Posible ang Paggaling
“Nakakaharap natin ang isang pagpili: Ihinto ang pag-inom at gumaling, o patuloy na uminom at mamatay.”—Isang pagaling na alkoholiko.
ISIP-ISIPIN na ikaw ay biglang nagising isang gabi at nalaman mong ang inyong bahay ay nasusunog. Pagkaraan ng ilang sandali ay dumating ang tulong, at sa wakas ay napatay ang sunog. Ikaw ba ay basta babalik sa loob at magkukunwang walang anumang nangyari? Tiyak na hindi. Ang bahay ay nawasak, at ang pagtatayong-muli ay kakailanganin bago maaaring magpatuloy ang normal na buhay.
Gayunding hamon ang nakakaharap ng alkoholiko kapag siya’y nagsisimulang gumaling. Ang kaniyang buhay ay pininsala ng alkohol, marahil sa loob ng maraming taon. Ngayon siya’y tumigil na. Tumigil na siya sa pag-inom, subalit ang mahalagang pagtatayong-muli ng mga saloobin, istilo-ng-buhay, at paggawi ay mahalaga kung nais ng alkoholiko na manatiling hindi umiinom ng inuming nakalalasing. Ang sumusunod na mungkahi ay makatutulong sa alkoholiko na makamit ang permanenteng pagtitimpi sa pag-inom ng alak.
1. Kilalanin ang Kaaway
Binabanggit ng Bibliya na ang pita ng laman ay “nakikipaglaban sa kaluluwa.” (1 Pedro 2:11) Ang salitang Griego na isinaling “nakikipaglaban” ay literal na nangangahulugang “nagsasagawa ng militar na paglilingkod,” at ito’y nagpapahiwatig ng mapamuksang digmaan.—Ihambing ang Roma 7:23-25.
Kung paanong pinag-aaralan ng mahusay na sundalo ang mga taktika ng kaniyang kaaway, dapat turuan ng alkoholiko ang kaniyang sarili tungkol sa kalikasan ng alkoholismo at kung paano nito sinisira ang alkoholiko at yaong malapít sa kaniya.a—Hebreo 5:14.
2. Baguhin ang Pag-inom at Pag-iisip
“Ang pagtitimpi sa pag-inom ng alak ay nangangahulugan ng pag-iwas sa bote ng alak at sa sanggol,” sabi ng isang manggagamot. Sa ibang salita, higit pa sa pag-inom ang dapat baguhin; dapat ding baguhin ang panloob na tao.
Ang Bibliya ay matalinong nagpapayo: “Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip.” (Roma 12:2) “Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito.” (Colosas 3:9) Kung ang mga kilos ay magbago subalit ang pagkatao ay nananatili, ang alkoholiko ay lumilipat lamang sa isa pang nakapipinsalang pagdepende—o bumabalik sa dati.
3. Kumuha ng Isang Maunawaing Katapatang-loob
Isang kawikaan ng Bibliya ay nagsasabi: “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat ng magaling na karunungan.” (Kawikaan 18:1) Kahit na sa pagtitimpi sa pag-inom ng alak, ang alkoholiko ay maaaring mangatuwiran. Kaya, kailangan niya ang isang maunawain subalit matatag na katapatang-loob (karaniwang tinatawag na isponsor). Kapaki-pakinabang kung ang katapatang-loob ay isang gumagaling na alkoholiko mismo na matagumpay na natutugunan ang mga hamon ng pagtitimpi. (Ihambing ang Kawikaan 27:17.) Dapat igalang ng katapatang-loob na iyon ang relihiyosong paniniwala ng alkoholiko at dapat na maging mapagsakripisyo-sa-sarili at handang magbigay ng alalay.—Kawikaan 17:17.
4. Maging Matiyaga
Ang paggaling ay unti-unti. Nangangailangan ng panahon upang maitayong-muli ng alkoholiko ang kaniyang buhay. Maaaring may problema sa pananalapi, tensiyon sa trabaho, kaguluhan sa tahanan. Ang pagiging malaya sa alkohol ay hindi nangangahulugan ng pagiging malaya sa problema. Ang gumagaling na alkoholiko sa simula ay maaaring makadama ng mga kabalisahan habang hinaharap niya ang buhay nang walang kemikal na ‘tagalutas ng problema.’ Kapag ang gayong mga kabalisahan ay waring hindi malulutas, dapat tandaan ng gumagaling na alkoholiko ang nakaaaliw na mga salita ng salmista: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.”—Awit 55:22.
5. Magkaroon ng Kaaya-ayang mga Kasama
Dapat na matapat na tanungin ng alkoholiko ang kaniyang sarili: ‘Itinataguyod ba ng mga kasama ko ang aking pagtitimpi sa pag-inom ng alak o lagi ba nilang pinag-uusapan ang tungkol sa “mabubuting panahon noon,” ipinadarama sa akin na pinagkakaitan ko ang aking sarili?’ Ang Kawikaan 18:24 ay nagsasabi: “May magkakasama na handang magpahamak sa isa’t isa, ngunit may kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” Nangangailangan ng pang-unawa upang makita kung sino ang tunay na mga kaibigan at kung sino ang malamang na nakapipinsalang mga kasama.
