Mga Luha ng Kalikasan
MAAGANG-MAAGA, at ang hangin ay malamig at tahimik. Ang bawat dahon at dahon ng damo ay kumikinang dahil sa mumunting patak ng tubig, kumikislap sa unang liwanag ng araw. Sa isang paraan, para bang ang luntiang tanawin ay lumuluha sa kagalakan sa pagbati sa pagsikat ng araw. Hindi kataka-taka na ang hamog ay nagbigay-inspirasyon sa mga makata—at mga potograpó.
Gayunman, higit pa ang ginagawa ng hamog kaysa panariwain lamang ang diwa ng tao. Ang kababalaghang ito ng atmospera, karaniwan sa buong planeta maliban sa mga rehiyon sa polo, ay isang kumot ng sumusustini-buhay na halumigmig. Gayon ang pagkakadisenyo ng Diyos na Jehova sa atmospera anupat kapag ito ay lumalamig sa gabi sa ilalim ng ilang kalagayan, naaabot nito ang nakikilala bilang dew point. Ito ang temperatura na doon hindi na makaya ng hangin ang halumigmig nito at inilalagay ito sa ibabaw ng mga bagay na mas malamig kaysa nakapaligid na hangin. Sa pamamagitan ng kanilang mga dahon, ang uháw na mga halaman ay napag-alamang sumisipsip ng maraming tubig ng hamog na katulad ng timbang nila, ang karamihan dito ay inilalabas nila sa pamamagitan ng kanilang mga ugat para iimbak sa lupa.
Sa mga lupain ng Bibliya, kung saan may mahabang maaraw na panahon, ang hamog kung minsan ay maaaring ang tanging pinagmumulan ng tubig para sa mga halaman. Kaya sa Bibliya, ang hamog ay kadalasang iniuugnay sa aning pananim—at ang kawalan ng hamog, sa taggutom.
Ang hamog ay maaari ring magkaroon ng mas personal na kahulugan. Sa kaniyang awit ng pamamaalam sa bayan ng Diyos, si Moises ay sumulat: “Ang aking tagubilin ay papatak na parang ulan, ang aking salita ay bababa na parang hamog, gaya ng ambon sa damo at gaya ng mahinang ambon sa gugulayin.” (Deuteronomio 32:2) Si Moises ay nagsalita ng mga salitang nagbibigay-buhay na parang hamog. Yamang siya ang pinakamaamo sa mga tao, tiyak na siya ay talagang magiliw at makonsiderasyon rin naman sa kaniyang pananalita. (Bilang 12:3) Tulad ng hamog o ambon, ang kaniyang mga salita ay nakapagpapalakas nang hindi pumipinsala.
Sa susunod na pagkakataong ikaw ay mag-isip tungkol sa kagandahan ng hamog sa umaga—ang mga luha mismo ng kalikasan—baka nanaisin mong pag-isipan ang kamangha-manghang karunungan ng Maylikha ng hamog.