Gawing Makulay ang Inyong Buhay
HINDI ito magkakahalaga sa iyo ng anumang salapi. Gagawin ka nitong mas kaakit-akit. Nagbibigay ito sa iyo ng higit na pagtitiwala. Ano ba “ito”?
“Ito” ang kakayahang pagtugmain o ibagay ang mga kulay ng mga damit na isinusuot mo. Bagaman ito ay isang sining na madaling matututuhan, maraming tao ang nalilito, bigo pa nga, pagdating sa pagtiyak kung anong kulay ang babagay sa isang kulay.
Ganiyan din ba ang nadarama mo kapag ikaw ay nagpapasiya kung dapat mong ikumbinasyon ang dilaw at asul, o di kaya’y ang dilaw at berde? Kung gayon, huwag mawalan ng loob, sapagkat ang paggawa ng matagumpay na mga kombinasyon ng kulay sa iyong mga damit ay hindi nangangailangan ng pagsasaulo ng maraming tuntunin. Ang kailangan mo lamang malaman ay tungkol sa katangian ng mga kulay at kung paano ito nagtatrabaho nang sama-sama. Kaya ating tingnan ang ilang pangunahing simulain at tingnan kung paano mo gagawing makulay ang iyong buhay.
Gaano Karami ba ang mga Kulay?
“Kapag tumingin tayo sa isang bahaghari ay kakatuwang napipili natin ang pula, orange, dilaw, berde, asul, indigo, at biyoleta, lubusang hindi pinapansin ang mga kulay sa pagitan,” sabi ng Hapones na siyentipiko sa kulay na si Kunihiko Takei sa Gumising! “Kung paanong ang mga kulay sa bahaghari ay unti-unting nagbabago mula sa pula tungo sa biyoleta, gayundin na ang bawat partikular na kulay ay maaaring magbago mula sa madilim tungo sa murang kulay, matingkad tungo sa mapusyaw. Ang sabihing may daan-daan ng alinmang isang kulay ay maliit na tantiya at walang saysay.”
Ang ibig sabihin nito ay na ang sarisaring kulay ay hindi magkakahiwalay na bagay. Ito’y magkakaugnay, at ang pagkaunawa sa kaugnayang ito ay napakahalaga sa pag-aaral kung paano pagtutugmain ang mga kulay. Isang nakatutulong na gamit sa bagay na ito ang color wheel, o bilog. Ang isang bersiyon nito ay ipinakikita sa pahina 16. Ang mga kulay ng bahaghari ay nakaayos sa isang bilog. Ang saligang mga kulay—pula, dilaw, at asul—ay pantay ang layo sa paligid ng bilog.a Sa pamamagitan ng paghahalo sa mga kulay na ito sa iba’t ibang kasukat, magagawa ang lahat ng iba pang kulay sa bilog.
Kapag ang isang kulay sa bilog ay inihalo sa katulad ng dami ng kulay sa katapat na kulay sa bilog, ang bunga ay itim o matingkad na abo. Kung di magkaparehong dami ang paghaluin, ang resulta ay mas matingkad o neutral na mga kulay. Sapagkat ito ay naglalaman ng mas maraming kulay, ang neutral na mga kulay na ito ay makakabagay ng maraming kulay. Ang neutral na pula, halimbawa, ay naglalaman hindi lamang ng pula at berde kundi ng dilaw rin at asul, na mga pinagmulan ng berde.
Ang isa pang paraan ng paglikha ng mga kulay ay sa pagdaragdag ng iba’t ibang dami ng puti, abo, o itim. Binabawasan ng kulay-abo ang tingkad ng kulay, at ang resulta ay tones, hindi gaanong matingkad na uri ng kulay ring iyon. Ang tints, o murang kulay, ay maaaring gawin sa pagdaragdag ng puti, at shades, o madilim na mga kulay, sa pagdaragdag ng itim. Ipinakikita ng isang color chart (ibabang kanan) ang maraming kulay ng iisang kulay. Paramihin mo ito sa dami ng mga kulay, at ang nakatutuwang posibilidad ay aabot ng milyun-milyon. Tinatayang mayroong halos sampung milyong tones, tints, at shades.
‘Iyan na nga ang problema,’ maaaring sabihin mo. ‘Ang daming kulay!’ Bueno, huwag nating kaligtaan ang gubat dahil sa mga punungkahoy. Ang mahalagang bagay ay tingnan ang kaugnayan sa pagitan ng mga kulay. Nagkaroon ka na ba ng pulang sweater na inaakala mong hindi bagay sa iyo kung kaya’t nagpasiya kang hinding-hindi magsusuot ng pula? Ito ba’y asul-pula o orange na pula, ito ba’y matingkad na kulay alak o murang rosas, ito ba’y matingkad o mapusyaw? Kung susuriin mo ang kulay sa ganitong paraan, masusumpungan mong maraming pula, o iba pang kulay, na matagumpay mong maisusuot.
