Ang mga Aborigine ng Australia—Natatanging mga Tao
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
ANG Australia ay maaaring ilarawan bilang natatangi, na may kahanga-hangang mga hayop na may lukbutan gaya ng kangaroo at ng masarap-yakaping koala, na lagay na lagay ang loob habang nakahapon sa itaas ng napakaraming punò ng eukalipto. Gayunman, ang mga katutubo, na kilala bilang Australyanong mga Aborigine, ay higit pang natatangi kaysa sa bansa.
Ang “Aboriginal” at “Aborigine” ay hindi ginagamit bilang paghamak. Ang mga katawagang ito ay galing sa dalawang salitang Latin na ab origine, na ang ibig sabihin ay “mula sa pasimula.” Ang orihinal, mga katutubong naninirahan sa Australia ay kilala sa tawag na mga Aborigine—binabaybay na may malaking titik na A upang ipakita ang pagkakaiba nila sa orihinal na mga naninirahan sa ibang lupain.
Nang dumating ang unang mga dayuhang Europeo noong magtatapos ang ika-18 siglo, ang Aboriginal na populasyon ay tinatayang 300,000. Pagkalipas ng dalawang daang taon, ang 1991 na sensus ay nag-ulat ng wala pang 230,000 Aborigine mula sa kabuuang populasyon ng Australia na halos 17 milyon.
Sino nga kaya ang orihinal na mga naninirahang ito sa Australia? Saan ba sila galing? Bakit sila mailalarawan bilang natatangi? At anong pag-asa sa hinaharap ang tinatamasa na ngayon ng marami sa kanila?
Ang Buhay Noon sa Australia
Karamihan sa mga antropologo ay sumasang-ayon na ang mga Australyanong Aborigine ay taal na taga-Asia. Malamang na tinapos nila ang huling bahagi ng kanilang paglalakbay sa balsa o bangka mula sa timog-silangang Asia, anupat dumaong sa hilagang baybayin ng Australia. “Hindi naman sila lubusang mga lagalag,” ang paliwanag ni Malcolm D. Prentis sa kaniyang aklat na A Study in Black and White, “kundi sa halip ay waring mga palipat-lipat lamang: alalaong baga, sila’y nagkakampo sa iba’t ibang di-permanenteng lugar sa loob ng kanilang sariling kinikilalang dako.”
Ang mga Aborigine ay pambihirang mga tagapangalaga ng kapaligiran. Ipinaliwanag ng isang Aborigine: “Nililinang namin ang aming lupain, ngunit sa paraang naiiba sa mga puti. Sinisikap naming mabuhay ayon sa siklo ng kalikasan; sila nama’y waring nagsasamantala rito. Ako’y tinuruan para mangalaga, hindi kailanman para magwasak.”
Sumulat si Prentis na may pagsang-ayon: “Ang mga kapakanan ng mga tanim at hayop at niyaong sa Aboriginal na grupo ay magkakaugnay: ang kasaganaan ng isa ay kasaganaan ng iba. Ito’y praktikal: halimbawa, ang pagdami ng mga kangaroo ay nangangahulugan ng mas maraming suplay ng pagkain para sa mga Aborigine subalit ang pagpatay sa napakaraming kangaroo sa bandang huli ay walang idudulot na kabutihan sa mga Aborigine.”
Nangunguna rin sa iba pang paraan ang mga Aborigine. Tinukoy ng lingguwistang si R. M. W. Dixon ang ganito sa kaniyang aklat na The Languages of Australia: “Gayunman, kung tungkol sa organisasyong pansosyal, ang mga Europeo ang siyang nagmimistulang primitibo kung ihahambing sa mga Aboriginal na Australyano; lahat ng tribong Australyano ay may mainam at maliwanag na mga sistema ng pagkakamag-anak taglay ang eksaktong mga alituntunin para sa pag-aasawa at para sa espesipikong mga tungkulin sa bawat uri ng pansosyal na okasyon.”
