Korales—Nanganganib at Namamatay
WALA kang makikitang mas malinaw na karagatan kaysa sa Tropiko. Tulad-kristal sa linaw. Kristal na bughaw. Ang puting mabuhangin na kailaliman na mga 15 metro ang lalim ay para bang napakalapit anupat para bang maaabot mo ito! Magsuot ka ng mga flipper at maskara sa mukha. Ayusin mo ang iyong snorkel habang ikaw ay nagtutungo sa mainit na tubig, ang mga bula ay sandaling nagpapalabo sa paningin. Saka tumingin sa ibaba. Hayun! Tingnan mo ang malaking pula at asul na parrot fish na kumakagat sa korales at ibinubuga ang maliliit na piraso, na nagiging bahagi ng mabuhanging kailaliman. Walang anu-ano, isang pinilakang bahaghari ng mga isda sa tropiko—pula, dilaw, asul, kahel, lila—ang mabilis na nagdaraan. Saanman dako ay may buhay. Lipos na lipos ka ng kaligayahan.
Ito ang kagubatan ng mga korales. Ito’y umaahon mula sa mabuhanging kailaliman sa ibaba, umaabot na para bang libu-libong buháy na mga bisig. Sa unahan lamang ay isang maringal na kinalalagyan ng korales na elkhorn, mahigit na 6 na metro ang taas at halos gayundin kalapad. Mga 23 metro ang layo rito ang korales na staghorn, mas maliit kaysa elkhorn, ang kanilang mas mapayat na mga sanga ay pumupuno sa lugar na iyon na parang isang kagubatan. Anong pagkaangkup-angkop nga ng mga pangalan ng mga korales na ito—halos kahawig ng mga sungay ng hayop! Ang mga isda at iba pang buhay sa dagat ay nakasusumpong ng pagkain at tirahan sa kanilang mga sanga.
Dating ipinalalagay na binubuo ng mga halaman, ang korales ay kilala ngayon na kabuuan ng batong-apog na likha ng nakapaligid na mga hayop na tinatawag na mga polyp. Karamihan ng mga polyp ay maliit, wala pang dalawa’t kalahating sentimetro sa diyametro. Iniuugnay ng malalambot-katawang korales na polyp ang sarili nito sa katabi nito na may himaymay na nababalutan ng mala-uhog na bagay. Ang korales ay parang bato sa araw, yamang ang mga polyp ay umaalis sa kanilang mga kalansay. Subalit ito’y nagbabago sa gabi habang ang kanilang pinahabang mga galamay ay marahang kumakaway, na nagbibigay sa bahura ng isang malambot, magaang na hitsura. Ang mabatong “puno” na kinaroroonan din ng mga polyp ay ang kanilang pinagsamang kalansay, pinagdikit sa pamamagitan ng pagkuha ng kalsiyum karbonato mula sa tubig-dagat.
Ang bawat uri ng pamayanan ng mga korales ay gumagawa ng sarili nitong pambihirang hugis ng kalansay. Sa buong daigdig, may mahigit na 350 iba’t ibang uri ng korales, na may kagila-gilalas na mga hugis, laki, at kulay. Ang kanilang karaniwang pangalan ay nagpapagunita sa iyo ng mga bagay sa lupa—puno, haligi, mesa, o payong na korales—o ng mga halaman—carnation, letsugas, strawberry, o kabuting korales. Nakikita mo ba ang malaking korales na utak na iyon? Madaling maunawaan kung paano nito nakuha ang pangalan nito!