‘Paano Ko Malalaman Kung Aling Kulay ang Bagay sa Akin?’
Bagaman napakaraming kulay, hindi ito nangangahulugan na lahat ng ito ay babagay sa iyo. Maaaring gusto mo ang ilang kulay ngunit maaaring hindi ito bagay sa iyo. Bagkus, ang mga kulay na isinusuot mo na tumatanggap ka ng pinakamaraming papuri ang mga kulay na bagay sa iyo.
Ayon sa maraming dalubhasa, ang lahat ay alin sa uring asul o uring dilaw. Sabi nila ang mga uring asul ay gumaganda sa mga kulay na gaya ng asul at malamig na rosas at dapat iwasan ang mga kulay orange at kayumanggi. Ang mga uring dilaw ay gumaganda sa dilaw, ginto, at maiinit na kulay subalit malamang na hindi bumagay sa murado.
Ang pinakamadaling paraan upang magpasiya kung aling kulay ang babagay sa iyo ay hawakan ito sa tabi mo, nang isa-isa, at tumingin sa isang salamin sa liwanag ng araw. Sang-ayon kay Carole Jackson, kasangguni tungkol sa kulay at autor ng mabiling-aklat na Color Me Beautiful, ang tamang kulay ay “pinagtitinging makinis at malinaw ang iyong kutis” at “inilalabas ang malusog na kulay ng iyong mukha.” Sa kabilang dako, ang maling kulay ay “pinagtitinging maputla, madilaw, o ‘marumi’ ang iyong kutis” at maaari pa ngang “patandain ang iyong mukha.”
Kumusta Naman ang mga Tuntunin?
Subalit kumusta naman ang mga tuntuning iyon na madalas nating marinig? Hindi ba’t bawal na bawal ang ilang kumbinasyon?
“Ang tanging tuntunin ngayon ay ‘Huwag magsabi ng Huwag,’ ” sulat ng kasangguni sa kulay at larawan sa Hollywood na si Leatrice Eiseman sa kaniyang aklat na Images in Colour. “Pag-isipan ang mga panuntunan sa halip na ang mga tuntunin, na makahahadlang sa iyong pagkamapanlikha at alisin ang katuwaan sa pagiging bukás sa bagong mga ideya.”
Ano, kung gayon, ang mga panuntunan? Bueno, pangunahin nang may dalawang bagay lamang na dapat isaisip: (1) Pagsamahin ang tamang mga kulay, at (2) gamitin ito sa tamang kasukat. Sa pagkakapit ng pangunahing mga panuntunang ito, may ilang paraan o kumbinasyon na makatutulong. Ang paggamit sa color wheel at color chart ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano gumagana ang mga kumbinasyong ito.
Monochromatics. Nangangahulugan ito ng paggamit ng mga kulay na kabilang sa isang pamilya o kulay. Ang color chart ay makakatulong dito. Nakikita mo ba kung paanong nagkakatugma ang lahat ng shades, tones, at tints? Kahit na isang kulay lamang ang ginagamit, ang kumbinasyong monochromatic ay totoong epektibo kapag napalilitaw ang pagkakaiba sa pamamagitan ng sarisaring shade at tint. Ang kumbinasyong iyon ay may kaaya-aya, nagkakaisang anyo.
Duochromatics, o dalawang kulay. Malamang na ito ang kumbinasyon na gagamitin mo sa pananamit. Ang dalawang kulay ay dapat na alin sa magkalapit sa color wheel o magkalayo. Ang mga kulay na magkatabi sa isa’t isa sa bilog, gaya ng pula at pulang-orange o pula at pulang-murado, ay tinatawag na analogous at magkabagay. Sa kabilang dako naman, ang mga kulay na magkatapat sa bilog, gaya ng pula at berde, o dilaw at murado, ay tinatawag na complementary. Pinatitindi nito ang isa’t isa at pinalilitaw ang mga kulay. Upang magamit nang maganda ang mga kulay na complementary, gamitin ang ikalawang kulay nang bahagya, o gamitin ito sa mas madilim na shade. Ang isang kulay ay matagumpay ring maikukumbinasyon sa mga kulay na katabi ng katapat nito sa color wheel. Ito ang tinatawag na near-complementary. Ang dilaw na kasama ng asul-na-murado o kasama ng pulang-murado ay magkakumbinasyon, at baka gusto mong palitawin ito sa paggawa mo sa huling banggit na mas matingkad ang kulay. Kung ang isang kulay ay mukhang marumi, nakikita mo ito na kasama ng maling mga kulay. Humanap ka ng mas magandang katugma.