Musika at Pangangaso
Natatangi sa mga Aborigine ang isang instrumento sa pagtugtog na ang tawag ay didgeridoo, kung minsan ay binabaybay nang didjeridu. Ang salita ay literal na nangangahulugang “hugong ng tubo,” na angkop na inilalarawan ang tunog na lumalabas rito. Sa halip na magbigay ng melodya, ang didgeridoo ay naglalaan ng isang uri ng mababang nota at indayog para sa mga pagtitipong seremonyal at mga sayawang panggabi na kilala bilang ang corroborees. Ang instrumento ay karaniwan nang naglalaan ng humuhugong na pagsaliw sa isang mang-aawit kasabay ng kaniyang pinatutunog na patpat.
Ang mga didgeridoo ay yari sa piling-piling guwang na mga sanga ng punungkahoy. Ang pinakapopular na haba ay mula sa 0.9 hanggang 1.5 metro, ngunit ang ibang instrumento ay naglalaro hanggang 4.5 metro ang haba. Karaniwan nang ang isang dulo ng instrumento ay nakatuon sa lupa habang hinihipan ng nakaupong manunugtog ang kabilang dulo, na nakasubo habang hawak ng dalawang kamay.
Yamang ang malalim, mataginting na tunog ng instrumento ay patuloy, dapat hipan ng manunugtog ang dulong ihipan habang kasabay nito’y lumalanghap ng sariwang hangin sa pamamagitan ng kaniyang ilong nang hindi napapatid ang tunog. Ito’y isang kasanayan na gaya ng dapat madalubhasa ng isang manunugtog ng tuba. Ito’y kilala ng mga manunugtog ng mga instrumentong hinihipan bilang paikot, o paulit-ulit, na paghinga at isang kasanayang hindi madaling pagkadalubhasaan.
Sa pangangaso naman, gumagamit ang mga Aborigine ng isang bagay na pambihira—ang boomerang. Ito’y ginawa bilang instrumento sa pangangaso at isang sandata para sa digmaan sa gitna ng mga Aborigine. Subalit para sa maraming turista sa ngayon, ito’y naging isa pang kilalang sagisag ng Australia. Ang pinakapamilyar na mga boomerang ay yaong nakakurbang mga armas na bumabalik sa naghagis kung tumpak ang pagkahagis. Gayunman, may mga uri na hindi na bumabalik. Ang mga ito’y mas wastong kilala bilang ang mga kylie, o pamatay na panusok.
Aboriginal na Sining
Bilang pasimula, ang kulturang Aborigine ay walang nasusulat na anyo ng komunikasyon. Kaya naman, si Kevin Gilbert, isang makata at artistang Aborigine, ay nagsabi: ‘Ang sining ang siyang pinakaepektibong wika ng komunikasyon para sa mga Aborigine at siyang pinakanauunawaan sa lahat ng dako.’ Sinabi niya: “Mas epektibo ang komunikasyon ng sining at higit na mahalaga kaysa nakasulat na salita.”
Kung gayon, ang komunikasyon sa pamamagitan ng panoorin at dramang pansining ay naging likas na sa buhay ng mga Aborigine. Ito’y nangangahulugan na ang kanilang sining ay may dalawang layunin: Ito’y naglalaan ng paraan upang mapatibay ang komunikasyon sa pakikipag-usap, at ito’y nagsisilbi rin bilang tagapagpaalaala ng mga kuwento ng kasaysayan ng mga tribo at tradisyunal na mga bagay na panrelihiyon.
Yamang walang canvas, papel, at mga kagaya nito, ang Aboriginal na sining ay iginuhit sa mga bato, sa mga kuweba, at sa balat ng kahoy. Ang nangingibabaw na mga kulay na karaniwan sa lupa ay kitang-kitang sa lahat ng kanilang sining. Gumagamit sila ng mga kulay na pangunahin sa lugar na pinagpintahan. Ang pintura ay ginawa mula sa materyal na galing sa lupa.
