Nasapatan ang Pagkauhaw Ko sa Diyos
AKO’Y gumugol ng sampung taon sa pag-aaral sa mga seminaryo sa Timog Amerika, ang huling tatlong taon nito ay nagdalubhasa ako sa teolohiya at pilosopiya. Subalit ngayon isang hamak na magbubukid ay nagsasabi sa akin na matutulungan niya akong maunawaan ang Bibliya. Ang kabiguan ko sa turo sa seminaryo ay nagpangyari sa akin na makinig.
Ano ang nag-udyok sa akin na magnais na maging isang pari? Gayunman bakit ang mga taon sa mga seminaryo ay nag-iwan sa akin na hindi nasasapatan sa pagkauhaw sa Diyos?
Isang Hamak na Pinagmulan
Pito kaming lalaki na pinalaki ng aming mga magulang sa Vallegrande sa Bolivia. Kami’y nakatira sa isang mayabong na libis, na nag-aalaga ng baka at nagtatanim ng mais, mani, at patatas. Ang aming nayon ng Naranjal ay nabubukod, kaya kaunti lamang ang pagkakataon kong makapag-aral. Gayunman, natuto akong bumasa’t sumulat.
Taun-taon isang paring Romano Katoliko ang dumadalaw sa aming nayon para sa lokal na mga kapistahang relihiyoso. Hinahangaan ko ang paraan ng pagsasalita niya tungkol sa Diyos. Noong isang pagdalaw, ipinahayag niya na isang seminaryo ang binuksan sa Bolivia upang magsanay ng mga binata na maging mga pari. Nang sabihin kong nais kong matuto tungkol sa Diyos, nagsimula siyang magkaroon ng interes sa akin. Sabi niya: “Ikaw ay maaaring maging gaya ng isang hagdan, na tumutulong sa mga tao na magtungo sa langit.”
Hangad kong magtungo sa seminaryo at magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Doon ay inaasahan kong magiging maliwanag ang ilan sa mga bagay na nakalilito sa akin. Halimbawa, bagaman tinuruan ako ng aking ina na ang mga bundok, bulaklak, at mga punungkahoy ay mga kaloob mula sa Diyos, sinabi rin niya na ipinadadala ng Diyos ang ilang tao sa impiyerno upang magdusa ng katakut-takot na hirap. ‘Paano nga maaaring maging gayon ang Diyos?’ tanong ko.
Pagsasanay sa Seminaryo
Ang bagong seminaryo ay nasa Tupiza, isang bayan sa isang magandang libis. Dumating ako noong 1958. Noong ako’y mas bata pa, nasisiyahan akong umakyat sa isang burol kung saan makapagbubulay-bulay ako tungkol sa ating maibiging Maylikha. Gayunman, bigo ako na wala akong gaanong natututuhan tungkol sa Diyos sa seminaryo. Wala nga silang kumpletong Bibliya roon, ang “Bagong Tipan” lamang. Nang humingi ako ng isa nito, ako’y sinabihan ng mga guro na maghintay-hintay lamang.
Pagkaraan ng unang taon, tatlo lamang sa amin ang naging kuwalipikado na magpatuloy sa kurso. Lahat ng iba pa ay pinauwi. Yamang napakakaunti namin, kami ay ipinadala sa Buenos Aires, Argentina, upang ipagpatuloy ang aming pag-aaral. Pagdating ko sa Seminaryo ng San Miguel, labis akong nasindak. Para ba itong isang pagkalaki-laking dako. ‘Tiyak na ako’y magiging malapít sa Diyos dito,’ naisip ko. Kami’y nag-aral ng Latin, Griego, Ingles, at Pranses, at binasa namin ang tungkol sa buhay niyaong pinararangalan ng Iglesya Katolika bilang “mga santo.” Subalit ang mga pag-aaral na ito ay nag-iwan sa akin na makadama ng kahungkagan. Ang aking mga tanong ay nanatiling walang kasagutan.
“Paano ngang ang Diyos ay isang Trinidad?” ang tanong ko sa isa sa mga guro. Siya’y tumugon na hindi nga naipaliwanag kahit na ng dakilang mga teologong gaya ng Italyanong si Thomas Aquinas noong ika-13 siglo ang mga bagay na gaya niyan. Hindi pa rin ako nakakita ng isang kumpletong Bibliya, kaya tinanong ko ang isa sa mga propesor tungkol sa “Matandang Tipan.”
“Iyan ay para lamang sa mga Protestante,” sabi niya.
