Pagkasugapa sa Shabu—Ang Salot ng Karahasan
ANG shabu o “crack,” na pinanganlang gayon dahil sa tunog nito kapag ito’y iniinit sa panahon ng pagproseso o paghitit, ay lubhang nakasusugapa, napakatapang na anyo ng cocaine. Tinatawag ito ng isang saykoparmakologo sa ospital na “ang pinakanakasusugapang droga na nakikilala ng tao ngayon. Ito halos ay biglang pagkasugapa.” Tinawag ito ng isang opisyal ng pulis na “ang pinakamasamang droga. Walang gumagamit ng shabu para lamang sa paglilibang.”
Yamang ang shabu ay hinihitit sa halip na isinasaksak sa ugat o sinisinghot, ang mga nagdodroga na dati’y takot sa banta ng AIDS mula sa nahawaang mga karayom ay nakasumpong ng tatlong “bentaha” sa shabu—ito’y “mas ligtas,” mas matindi ang mga epekto, mas mabilis ang epekto ng usok. “Nagtutungo ito agad sa ulo. Napakabilis ng bisa nito,” sabi ng isang dating sugapa. “Para bang sasabog ang ulo mo.” Ang pagkalango ay tumatagal lamang mula 5 hanggang 12 minuto subalit ito ay laging sinusundan ng kapaha-pahamak na panghihina na maaaring mag-iwan sa mga gumagamit na mayamutin, nanlulumo, nerbiyoso, o labis-labis na mapaghinala at di-mapigil ang paghahangad para sa higit pang shabu. “Ang pangunahing panganib ng shabu,” sabi ni Dr. Arnold Washton, direktor ng Addiction Treatment Center sa Regent Hospital sa New York, “ay na sa loob lamang ng ilang araw hanggang sa mga ilang linggo maaari nitong kontrolin ang iyong utak—at ang iyong buhay.”
Ang pagkasugapa sa shabu ay kumakalat na parang salot sa maraming bahagi ng daigdig. Lalo na sa Estados Unidos, higit kaysa Canada, Inglatera, at sa ilang bansa sa Europa, ang shabu ay nakapasok halos sa lahat ng antas sa lipunan—sa mayaman, mahirap, matagumpay, nagtatrabaho. Dahil sa madali itong makuha at sa nakapagpapasiglang mga epekto, malaki ang pangangailangan dito at lalo pang lumalaki sa paglipas ng mga araw. Ang bagong mga nakalap, ang potensiyal na mga sugapa, ay hinahanap sa mga kanto, sa mga paaralan, at sa dako ng trabaho. Ang mga babae ay malamang na mga kandidato at sa ilang antas ng lipunan ay nakahihigit sa mga lalaking gumagamit nito. Ang mga kabataan—hindi pa tin-edyer—na naghahanap ng dagling mga katuwaan, na hindi makatanggi sa droga, ay nagiging madaling biktima ng mga pusher ng shabu—kadalasan ang kanila mismong mga kapatid na lalaki o iba pang miyembro ng pamilya o matalik na mga kaibigan.
Ang Pagkasugapa ay Nagdadala ng Karahasan
“Ang shabu ay maaaring maglabas ng masamang bahid ng karahasan sa sugapa rito di-gaya ng anupamang ibang bagay,” ulat ng The Wall Street Journal ng Agosto 1, 1989. “Sa arabal ng Boston [E.U.A.] kamakailan, isang may kabataan pang ina na lango sa shabu ay inihagis ang kaniyang sanggol sa dingding nang napakalakas anupa’t ang bata ay namatay dahil sa nabaling leeg,” sabi ng pahayagan. Ang ina ay inilarawan na mula sa “isang kagalang-galang na kainamang pamilya.”
