Mahahalata sa Buhok Mo
ANG pamantayang paraan ng pagsusuri sa paggamit ng droga ay sa pagsisiyasat na mainam sa sampol ng ihi. Subalit kamakailan ang National Institute of Justice, isang sangay sa pananaliksik ng Kagawaran ng Katarungan ng E.U., ay nagtaguyod sa pinansiyal na paraan ng isang pag-aaral sa potensiyal na gamit ng pagsusuri sa buhok upang tiyakin kung ang isang tao ay gumagamit ng droga. Bagaman ang mga siyentipiko ay pangkalahatang naniniwala na kailangan ang higit pang pananaliksik bago sila handang umasa sa pagsusuri sa sampol ng buhok upang tiyakin ang paggamit ng droga, ang paraang ito ay maliwanag na may mga bentaha.
Ang mga droga na gaya ng cocaine at heroin, halimbawa, ay hindi masusumpungan sa ihi kahit na pagkatapos ng ilang araw na paggamit. Gayunman ang mga drogang ito ay makikita sa pagsusuri sa buhok pagkalipas ng isang buwan. Ito’y dahilan sa ang tira o latak ng droga ay nananatili sa buhok habang ito ay lumalago. Ganito ang sabi ni Bernard Gropper ng National Institute of Justice: “Ang buhok ay may bentaha ng pangmatagalang memorya. Ito’y isang permanenteng rekord, tulad ng mga anilyo ng punungkahoy.” Ang walong-centimetrong hibla ng buhok ay magbibigay ng anim-na-buwang kasaysayan, yamang ang buhok ay lumalago sa bilis na halos isang centimetro sa isang buwan.
Ang isa pang bentaha ay na hindi maiiwasan ng mga tao ang pagkakasumpong ng mga droga sa isang pagsusuri sa buhok na gaya ng nagagawa nilang pag-iwas sa isang pagsusuri sa ihi. Ang pag-inom ng maraming tubig bago magbigay ng isang sampol ng ihi, halimbawa, ay maaaring baligtarin ang resulta ng pagsubok sa droga. Subalit ang isang pagsusuri sa buhok ay iba. Sa katunayan, ang pagsusuri sa ilang hibla ng buhok na sinasabing mula sa ulo ng ika-19 na siglong makatang Britano na si John Keats ay nagsisiwalat na siya ay gumamit ng dumaraming opyo sa dakong huli ng kaniyang buhay. Ito’y nagpapahiwatig na ang droga ay ginamit bilang medisina, yamang si Keats ay namatay sa sakit na tuberkulosis.