Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Masangkot sa Gulo ang Isang Kaibigan?
Ganito ang sabi ng labing-apat-na-taóng-gulang na si Sherrie: “Ang aking matalik na kaibigan ay napariwara sa pagiging Kristiyano. Nalungkot ako dahil dito. Sinikap kong mabuti na palakasin-loob siya!”a
MAYROON bang malapít sa iyo na nagkaproblema—o nagsimulang magkaroon ng nakapag-aalinlangang istilo-ng-buhay? “Malapit ako kay Chris,” sabi ni Johnny. “Matalik kaming magkaibigan. Isang araw ay naglayas siya. Nakagitla ito sa akin, at naobliga ako na sundan siya. Magdamag akong nagmaneho na pinaghahanap siya.”
Nagbabala ang Bibliya na sa panahon ng mga huling araw, matinding panggigipit ang maaaring sumapit sa mga tao, bata’t matanda. (2 Timoteo 3:1-5) Kaya hindi dapat makagulat sa atin kapag paminsan-minsan ay natitisod ang isang kabataang Kristiyano. Subalit kapag nangyari ito sa isa na pinagmamalasakitan mo, makadarama ka ng magkakahalong damdamin, mula sa pagkalungkot at pagkaawa hanggang sa pagkagalit. Ibig mong tulungan ang iyong kaibigan. Subalit paano mo ito magagawa?
‘Maaari Ko Siyang Sagipin’
Ganito ang sabi ng Bibliya: “Siya na magpanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkakamali ng kaniyang daan ay magliligtas sa kaniyang kaluluwa [ng makasalanan] mula sa kamatayan at magtatakip ng maraming kasalanan.” (Santiago 5:20) Subalit nangangahulugan ba ito na ang paggawa ng gayon ay iyong pasanin? Hindi naman. Ang mga magulang ng iyong kaibigan ang may pangunahing pananagutan sa kaniya.b (Efeso 6:4) Ganito pa ang sabi ng Bibliya sa Galacia 6:1: “Mga kapatid, bagaman ang isang tao ay gumawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayo na may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” Ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon ay lalo nang kuwalipikado sa bagay na ito. Sila’y nasa mas mabuting kalagayan upang tumulong kaysa sa iyo.
Sabihin pa, bilang isang kabataan, may limitado kang karanasan sa buhay. (Ihambing ang Hebreo 5:14.) Kaya may kababaang-loob na kilalanin ang iyong mga limitasyon hinggil sa bagay na ito at iwasan na gumawa ng higit sa iyong makakaya. (Kawikaan 11:2) Isaalang-alang ang kabataang nagngangalang Rebekah. Sinikap niyang tulungan ang isang kaibigang lalaki, isang kamag-anak, na nalululong sa droga. Ganito ang paglalahad niya: “Ang nagpapabigat sa akin ay na sa akin siya nagtapat at hindi sa kaniyang mga magulang. Sinikap ko siyang tulungan, pero talagang nakasisira ng loob. Natulungan ako ng sa wakas ay natanto ko na wala akong magagawa . . . Hindi ako maaaring maging tagasagip niya.” Hinimok siya ni Rebekah na humingi ng tulong mula sa kuwalipikadong mga adulto.
Ang kabataang si Matthew ay nasa gayon ding kalagayan, subalit kinilala niya sa pasimula pa ang kaniyang mga limitasyon. Ganito ang salaysay niya tungkol sa kaniyang kaibigang may problema: “Lalapit siya sa akin na nagsasabi ng kaniyang mga problema, subalit sasabihin ko naman na lumapit siya sa kaniyang mga magulang. Batid ko na hindi ko kayang magpasan ng kaniyang mga problema.”
Kung Paano Ka Makatutulong
Hindi naman ito nangangahulugan na wala kang anumang maitutulong. Marami ang magagawa depende sa mga kalagayan. Marahil ibig ng iyong kaibigan na magtapat sa iyo. Natural, ibig mong makatulong sa kaniya at makinig. (Kawikaan 18:24; 21:13) O baka nagsisimula siyang magkaroon ng nakapag-aalinlangang istilo-ng-buhay. Makabubuti na magkusa at sabihin sa kaniya na bagaman nagmamalasakit ka sa kaniya, hindi mo maaaring sang-ayunan ang kaniyang ginagawa.
