang paglihis sa landas.” Ang talagang sinasabi ng Kasulatan ay na ang mga homoseksuwal, kung hindi sila magbabago, ay hindi magmamana ng Kaharian at “karapat-dapat sa kamatayan.”—Roma 1:27, 32; 1 Corinto 6:9-11.
Upang sipiin muli ang The Times, pinatunayan ng sinodo “ang napakapalasak na akusasyon na ang Iglesya ng Inglatera ay walang pinaniniwalaan at ipinahihintulot ang lahat ng bagay” at pinatunayan “ang mahinang kalakaran nito—tinatanggap, na para bang ito ang Ebanghelyo, ang bawat bagong liberal na uso.” Sa ilalim ng pamagat na “Church Fudge,” ganito ang sabi ng Liverpool Daily Post: “Ang mga lider ng Iglesya ng Inglatera ay waring higit at higit na hindi nakapagpapahayag nang malinaw kung ano ang itinuturing nilang tama at mali.” Gaya ng baluktot na pagkakasabi ng The Economist: “Ang Iglesya ng Inglatera ay laban sa mga gawaing homoseksuwal, subalit hindi gaanong laban.”
Sa ilalim ng pamagat na “Matinding Galit sa Pasiya ng Sinodo sa mga Bakla,” sinipi ng Daily Post ang maraming Tory MPs (konserbatibong mga miyembro ng batasan). Tinawag ng isang MP ang pasiya ng sinodo na “kahiya-hiya at kahinaan ng loob.” Sabi naman ng isa: “Ikinatatakot ko na ang homoseksuwalidad ay nagtamo ngayon ng matatag na katayuan sa mga klero ng Iglesya ng Inglatera at sa Iglesya ng Inglatera mismo.” Sabi ng ikatlo: “Ang botong ito—nais kong tawagin itong isang nakahihiyang kabulastugan—ay aktuwal na nagsasapanganib sa mga bata. Maraming homoseksuwal na hindi makakita ng mga kapareha ay bumabaling sa mga bata at dito walang kalaban-laban ang mga kabataang nagsisimba. . . . Sa matigas na pananalita, hindi nilinis ng Simbahan ang sarili nito sa kasamaan na palasak sa gitna nila.”
Ang Iglesya Katolika Romana
Ang Iglesya Katolika ay tahasan sa hindi nito pagsang-ayon sa homoseksuwalidad, binabansagan itong isang malubhang kasalanan. Subalit sa gawain ang simbahan ay nagsasagawa ng pagtatakip sa may salang mga pari at ginagawa pa nga nitong posible para sa kanila na magpatuloy sa kanilang lisyang mga gawi sa sekso. Tiyak, si Papa John Paul II ay may masiglang mga salita para sa mga homoseksuwal nang sabihin niya: “Sila ay nasa gitna ng simbahan.”
Isang malayang pahayagang Katoliko, ang National Catholic Reporter, ng Pebrero 27, 1987, ay nagsabi na tinataya ng homoseksuwal na mga klero na 50 porsiyento ng Katolikong pagkapari sa E.U. ay mga homoseksuwal. Ang bilang na ito ay pinaglalabanan. Isang sikologong ibinabatay ang kaniyang pahayag sa 1,500 mga panayam, ay nagsasabi na 20 porsiyento ng 57,000 mga paring Katoliko sa E.U. ay mga homoseksuwal, samantalang ang mas bagong mga report ay nagpapangyari sa “iba pang mga terapis na mag-isip na ang tunay na bilang ngayon ay maaaring mas malapit sa 40 porsiyento.”
Mahigit na isang taon lamang ang nakararaan, ang mga pahayagan sa ibayo ng bansa ay binaha ng mga report tungkol sa seksuwal na paghalay sa mga bata ng mga paring Katoliko. Ang sumusunod na report mula sa Mercury News ng San Jose, California, ng Disyembre 30, 1987, ay pangkaraniwan:
“Sa isang panahon ng masidhing kabatirang pambansa tungkol sa mga suliranin ng pag-abuso sa mga bata, ang Iglesya Katolika sa Estados Unidos ay patuloy na winawalang-bahala at pinagtatakpan ang mga kaso ng mga pari na seksuwal na pinagsasamantalahan ang mga bata, sang-ayon sa mga rekord ng hukuman, panloob na mga dokumento ng simbahan, sibil na mga autoridad at ng mga biktima mismo.
