“Snail Fever”—Malapit Na Bang Malipol Ito?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
SA KABILA ng napakahusay na pag-unlad sa larangan ng medisina at siyensiya, hindi kayang lunasan ng sangkatauhan ang maraming matatagal nang problema. Ito’y totoo rin naman sa pagsisikap na sugpuin ang snail fever.
Sa wari, nariyan naman ang lahat ng pamamaraan upang magawa ito. Alam ng mga doktor ang siklo ng buhay ng parasito. Madaling marikunusi ang sakit. Makukuha naman ang mabibisang gamot upang lunasan ito. Nakahanda naman ang mga pinuno ng pamahalaan upang tumulong sa pagsugpo nito. Subalit, walang inaasahang paglipol sa sakit na ito na sumasalot sa milyun-milyon katao sa Aprika, Asia, Caribbean, Gitnang Silangan, at Timog Amerika.
Ang snail fever (na tinatawag ding bilharziasis o schistosomiasis) ay sumalot na sa tao sa loob ng mga milenyo. Ang tumigas na mga itlog na natuklasan sa mga momiya sa Ehipto ay nagbibigay ng katibayan na sinalot ng sakit ang mga Ehipsiyo noong mga kaarawan ng mga paraon. Pagkalipas ng tatlumpung siglo, patuloy na sinalot ng sakit na iyon ang Ehipto, na nagpahina sa kalusugan ng milyun-milyong residente ng bansang iyan. Sa ilang bayan sa Nile Delta, 9 sa bawat 10 katao ang nahawahan nito.
Ang Ehipto ay isa lamang sa 74 o mahigit pang mga bansa kung saan laganap ang snail fever. Sa buong mundo, ayon sa pagbilang ng World Health Organization (WHO), 200 milyon katao ang nahawahan ng sakit. Sa 20 milyong matinding pinahihirapan nito, halos 200,000 ang namamatay bawat taon. Sa tropikal na mga sakit dahil sa parasito, diumano’y ikalawa lamang ang snail fever sa malarya kung tungkol sa mga taong nahawahan nito at sa panlipunan at pangkabuhayang pinsala na idinulot nito.
Ang Siklo ng Buhay ng Parasito
Upang maunawaan ang snail fever, at sa gayo’y malaman kung paano maiiwasan at malulunasan ito, ay dapat na magkaroon ng kaalaman tungkol sa parasito na sanhi nito. Ang pinakasusing punto ay ito: Upang makapanatiling buhay at dumami pa sa loob ng sali’t saling lahi, nangangailangan ang parasitong ito ng dalawang biktima, dalawang buháy na kinapal kung saan ito’y manginginain at magpaparami sa loob ng mga ito. Ang isa ay ang mamal, gaya ng tao; ang isa pa ay ang suso na nasa tabang.
Ganito ang nangyayari. Kapag ang isang taong nahawahan ay umihi o dumumi sa isang sapa, lawa, batis, o ilog, siya’y naglalabas ng mga itlog ng parasito—marahil hanggang isang milyong itlog sa isang araw. Ubod nang liit ang mga itlog na ito para makita nang walang tulong ng mikroskopyo. Kapag napunta sa tubig ang mga itlog, napipisa ang mga ito, anupat inilalabas ang mga parasito. Ginagamit ng mga parasito ang pagkaliliit na buhok nito sa kanilang katawan upang makalangoy patungo sa isang suso na nasa tabang, na kanilang pinapasok. Sa loob ng suso, ang mga ito’y nagpaparami sa loob ng apat hanggang pitong linggo.
Kapag kanilang iniwan ang suso, sila’y may 48 oras lamang upang humanap at makapasok sa isang tao o sa iba pang mamal. Kung hindi, ang mga ito’y mamamatay. Kapag nakakapit sa biktima na nagtungo sa tubig, binubutas ng parasito ang balat at pumapasok sa daluyan ng dugo. Makararamdam ng pangangati ang tao, bagaman malimit na wala siyang kaalam-alam na nagaganap na ang pagsalakay. Sa loob ng daluyan ng dugo, nagsisikap na makapasok ang parasito sa mga ugat ng dugo ng pantog o bituka, depende sa uri ng parasito. Sa loob ng mga linggo ang parasito ay nagiging adultong lalaki at babaing bulati na hanggang isang pulgada ang haba. Pagkatapos magtalik, nagsisimulang maglabas ang babae ng mga itlog sa daluyan ng dugo ng biktima, sa gayo’y nakukumpleto ang siklo.
Halos kalahati ng mga itlog ang nawawala sa katawan ng biktima na sumasama sa dumi (kung snail fever sa bituka) o sa ihi (kung snail fever sa ihi). Ang natitira pang itlog ay nananatili sa katawan at namiminsala ng mahahalagang sangkap ng katawan. Habang lumalala ang sakit, ang biktima ay magkakaroon ng lagnat, pamamaga ng tiyan, at pagdurugo sa loob. Sa wakas ang sakit ay maaaring humantong sa kanser sa pantog o paghina ng atay o mga bato. Ang ilang biktima ay nababaog o napaparalisa. Ang iba ay namamatay.
Mga Solusyon at mga Problema
Upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, sa paano ma’y apat na bagay ang maaaring gawin. Kung ang isa sa mga pamamaraang ito ay gagawin sa buong mundo, malilipol ang sakit.
Ang unang hakbang ay lipulin ang mga suso sa matutubig na lugar. Ang mga suso ay mahalaga sa pagdami ng parasito. Kung walang suso, walang snail fever.