6. Iwasan ang Labis na Pagtitiwala
“Mabuti ang pakiramdam ko—wala nga akong pagnanais na uminom pa!” Ang alkoholikong nagsasabi nito ay labis-labis ang pagtaya sa kaniyang pagsulong at minamaliit ang kaniyang alkoholismo. Ang katuwaan sa panimulang paggaling, tinatawag na rosas na kapaligiran, ay pansamantala. “Pagsikapan ang isang timbang na pangmalas,” mungkahi ng aklat na Willpower’s Not Enough. “Kung wala ito ay inilalagay mo ang iyong sarili sa kalagayan na ikaw ay mahulog sa iyong problema na pag-inom, at napakalakas ng iyong pagbagsak.”—Ihambing ang Kawikaan 16:18.
7. Mag-ingat sa Kahaliling Pagkasugapa
Marami ang humihinto ng pag-inom, subalit sila naman ay nagkakaroon ng sakit na nauugnay sa pagkain o nagiging mga workaholic, pusakal na mga sugarol, at iba pa. ‘Ano ang masama roon? Sa paano man ay hindi ako umiinom,’ maaaring ikatuwiran ng isang pagaling na alkoholiko. Totoo, ang ilang pisikal na palabasan ay maaaring mabuti sa kalusugan. Subalit kapag ang anumang bagay o gawain ay ginagamit upang gawing manhid ang iyong mga damdamin, ito ay humahantong lamang sa palso, pansamantalang pagkadama ng katiwasayan.
8. Makibagay sa Bagong mga Papel sa Pamilya
Sinasabotahe ng maraming alkoholiko ang kanilang paggaling kapag ang mga bagay ay bumubuti! Bakit? Sapagkat ang pagtitimpi sa pag-inom ng alak ay isang bagong karanasan. Ang alkoholiko ay maaaring maakit sa pamilyar na istilo-ng-buhay. Isa pa, kapag ang alkoholiko ay hindi lango, ginugulo niya ang pamilya. Kaya nga, dapat baguhin ng bawat miyembro ng pamilya ang kaniyang papel. “Ang buong iskrip para sa pagtatanghal ng pamilya ay dapat itapon at gumawa ng isang bagong iskrip na kahalili nito,” sabi ng pulyetong Recovery for the Whole Family. Taglay ang mabuting dahilan, ang paggaling ay tinawag na isang bagay na kinasasangkutan ng buong pamilya.—Ihambing ang 1 Corinto 12:26.
9. Mag-ingat Laban sa Pagbalik sa Dati
Ang labis na pagtitiwala, hindi kaaya-ayang mga kasama, kahaliling mga pagkasugapa, at higit at higit na pagbubukod ay maaaring maging tuntungang-bato na bumalik sa dati. Panatilihin ang bukás na pakikipagtalastasan sa isang katapatang-loob tungkol sa anumang gayong hilig.
Ganito ang sabi ng isang pagaling na alkoholiko: “Lahat ng alkoholiko ay humihinto sa pag-inom. Ang ilan sa atin ay mapalad na huminto samantalang tayo ay buháy pa.”
[Talababa]
a Maraming sentro ng paggamot, ospital, at mga programa sa pagpapagaling na makapagbibigay ng gayong impormasyon. Hindi iniindorso ng Gumising! ang anumang partikular na paggagamot. Yaong nagnanais mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ay mag-ingat na huwag masangkot sa mga gawain na maaaring magkompromiso ng maka-Kasulatang mga simulain. Ang isang Saksi ni Jehova ay makasusumpong ng kapaki-pakinabang na mga panuntunan sa Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1983, pahina 7-11.
[Kahon sa pahina 7]
Kung Lubhang Kailangan ang Paggagamot
Ang anumang gamot na naglalaman ng alkohol ay maaaring pukawin-muli ang pagnanais at magbalik sa dati.
Si Dr. James W. Smith ay sumulat: “Karaniwan na para sa isang pasyenteng alkoholiko na magbalik sa dati pagkatapos ng mga taon ng pagtitimpi sa pag-inom ng alak bunga ng paggagamot-sa-sarili ng isang sirup para sa ubo na naglalaman ng alkohol.” Ang alkoholiko ay mahina sa lahat ng gamot na pampakalma. Kung ang gamot na pampakalma ay lubhang kailangan, ang alkoholiko ay dapat na . . .
1. kumunsulta sa isang parmaseutiko upang alamin ang potensiyal na mga panganib.
2. ipagbigay-alam sa isang katapatang-loob, at kung maaari, tawagan siya bago inumin ang bawat dosis.
3. mag-ingat ng isang rekord ng bawat dosis na iniinom.
4. ihinto ang paggagamot sa lalong madaling panahon hangga’t maaari.
5. itapon ang hindi nagamit na gamot kung tapos na ang gamit dito.