Marahil ang pinakapambihirang katangian ng kanilang sining ay na halos lahat ng ipininta ay may mga tuldok at linya. Maging ang pinakapondo, na sa unang tingin ay waring iisang kulay, kapag sinuring mabuti ay makikitang iyon pala’y isang masalimuot na dibuho ng mga tuldok na may iba’t ibang kulay.
Isang presentasyon sa workshop na ang pamagat ay Marketing Aboriginal Art in the 1990s ay nagsasabi na noong mga taóng 1980 “ang Aboriginal na sining . . . ay biglang sumulong mula sa ‘sining etnograpiko’ tungo sa ‘sining na pang-komersiyal.’ ” Ang iba’y nagsasabi tungkol sa pangangailangan sa acrylic na pagguhit sa pamamagitan ng mga tuldok at pumuri sa pag-angat nito sa popularidad.
Aboriginal na mga Wika
Ang mga puting Australyano sa pangkalahatan ay may maling akala sa Aboriginal na mga wika. Halimbawa, ang ilan ay naniniwala na may iisa lamang Aboriginal na wika at na ito’y napakaprimitibo, na wala kundi mga ungol at halinghing. Ngunit ito’y maling-mali!
Ang totoo, may pagkakataon na nagkaroon ng tinatayang 200 hanggang 250 Aboriginal na wika. Gayunman, mahigit sa kalahati nito ang nawala na. Sa ngayon mga 50 na lamang ng mga wikang ito ang ginagamit ng mga grupo ng 100 o higit pang mga Aborigine. At ang bilang ng Aboriginal na mga wika na ginagamit ng 500 o higit pang mga tao ay wala pang 20 sa ngayon.
Sa halip na maging primitibo, ang ginagamit na wika ng mga Aborigine ay napakayaman kung tungkol sa gramatika. Sa kaniyang aklat na The Languages of Australia, si Propesor Dixon ay sumulat: “Wala isa mang wika, sa mga 5,000 ginagamit sa buong daigdig sa ngayon, na masasabing ‘primitibo.’ Bawat kilalang wika ay may masalimuot na kaanyuan, kung kaya ang paglalarawan ng pangunahing mga punto ng gramatika nito ay nangangailangan ng daan-daang pahina; bawat wika ay may libu-libong bokabularyo sa pang-araw-araw na gamit.”
Ganito rin ang isinulat ni Barry J. Blake tungkol sa Aboriginal na mga wika: “Ang mga ito’y napakayamang instrumento ng komunikasyon, ang bawat isa ay nakasasapat sa paglalarawan ng Aboriginal na karanasan kung papaanong ang Ingles o Pranses ay sapat na naglalarawan sa Europeong karanasan.” Bilang pagsuporta sa konklusyong ito, ganito ang sabi ng Aboriginal na mamamahayag na si Galarrwuy Yunupingu: “Iilan lamang na mga puti ang sumubok na pag-aralan ang aming wika, at ang Ingles ay hindi sapat upang ilarawan ang aming relasyon sa lupain ng aming mga ninuno.”
Noong ika-19 na siglo, ang pagsasalin sa mga bahagi ng Bibliya sa dalawang Aboriginal na wika ay ginawa. Ang Ebanghelyo ni Lucas ay isinalin sa wikang Awabakal at ang mga bahagi ng Genesis, Exodo, at ang Ebanghelyo ni Mateo ay isinalin sa wikang Narrinyeri. Kapuna-puna, ginamit ng mga saling ito ang pangalan ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat bilang “Yehóa” at “Jehovah,” na may pagkakaiba-iba sa pangalan ayon sa palaugnayan na hinihiling ng wika.