Ang kagubatang ito sa ilalim ng tubig ay namumutiktik sa buhay, mula sa pagkaliit-liit na mga halaman at mga hayop hanggang sa mga pagi, pating, naglalakihang mga igat na moray, at mga pagong. At nariyan din ang ilang isda na hinding-hindi mo pa narinig—ang matingkad na dilaw na clown fish, ang muradong Beau Gregories, ang itim-at-puting mga Moorish idol, ang kulay-kahel na trumpet fish, ang magulang na asul na surgeonfish, ang kulay-indigo na mga hamlet, o ang kulay-kayumanggi o kulay-balat na lion-fish. At kumusta naman ang tungkol sa barbershop shrimp, may pintang mga ulang, o iskarlatang hawk fish? Lahat ng kulay, lahat ng laki, lahat ng hugis. Ang ilan ay maganda, ang ilan ay kakatwa—subalit pawang kapansin-pansin. Tingnan mo, may oktopus na nagtatago sa likod ng haliging korales! Kinakain nito ang isang paros na nabuksan nito. Gaya ng mga kagubatan sa lupa, napakaraming pagkasari-sari ng buhay ang magkakasama sa daigdig na ito ng dagat, lahat ay umaasa sa pagkasari-sari nito. Ang siklo ng pagpaparami ng korales at ang kakayahan nitong maglakbay sa agos ng karagatan upang magtayo ng bagong mga pamayanan ng bahura ay detalyadong inilahad sa Hunyo 8, 1991, na labas ng Gumising!
Ang mga bahura ng korales ay bumubuo ng pinakamalaking biyolohikal na mga kayarian sa lupa. Ang isa rito, ang Great Barrier Reef, sa hilagang-silangan ng baybayin ng Australia, ay umaabot ng 2,010 kilometro at sumasaklaw ng isang dako na kasinlaki ng Inglatera at Scotland na pinagsama. Ang isang korales ay maaaring tumimbang ng ilang tonelada at tumaas ng mahigit na 9 na metro mula sa sahig ng karagatan. Ang mga bahura ng korales ay tumutubo sa lahat ng mababaw na tropikal na karagatan at sa lalim na kasinlalim ng 60 metro. May mga katangian ang mga ito na naiiba sa bawat dako, kaya sa pagsusuri sa isang piraso ng korales, masasabi ng mga dalubhasa ang karagatan at maging ang lugar kung saan ito tumubo. Ang kapaligiran na kailangan para sa pagtubo ng mga bahura ng korales ay isa na may limitadong mga nutriyente sa tubig, na nagpapaliwanag kung bakit ang karagatan ay di-karaniwang malinaw sa kanilang kapaligiran. Ang pagkain ng korales ay itinutustos ng algae o lumot (may siyentipikong pangalan na zooxanthellae), na nabubuhay sa naaaninag na katawan ng polyp, at gayundin ng pagkaliit-liit na mga hayop na nahuhuli sa mga galamay ng korales. Ang wakas na resulta ay isang bahura ng korales na tirahan ng libu-libong species sa dagat sa mga karagatang wala sanang matitirhan.
Ang mga bahura ng korales ang pinakamabunga rin sa biyolohikal na paraan sa lahat ng ecosystem ng dagat. Ganito ang pagkakalarawan dito ng U.S.News & World Report: “Ang mga bahura ang katumbas sa dagat ng mga masinsing kagubatan sa tropiko, na namumutiktik sa sari-saring nabubuhay na mga bagay: ang aalun-alon na mga sea fan at sea whip, ang mabalahibong mga crinoid, mga isda at espongha na ang kulay ay para bang mga ilaw na neon, hipon, ulang at starfish, gayundin ang nakatatakot na mga pating at pagkalaki-laking mga igat na moray. Ang lahat ay umaasa sa patuloy na paggawa ng tirahan ng mga korales.” Ang mga bahura ng korales ay nagtutustos din ng buhay sa lupa sa pamamagitan ng paglalaan ng isang hadlang sa pagitan ng sumasalpok na mga alon at ng mga tabing-dagat at sa paglalatag ng pundasyon para sa libu-libong isla sa tropiko.
