Ang Problema sa Aborsiyon—Ang Pagpatay ba sa 60 Milyon ang Lunas?
NALILITO, natatakot, naiiyak, pinagmamasdan ng isang 15-anyos na babae ang pag-alis ng kaniyang boyfriend na nasusuya. Tinawag siyang tanga ng kaniyang boyfriend dahil sa siya ay nagbuntis. Akala niya sila ay nagmamahalan.
Isang babae ang desperadong-desperado sapagkat talos niyang ipinagbubuntis niya ang kaniyang ikaanim na anak. Ang kaniyang asawa ay walang trabaho, at ang maliliit na anak ay natutulog nang gutom gabi-gabi. Paano nga nila mapangangalagaan ang isa pang anak?
“Ang pagbubuntis ay hindi sana dumating sa pinakamasamang panahon,” paliwanag ng isang pusturyosong babae sa kaniyang doktor. Sa wakas ay nakamit niya ang kaniyang digri sa inhinyera at magsisimula na sana siya sa kaniyang bagong karera. Ang kaniyang mister ay buhos na buhos ang isip sa kaniyang propesyon bilang abugado. Saan sila makasusumpong ng panahon para sa isang sanggol?
Ang mga taong ito ay lubhang nagkakaiba-iba sa kanilang paraan ng pamumuhay at nakaharap sa iba’t ibang problema, subalit pinili nila ang iisang lunas: aborsiyon.
Ang aborsiyon ang isa sa pinakamainit na isyu ng dekada, pinagniningas ang nagngangalit na mga debate sa mga larangang pampulitika, panlipunan, pangmedisina, at panteolohiya. Sa Estados Unidos, ang mga pabor sa buhay ay nagmamartsa para sa mga karapatan ng di pa isinisilang. Ang pangkat naman ng pabor sa pagpili ay nakatayo sa legal na mga pundasyon ng kalayaan at ng karapatan ng babae na magpasiya kung baga siya ay magpapalaglag. Sinasalungat ng mga nagkakampanyang pabor sa buhay ang mga nakikipagbaka sa kalayaan na pabor sa pagpili sa mga eleksiyon, sa mga silid ng hukuman, sa mga simbahan, kahit na sa mga lansangan.
Angaw-angaw ang naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato, naiipit sa mainapoy na mga pangangatuwiran ng magkabilang panig. Ang termino mismong “pabor sa pagpili” at “pabor sa buhay” ay maingat na pinili upang hikayatin ang mga nag-aalinlangan. Sa panahong ito kung saan ang kalayaan ay iniidolo, sino ang hindi papanig sa pagpili? Subalit minsan pa, sino ang hindi papanig sa buhay? Iniwawasiwas ng mga pangkat na pabor sa pagpili ang mga hanger ng amerikana upang isadula ang mga kamatayan ng aping mga babae na dumanas ng di-ligtas na ilegal na mga aborsiyon. Hawak naman ng mga tagapagtaguyod na pabor sa buhay ang mga bote ng ipinalaglag na mga sanggol bilang isang nakatatakot na paalaala ng angaw-angaw na patay na di pa isinisilang.
Ang buong nakamamatay na kalunus-lunos na pangyayaring ito ay angkop na inilarawan sa aklat ni Laurence H. Tribe na Abortion: The Clash of Absolutes. “Marami na kumikilala na ang ipinagbubuntis na sanggol ay tiyak na isang nabubuhay na tao, na binibigyan ito ng pagpapahalaga at umiiyak, ay bahagyang nakikita ang babaing nagdadala ng sanggol at ang kaniyang suliraning pantao. . . . Marami pang iba, na kumikilala sa babaing nagdadalang-tao at sa kaniyang katawan, na sumisigaw para sa kaniyang karapatang supilin ang kaniyang kapalaran, ay bahagyang nakikita ang ipinagbubuntis na sanggol sa loob ng babaing iyon at hindi itinuturing na tunay ang buhay na maaari sana nitong patunguhan.”
Samantalang nagngangalit ang moral na labanang ito, mula 50 milyon hanggang 60 milyong di pa isinisilang na mga bata ang mamamatay sa taóng ito samantalang ang mga tao ay nagtatalo tungkol sa kung kaninong karapatan ang dapat mauna.