Sa iba namang kalagayan ay maaaring masangkot ang iyong kaibigan sa malubhang pagkakasala. Baka pakiusapan ka pa nga niya na manahimik na lamang. Subalit ang sabi ng Bibliya: “Huwag . . . maging isang kabahagi sa mga kasalanan ng iba; ingatan mong malinis ang iyong sarili.” (1 Timoteo 5:22) Kung malubhang nagkasakit ang iyong kaibigan at nangangailangan ng medikal na tulong, hindi ka ba magpupumilit na dalhin siya sa doktor? Gayundin naman, kung siya ay nakagawa ng malubhang pagkakasala, kailangan niya ng espirituwal na tulong. Ang paglilihim ng mga bagay ay maaaring pumatay sa kaniya sa espirituwal na paraan—at malubhang makaapekto sa kongregasyon. Kaya may pananagutan ka na tiyakin na naipagbigay-alam ito sa mga elder sa kongregasyon.—Ihambing ang Levitico 5:1.
Ang kabataang si Caroline ay nanindigang matatag hinggil sa kaniyang napariwarang kaibigan na nagsisinungaling sa kaniyang mga magulang. Ganito ang sabi niya: “Binigyan ko siya ng dalawang linggo para lumapit sa mga elder. Kung hindi siya lalapit, sinabi ko sa kaniya na ako ang lalapit sa kanila. Hindi ito madali para sa akin.” Si Johnny, na binanggit sa pasimula, ay nagpakita ng gayunding lakas ng loob. Tungkol sa kaniyang kaibigan, ganito ang gunita ni Johnny: “Nagulat ako na malamang nakikipag-live-in siya. Ang iba na nasa bahay ng kaibigan niya ay nag-iinuman at naninigarilyo.” Pinalabas ni Johnny ang kaniyang kaibigan at matinding pinagsabihan na humingi siya ng tulong sa mga elder sa kongregasyon.
Ang iyong kaibigan ay maaaring magpahalaga o hindi sa iyong pagsisikap. Sinasabi ng Bibliya sa atin na nang ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay masangkot sa pagkakasala, ‘ibinalita [ng kabataang lalaki na si Jose] sa kanilang ama ang kasamaan nila.’ Tiyak na hindi nito pinasidhi ang pagsang-ayon ng kaniyang mga kapatid sa kaniya. Ang totoo, “siya’y kinapootan nila.”—Genesis 37:2-4.
Magkibit-balikat na Lamang?
Subalit, maipagwawalang-bahala mo ang iyong mga pagsisikap na makatulong kung patuloy ka pang makikisama sa iyong kaibigan na para bang walang anumang nangyari. Si apostol Pablo ay nagbabala sa mga Kristiyano laban sa pakikisama sa mga gumagawa ng kasalanan sa 1 Corinto 15:33. Ang malapít na pakikisama sa gayong mga indibiduwal ay maaaring makahila lamang sa iyo!
Natutuhan ito ng kabataang si Mollie sa mahirap na paraan nang ang kaniyang kaibigan na si Sally ay palihim na nakikipag-date. Hindi lamang dahil sa napakabata pa ni Sally upang mag-asawa kundi nakikipag-date siya sa mga lalaki na hindi mga Kristiyano. Ipinagwalang-bahala ni Mollie ang situwasyon at nagpatuloy na makisama sa kaniyang kaibigan. Ang resulta? Ganito ang sabi ni Mollie: “Di-nagtagal, inayos ni Sally na maka-date ko ang isang lalaking tagasanlibutan, at nag-date kami.” Mabuti na lang, humingi ng tulong si Mollie mula sa mga elder sa kongregasyon bago lumalala ang kalagayan.
Si Lynn ay gumawa rin ng mapanganib na pakikipagkompromiso upang mapanatili ang kaniyang pakikipagkaibigan sa isang kabataang babaing nagngangalang Beth. “Ipinalagay ko na masasagip ko siya,” ang gunita ni Lynn, “subalit hindi iyon nangyari. Sumama ako sa kaniya sa mga klub. Alam ko na mali ito, subalit ayaw ko siyang masaktan. Nagpabigat sa akin ang kaniyang mga problema. Nanahimik ako hinggil sa bagay na ito, iniisip ko na lilipas din ang problema, subalit lalo itong lumaki.” Ang trahedya ang gumising kay Lynn. Ang kaniyang kaibigang si Beth ay pinaslang ng kabataang lalaki na kaniyang ka-date.