Ang malusog na korales ay kulay kayumanggi, luntian, pula, asul, o dilaw, depende sa uri ng lumot na nakatira sa naaaninag na korales-polyp na tinitirhan nito. Ginagamit ng pagkaliit-liit na mga halamang lumot ang liwanag ng araw na kumikinang sa kanilang tinitirhang hayop at sinisipsip ang itinatapong mga produkto ng polyp, pati na ang carbon dioxide, para sa kanilang pagkain. Sa pamamagitan naman ng photosynthesis ang mga lumot ay naglalaan ng oksiheno, pagkain, at enerhiya para sa mga himaymay ng korales. Ang pakikisosyong ito sa lumot ay nagpapangyari sa korales na lumaki nang mas mabilis at mabuhay sa tropikal na karagatan na kakaunti ang pagkain. Sila kapuwa ay nagtatamasa ng pinakamahusay na daigdig ng halaman at hayop. Ano ngang pagkadalubhasa at pagkatalinong disenyo!
Pinaputing mga Kalansay na Walang Buhay
Hindi kataka-taka na napakaraming gawain sa ibaba! Subalit ano ba iyon? Pinaputing mga kalansay na walang buhay. Ang mga sanga ay bali at naaagnas. Ang ilan ay durug-durog na. Ang bahaging ito ng kagubatan ng mga korales ay patay na o namamatay. Walang isda. Walang hipon. Walang ulang. Walang kalaman-laman. Ito’y isang disyerto sa ilalim ng tubig. Hindi ka makapaniwala sa iyong nakita. Kasindak-sindak! Ang iyong magandang karanasan ay nasira. Kahit na nang ikaw ay bumalik na sa bangka, nananatili ang nakababagabag na mga tanong. Ano kaya ang nagpangyari sa pagkawasak na ito? Isang aksidente? Sakit? Likas na mga dahilan? Nais mo ng mga kasagutan.
Bagaman ang mabatong mga korales ay tila matibay, ito ay lubhang marupok. Ang isang hipo ng tao ay maaaring makapinsala, kaya ang matatalinong maninisid ay umiiwas sa paghawak dito, at ang maingat na mga namamangka ay umiiwas na mag-angkla rito. Ang iba pang panganib sa korales ay ang kemikal na polusyon, natapong langis, alkantarilya, pagtotroso, tubig mula sa sinasakang bukid na may pestisidyo at abono, pagdadraga, sedimentasyon, at pagpasok ng tubig-tabang. Ang tuwirang pagsalpok ng mga kilya ng bapor ay lumilikha ng pagkawasak. At maaaring pinsalain at patayin ng matinding mga temperatura ang korales. Kapag nagkaroon ng kaigtingan, pinakakawalan ng korales ang mga lumot nito na parang makapal na ulap, at ito’y agad na kinakain ng mga isda. Kung magpatuloy ang maigting na mga kalagayan sa loob ng mga linggo o mga buwan, nangyayari ang pamumuti at namamatay ang korales. At kapag namatay ang korales, namamatay ang kapaligiran ng bahura. Ang magkakarugtong na hibla ng buhay na umaasa sa mga korales ay nakakalas at naglalaho.
Ang pagputi ng korales ay naging palasak sa lahat ng karagatan sa tropiko. Bunga nito, may pagkabahala sa pamayanan ng siyensiyang pandagat sa buong daigdig. Kapag nangyari ang malawakang pagputi ng mga korales, ang pinsala ay hindi na maaaring baligtarin. Ang lawak ng pagputi ng korales at ang kasunod na kamatayan nito ay masakit na itinawag-pansin sa daigdig sa pamamagitan ng kung ano ang nangyari sa tropikal na mga karagatan ng daigdig sa nakalipas na mga taon. Bagaman may pana-panahon at lokal na pagputi ng mga korales sa loob ng maraming taon, ang biglang paglitaw nito kamakailan ay walang-katulad sa katindihan at pangglobo ang saklaw. May sumasalakay sa nabubuhay na mga korales sa karamihan ng mga species sa buong lupa, na nagiging sanhi ng pagguho ng bahurang mga kapaligiran.