Ang pinakamalaking pagsisikap ay ang makagawa ng isang matapang na lason na papatay sa mga suso subalit hindi naman makapipinsala sa kapaligiran. Noong mga taon ng 1960 at 1970, nagtagumpay ang mga pagtatangkang lipulin ang mga suso sa pagpatay ng lahat ng buhay sa malalawak na katubigan. Nagsikap ang Theodor Bilharz Research Institute sa Ehipto upang matuklasan ang molluscicide (isang sangkap na papatay sa mga suso) na hindi naman makapipinsala sa ibang may buhay na nilikha. Ganito ang sabi ni Dr. Aly Zein El Abdeen, pangulo ng institusyon, tungkol sa sangkap na ito: “Ito’y isasaboy sa tubig, na ginagamit sa mga tanim, na iniinom ng mga tao at mga hayop, at kung saan nakatira ang mga isda, kaya kailangang tiyakin natin na wala isa man sa mga ito ang maaapektuhan.”
Ang ikalawang hakbang ay patayin ang mga parasito sa tao. Hanggang noong kalagitnaan ng mga taon ng 1970, ang mga gamot na ginagamit ay naging sanhi ng maraming masamang epekto at komplikasyon. Kalimitan, kinakailangan ang sunud-sunod na masakit na pagpapainiksiyon kapag ginagamot. Idinadaing ng ilan na mas malala pa ang lunas nito kaysa sakit mismo! Sapol noon, ginawa ang bagong mga gamot gaya ng praziquantel, na mabisa laban sa snail fever, at ito’y maaaring inumin.
Bagaman napatunayang mabisa ang mga gamot na ito sa mga panlarangang proyekto sa Aprika at Timog Amerika, ang naging malaking problema sa maraming bansa ay ang halaga. Ganito ang may kabiguang sinabi ng WHO noong 1991: “Ang mga bansang apektado nito ay hindi makaagapay sa malawakang programa ng pagsugpo [sa snail fever] sapagkat napakamahal ng pagpapagamot; ang napakamahal na halaga ng gamot mismo ay karaniwang mas mataas pa sa kabuuang badyet ng mga ministri ng kalusugan para sa bawat tao sa Aprika.”
Maging sa mga lugar kung saan makukuha ng pasyente ang mga gamot nang walang bayad, maraming tao ay hindi nagpapagamot. Bakit? Ang isang dahilan ay sapagkat ang bilang ng namamatay ay mababa naman, kaya hindi ito itinuturing ng ilang tao na malubhang problema. Ang isa pang dahilan ay hindi laging nalalaman ng mga tao ang mga sintomas ng sakit. Sa ilang bahagi ng Aprika, ang dugo sa ihi (ang unang sintomas ng sakit) ay karaniwang-karaniwan anupat ito’y itinuturing na normal na bahagi ng pagiging adulto.
Ang ikatlong hakbang ay huwag padaluyin ang mga itlog sa tubig. Kung nakapagtayo sana ng mga palikuran upang maiwasang madumhan ang mga batis at sapa sa paligid at kung ginamit sana ito ng lahat, mababawasan ang panganib na magkaroon ng snail fever.
Ipinakikita ng mga pagsusuri sa buong mundo ang malaking pagbaba ng sakit pagkatapos maikabit ang mga tubo para sa panustos na tubig at maitayo ang mga palikuran, subalit hindi maigagarantiya ng mga paglalaang ito ang paghadlang. “Maipagpapatuloy na ng isa lamang taong dudumi sa kanal ang siklo,” ang sabi ng siyentipikong si Alan Fenwick, na nagsaliksik tungkol sa snail fever sa loob ng mahigit na 20 taon. Nariyan din ang panganib ng sirang mga tubo ng alkantarilya na nagtatagas ng nahawahang dumi patungo sa tubig.
Ang ikaapat na hakbang ay huwag palusungin ang mga tao sa tubig na may parasito. Ito rin naman ay hindi gayong kadali. Sa maraming bansa ang mga lawa, batis, at ilog na nagtutustos ng inuming tubig ay ginagamit din sa paliligo, pagpapatubig sa tanim, at paglalaba. Nabababad ang mga mangingisda sa tubig araw-araw. Sa katindihan ng init sa lugar na tropiko, nakatutukso para sa mga bata na maging languyan ang lugar na may tubig.
Ano ang Pag-asa sa Hinaharap?
Walang alinlangan na ang taimtim na mga tao at mga organisasyon ay puspusang gumagawa upang sugpuin ang snail fever at may nagawa nang malaking pagsulong. Tinutuklas pa nga ng mga mananaliksik ang isang bakuna laban dito.
Gayunman, ang pag-asa upang malipol ang sakit ay tila malabo. Ganito ang sabi ni Dr. M. Larivière sa Pranses na babasahing medikal na La Revue du Praticien: “Sa kabila ng mga tagumpay . . ., malayung-malayong malipol ang sakit.” Bagaman ang pag-iingat at lunas ay maaaring totoong bagay para sa mga tao, ang solusyon sa lahat ng dako hinggil sa problema ng snail fever ay masusumpungan lamang hanggang sa pagdating ng bagong sanlibutan ng Diyos. Ang Bibliya ay nangangako na “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y maysakit.’ ”—Isaias 33:24.
[Larawan sa pahina 15]
Kapag sila’y napunta sa tubig na nadumhan, maaaring magkaroon ang mga tao ng mga parasito na sanhi ng snail fever