Ano ang paninindigan mo sa emosyonal na isyung ito? Paano mo sasagutin ang mahahalagang tanong na ito: Saligang karapatan ba ng babae na magpasiya? Ang aborsiyon ba ay binibigyan-matuwid sa ilalim ng anumang kalagayan? Kailan nagsisimula ang buhay? At ang panghuli, gayunman ay bihirang itanong, na tanong ay: Paano minamalas ng Maylikha ng buhay at ng pag-aanak ang aborsiyon?
Ang aborsiyon ay may mahabang kasaysayan. Sa sinaunang Gresya at Roma, ang aborsiyon ay isang karaniwang gawain. Sa Europa noong Edad Medya at noong panahon ng Renaissance, itinuturing na maaaring gawin ang aborsiyon hanggang sa ang pagpintig, yaon ay, kapag madarama ng ina ang buhay sa sinapupunan. Pagdating ng seksuwal na rebolusyon o pagbabago ay dumating din ang pinsala—angaw-angaw na di-naiibigang pagbubuntis.
Ang mga taon ng 1960 ay nagtanda sa pagbangon ng kilusang pambabae, kung saan ang tinatawag na karapatan sa pag-aanak ay isang saligang bato. Ang ilan ay humihiyaw para sa karapatan sa aborsiyon para sa nagdadalang-taong mga biktima ng paggahasa o insesto o kapag ang kalusugan ng ina ay nanganganib. Ginawang posible ng teknolohiya ng medisina na makita ang bahay-bata upang matuklasan ang posibleng mga depekto sa pagsilang at ang kasarian ng sanggol. Ang mga pagdadalang-tao ay niwawakasan salig sa pesimistikong pagsusuri ng doktor. Ang mga babaing mahigit na 40 anyos ang edad ay maaaring nababalisa tungkol sa mga kapinsalaan ng katawan.
Sa mga bansang ginigiyagis-ng-kahirapan, maraming babae na may limitadong nakukuhang kontrasepsiyon ay nakadarama na hindi na nila mapaglalaanan pa ang higit na mga anak. At pinalalawak ang kahulugan ng pabor sa pagpili sa sukdulan nito, pinipili ng ilang babaing nagdadalang-tao na ilaglag ang ipinagbubuntis na sanggol sapagkat inaakala nilang ang panahon ng pagbubuntis ay wala sa tamang panahon o sapagkat nalaman nila ang sekso ng di pa isinisilang na sanggol at ayaw nila ito.
Maraming mainitang pagtatalo na ipinahayag sa alitang ito ang may kinalaman sa tanong na kung kailan nagsisimula ang buhay. Ilang tao ang makikipagtalo sa punto na ang pertilisadong selulang itlog ay nabubuhay. Ang tanong ay, nabubuhay bilang ano? Bilang isa lamang himaymay? O ito ba ay tao? Ang isa bang acorn ay isang puno ng encina? Kung gayon, ang isa bang ipinagbubuntis na sanggol ay isang tao? Mayroon ba itong mga karapatang sibil? Ang pagtatalo sa mga salita ay walang katapusan. Anong pagkabalintuna nga na sa iisang ospital, ang mga doktor ay maaaring buong giting na inililigtas ang buhay ng isang sanggol na ipinanganak nang wala pa sa panahon gayunman ay niwawakasan ang buhay ng isang ipinagbubuntis na sanggol na kasinggulang nito! Maaaring pinapayagan sila ng batas na kitlin ang isang sanggol sa loob ng bahay-bata, subalit ito’y pagpatay kung ang sanggol ay nasa labas ng bahay-bata.
Ang pinakamalakas na mga kahilingan para sa legal na aborsiyon ay galing sa “napalayang” mga makabagong babae na malayang nakakukuha ng mga pamamaraan ng kontrasepsiyon upang hadlangan ang pagbubuntis sa simula pa. Mapusok nilang sinasabi ang isang bagay na tinatawag na mga karapatan sa pag-aanak, gayunman sa katunayan ay naisagawa na nila ang kanilang kakayahang maglihi at mag-anak. Ang gusto nilang talaga ay ang karapatang alisin ang sanggol na dinadala. Ang pangangatuwiran? “Katawan ko naman ito!” Subalit gayon nga ba?
Binabanggit ng Abortion—A Citizens’ Guide to the Issues na nagsasabi na sa unang 12 linggo ng pagbubuntis, “ang munting himaymay sa anyong parang gulaman ay napakadaling alisin.” Ang aborsiyon ba ay matuwid na maituturing bilang “pag-aalis ng isang kimpal ng himaymay” o “pagwakas sa bunga ng paglilihi”? O ang mga termino bang ito na mapanlinlang ay dinisenyo upang gawing kalugud-lugod na pinaganda ang hindi kanais-nais na katotohanan at payapain ang bagbag na budhi?