Nagtaka ako kung paanong naging gayon ito, yamang alam ko na si Jesus ay madalas na sumipi mula rito. Ako’y nasiphayo at nanlumo.
Nang maglaon, anim sa amin ay napiling maging mga nobisyado, at kami’y nanata ng kalinisan, karukhaan, at pagsunod. Pagkatapos ng isang taóng pag-aaral bilang mga nobisyado, kami’y nagtungo sa seminaryo sa Córdoba, Argentina. Ang aming maisusuot ay relihiyosong kasuutan lamang, na binubuo ng isang mahabang itim na damit at isang puting kuwelyo, na may rosaryo at isang malaking krusipiho. Punung-puno ako ng pananabik; ngayon sa kauna-unahang pagkakataon, ako’y kukuha ng isang kurso sa teolohiya.
Higit Pang Kabiguan
Itinampok ng kurso sa teolohiya ang isang pag-aaral tungkol sa nakatataas na pamumuna, na itinuturing ang Bibliya bilang isang gawa ng literatura na gaya ng ibang aklat. Ako’y nasiphayo na ang maraming katanungan ko ay hindi pa rin nasasagot. Ako’y naging isang matalik na kaibigan ng isang obispo. “Paano ngang sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay napasa impiyerno?” tanong ko. (Gawa 2:31) Subalit iniwasan niya lamang ang aking tanong.
Marami ring moral na katanungan na lumiligalig sa akin. Tinanong ko ang isang teologo tungkol sa masturbasyon at pagtatalik sa pagitan ng binata’t dalaga. Sa halip na sangguniin kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa mga bagay na iyon, masigasig siya tungkol sa pinakabagong mga idea ng kilalang mga teologo sa Paris. Ipinakita niya sa akin ang isa sa kanilang mga aklat. “Sinasabi ng mga ito na ang mga bagay na ito ay hindi masama,” aniya. “Wala kang dapat alalahanin.” Subalit ang sagot ay hindi nakasiya sa akin.
Isang araw ako’y nagbabasa sa aklatan ng seminaryo nang mabuksan ko ang isang aklat na isinulat sa wikang Pranses. Sinipi nito ang Awit 42:2, na nagsasabi: “Kinauuhawan ng aking kaluluwa ang Diyos.” Naisip ko, ‘Aba, ito nga ang nadarama ko.’ Di-nagtagal pagkaraan nito, samantalang dumadalaw sa bahay, ako’y nagtungo sa kumbento sa kalapit na bayan ng Vallegrande. Doon sa isang tindahan ng aklat ay nakita ko ang isang kopya ng kumpletong Bibliya—ang Nácar-Colunga na salin. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ako’y nakakita ng kumpletong Bibliya. Tinanong ko kung puwede ko bang bilhin ito, hindi ako halos makapaniwala na posibleng bilhin ito. Anong ligaya ko paglabas ko ng tindahang iyon na kilik-kilik ko ang aking sariling Bibliya!
Lumakad ako pauwi ng bahay na umaawit at sumisipol. Pagdating sa bahay, sinimulan kong basahin ang Awit 42, na nagsisimula: “Kung paanong nananabik ang usa sa tubig ng mga batis, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, Oh Diyos. Kinauuhawan ng aking kaluluwa ang Diyos, ang buháy na Diyos.” ‘Marahil ngayon,’ naisip ko, ‘ang aking pagkauhaw sa Diyos ay masasapatan na.’ Ngunit agad kong natanto na mangangailangan ako ng tulong upang masumpungan ang mga sagot ng Bibliya sa aking mga tanong. Ang aking mga pag-aaral sa seminaryo ay hindi nagbigay ng gayong tulong.
Noong 1966, ako’y sinabihan na isang mas masulong na seminaryo na nagdadalubhasa sa teolohiya at pilosopiya ay binuksan malapit sa Cochabamba sa aking bayan ng Bolivia at na ako’y ililipat doon. Ang mga kawani sa seminaryo ay kabataang mga paring Kastila, makabagong mga teologo, at ito ay may magandang aklatan. ‘Marahil ngayon ay masusumpungan ko ang mga sagot sa aking mga katanungan,’ naisip ko.
Madalas ako’y magtatanong ng mga tanong, gaya ng: “Paanong nangyari na si Maria ay ina ng Diyos?” Gayunman, ang mga guro ay walang gaanong interes sa mga tanong na iyon. Bagkus, sila’y mas nababahala sa pilosopiyang Komunista. Minsa’y may nakilala akong kardinal, subalit siya’y mas interesado sa pagsasabi sa akin tungkol sa kaniyang mga karanasan noong Digmaang Pandaigdig II kaysa pagsagot sa aking mga tanong.
