Sakdal na Kalusugan Para sa Lahat
TULAD ng gawi, kapaligiran, at pangangalagang pangkalusugan, ang ating biyolohikal na kayarian ay nakaaapekto rin sa ating kalusugan. Ang kayariang iyan ay naiimpluwensiyahan ng pagmamana at mga karamdaman na maaaring magkaroon tayo sa dakong huli dahil sa pagkakaroon ng henetikong hilig dito.
“Ang biyolohikal na kayarian mo nang isilang ka,” sabi ng isang propesyonal sa kalusugan, “sa kabuuan ang tumitiyak kung baga ikaw ay mabubuhay nang mahusay, mabubuhay nang mahaba, o sa anumang paraa’y mabuhay.”
Paano man natin nakuha ito, mga sakit ng ulo, matigas na mga kalamnan, gutay-gutay na nerbiyo, mga butong madaling mabali, mahihinang puso, at iba pang karamdaman ay nagpapagunita sa atin sa araw-araw na ang ating kalusugan ay apektado ng isang napinsalang katawan at isip. Ano ang ugat na dahilan ng malaganap na mga suliraning ito sa kalusugan?
Ang Ugat na Dahilan
Isang medikal na doktor na nagngangalang Lucas na nabubuhay noong unang siglo C.E. ang sumasagot sa tanong na ito sa isang kinasihang biyograpyang isinulat niya tungkol kay Jesu-Kristo. Isang araw, sulat ni Lucas, isang taong paralitiko ang dinala kay Jesus sa pag-asang siya’y mapagagaling. Sinabi ni Jesus sa paralitiko: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa iyo.” Pagkatapos, upang ipakita na siya nga ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan, iniutos ni Jesus sa lalaki: “Bumangon ka at buhatin mo ang iyong maliit na higaan at pumaroon ka sa iyong tahanan.” Gayon nga ang ginawa ng lalaki! Bunga nito, “isang masidhing kagalakan ang nanaig sa bawat isa” na nakasaksi sa pagpapagaling, at “sila ay nagpasimulang lumuwalhati sa Diyos.”—Lucas 5:17-26.
Anong kasalanan ang tinutukoy ni Jesus? Ang sagot ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit tayo nagkakasakit, tumatanda, at namamatay. Palibhasa’y tinitiyak na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” tayo’y makaaasa sa Bibliya para sa kasagutang iyan. (2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21) Sinasabi nito sa atin na ang unang tao, si Adan, ay nilalang na sakdal sa kalusugan. Nagtamasa siya ng mabuting kalusugan habang sinusunod niya ang kaniyang Maylikha.
Gayunman, pinili ni Adan na labagin ang batas ng Diyos. Dahil sa pagiging masuwayin at kusang paghihimagsik laban sa kaniyang Maylikha, siya’y nagkasala. Bunga nito, siya’y naging di-sakdal, madaling tablan ng sakit, at nang maglaon siya’y namatay. Samakatuwid, ang kasalanan ang dahilan ng pagkakasakit at kamatayan ni Adan.
Kung paanong ang ilang sakit ay naililipat mula sa mga magulang tungo sa mga anak dahil sa pagkilos ng mga batas ng pagmamana, gayundin naman na ang di-kasakdalan at ang bungang mga sakit ay naipasa mula kay Adan tungo sa kaniyang mga supling, ang lahi ng tao. Kaya nga, lahat ng sakit ay bunga ng orihinal na kasalanan ni Adan. (Genesis 2:17; 3:1-19; Roma 5:12) Mayroon bang lunas?
Ang Lunas
Ang pagbabago mula sa sakdal na kalusugan tungo sa hindi mabuting kalusugan ay pinangyari ng kasalanan—ang paghihimagsik ni Adan laban sa batas ng Diyos. Ang pagbabago mula sa hindi mabuting kalusugan tungo sa sakdal na kalusugan ay posible lamang sa pamamagitan ng pag-aalis ng kasalanan. (Roma 5:18, 19) Paano? Isa pang sakdal na tao, isang katumbas ni Adan nang siya ay sakdal, ang kinakailangang magsakripisyo ng kaniyang buhay bilang isang pantubos. Ang batas ng Diyos ay na “kaluluwa kung kaluluwa,” yaon ay, buhay kung buhay.—Deuteronomio 19:21.
Gayunman, wala sa makasalanang mga inapo ni Adan ang makapaglalaan ng gayong pantubos. Kaya nga, maibiging inilaan ni Jehova mismo ang kaniyang Anak, si Jesus, bilang isang sakdal na tao upang ibigay ang kaniyang buhay bilang “pantubos na kapalit ng marami” upang “magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.”—Mateo 20:28; 1 Juan 4:9; Awit 49:7.
Samantalang nasa lupa, ipinakita ni Jesus na ang kaniyang Ama, si Jehova, ay nagbigay sa kaniya ng kapangyarihan na mag-alis ng mga kasalanan nang sabihin niya sa paralitiko, “ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na,” at ang napagaling na lalaki ay umuwi ng bahay. Paulit-ulit na ginamit ni Jesus ang kapangyarihang ito mula sa Diyos sa pamamagitan ng kagyat na pagpapagaling sa mga bulag, bingi, at marami pang iba na may iba’t ibang karamdaman.