Ang hindi naiibigang piraso ng himaymay na iyon ay lumalaki, nabubuhay, kumpleto na may sarili nitong set ng mga chromosome. Tulad ng isang makahulang talambuhay, isinasaysay nito ang detalyadong kuwento ng isang pambihirang indibiduwal na nabubuo. Ang kilalang propesor sa pananaliksik tungkol sa ipinagbubuntis na sanggol na si A. W. Liley ay nagpapaliwanag: “Sa biyolohikal na paraan, sa anumang yugto ay hindi kami sumasang-ayon sa pangmalas na ang ipinagbubuntis na sanggol ay isang bahagi lamang ng ina. Sa henetikong paraan, ang ina at ang sanggol ay magkabukod na mga indibiduwal mula sa paglilihi.”
Iresponsableng Paggawi
Gayunpaman, dahil sa madaling maisagawa ang aborsiyon, marami ang nag-aakala na hindi na kailangang magbantay pa laban sa di-naiibigang paglilihi. Pinipili nilang gamitin ang aborsiyon bilang isang ligtas na mapagpipilian upang hadlangan ang “mga aksidente” na maaaring mangyari.
Ipinakikita ng estadistika na ang edad ng pagbibinata o pagdadalaga ay bumaba sa dantaong ito. Kaya, ang mas nakababatang mga bata ay maaari nang manganak. Sila ba ay tinuturuan ng mabigat na pananagutan na kaakibat ng pribilehiyong iyon? Naiwawala ng karaniwang Amerikano ang kaniyang pagkabinata o pagkadalaga sa gulang na 16, at 1 sa 5 ang naiwawala ito bago ang edad na 13 anyos. Sangkatlo ng mga may-asawang lalaki at babae ay nangangalunya o ginawa ito noon. Ang aborsiyon ay umaakit ng kusang mga kliyente sa gitna ng mga handalapak. Katulad ng paminsan-minsan na panawagan na gawing legal ang prostitusyon upang masugpo ang pagkalat ng AIDS, ang paggawang legal sa aborsiyon ay maaaring gumawa sa aborsiyon na tila mas ligtas sa medikal na paraan, subalit ito ay nakagawa ng higit na mabungang kapaligiran kung saan ang sakit sa moral ay maaari at talagang sumasagana.
Mga Biktima ng Karahasan o ng Pangyayari?
Kawili-wili, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pagbubuntis dahil sa paggahasa ay bihirang-bihira. Sa isang surbey ng 3,500 magkakasunod na mga biktima ng paggahasa sa Minneapolis, E.U.A., ay walang nagbunga ng isa mang kaso ng pagbubuntis. Sa 86,000 aborsiyon sa dating Czechoslovakia, 22 lamang ang dahil sa paggahasa. Sa gayon, maliit na bahagi lamang ng mga naghahangad ng aborsiyon ang gumagawa nito sa mga kadahilanang ito.
Kumusta naman yaong nakatatakot na mga hula tungkol sa lubhang napinsalang mga sanggol na may di-mababagong mga depekto sa pagsilang? Sa unang tanda ng depekto sa pagsilang, mabilis na hinihimok ng mga doktor ang aborsiyon. Talaga bang nakatitiyak sila sa rekunusi? Mapatutunayan ng maraming magulang na ang gayong katakut-takot na mga hula ay maaaring hindi totoo, at sila ay may maliligaya, malulusog na anak upang patunayan ito. Ang iba na may mga anak na itinuturing na may kapansanan ay maligaya rin na maging mga magulang. Oo, 1 porsiyento lamang niyaong mga naghahangad ng aborsiyon sa Estados Unidos ang gumagawa niyon sapagkat sila ay sinabihan ng ilang maaaring depekto sa ipinagbubuntis na sanggol.
Gayunpaman, sa panahong mabasa mo ang artikulong ito, daan-daang di pa isinisilang na sanggol ang namatay na. Saan ito nangyayari? At paano apektado ang buhay niyaong mga kasangkot dito?
[Blurb sa pahina 4]
Ina: “Katawan ko ito!”
Sanggol: “Hindi! Katawan ko ito!”