Ang pagiging tapat sa isang kaibigan ay waring kapuri-puri. Subalit kung literal na nalulunod ang iyong kaibigan sa isang malakas na alimpuyo ng tubig, tatalon ka rin ba? Ang pawang mangyayari ay kapuwa kayo malulunod. Ang pinakamatalinong bagay na gawin ay hagisan siya ng salbabida. Gayundin naman, kailangang maglaan ka ng tulong sa makatuwirang paraan.—Judas 22, 23.
Ang paglayo ay mahalaga kung ang iyong kaibigan ay inalis mula sa kongregasyon. Ang utos ng Bibliya ay “tumigil sa pakikihalubilo” sa isang iyon. (1 Corinto 5:11) Bagaman nagmamalasakit ka pa rin sa taong iyon, higit mo siyang matutulungan, hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya sa paggawa ng masama, kundi sa pamamagitan ng pagpapakita ng katapatan kay Jehova. (Awit 18:25) Ang iyong di-nakokompromisong paninindigan ay siyang bagay na makapagpapakilos sa kaniya na isaalang-alang ang kaniyang mga ginagawa. Higit na mahalaga, ang iyong katapatan ay makapagbibigay ng lugod kay Jehova.—Kawikaan 27:11.
Labis na Mabigatan
Subalit, kalimitan ang pinakamabuting pagtatangka ng isa na makatulong ay nabibigo. Ganito ang gunita ni Rebekah tungkol sa kaniyang kaibigan: “Sinikap ko na abutin at tulungan siya. Sumulat pa nga ako sa kaniya, subalit hindi niya kailanman sinagot ito.” Natuklasan ni Caroline na pagkalipas ng mga buwan ng pagsisikap na matulungan ang isang kaibigan na sumusuong sa gulo, siya’y “nakadama ng bigat.”
Mahalaga na mabatid na “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12) At bagaman angkop na tulungan ang isa na dalhin ang kaniyang pasanin, o personal na mga problema, sa pamamagitan ng pagbibigay ng praktikal na tulong, hindi mo basta madadala ang “pasan” ng ibang tao—iyon ay, pananagutan ng isa sa Diyos. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” sabi ng Bibliya. (Galacia 6:5) Hindi ka mananagot sa mga pagpapasiya ng iyong kaibigan.
Gayunman, ang makita na nawawasak ang buhay ng iyong kaibigan ay masakit. Isang kabataang lalaki na nagngangalang Mike ang nagsabi nang ganito tungkol sa pagkawala ng isang kaibigan: “Talagang nalungkot ako nang husto. Napakalapit ko kay Mark at sa kaniyang mga magulang. Nakaranas ako sa paano man ng panlulumo.”
Likas lamang na mamighati sa gayong pagkawala. Kaya, ang pakikipag-usap mo tungkol sa iyong nadarama sa isang pinagtitiwalaan ay makatutulong. (Kawikaan 12:25) “Sa tulong ng aking mga magulang,” sabi ni Rebekah, “nakayanan ko ito.” Maaari mo ring ibuhos ang iyong nadarama sa Diyos na Jehova sa panalangin. (Awit 62:8) Ganito kahusay binuod ni Caroline ang bagay-bagay sa pagsasabi na: “Ang pananalangin kay Jehova at pangangaral sa iba ang nakatulong sa akin nang malaki. Naging malapít din ako sa iba sa kongregasyon, lalo na sa may edad nang mga babae. Sa wakas ay natanto ko na ang mga tao ay mananagot sa kanila mismong mga ginagawa at na kailangan kong magpatuloy sa aking buhay.” Sa paggawa ng lahat ng iyan, tiyak na matutulungan mo ang iyong sarili. At maaari mo ring matulungan ang iyong kaibigan na napariwara.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa pangalan ay pinalitan.
b Para sa kapakanan ng pagiging simple, tutukuyin namin ang kaibigan na napariwara sa kasariang panlalaki.
[Larawan sa pahina 17]
Himukin ang iyong kaibigan na humingi ng tulong