“Iginigiit ng mga opisyal ng simbahan na ang bantog sa kasamaang kaso sa Louisiana noong 1985 kung saan pinagsamantalahan ng isang pari ang hindi kukulanging 35 mga batang lalaki ay nagturo sa kanila na matatag na pakitunguhan ang problema. Subalit isinisiwalat ng tatlong-buwang imbestigasyon ng Mercury News na sa mahigit na 25 diosesis sa ibayo ng bansa, hindi ipinaalam ng mga opisyal ng simbahan sa mga autoridad, inilipat ng simbahan ang nagsamantalang mga pari sa ibang parokya, hindi pinansin ang mga reklamo ng mga magulang at winalang-bahala ang potensiyal na pinsala sa mga biktimang bata. . . . Angaw-angaw na dolyar na mga bayad-pinsala ang naibayad na sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya, at tinataya ng isang report ng simbahan noong 1986 na ang sagutin ng simbahan ay maaaring umabot ng $1 bilyon sa susunod na dekada.”
Ang “bantog sa kasamaang kaso sa Louisiana noong 1985” na binanggit sa report ng Mercury News ay tungkol sa isang paring nagngangalang Gilbert Gauthe. Nagkaroon ng “kabayarang $12 milyon sa kaniyang mga biktima.” Ang homoseksuwal na mga gawain ni Gauthe ay alam na alam na sa loob ng maraming taon, subalit ‘pinakitunguhan ng diosesis ang problema sa pamamagitan ng paglilipat sa kaniya mula sa isang parokya tungo sa isang parokya nang di kukulanging tatlong beses.’ Sa isang pagkakataon “ang mga magulang ay tumestigo na hinalay ni Gauthe ang kanilang 7-taóng-gulang na anak na lalaki sa kaniyang unang araw bilang isang sakristan at sa loob ng isang taon pagkatapos niyaon, hanggang sa ang pari ay ilipat.”
Ang “pinsala sa mga biktimang bata” ay binanggit din sa report na iyon. Kung minsan ang pinsala ay pangwakas. Isang 12-anyos na lalaki ang nagpatiwakal, nag-iwan ng kalatas na nagsasabing “hindi sulit na mabuhay” pagkatapos na siya’y “gawing isang tunay na alipin sa sekso ng isang paring Franciscano.” Ang isa pa, na pinagsamantalahan ng isang pari, ay nagbigti pagkatapos sabihin sa kaniyang kapatid na lalaki, “Makipagkita ka kay Padre S.—at sabihin mo sa kaniya na pinatatawad ko siya.”
Karamihan ng mga kaso ng seksuwal na panghahalay ay kinasasangkutan ng mga batang lalaki, subalit marami ring batang babae ang nabibiktima. Gaya ng iniulat ng Plain Dealer sa Cleveland noong Disyembre 19, 1987, isang 16-anyos na babae at ang kaniyang mga magulang ay nagsampa ng isang kasong sibil noong 1986 laban sa pitong pari sa salang seksuwal na pagsasamantala. Siya ay nabuntis, at hinimok siya ng mga pari na magpalaglag. Nang siya ay tumanggi, isinaayos nila na ipadala siya sa Pilipinas upang pagtakpan ang kaniyang pagdadalang-tao. Ang simbahan ay laban sa homoseksuwalidad at aborsiyon subalit maliwanag na sinasang-ayunan nila ito kung ang nasasangkot ay ang kanila mismong mga pari.
Patuloy pa ang mga pag-uulat ng pahayagan na itinatala ang maraming espisipikong mga kaso ng mga kabataang Katoliko na hinalay ng mga paring Katoliko, ang milyun-milyong dolyar na ibinabayad upang ayusin ang mga asunto, ang maraming kabayaran na ginagawa sa hukuman, at ang mga kompaniya ng seguro na “hindi na sasaklawin ng seguro ang tauhan ng diosesis laban sa mga pagsasakdal may kaugnayan sa panghahalay.”