Pagkatapos ng sampung taon ng pagsasanay sa seminaryo, humingi ako ng isang taóng bakasyon upang makalabas at makilala ang mga tao. Nais kong maranasan ang pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa ebanghelyo. Di-nagtagal natanto ko na hindi ako kailanman masisiyahan sa mga kumbento, kaya’t ako’y nagpasiyang humiling na ako’y palayain sa aking mga panata. Nang maglaon ay napangasawa ko ang isang dating madre, si Porfiria. Kami’y nanirahan sa lungsod ng Santa Cruz, Bolivia.
Isang Nakagugulat na Bisita
Isang araw nang sumunod na taon, ako’y nakaupo sa patio kung saan ang kasera ay gumagawa ng tinapay sa isang hurno na kahoy ang gatong. Isang lalaki ang dumating sa tarangkahan. Ipinagpalagay ko na mayroon siyang kailangan sa kaniya, kaya sinabi ko: “Tuloy!” Pumasok siya, at naupo siya sa tabi ko. Bagaman maayos ang kaniyang pananamit, masasabi ko mula sa kaniyang hitsura na siya ay may hamak na pinagmulan. Sa aking pagtataka ay sinimulan niyang kausapin ako tungkol sa Bibliya.
Napag-alaman ko nang dakong huli na ang pangalan ng lalaki ay Adrian Guerra at na siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Sandali lamang at natanto ko na siya ay hindi gaanong makabasa. Handa akong ipagtanggol ang aking sarili sa kaniya, subalit hindi ako natatakot. ‘Tutal,’ naisip ko, ‘marunong ako ng Latin at Griego. Ako’y nag-aral ng teolohiya at gumugol ako ng mga taon sa pagtalakay ng pilosopiya sa mga teologo at mga obispo.’ Hindi ako nagmataas o hinamak man siya, ngunit talagang hindi ako umaasang may matututuhan akong anumang bagay mula sa kaniya.
Tinanong niya ang opinyon ko tungkol sa tanong na, Bakit dumarami ang kasamaan sa daigdig? Pinag-usapan namin ito, at pagkatapos ay hiniling niya na ipakita ko sa kaniya ang aking Bibliya. Nang panahong ito ay nabili ko ang bagong inilathalang Katolikong Jerusalem Bible. Ipinabasa niya sa akin ang Apocalipsis 12:12, na nagsasabi: “Ngunit sa iyo, lupa at dagat, darating ang kaguluhan—sapagkat ang diyablo ay nanaog sa iyo na taglay ang malaking galit, sa pagkaalam niya na biláng na ang kaniyang mga araw.”
“Tiyak na tumutukoy iyan sa panahon nang magsimula ang kasalanan,” sabi ko. Ipinabasa niya sa akin ang konteksto, mga talatang 7-10, na nagsasabing ang digmaan sa langit ay nagsimula nang si Kristo ay maging Hari, at bunga nito si Satanas at ang kaniyang mga anghel ay ibinulid sa lupa. “Ang kakila-kilabot na mga kalagayang nakikita natin sa ngayon ang bunga ng tumitinding galit ng Diyablo,” paliwanag ni Adrian. “Subalit tayo’y matutuwa na si Kristo ay Hari na ngayon at na ang mga araw ng Diyablo ay biláng na.”
Ang pagkaalam nito mula sa aking Bibliya ay nakahalina sa akin. Subalit ako ay namangha rin na ang hamak na taong ito, na may magandang ngiti, ay basta nauupo roon at mahinahong ipinaliliwanag sa akin ang mga Kasulatan.
Nasapatan ang Pagkauhaw Ko sa Diyos
Ako’y iniwanan ni Adrian ng ilang literatura at nangakong siya’y babalik. Ako’y natuwa nang siya ay dumalaw na muli, at ako’y nagsimulang magtanong sa kaniya ng mga tanong na nakabalisa sa akin sa loob ng mahabang panahon, gaya ng: “Paano ngang ang Diyos ay isang Trinidad?” at, “Bakit si Jesus ay nasa impiyerno?” Ginamit niya ang isang giya sa Bibliya na tinatawag na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-hanggan, at ipinabasa niya sa akin mula sa akin mismong Bibliya ang mga teksto na sinipi roon na sumasagot sa mga tanong ko. Para bang ako’y isang mangmang. Natutuhan ko na ang pangalan ng Diyos ay Yahweh, o Jehova, at na siya ay hindi isang Trinidad, na ang impiyerno ay ang libingan at si Jesus ay walang-malay roon sa loob ng bahagi ng tatlong araw.—Awit 16:10; Eclesiastes 9:10; Isaias 42:8.
