Ano Kaya ang Lunas?
ANG kalagayan ng nagsilikas ay hindi isa na lubusang walang pag-asa. Sa buong daigdig, sinisikap ng mga organisasyong mapagkawanggawa na tulungan yaong mga nagsipangalat dahil sa digmaan at iba pang mga problema. Ang pangunahing paraan na sila’y tumutulong ay sa pamamagitan ng pag-alalay sa mga nagsilikas na bumalik sa kanilang mga lupang tinubuan.
Nililisan ng mga nagsilikas ang kanilang tahanan, pamayanan, at bansa dahil sa takot na sila’y patayin, pahirapan, halayin, ibilanggo, alipinin, pagnakawan, o magutom. Kaya bago ligtas na makauwi ang mga nagsilikas, ang mga problemang naging sanhi ng kanilang pagtakas ay kailangan munang lutasin. Kahit na kung sa wakas ay matapos ang digmaan, ang kawalan ng batas at kaayusan ay kadalasang nagpapahina ng loob ng mga tao na umuwi. Ganito ang sabi ni Agnes, isang taga-Rwanda na lumikas at ina ng anim na anak: “Ang pagdadala sa amin [pabalik] sa Rwanda ay magiging katulad ng pagdadala sa amin sa aming mga libingan.”
Gayunman, mula noong 1989, mahigit na siyam na milyong nagsilikas ang bumalik sa kanilang mga tahanan. Halos 3.6 milyon sa mga ito na nagmula sa Iran at Pakistan ay nagsibalik sa Afghanistan. Ang karagdagan pang 1.6 milyong nagsilikas sa anim na bansa ay bumalik sa Mozambique, isang bansang giniyagis ng 16 na taon ng gera sibil.
Ang pagbabalik ay hindi madali. Kadalasan ang mga bansa na doon bumabalik ang mga nagsilikas ay nasa kagibaan—na ang mga nayon ay naging mga gumuhong bato, wasak ang mga tulay, at ang mga lansangan at mga bukid ay may nakabaong mga bomba. Kaya, ang nagbabalik na mga nagsilikas ay dapat na magtayo mula sa wala hindi lamang ng kanilang mga buhay kundi rin naman ng kanilang mga tahanan, paaralan, klinikang pangkalusugan, at lahat ng iba pang bagay.
Gayunman, kahit na kung magwakas ang mga labanan sa isang lugar, na nagpapahintulot sa mga nagsilikas na magbalik, ang mga ito’y nagsisimula na naman sa ibang lugar, lumilikha ng bagong mga paghugos ng mga nagsisilikas. Kaya nga, ang paglutas sa krisis ng mga nagsisilikas ay nangangahulugan ng paglutas sa kaugnay na mga problema ng digmaan, panlulupig, poot, pagpapahirap, at iba pang mga salik na nagpapangyari sa mga tao na tumakas upang iligtas ang kanilang buhay.
Ang The State of the World’s Refugees 1995 ay umaamin: “Ang masaklap na katotohanan . . . ay na ang mga lunas [sa krisis ng mga nagsisilikas] ay sukdulang depende sa mga salik na pulitikal, militar at pangkabuhayan na dito’y walang kontrol ang anumang mapagkawanggawang organisasyon.” Ayon sa Bibliya, ang mga lunas ay hindi kayang makamit ng anumang makalupang organisasyon, mapagkawanggawa man o iba pa.
Isang Daigdig na Walang mga Nagsisilikas
Subalit, may lunas pa. Ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay nagmamalasakit sa mga napahiwalay sa kanilang mga tahanan at mga pamilya. Di-gaya ng mga pamahalaan sa lupa, may kapangyarihan siya at karunungan na lutasin ang lahat ng masalimuot na mga problemang nakakaharap ng sangkatauhan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian—ang makalangit na pamahalaan na malapit nang mamahala sa mga pangyayari sa lupa.
Hahalinhan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng mga pamahalaan ng tao. Sa halip na magkaroon ng maraming pamahalaan sa lupa, gaya sa ngayon, magkakaroon ng isa lamang pamahalaan, na mamamahala sa buong planeta. Ang Bibliya ay humuhula: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian mismo ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon mismo ay lalagi hanggang sa panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Maaaring pamilyar ka sa modelong panalangin na masusumpungan sa Bibliya sa Mateo 6:9-13. Ang bahagi ng panalanging iyon ay nagsasabi: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Kasuwato ng panalanging iyan, malapit nang “dumating” ang Kaharian ng Diyos upang isagawa ang layunin ng Diyos para sa lupa.
Sa ilalim ng maibiging pamamahala ng Kaharian ng Diyos, magkakaroon ng pansansinukob na kapayapaan at katiwasayan. Hindi na magkakaroon ng pagkakapootan at labanan sa pagitan ng mga tao at mga bansa sa lupa. (Awit 46:9) Hindi na kailanman magkakaroon ng milyun-milyong nagsisilikas upang iligtas ang kanilang buhay o nanlulupaypay sa mga kampo.
Ang Salita ng Diyos ay nangangako na ang Hari ng Kaharian ng Diyos, si Kristo Jesus, ‘ay magliligtas sa dukha na humihingi ng tulong, gayundin sa isa na pinipighati at sinumang walang katulong. Siya’y maaawa sa mababa at mahirap, at ang mga kaluluwa ng mahihirap ay kaniyang ililigtas. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin.’—Awit 72:12-14.
[Larawan sa pahina 10]
Sa malapit na hinaharap ang lahat ay makikitungo sa isa’t isa bilang tunay na magkakapatid