Si Thomas Fox, editor ng National Catholic Reporter, ay nagsasabi: “Nagkaroon ng pambansang pagtatakip ng mga obispo sa problema sa loob ng maraming taon.” Si Eugene Kennedy, isang dating pari at ngayo’y propesor sa sikolohiya sa Loyola University, ay nagsasabi: “Ang nakikita mo sa mga hukuman ay ganggakalingkingan lamang.” Si Thomas Doyle, paring Dominicano at abugado sa canon, ay nagsasabi: “Ang seksuwal na pagsasamantala ng mga pari sa mga batang lalaki ang isang pinakamalubhang problema na kailangan nating harapin sa loob ng mga dantaon.”
Ano ba ang Sinasabi ng Bibliya?
Sabi nito: “Dahil dito’y ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita sa sekso, sapagkat binago kapuwa ng kanilang mga babae ang likas na kagamitan nila tungo sa isang laban sa kalikasan; at gayundin iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapat-dapat sa kanilang kamalian. Na bagaman nalalaman nila ang kautusan ng Diyos, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay mga karapat-dapat sa kamatayan, hindi lamang gayon ang ginagawa kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.”—Roma 1:26, 27, 32.
Sinasabi rin nito: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Susog pa ng 1Cor 6 bersikulo 11: “At ganiyan ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis.” Ang mga makasalanan na naging mga Kristiyano ay naglinis o itiniwalag: “Alisin nga ninyo sa gitna ninyo ang taong balakyot.” (1 Corinto 5:11-13) Hindi naman ibig sabihin na ang makalamang mga kasalanan ay hindi na mangyayari sa mga kongregasyong Kristiyano kundi na kung mangyari ito, yaong mga may sala ay alin sa magsisisi o kailangang alisin.
Subalit ang espirituwal na gawaing paglilinis na ito—ang pag-aalis sa mga mapakiapid at mga mangangalunya at mga homoseksuwal—ay hindi ginagawa ng karamihan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ang Israel ay nag-aangking naglilingkod kay Jehova habang isinasagawa nila ang sinaunang pagsamba sa sekso. (2 Cronica 33:17) Ang mga kongregasyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagsasabi ‘Panginoon, Panginoon,’ kahit na nananagana sa gitna nila ang imoralidad sa sekso. “Kayo ba’y magnanakaw at magsisipatay, mangangalunya at magsisisumpa nang kabulaanan, magsusunog ng insenso kay Baal at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala,” ang tanong ni Jehova, “at saka magsisiparito at magsisitayo sa harap ko sa bahay na ito, na nagtataglay ng aking Pangalan, at magsasabi, ‘Kami ay ligtas’—ligtas na gawin ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ito?”—Jeremias 7:4, 8-10, New International Version.
Si Jehova ay hindi napabibiro; aanihin ng lahat ang kanilang inihasik. (Galacia 6:7) Ang mga salita ni Jehova na ibinigay kay Jeremias ay angkop din sa ngayon kung paanong ito’y angkop noon nang salitain sa Israel ng propeta: “Nahiya ba sila sa kanilang kasuklam-suklam na gawi? Hindi, wala silang hiya; hindi nga sila marunong mamula.”—Jeremias 6:15, NIV.
Si Jehova ay walang pinapanigan. Siya ay hindi nagtatangi ng tao. Kung ano ang nangyari sa Canaan, kung ano ang nangyari sa Israel, gayundin ang mangyayari sa Sangkakristiyanuhan.—Gawa 10:34; ihambing ang Apocalipsis 21:8.
[Blurb sa pahina 7]
Mga Episcopaliano: “Ang mga Kristiyano ay nahuhuli sa panahon kung hindi nila tinatanggap ang mga bakla”
[Blurb sa pahina 8]
“Sa pagitan ng 30 at 40 porsiyento ng mga klerigo sa Iglesya ng Inglatera ay mga bakla”
[Blurb sa pahina 9]
Pagtatakip sa “mga pari na seksuwal na nagsamantala sa mga bata”
[Blurb sa pahina 10]
“Ang sagutin ng simbahan ay maaaring umabot ng $1 bilyon sa susunod na dekada”
[Blurb sa pahina 10]
Isa pang kabataan, na pinagsamantalahan ng isang pari, ay nagbigti
[Blurb sa pahina 11]
Nabuntis ng pari, siya ay hinimok na magpalaglag
[Blurb sa pahina 11]
“Wala silang hiya; hindi nga sila marunong mamula”