Sa ngayon, idiniriing mainam ang pagsasauli ng Aboriginal na mga wika at ang pagkakaroon ng higit na kabatiran sa gitna ng populasyon ng Australia na hindi Aborigine tungkol sa kahalagahan, kayamanan, at kagandahan ng mga wikang ito. Samakatuwid, marami ang nasisiyahan ngayon na malamang pinahintulutan ng Australyanong Ministro sa Ugnayang Aboriginal ang paglilimbag ng mga diksyunaryo sa 40 Aboriginal na wika. Kasali rito hindi lamang ang kasalukuyang ginagamit kundi maging ang maraming hindi na ginagamit na wika na sasaliksikin sa mga archive at iba pang mapagkukunan ng kasaysayan.
Pagtugon sa Kahanga-hangang Pag-asa
Nang dumating ang mga puti sa Australia noong katapusan ng ika-18 siglo, halos ubusin nila ang populasyon ng mga katutubo. Gayunman, sa ngayon ay marami pa rin sa mga bayan sa rural ang may mataas na proporsiyon ng nakatirang mga Aboriginal, at mayroon pa ring ilan na pawang Aboriginal ang nakatira, kadalasan sa mga liblib na lugar. Ang buhay para sa mga taong ito ay madalas na mapanglaw. “Hindi na kami bahagi ng nakaraan,” ang isinulat ng isang Aborigine, “ni mayroon man kaming kasiya-siyang dako sa kasalukuyan.” Subalit idinagdag niya: “Marami sa amin ang may pag-asa sa hinaharap.”
Ang dahilan nito ay sapagkat marami sa orihinal na naninirahan sa Australia ang nagagalak ngayon sa pagbabasa ng Bibliya—marahil sa kanilang sariling wika—na ang balakyot ay malapit nang mawala at na ang lupa ay isasauli sa sangkatauhan na siyang mangangalaga rito. (Awit 37:9-11, 29-34; Kawikaan 2:21, 22) Isasagawa ito ng Kaharian ng Diyos. Ang Kahariang ito, na itinuro sa atin ni Jesu-Kristo na ipanalangin, ay isang tunay na makalangit na pamahalaan. (Mateo 6:9, 10) Maraming Aboriginal na mga lalaki at babae ang walang-tigil ngayon sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa dakilang pagpapala na idudulot ng Kaharian ng Diyos sa sangkatauhan.—Apocalipsis 21:3, 4.
Isang Aborigine ang nagpaliwanag tungkol sa marami sa kaniyang kapuwa Australyano: “Kanilang napagtanto na ang karaniwang pangmalas ng mga puti, mga Aborigine, at ng halos lahat ng tao sa lupa ay mali. Iyon ay na ang Australia ay pag-aari ng mga Aborigine dahil sa karapatang sila ang unang nakatuklas niyaon o ng mga puti dahil sa karapatang sila ang nakasakop. Alinman ay walang katotohanan. Iyon ay pag-aari ni Jehovang Diyos dahil sa karapatang siya ang lumalang nito.”—Apocalipsis 4:11.
Tunay, ang ating Maylikha, si Jehovang Diyos, ang siyang nagmamay-ari ng Australia at ng lahat ng lugar sa lupa. At bilang katuparan ng panalangin na itinuro ni Jesu-Kristo, darating ang Kaharian ng Diyos, at ang buong lupa ay gagawing isang pangglobong paraiso na tatahanan ng mga tao mula sa lahat ng lahi at nasyonalidad na umiibig at naglilingkod sa tunay na Diyos.
[Larawan sa pahina 17]
Ang didgeridoo ay isang instrumento sa musika na tangi lamang sa mga Aborigine
[Larawan sa pahina 17]
Isang pagtatanghal ng Aboriginal na sining
[Credit Line]
Sa Kagandahang-loob ng Australian Overseas Information Service
[Larawan sa pahina 18]
Maraming Aborigine ang sa ngayon ay namamahagi sa iba ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos