Ang Popular na Kilusang Bagong Panahon
TAYO’Y nabubuhay sa isang mapanganib na panahon. Ang tradisyunal na mga pamantayan at mga istilo-ng-buhay ay palaging pinag-aalinlanganan. Ang pabagu-bagong pagsasama ng relihiyon at pulitika ay nagtutulak sa atin mula sa isang krisis tungo sa isa pang krisis. Ang siyensiya at teknolohiya ay hindi nagdala ng permanenteng lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Kumbinsido ang marami na ang gayong kalagayan ay hindi malulutas malibang magkaroon ng isang ganap na bagong pandaigdig na sistema.
Ngunit paano darating ang gayong panahon? Sa pamamagitan ng Diyos? Kung gayon, kailangan ba tayong patuloy na maghintay? O may magagawa ba tayo tungkol dito sa ganang atin? Magagawa ba natin ang lubhang kinakailangang bagong panahon? Angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig mula sa lahat ng antas ng buhay ay naniniwala na sila ay maaaring gumanap ng isang aktibong papel upang magkaroon ng isang bagong panahon ng kapayapaan at kapatiran. Sila’y kabilang sa rebolusyonaryong kilusan ng Bagong Panahon, at nais nilang sumama ka sa kanila!
Isang Pangglobong Kilusan
Nabalitaan mo na ba ang tungkol sa kilusang Bagong Panahon? Sa maraming bansa ang katagang “Bagong Panahon” ay malayang ikinakapit sa ilang popular na anyo ng literatura, musika, at sining. Aba, mayroon pa ngang Bagong Panahong mga restawran! Itinataguyod ng mga pangunahing tauhan sa isports at mga kilalang artista sa Hollywood ang kilusan. Ang mga miyembro ay nagdaraos ng regular na mga kombensiyon at mga pagtatanghal. Ang katagang “Bagong Panahon” ay malawakan ding iniuugnay sa mga paninda, gaya ng kosmetiks, mga produktong pangkagandahan, mga bitamina, at mga bagay na ukol sa pangangalagang-pangkalusugan. Ang mga aklat tungkol sa Bagong Panahon ay ipinagbibili nang milyun-milyon. Ang ilang tindahan ay may nakabukod na seksiyon para sa mga ito. Marami sa mga aklat na ito ay may malakas na relihiyosong impluwensiya sa mga mambabasa.
Sa kaniyang aklat na The Cosmic Self—A Penetrating Look at Today’s New Age Movements, tinutukoy ng awtor na si Ted Peters ang kilusan bilang “ang katumbas ng isang relihiyosong bomba hidrohena na pinatagal ang pagsabog sa loob halos ng tatlong dekada na ngayon.” Isinusog niya na ang “mga propeta ng bagong panahon ay gumagawa ng mga kumberte; at ang kanilang mga turo ay sinusunod . . . ng mga Protestante, Romano Katoliko, Judio, ateista, gayundin ng lumalagong bilang ng mga Budista at mga Hindu sa Hilagang Amerika.”
Ang The Times ng London ay nag-uulat na ang “pilosopya ng Bagong Panahon . . . ay malamang na siyang pinakamabilis lumagong relihiyon sa Kanluran sa ngayon. Hindi magtatagal, tinatayang, tatanggapin ng 25 porsiyento ng mga Amerikano ang pilosopya ng Bagong Panahon.” Ang magasing Suiso na Fundamentum ay nagsabi na, sa Netherlands, halos sandaang teologo ang regular na nagtitipon “upang talakayin kung paano maipakikilala ang kaisipang Bagong Panahon sa buhay ng simbahan at gayundin sa sermon.” Sinasabi pa ng isang magasin na “ang mga bansa sa buong daigdig ay may iba’t ibang paraan ng pagsasagawa ng Bagong Panahon, subalit ang pang-akit ay pansansinukob.”
Ang mga korporasyon sa negosyo ay gumugol ng milyun-milyong dolyar para sa mga kasangguni ng Bagong Panahon at sa pagpapatala ng kanilang mga empleado sa mga programa sa pagsasanay ng Bagong Panahon. Ang San Francisco Chronicle ay nag-uulat na “ang Bagong Panahong kaisipan ay lumaganap sa pinakamataas na mga kuta ng mga institusyon sa negosyo ng Amerika.” Idinagdag pa ng pahayagan na isiniwalat ng isang surbey sa 500 kompaniya na mahigit na 50 porsiyento ang may kaugnayan sa kaisipang Bagong Panahon.
Subalit ano ba ang kausuhang Bagong Panahon, at paano ito nagsimula? Talaga bang magdadala ito ng kapayapaan at pagkakaisa sa daigdig? Ano ang itinuturo nito, at paano ka apektado nito?