Dahil sa marahas na mga epekto ng shabu sa paggawi ng mga gumagamit nito, ang mga sosyologo at mga mananaliksik na pediyatrisyan ay kumbinsido na ang droga ay nakatulong sa mabilis na pagdami ng pagmamalupit sa bata. Maaaring magkaroon ng isang mainit na komprontasyon kung ang isang ina na nasa ilalim ng kontrol ng shabu ay naiiwan upang asikasuhin ang isang may sumpong, umiiyak na bata. “Hindi mabuti ang may bata sa harap mo,” sabi ng isang mananaliksik, “kapag ikaw ay nayayamot o nanlulumo at ikaw ay naghahanap ng cocaine. Ano ang gagawin mo sa sanggol na iyon? Tiyak na hindi kung ano ang dapat mong gawin.”
Nakalulungkot naman, ang mga resulta ay kadalasang nakamamatay. Karaniwan nang mabasa o marinig ang tungkol sa mga kabataang sugapa sa shabu na pinapatay ang kanilang mga magulang o mga nunong nagpalaki sa kanila sapagkat hindi sila binigyan ng mga ito ng pera upang ibili ng shabu o sapagkat ang mga sugapang ito ay nahuling humihitit. Ipinalagay ng pulisya ng New York City ang brutal na mga krimen sa mga sugapang kabataan na totoong nasiraan ng bait dahil sa shabu.
Gayunman, ang pinakamalaki at pinakabrutal na tagpo ng karahasan ay makikita sa mga lansangan sa lungsod. Yamang ang perang kikitain sa pagbebenta ng shabu ay napakalaki dahil sa dumaraming pangangailangan dito, inaakala ng mga negosyante na ang pagpatay dahil dito ay sulit. Armadung-armado ng pinakabagong mga sandata—mga machine gun, military assault rifles, silencers, at mga tsalekong di tinatablan ng bala—pinapatrolya nila ang kanilang mga teritoryo sa paghahanap ng iba pang batang mga negosyante upang gawing halimbawa yaong magnanakaw sa kanilang kliyente o yaong hindi nag-eentrega ng lahat ng kanilang kita sa isang araw. Ang mga negosyante o dealer ay handang ayusin ang mga gusot sa negosyo sa pamamagitan ng marahas na pagbububo ng dugo. “Kung may nabaril sa paa o nasaksak sa kamay,” sabi ng isang direktor ng mga narses sa isang emergency-room, “ito’y babala sa isang bata na nagtatago ng pera o droga mula sa dealer na pinagtatrabahuan niya. Kung ang patay ay nabaril sa ulo o sa dibdib, nais nilang iligpit ang isang ito.”
“Ang mga pagpatay ngayon ay mas grabe,” sabi ng isang sosyologo sa New York City. “Hindi sapat ang pumatay. Pinasasamâ mo ang katawan. Patay na siya dahil sa dalawang bala, kaya binabaril mo siya ng anim pa. Pinupugot mo ang ulo niya, o iba pa.” “May isang milyong kabataan na walang kasanayan maliban sa pakikipag-away,” sabi ng isang beteranong opisyal ng batas. “Hindi sila takot sa pulis o sa bilangguan o sa kamatayan,” ni nababahala man sila sa kaligtasan at buhay ng walang-malay na mga mirón na tinatamaan ng mga ligaw na bala. Ang magasing Time ay nag-uulat na sa 387 pagpatay na may kaugnayan-sa-barkada sa Los Angeles County sa isang taon, kalahati ay walang-malay na mga mirón.
Mga Kuwintas na Ginto, Mamahaling Kotse
Dahil sa karahasan na nauugnay sa pagkasugapa sa shabu, hindi nakikita ng batang mga negosyante ng shabu ang kanilang buhay na nagpapatuloy. Oo, sila ay namamatay na bata. “Mabubuhay ako ng mabuting buhay bago ako yumao” ang naging pilosopiya nila. Gayon nga ang ginagawa ng marami. “Araw-araw ay maaari kang magtungo sa isang high school at makita ang bagong Mercedes at mga Jeep at Cadillacs at Volvos,” sabi ng isang opisyal sa narkotiko sa Detroit. “Ang mga kotseng ito ay pag-aari ng mga bata, hindi ng kanilang mga magulang.” Ang mga batang napakabata pa upang magmaneho ay umuupa ng iba upang magmaneho para sa kanila. Ang iba ay nagbabaka-sakali at nagmamaneho nang walang lisensiya. Nagagawa nilang bayaran ng cash ang kanilang mga kotse. Kung magkaroon sila ng isang aksidente, basta nila iniiwan ang kotse at umaalis.
“Ang mga estudyante ay nagdadamit sa anumang araw ng damit na maaaring nagkakahalaga ng $2,000,” sabi ng isang guro. “Makikita mo ang maraming kabataan na suot ang mga coat na yari sa balahibo ng mga hayop at makakapal na mga kuwintas na ginto,” sabi niya. “Sa katunayan, ang ginto ay siyang pinakahahangad ng mga kabataan sa lungsod,” ulat ng magasing Time ng Mayo 9, 1988. “Ang mabibigat na kuwintas na ginto na nagkakahalaga ng hanggang $20,000 ang uso.” Binabayarang maigi ng mga tagapamahagi ang kanilang bagitong mga negosyante. Ang siyam- at sampung-taóng-gulang, halimbawa, ay maaaring kumita ng $100 isang araw sa pagbababala sa mga dealer ng presensiya ng pulis. Ang susunod na hakbang ay ang pagiging runner, isa na naghahatid ng droga mula sa laboratoryo tungo sa dealer, isang trabaho na magbabayad sa kaniya ng mahigit na $300 isang araw. Kapuwa ang mga bantay at runner ay naghahangad na maabot ang tugatog na abot-kaya nila—ang dealer. Maguguniguni mo ba ang isang tin-edyer, malamang ay may kaunting pinag-aralan, na kumikita ng hanggang $3,000 isang araw? Oo, malaki ang nakataya subalit ang kinabukasan ay sandali lamang.
Kadalasan ang kasamaan ng pagbebenta ng mga kabataan ng shabu ay dalawang-talim. Sa isang panig, sila ay nagbebenta ng drogang nakamamatay na makasisira sa buhay ng mga gumagamit gayundin ito ay nagdadala ng karahasan, karaniwang nagiging mga biktima mismo. Sa kabilang panig, sa maraming kaso, hinihimok ng mga magulang ang kanilang mga anak na magbenta ng shabu. Kadalasan, ang batang negosyante ang tanging naghahanapbuhay sa pamilya, ginagamit ang malaking bahagi ng kita upang suportahan ang naghihirap na pamilya. Kung hindi itinutuwid ng mga magulang ang kalagayan at sa halip ay kinukonsinti ito, sila ay nakikibahagi sa pagtulong sa gawang masama.
Masahol pa nga kung ang pag-ibig sa shabu ay nakahihigit sa pag-ibig ng ina sa kaniyang mga anak, pati na sa di pa isinisilang na anak na dinadala niya. Isaalang-alang ang kalagayan ng di pa isinisilang na anak sa susunod na artikulo.
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
“Naiiba ang Shabu”
Sapol nang gawin ang Shabu upang makaakit sa mga kabataan at sa mahihirap, ang halaga nito sa simula ay para bang napakamura. Ang mga pusher ay nagbebenta ng maliliit na butil sa maliliit na plastik na sisidlan sa halagang lima hanggang sampung dolyar. Gayunman, ang maikli ngunit matinding pagkalango ay humihiling halos ng patuloy na pag-uulit. “Naiiba ang shabu,” sabi ng isang ehekutibong direktor ng isang drug-information center sa Florida. “Isa itong lubhang nakasusugapang droga, mas matapang pa sa cocaine. Ang pagkalango ay napakatindi at napakalakas ng tama nito anupa’t pinananatili nito ang mga gumagamit—kahit na ang nagsisimula pa lang sa paggamit—na wala nang pinagtutuunan ng pansin kundi ang kanilang susunod na paghitit.”