Tungkol sa makahimalang mga pagpapagaling ni Jesus, ang Bibliya ay nagsasabi: “Nang magkagayon malalaking pulutong ang lumapit sa kaniya, na kasama nila ang mga taong pilay, baldado, bulag, pipi, at maraming iba pa, at sila ay halos ipinaghagisan nila sa kaniyang paanan, at pinagaling niya sila; anupat ang pulutong ay namangha habang nakikita nila ang pipi na nagsasalita at ang pilay na naglalakad at ang bulag na nakakakita.” (Mateo 15:30, 31) Lalo pang kahanga-hanga, nagawa pa nga ni Jesus na buhayin ang mga patay. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang tungkol sa ilan sa mga pagkabuhay-muli na ito.—Lucas 7:11-16; 8:49-56; Juan 11:14, 38-44.
Ang makahimalang mga pagpapagaling na ito ay tumitiyak sa atin na walang sakit ang hindi kayang pagalingin ni Jesus. Gagamitin ba niyang muli ang bigay-Diyos na kapangyarihang ito? Maaari ba tayong makinabang?
Ang Sakdal na Kalusugan ay Tiyak
Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na si Jesus ay nagpupuno na sa langit bilang Hari sa makalangit ng pamahalaan ng Diyos. Siya’y binigyan ng Diyos ng kapangyarihan na alisin ang lahat ng mga pamahalaan ng tao na ngayo’y umiiral at mamahala sa buong lupa. (Awit 110:1, 2; Daniel 2:44) Matutupad ang panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kahariang iyon, bahagi ng kalooban ng Diyos para sa lupang ito ay ang lubhang pagbutihin ang mga kalagayan sa kalusugan ng sambahayan ng tao.
Sa panahong iyon, sa isang literal at gayundin sa espirituwal na diwa, “madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.” “At walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’”—Isaias 33:24; 35:5, 6.
Sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos, ang sakdal na kalusugan ay mangangahulugan na ang mga tao ay hindi na mamamatay kung paanong tayo’y namamatay sa ngayon. Ang Salita ng Diyos ay nangangako: “Ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya [ay] magkakaroon ng buhay na walang-hanggan.” “Ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Juan 3:16; Roma 6:23) Oo, malaon nang ipinangako ng kinasihang awit: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Gaya ng ginawa niya nang narito siya sa lupa, bubuhaying-muli ni Jesus ang mga patay at bibigyan sila ng pagkakataon na makinabang mula sa sakdal na kalusugan. Ang Bibliya ay nangangako: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
Ang lupa mismo ay sasagana sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian anupat ang gutom, na isa sa mga dahilan ng hindi mabuting kalusugan, ay hinding-hindi na muling iiral. Ang mga hula ng Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa’y magsisibol ng halaman niya, at sila’y matitiwasay sa kanilang lupain.” (Ezekiel 34:27) “Isisibol ng lupa ang kaniyang bunga; ang Diyos, ang aming Diyos, ay pagpapalain kami.” (Awit 67:6) “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa.” (Awit 72:16) “Ang iláng at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang malawak na disyerto ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosa.”—Isaias 35:1.
Binubuod ang kalagayan na iiral sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang makahulang huling aklat ng Bibliya ay nagpapahayag: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
Sinasabi mo bang, ‘Mahirap paniwalaan iyan’? Kung gayon, pag-isipan ito. Bago naging makasalanan si Adan, mayroon siyang sakdal na kalusugan. Gunigunihin kung posible para sa isa na makausap siya nang panahong iyon at sabihin sa kaniya na balang araw ang lupa ay mapupuno ng nagdadalamhati, nagkakasakit at tumatandang mga tao. Inaakala mo bang masusumpungan iyan ni Adan na mahirap paniwalaan? Gayunman, iyan ang nangyayari sa ngayon.
Sa kabaligtaran, ang sakdal na kalusugan ay magiging isang katunayan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Ang Salita ni Jehova ay tumitiyak sa atin: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” (Apocalipsis 21:5) Ang sinasabi ng Diyos na mangyayari ay mangyayari sapagkat “imposibleng magsinungaling ang Diyos.”—Hebreo 6:18.
Ano ang magagawa mo ngayon upang makatiyak na matatamasa mo ang dumarating na mga pagpapalang ito? Ang daan patungo sa sakdal na kalusugan at buhay na walang-hanggan ay niliwanag ng sinabi ni Jesus sa panalangin sa kaniyang Ama: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Humiling sa mga Saksi ni Jehova para sa isang libreng programa ng pag-aaral ng Bibliya sa inyong tahanan. Sila’y magagalak na tulungan ka na matuto nang higit tungkol sa kahanga-hangang mga pangako ng Diyos. Ito ang iyong magiging unang hakbang sa daang patungo sa sakdal na kalusugan!
[Larawan sa pahina 14]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, lahat ng tao ay magtatamasa ng sakdal na kalusugan