Ang Tagak—Isang “Tapat” na Ibon
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
ANG tagak—tradisyonal na tagapagbalita ng tagsibol, mga sanggol, at mabuting kapalaran—ay matagal nang mayroong pantanging lugar sa mga alamat at pag-ibig ng tao. Ang magandang paglipad nito, ang hilig nito sa mga tirahan ng tao, at ang nakatutulong na bahagi nito sa pagsupil ng mga peste sa halaman ang pawang nagtulung-tulong sa pagpapatanyag nito.
Subalit marahil ang pinakamamahal na katangian nito ay ang kaniyang katapatan—katapatan sa kaniyang pugad, na kaniyang binabalikan bawat taon, at katapatan sa kaniyang asawa, na dito’y gumagawa ito ng panghabang-buhay na ugnayan. Sa katunayan, ang pangalan nito sa Hebreo ay nangangahulugang “tapat na isa” o “isang may kagandahang-loob” dahil, gaya ng paliwanag ng Talmud, ito’y isang nilikha na tanyag sa mapagmahal na pakikitungo sa kaniyang asawa.
Salamat sa tanyag na larawang ito, halos dalawandaang taon na ang nakaraan ang tagak ay isang pinangangalagaang uri ng ibon sa Holland at, iniuulat, ang maaamong mga tagak ay makikitang magilas na naglalakad-lakad sa palibot ng palengke ng isda sa The Hague. Sa bandang huli ginawa itong pambansang ibon ng Alemanya. At sa kasalukuyan, sa maraming mga bayang Europeo, may mga platapormang itinatayo sa mga bubong upang ganyankin ang palakaibigang ibong ito na mamugad sa kanila. Ang mga tagak ay kinalulugdan bilang mga kapitbahay!
Mga Pagdating at mga Pag-alis
Ang ilang mga tagak sa Europa ay nagpapalipas ng taglamig sa Kanlurang Aprika sa timog ng Sahara, samantalang ang iba’y naglalakbay na singlayo ng Timog Aprika. Sinisimulan nila ang isang mahabang paglalakbay tungong timog sa Agosto. Dahil sa sila’y hindi naman malalakas lumipad, ang mga paglalakbay ay ginagawa nang yugtu-yugto. Mas ibig nilang maglakbay sa mga grupu-grupo na may iba’t ibang laki, at kadalasan lahat ng mga tagak sa isang lugar ay magsasama-sama bago umalis tungo sa kanilang lakbayin. Bilang isa sa maaagang ibong naglalakbay na dumarating sa hilaga, bumabalik sila sa kanilang mga pugad sa Pebrero o Marso.
Dahilan sa kanilang laki—mayroon silang lapad ng nakadipang pakpak na halos 1.8 metro—at sa kanilang pagkamaaasahan, ang mga naglalakbay na mga tagak ay lagi nang nakatatawag-pansin. Ang mga malalaking kawan ay nasa panahong tumatawid sa Palestina sa taglagas at tagsibol. Mahigit na 2,500 taon nakalipas, itinawag pansin ito ng propetang si Jeremias, may-kawastuang inilalarawan ang tagak bilang isang ibong “nakababatid ng panahon ng paglalakbay.”—Jeremias 8:7, The New English Bible.
Ang distansiyang nilalakbay nila bawat taon—isang papunta at isang pabalik na biyahe ng 16,000 kilometro sa ilang mga kaso—ay kahanga-hanga, lalo na’t kung bibigyang-pansin na sila’y sumasalimbay sa kalakhang bahagi ng paglalakbay. Gaya ng malalaking ibong mandaragit, nakasalig sila sa mga thermal, tumataas na mga kulandong ng mainit na hangin, upang mapasa-itaas, pagkatapos ay sinasamantala ang kanilang malalapad na mga pakpak upang sumalimbay nang walang pagsisikap para sa malalayong mga distansiya, bihirang-bihira lamang ikinakampay ang kanilang mga pakpak.
Isang kakaibang katangian ng paglalakbay ng tagak ay ang kanilang pagdaan sa Mediterraneo. Mas ibig nilang umiwas sa paglalakbay sa ibabaw ng tubig, kung saan walang mga thermal. Sa gayon, tuwing Agosto libu-libong mga tagak ang nagtitipon upang tawirin ang dalawang punto kung saan ang distansiya sa ibabaw ng tubig ay pinakamaigsi (ang Strait of Gibraltar at ang Bosporus). Kataka-taka, hindi sila napapagod sa malayong paglalakbay sa Disyerto ng Sahara na gaya ng sa 14 kilometrong katubigan na naghihiwalay sa Espanya at Aprika, kung saan maaari silang abutin ng sintagal ng limang oras.
Ang Di-Pangkaraniwang Pugad
Nalulugod ang mga tagak sa isang lugar na pamugaran sa isang tanyag na dako, gaya baga sa tuktok ng isang mataas na punò, bagama’t minsa’y gagamit sila ng isang makabagong-panahong katumbas, isang poste ng koryente. Nang mga panahon ng Bibliya, madalas silang magtayo ng kanilang “bahay” sa mga punong juniper.—Awit 104:17.