Madalas kong itanong sa seminaryo ang tungkol sa kabilang buhay at ako’y sinabihan na ang langit ay tulad ng isang malaking simbahan kung saan ang lahat ay tatayo sa harap ng Diyos at mananalangin. ‘Nakababagot naman!’ naisip ko. Subalit ngayon, habang ang pangako ng Bibliya na buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso ay ipinaliliwanag sa akin, ang pananampalataya ko sa pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay muling nagningas.—Awit 37:9-11, 39; Apocalipsis 21:3, 4.
Pagkaraan ng ilang pagdalaw, si Adrian ay dumating isang araw na kasama ang isang dayuhan, na ipinakilala niya sa akin bilang isang tagapangasiwa ng kongregasyon. “Napakarami mong tanong,” sabi niya, “kaya naipasiya kong ang misyonerong ito ay mas makatutulong sa iyo.” Ngunit gusto ko si Adrian, at ako’y nininerbiyos sa pagkanaroroon ng misyonero. Kaya ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ng Bibliya kay Adrian. Nagsimula akong dumalo ng mga pulong sa Kingdom Hall at nasumpungan ko na ang mga pahayag sa Bibliya ay totoong nakapagtuturo.
Pagdaig sa Aking Takot
Nang maglaon ay pinalalakas-loob ako ni Adrian na ibahagi sa iba ang aking natutuhan. Sa kanilang mga pulong ang mga Saksi ni Jehova ay pinasisiglang magturo sa bahay-bahay. Sa katunayan, natalos ko na ang tema sa Bibliya na unang tinalakay sa akin ni Adrian, tungkol sa dahilan ng dumaraming kasamaan, ang iminungkahing paksang mapag-uusapan para sa mga Saksi ni Jehova sa Bolivia noong buwang iyon ng 1970. Naunawaan ko na ang pagsasanay na tinanggap ni Adrian ang nagsangkap sa kaniya na maglingkod sa Diyos nang mas mainam kaysa sampung taóng pagsasanay ko! Gayunman, ang idea ng pagdalaw sa mga tao sa kani-kanilang tahanan ay nakatakot sa akin. Ibang-iba ito sa pangangaral sa mga tao na nagtutungo sa simbahan.
Nang sumunod na pagkakataon na dumating si Adrian upang makipag-aral sa akin, ako ay nagtago sa loob ng bahay at nagkunwa akong wala sa bahay. Marahil ay may hinala siya na ako ay nagtatago sapagkat matiyaga siyang naghintay sa labas ng bahay sa loob ng kalahating oras bago umalis. Subalit hindi siya sumuko sa akin; sa pagtataka ko siya ay nagbalik noong sumunod na linggo. Unti-unti, ang aking pag-ibig kay Jehova ay sumidhi, at nadaig ko ang aking takot. Noong 1973 kami ng misis ko ay nabautismuhan. Si Porfiria ay naging isang payunir, naglilingkod nang buong-panahon sa gawaing pangangaral at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Siya’y nagpatuloy hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan maaga noong 1992.
Si Adrian ay naging isang bihasang mambabasa, at sa loob ng maraming taon ngayon, ako’y nakapaglingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Kami kapuwa ay patuloy na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa bahay-bahay. Kamakailan ay nakilala ko ang isang babae na nagsabi: “Dapat sana’y nanatili kayo sa simbahan. Marami sana kayong natulungan sa loob ng organisasyon ng simbahan.”
Tinanong ko siya kung maaari ba niyang kunin ang kaniyang Bibliya. Nang kunin niya ito, ipinakita ko sa kaniya ang Jeremias 2:13, na naglalarawan kung paano tinanggihan ng Israel ang Salita ng Diyos. Sabi nito: “Kanilang iniwan ako, ang bukál ng buháy na tubig, upang magsigawa sa ganang kanila ng mga balon, na mga sirang balon, na hindi malalamnan ng tubig.”
“Gayundin ang nangyayari sa simbahan,” sabi ko sa kaniya. “Ang sikaping sapatan ang pagkauhaw ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng mga turong Katoliko na wala sa Bibliya ay tulad ng pagsisikap na magtustos ng tubig mula sa isang sirang balon.” Oo, noon lamang ako’y magsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova na nasapatan ang pagkauhaw ko sa Diyos.—Gaya ng inilahad ni Hugo Durán.
[Larawan sa pahina 15]
Kami ni Adrian na magkasamang inihaharap ang mensahe ng Kaharian