Trichromatics, tatlong kulay. Ito’y karugtong ng duochromatics sa pagdaragdag ng isa pang kulay na analogous o near-complementary. Ang pula, pulang-orange at orange ay bumubuo ng isang analogous trichromattic. Isang halimbawa ng near-complementary trichromatic ay ang pula kasama ang dilaw-berde at asul-berde. Isa pang kaaya-ayang kumbinasyon, tinatawag na triad, ang nagsasama sa tatlong kulay na pantay ang layo sa color wheel, gaya ng tatlong pangunahing kulay—pula, dilaw, at asul. Sa lahat ng kumbinasyong iyon, kadalasang isang kulay lamang ang matingkad at ang iba ay mapusyaw, neutral, o madilim.
Polychromatics, o maraming kulay. Maging maingat kung pagsasamahin mo ang apat o higit pang kulay. Ayaw mong magmukhang payaso sa sirkus. Gayunman, ang mga tweed at maraming kulay na prints na doon ang mga kulay ay hindi nag-aagawan ng pansin ay ligtas.
Sa wakas, sa isang natatanging uri ay ang neutral na mga kulay na beige, gray, dark brown, at sa ilang paraan, ang itim at puti. Ang kulay na taupe (pinaghalong beige at kulay-abo) ay puwedeng ikumbinasyon sa halos lahat ng kulay. Ang mga kulay na neutral ay praktikal para sa mamahaling bagay, gaya ng mga amerikana, sapagkat bumabagay ito sa maraming kumbinasyon. Ang mga kulay na neutral ang pamantayan ng tradisyunal na mabuting pagpili ng kulay.
Pagkakatimbang at Proporsiyon
Anumang kumbinasyon ang piliin mo, tingnang mabuti ang panlahat na pagkakatimbang at hayaang ang iyong mata ang maging patnubay. Ang pagtatakda ng mga tuntunin ay imposible. Nakikita ng mata ang mga proporsiyon nang magkakaiba ayon sa mga salik na gaya ng materyales na gamit, tingkad ng kulay, kung baga ang kulay ay kita agad na gaya ng orange, o hindi agad makita na gaya ng kulay-abo.
Ang mga kulay na nagpapaligsahan sa pagtawag-pansin ay hindi nakalulugod. Kaya para sa pagkakatugma, hayaang mangibabaw ang isang kulay at hayaang ang iba’y pasakop, gumanap ng pangalawahing papel. Kapit ito sa lahat ng mga kumbinasyon. Para sa pananamit, 75 hanggang 90 porsiyento ay dapat na nasa nangingibabaw na kulay, mungkahi ni Eiseman. Kung isasama mo ang pangatlong kulay sa iyong kasuotan, tiyakin mo na ito’y bahagya lamang, isang tuldik. Subalit para sa kompletong pagkakaisa, dapat mong isaalang-alang ang iyong balat, ang iyong mga mata, ang iyong buhok—at ikaw.
Isaisip din, na ang ibang kulay ay gagawa sa iyong magtinging mas mataba, ang iba’y mas mapayat. Sabi ng internasyonal na disenyador na si Mary Quant: “Kung malaki ang bandang itaas mo ay pumili ka ng palda at blusa na mas madilim ang kulay sa itaas. . . . Mas malapad ba ang iyong balakang kaysa gusto mo? Itawag-pansin mo ang ibang dako sa pamamagitan ng masayang kulay na mga sweater. . . . Ang madidilim na kulay ay umuurong, ang mapupusyaw na kulay ay sumusulong.” At inirerekomenda ni Carole Jackson ang dayang pagpapapayat: “Ang kulay na bagay sa iyo ay humihila sa mata pataas tungo sa mukha at palayo sa iyong katawan.”
Pagkatapos payuhan ang mga pulitikong Hapones na paliwanagin ang kanilang mga hitsura, ang internasyonal na disenyador na si Hanae Mori ay nagsabi pa: “Hindi kailangang maging mapagpasikat.” Ang payak na mga panuntunang ito ay tutulong sa iyo na manatili sa hangganan ng mabuting pagpili gayunma’y masiyahan pa rin sa kulay. Ngayon, sumige ka at tingnan mo kung ano ang magagawa mo! May sampung milyong kulay doon na naghihintay lamang sa iyo upang gawing makulay ang inyong buhay.
[Talababa]
a Ang pula, dilaw, at asul ang tinatawag na saligang kulay sa pintura. Ang mga pangulay ng mga kulay na ito ay maaaring ihalo upang lumikha ng iba pang kulay. Sa kabilang dako, ang pula, berde, at asul ay tinatawag na saligang kulay sa liwanag. Kapag ang liwanag ng mga kulay na ito ay ipalabas sa isang telon, nagsasama ito upang bumuo ng iba pang kulay.
[Graph/Larawan sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ASUL
PULA
DILAW
Mga tint ng Pula Asul at pula ay gumagawa ng murado
Pula at dilaw ay gumagawa ng orange
Asul at dilaw ay gumagawa ng berde
[Graph]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tints of Red
10% 20% 30% 40% 50% 60% 70% 80% 90% 100%
[Larawan sa pahina 18]
Malaki ang magagawa ng magkakatugmang kulay sa iyong hitsura