“Nais Ko Ito Ngayon!” Ang Panahon ng Kagyat na Kasiyahan
Ang tindig ng batang si Johnny ay nagpapahiwatig ng masidhing paghihirap, subalit hindi mo maiiwasang matawa. Ang kaniyang mga balikat ay laylay, ang kaniyang mga tuhod ay nanlalambot, ang kaniyang mga hakbang ay mabigat. Ang kaniyang mukha ay isang larawan ng kalungkutan—nakakunot ang noo, mga matang nagmamakaawa, at pilipit na bibig dahil sa pagkabalisa. Iisang bagay lamang ang nasa isip niya: panghimagas.
“Pero Inay,” ingit niya. Hanggang doon na lamang siya. Ang kaniyang nanay ay bumaling sa kaniya, hawak-hawak ang mangkok at kutsara. “Sa huling pagkakataon, Johnny, HINDI PUEDE!” matatag na sabi ng ina. “Kung kakanin mo ang panghimagas ngayon, mawawalan ka na ng gana sa hapunan. At 15 minuto na lamang at kakain na tayo!”
“Ngunit gusto ko ng ilan NGAYON!” panangis niya. Inihinto ng kaniyang nanay ang paghahalo at itinutok ang tingin sa kaniyang anak. Alam ng bata ang tingin na iyon; may katalinuhang umurong siya, at tahimik na nagtiis sa katabing silid. Maya-maya’y naabala, nakalimutan niya ang tungkol sa pagkain hanggang sa noong handa na ang hapunan.
Kung minsan ang mga bata ay waring halos napaaalipin sa sandali. Kung nais nila ng isang bagay, nais nila ito ngayon. Ang ideya ng paghihintay para sa isang mas mabuting gantimpala, o ang pagkakait sa kanilang sarili ng kasiyahan sapagkat ito ay maaaring makapinsala sa kanila sa dakong huli, ay napakahirap nilang unawain. Gayunman, isa itong ideya na kailangan nila—at nating lahat—na matutuhan.
Sinuri ng isang pag-aaral kamakailan ng mga siyentipiko sa Columbia University sa Estados Unidos ang kakayahan ng maliliit na bata na iantala ang kasiyahan alang-alang sa ninanasang gantimpala. Ang mga bata ay pinapili sa dalawang handog, ang isa ay mas kanais-nais kaysa isa—halimbawa, isang biskuwit laban sa dalawa. Makukuha lamang nila ang mas mabuting handog kung maghihintay sila hanggang sa pagbabalik ng guro. Gayunman, maaari nilang wakasan ang paghihintay sa anumang oras sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng kuliling, kung saan makukuha nila ang mas kaunting handog at hindi makuha ang mas mabuting handog. Itinala ng mga siyentipiko ang kanilang paggawi at tiningnan ang pag-unlad ng mga bata ring ito pagkalipas ng sampung taon.
Iniulat ng magasing Science na ang mga batang iniantala ang kasiyahan ay naging mas mahusay na mga tinedyer. Sila’y mas may kakayahan sa lipunan at sa paaralan at mas mahusay na nadadaig nila ang kaigtingan at kabiguan. Maliwanag, ang kakayahang iantala ang kasiyahan—ipagpaliban ang pagkuha ng ninanais—ay mahalagang kasanayan sa buhay. At nakikinabang din dito ang mga adulto.
Tayong lahat ay ginigipit araw-araw na pumili sa pagitan ng kagyat at ng inantalang kasiyahan. Ang ilang pagpili ay waring walang halaga: ‘Dapat ko bang kainin ang piraso ng cake na iyon o bilangin ang aking mga calorie?’ ‘Dapat ba akong manood ng TV, o mayroon bang mas produktibong gawain na dapat kong gawin ngayon?’ ‘Dapat ko bang sabihin iyon o pigilan ang aking dila?’ Sa bawat kaso, dapat nating timbangin ang pang-akit ng kagyat na kasiyahan laban sa mas pangmatagalang mga epekto. Ipagpalagay na, ang mga ito ay maaaring hindi naman yumayanig-mundong mga bagay.
Mas mahalaga pa ang moral na mga disisyon na nakakaharap ng mga tao: ‘Dapat ba akong magsinungaling upang makalusot sa kalagayang iyon, o dapat ba akong humanap ng isang matapat at mataktikang paraan?’ ‘Dapat ba akong tumugon sa kaalembungang iyon at tingnan kung ano ang mangyayari, o dapat ko bang mahalin ang aking pag-aasawa?’ ‘Dapat ba akong makisama sa karamihan at humitit ng marijuana, o dapat ko bang sundin ang kautusan at ingatan ang aking katawan?’ Gaya marahil ng napansin mo, ang landasin ng kagyat na kasiyahan ay maaaring bumago sa buhay ng isang tao tungo sa kagyat na kaguluhan.
Gaya ng pagkakasabi rito ng magasing Science: “Upang kumilos nang mabisa, dapat na boluntaryong ipagpaliban ng mga indibiduwal ang kagyat na kasiyahan at manatili sa paggawi na ginagabayan-ng-tunguhin alang-alang sa resulta sa dakong huli.” Kaya malamang na hindi tayo mamumuhay ng mabuting buhay kung kinakailangang bigyan-lugod natin kaagad ang bawat simbuyo natin.
Gayumpaman, tayo’y namumuhay sa isang daigdig na walang iniisip kundi ang kagyat na kasiyahan, isang daigdig na waring pinatatakbo ng di-mabilang na libu-libong adultong tulad ng batang si Johnny, na ang hilig ay makuha ang nais nila ngayon, bulag sa mga kahihinatnan. Ang kanilang saloobin ay isang saloobin na humubog sa ating modernong daigdig, at hindi sa ikabubuti.