Subalit nang mga siglong lumipas, ang mga bubong, simbahan, at mga tsimnea sa buong Europa ang naging paboritong mga lugar na pinagtatayuan ng mga pugad. Kapuwa ang mga lalaki at babaeng ibon ang matiyagang magtatayo ng pugad, isang di-pangkaraniwang kayarian na tila baga mabubuwal sa kinatatayuan nito anumang sandali. Subalit ang mga hitsura ay mandaraya, at ang malalaking mga pugad ay bihirang mabuwal kahit na sa pinakamalakas na unos. Napakatibay ng mga pugad anupa’t ang mga tagak na bumabalik sa bawat taon ay gumugugol lamang ng isang linggo o higit pa sa paggawa ng bahagyang mga pagkukumpuni sa kanilang tahanan.
Ang gawaing ito ng pagkukumpuni, na kasangkot ang pagdaragdag ng maliliit na mga sanga at iba pang materyales, ay kadalasang ginagawa ng kapuwa mga tagak pagdating na pagdating nila mula sa kanilang mga tirahan sa taglamig. At sa bandang huli, ang gawaing ito ng pagkukumpuni ang nagdadala ng pagkawasak ng pugad—basta na lamang ito bumabagsak sa bigat nito. Sa panahong iyon ang pugad ay maaaring sintaas na ng dalawang metro at isang metro o mahigit pa ang diyametro.
Kung paanong ang mga magulang ay nagbabalik sa kanilang mga pugad tuwing tagsibol, ang mga anak ay maaaring humanap ng isang lugar na malapit na malapit sa lugar na pinagpisaan sa kanila. Kung magkagayon, ang ilang mga lumang gusali ang pinagtayuan ng isang dosena o higit pang malalaking mga pugad, lahat ay tinitirahan ng mga inapo ng isang orihinal na pares.
Ang Kasalukuyang Kalagayan ng Tagak
Sa kabila ng mga pagsisikap na ipadama sa tagak na ito ay tinatanggap sa maraming mga bayan sa Europa, mukhang malungkot ang kinabukasan nito. Noong nakaraang siglo mayroong 500 mga pugad sa Switzerland, subalit sa ngayon ay kakaunti na lamang ang natitira. Lumilitaw ang isang kahawig na malungkot na larawan sa Sweden, Holland, Denmark, at Alemanya, kung saan ang kanilang bilang ay nakababahalang lumiliit. Sa Espanya, kung saan sila ay isang pangkaraniwang tanawin, ang mga tinitirahang pugad ay nangalahati sa loob lamang ng sampung taon. Ang buong populasyon nila sa Europa ay tinataya ngayon na mula na lamang sa 10,000 hanggang 20,000 pares. Ano na ang nangyari sa isa sa pinakapaboritong ibon ng tao?
Maliwanag, maraming salik ang kasangkot, subalit karamihan sa kanila ay may kaugnayan sa pagsira ng tao sa kapaligiran. Sa kanilang mga lugar na panirahan sa Aprika kung taglamig, ang mga tagak ay madalas na hinuhuli at pinapatay para kainin: isang trahedya sa ekolohiya, sapagkat ginugugol ng mga tagak ang mga buwan ng taglamig na kumakain ng mga kawan ng balang na pumipinsala ng mahahalagang pananim sa Aprika. Samantala, sa Europa ang mga itlog na hindi fertile, dulot ng malawakang paggamit ng mga pestisidyo, at ang pagkaubos ng mga lugar na pangainan ay nagbunga ng mas kakaunting anak na lumalaki sa bawat taon. Higit pa, ang mga kawad ng koryente ay isang nakamamatay na panganib para sa maraming malalaking ibon, at ang mga mangangasong handang kumalabit ng gatilyo ng baril may pananagutan rin sa kamatayan ng maraming iba pa.
Sinisikap ng mga conservationists na pangalagaan ang tagak subalit ang isang matagumpay na programa ay nakasalalay sa pakikiisa ng maraming mga bansa, isang bagay na hindi madaling kamtin. Ang mga umiibig sa paglalang ng Diyos ay nagtitiwala na hindi kailanman darating ang panahon na ang maharlikang tagak na lumilipad sa kalangitan ay mawawala, kung kailan ang tagsibol ay hindi na ibabalita ng palakaibigan at tapat na ibong ito.
[Kahon sa pahina 16]
Mga Tagak at mga Sanggol
Sa loob ng maraming siglo, iminulat sa mga bata na ang mga sanggol ay dala ng mga tagak, at ang mga tagak ay popular pa ring nakalarawan sa mga card na bumabati sa mga magulang sa pagsilang ng isang sanggol. Saan nagpasimula ang kuwento?
Maliwanag, ang ideya ay salig sa dalawang alamat. Sa mga taóng nakalipas, napansin ng mga tao na ang mga tagak ay tila makahimalang lumilitaw sa gayunding panahon bawat taon. Ang ilan ay nag-isip na sila’y nagtutungo sa Ehipto sa mga buwan ng taglamig at nagiging mga tao, at muling bumabalik sa pagiging ibon sa tagsibol (ito ang nagpapaliwanag ng kanilang kaugnayan sa mga tirahan ng tao).
Napansin rin na ginugugol ng mga tagak ang kalakhang bahagi ng araw sa panginginain sa mga latian, na sinasabing tirahang-dako ng mga kaluluwa ng bagong-silang na mga sanggol. Dahilan sa ang mga tagak ay mga magulang na masyadong mapag-aruga, hindi nangailangan ng maraming pagguniguni para pag-ugnayin ang katotohanan at ang kathang-isip at makaimbento ng kaisipang ang mga sanggol ay dinadala ng mga tagak.
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Godo-Foto
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Godo-Foto