Pagmamasid sa Daigdig
‘MUNTIK-MUNTIKAN’ ANG LUPA
Isang asteroid na 0.8 kilometro o higit pa ang diyametro ay halos bumangga sa Lupa noong nakaraang Marso 23. Walang nakapansin nito hanggang sa matuklasan ng isang astronomo ang bagay na ito sa mga larawan na kinuha sa pamamagitan ng isang teleskopyo pagkalipas ng walong araw. Kung tinamaan ng malaking asteroid ang Lupa, ang banggaan ay katumbas sana ng pagsabog ng 20,000 isang-megaton na mga bombang nuklear. Kung ito ay bumagsak sa karagatan, dambuhalang mga alon na metro-metro ang taas ay maaaring mapangwasak na tinangay ang mga mga nakatira sa dakong nasa tabing-dagat. Ang asteroid, na naglalakbay sa bilis na 74,000 kilometro sa bawat oras, ay dumaan mga walong daang libong kilometro ng Lupa—muntik-muntikan sa sukat ng mga astronomo!
MALARIA NA HINDI TINATABLAN NG GAMOT
Pagkatapos ng mga dekada ng pananaliksik sa paghahanap ng mga paraan upang lunasan o sawatain ang malaria, ang sakit ay wari bang dumarami sa gawing timog ng Aprika. Isa pa, ito ay higit at higit na hindi na tinatablan ng gamot. “Nalalaman na ng parasito ng malaria ang lahat ng dapat malaman upang lituhin ang sistema sa imyunidad ng katawan,” sabi ni Dr. Phillip van Heerden, pangulo ng Medical Research Council sa Timog Aprika. Kahit na kung mapatunayang mabisa ang kasalukuyang ginagawang bakuna laban sa malaria, “magiging napakamahal nito upang tumulong sa Third World,” sabi niya. Sang-ayon sa World Health Organization, ang malaria ay pumapatay ng mahigit na isang milyong mga bata taun-taon sa Aprika.
ANG NADUMHANG HILAGA
Sa wari, pininsala ng polusyon ng tao ang lahat halos ng dako pati na ang malayong sulok ng ating planeta. Sa gawing hilaga ng Canada, ipinapasa ng nagpapasusong mga inang Eskimo sa kanilang mga sanggol ang gatas ng ina na may pinakamaraming PCB sa daigdig. Ang mga PCB—polychlorinated biphenyls—ay nauugnay sa sarisaring karamdaman, kabilang na rito ang kanser. Ang mga Eskimo ay kumakain ng maraming taba ng isda at ng hayop, na sumasagap ng mga kemikal na itinatapon ng tao sa mga ilog at mga daanan ng tubig. Kahit na sa dulo pa roon ng hilaga, nasumpungan ng mga siyentipiko ang maraming gawang-taong mga kemikal sa niyebe sa liblib na Artiko sa Hilagang Amerika. Ang mga kemikal—kabilang na muli rito ang mga PCB—ay inaakalang tinatangay sa hilaga bilang pinong mga alabok o singaw.
MGA MAGNANAKAW SA OPISINA
Ang Pederal na Republika ng Alemanya ay sinasalot ng dumaraming pagnanakaw sa dako ng trabaho. Sa loob ng isang taon, mahigit na 130,000 pagnanakaw sa mga opisina at sa iba pang mga dako ng trabaho ang iniulat sa pulisya. Ang pangunahing suliranin: Ang mga estranghero ay nakakapasok sa hindi ipinagbabawal na mga tanggapan at mga kompaniya ng gobyerno, kung saan ang bukás na mga mesa at aparador ay nagiging isang paanyaya sa mga magnanakaw. Ang lunas? Ingatan mo ang iyong pera at mahahalagang bagay sa isang sisidlang nakakandado at nakasusi sa dako ng trabaho, payo ng pulisya.
BINABALAAN ANG MGA JESUITA
“Kapag ginagawa ng Papa ang hindi bahagi ng kaniyang tungkulin, hindi niya mapasusunod ang mga tao sa ngalan ng Katolisismo,” sabi ng matapang na deklarasyon na inilabas ng 170 Romano Katolikong mga propesor ng teolohiya noong nakaraang Enero. “Dapat niyang asahan ang pagtutol.” Idinagdag ng ilang kilalang Jesuita ang kanilang lagda sa pangungusap na iyon, na bumabatikos sa pagpili ng papa ng bagong mga obispo at sa kaniyang matatag na paninindigan sa ilang teolohikal na mga isyu. Maliwanag, ito ang nag-udyok sa superyor heneral ng mga Jesuita na babalaan ang mga miyembro ng maimpluwensiyang relihiyosong orden na huwag pagtibayin ang kontrobersiyal na pahayag sa publiko. Mula nang maging papa, si John Paul II ay naging isang pumipigil na puwersa sa pagsasarili ng mga Jesuita. Walang alinlangan na ayaw ng lider na Jesuita ang pagkakaroon muli ng tensiyon sa pagitan ng papa at ng orden.
PROTEKSIYON SA OZONE
Dahil sa pagkabahala sa nagsasanggalang na ozone layer sa atmospera, 80 mga bansa ang pabor sa pagbabawal sa produksiyon ng ilang nakapipinsalang mga kemikal sa taóng 2000. Nagpupulong sa Helsinki, Finland, noong Mayo, pinagtibay nila ang isang deklarasyon na wakasan ang paggamit ng mga chlorofluorocarbon sa katapusan ng dantaon. Ang mga chlorofluorocarbon ay nagtatagal na mga kemikal na ginagamit sa mga refrigerator at air conditioner at bilang foaming agent sa insulasyon. Sa atmospera sa itaas, sinisira nila ang ozone, isang gas na kapaki-pakinabang sapagkat sinisipsip nito ang mapanganib na radyasyon ng araw na maaaring pagmulan ng kanser sa balat.
LUMALAGONG POPULASYON NG TSINA
Nitong Abril 14, 1989, ang populasyon ng Tsina ay opisyal na umabot sa 1,100 milyon. Gayunman, kinikilala ng mga eksperto na ang eksaktong bilang ng populasyon ay hindi matiyak sa milyun-milyon. Gayumpaman, ang pagdaming ito ay nakababahala sa mga autoridad na Intsik sa dalawang kadahilanan. Una, ang patakaran na isang anak sa bawat pamilya ay bigo sa rural na mga dako. Ikalawa, ang produksiyon ng agrikultura “ay nanatili sa mga 400 milyong tonelada” ng cereal sa bawat taon sa nakalipas na apat na taon. Hindi ito sapat upang pakanin ang lumalagong populasyon.
PAGBASBAS SA JUMBO JET
Sa gitna ng abalang Narita Airport ng Tokyo ay nakatayo ang isang paring Shinto na nagdarasal sa harap ng isang pansamantalang dambana. Nadaramtan ng puti at iwinawagayway ang “sagradong” sanga ng punong evergreen sa mga gulay, halamang-dagat, at tuyong pusit, binasbasan niya ang unang paglalakbay ng isang bagong-lahing eruplano. Ang Mainichi Daily News ay nagsabi na ang seremonya ay para sa “kaligtasan ng unang modernong Boeing 747-400 na jumbo jet na pumasok sa komersiyal na paglilingkod” at para sa “tagumpay ng may-ari nito,” isang airline na pag-aari ng Amerikano.
“BIONICS” NG PATING
Sinisikap na gayahin ng mga siyentipiko sa Inglatera ang mahusay na disenyo na masusumpungan sa paglalang: ang balat ng pating. Ito ay nababalot ng pagkaliliit na magkahilerang mga uka sa kahabaan ng katawan ng pating. Ang mga ukang ito, na tinatawag na riblets, ang nagpapabilis sa hatak ng pating habang ito ay lumalangoy, sa gayo’y nakapagtitipid ng enerhiya. Ang panimulang mga pagsubok na gumagamit ng idinisenyo-ng-computer na mga riblet sa isang sasakyang ginagamit sa eksperimento ay nagpapakita na posibleng bawasan ang hatak ng hanggang 3 porsiyento. Ang katulad na pagkakapit sa eruplano ay malaki ang maititipid sa isang industriya kung saan ang pagsulong ng 0.5 porsiyento ay mahalaga. Ang British Maritime Technology ay humahanap ngayon ng mga paraan upang ikapit ang mga tuklas sa mga propeler, sa mga talim ng turbine, sa mga submarino, at sa eruplano, ulat ng Daily Telegraph ng Britaniya.
KAMPANIYANG IMPORMASYON UPANG LABANAN ANG KANSER
Noong 1989 ang mga bansa sa European Common Market ay umaasang labanan ang pagkalat ng kanser sa pagsasagawa ng isang malawakang kampaniyang impormasyon. “Taun-taon sa Europa, 750,000 mga tao ang namamatay sa kanser,” sabi ng punong tanggapan ng Common Market Commission sa Bonn, Kanlurang Alemanya. “Kung ang pagdami ng kanser ay hindi maihihinto, sa taóng 2000 ang bawat ikatlong Europeo ay magkakasakit ng kanser sa ilang panahon ng kaniyang buhay.” Ang kampaniyang pampubliko ay ibabatay sa “negatibong mga epekto ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, di-wastong pagkain, at polusyong ng kapaligiran,” ulat ng pahayagang Aleman na Main Post.
PAGKALILIIT NG MGA KABABALAGHAN
Samantalang iniimbestigahan ang sistema sa panunaw ng puting rhinoceros, natuklasan ng mga mananaliksik ang isang pangkat ng mga protozoan na dati’y hindi kilala ng siyensiya. Di-gaya ng karamihang protozoan, na isang-selulang mga organismo at payak sa kayarian, ang bagong tuklas na uring ito ng protozoan ay may iba pang sangkap ng katawan. Tinatawag ito ng magasing South African Panorama na isang namumukod-tanging tuklas. Ang bagong tuklas na mga protozoan na ito ay “lubhang masalimuot” at ginagamit na mahusay ang kanilang mga galamay at tulad-daliring mga usli ng katawan.