Ang Pangmalas ng Bibliya
Mali Bang Kumain ng Karne?
“NARITO, IBINIGAY KO SA INYO ANG LAHAT NG PANANIM NA NAGKAKABINHI NA NASA IBABAW NG BUONG LUPA AT BAWAT PUNUNGKAHOY NA MAY BUNGA NG ISANG PUNUNGKAHOY NA NAGKAKABINHI. SA INYO AY MAGSILBI ITONG PAGKAIN.”—Genesis 1:29.
ANG labing-walong-taong-gulang na si Sujata, mula sa pamilyang Hindu na di-kumakain ng karne, ay agad na sumang-ayon sa tagubilin ng Diyos tungkol sa pagkain sa unang tao, si Adan. Subalit, agad siyang nagtanong: “Kung gayon, bakit pinapatay ng mga tao ang hayop para sa pagkain samantalang napakaraming ibang bagay na makakain?”
Maraming tao sa buong mundo ang nagtatanong din nang ganito. Ang daan-daang milyong taga-Silangan ay hindi kumakain ng karne. Karagdagan pa, dumarami ang mga tao sa Kanluran ang di-kumakain ng karne. Sa Estados Unidos lamang, halos 12.4 na milyon katao ang nagsasabing sila’y di-kumakain ng karne, halos 3 milyon ang kahigitan sa nakalipas na dekada.
Bakit mas pinipili ng mas maraming tao ang pagkaing walang karne? Ano ang tamang pangmalas sa buhay ng hayop? Ang pagkain ba ng karne ay kawalang-paggalang sa buhay? May kinalaman sa sinabi ng Genesis 1:29, mali bang kumain ng karne? Una, ating isaalang-alang kung bakit hindi kumakain ng karne ang ilan.
Bakit Hindi Kumakain ng Karne ang Ilan?
Para kay Sujata, nasasangkot sa kaniyang pagkain ang relihiyosong mga paniwala. “Lumaki ako bilang isang Hindu, anupat naniniwala ako sa doktrina ng reinkarnasyon,” ang paliwanag niya. “Yamang ang kaluluwa ng tao ay maaaring magbalik bilang isang hayop, itinuturing ko na kapantay ko ang mga hayop. Kaya naman waring mali na patayin ang mga ito para sa pagkain.” Itinataguyod din ng ibang relihiyon ang pagkaing walang karne.
Ang ibang salik ay nakaiimpluwensiya rin sa pinipiling pagkain ng mga tao maliban sa relihiyosong mga paniwala. Halimbawa, tuwirang sinabi ni Dr. Neal Barnard ang ganito: “Ang tanging mga dahilan sa pagkain ng karne ay kinaugalian o kawalang-alam.” Ang matatag na paninindigan niya ay nakasalig sa kaniyang pangmalas may kinalaman sa mga panganib sa kalusugan dahil sa pagkain ng karne, gaya ng sakit sa puso at kanser.a
Sa Estados Unidos, ang mga tin-edyer diumano ang pinakadumaraming grupo na di-kumakain ng karne. At ang pagkabahala sa mga hayop ang isang dahilan. “Gustung-gusto ng mga bata ang mga hayop,” ang sabi ni Tracy Reiman ng People for the Ethical Treatment of Animals. “Kapag nalaman nila kung ano ang nangyayari sa mga hayop bago patayin ang mga ito upang gawing pagkain, pinatitibay lamang nito ang pagkahabag na kanilang nadarama.”
Iniuugnay rin ng maraming taong nababahala sa kapaligiran ang kanilang pagkain at ang napakalaking pangangailangan sa pinagkukunan ng likas-yaman sa pag-aalaga ng mga hayop na ginagawang pagkain. Halimbawa, nangangailangan ng halos 3,300 litro ng tubig upang makakuha lamang ng isang kilo ng karne at 3,100 litro para sa isang kilo ng manok. Para sa ilan, ito ang nagiging dahilan upang iwasan ang karne.
Kumusta ka naman? Dapat mo bang iwasan ang pagkain ng karne? Bago mo sagutin ang tanong na iyan, isaalang-alang ang isa pang pangmalas. Gaya ng masusumpungan sa Awit 50:10, 11, ang Diyos na Jehova, ang Maygawa ng lahat ng bagay, ay nagsasabi: “Sa akin ang bawat mabangis na hayop sa gubat, ang mga hayop sa ibabaw ng isang libong bundok. Kilala ko ang bawat may-pakpak na nilalang sa mga bundok, at ang pulutong ng mga hayop sa parang ay akin.” Yamang ang lahat ng hayop ay pag-aari ng Diyos, mahalaga na maunawaan kung ano ang nadarama ng Maylalang tungkol sa buhay ng hayop at sa paggamit dito ng tao bilang pagkain.
Mali Bang Pumatay ng mga Hayop?
Ang ilan, tulad ni Sujata, na itinuturing ang mga hayop bilang kanilang kapantay ay masidhing nakadarama na mali ang pagkitil ng buhay ng isang hayop sa anumang layunin—lalo na ang patayin ang mga ito para gawing pagkain. Gayunman, ipinakikita ng Kasulatan na pinag-iiba ng Diyos ang buhay ng hayop at buhay ng tao at pinahintulutan niya ang pagpatay sa mga hayop sa iba’t ibang kadahilanan. Halimbawa, sa Israel ang isang hayop ay maaaring patayin kapag ito’y nagiging mapanganib sa buhay ng tao o sa hayupan ng isa.—Exodo 21:28, 29; 1 Samuel 17:34-36.
Mula pa noong unang panahon, sinang-ayunan ng Diyos ang paghahandog ng mga hayop bilang mga hain sa pagsamba. (Genesis 4:2-5; 8:20, 21) Itinagubilin din niya sa mga Israelita na alalahanin ang kanilang Paglisan mula sa Ehipto sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Paskuwa taun-taon, na naglalakip sa paghahain ng tupa o kambing at pagkain ng laman nito. (Exodo 12:3-9) At sa ilalim ng Batas Mosaiko, may iba pang pagkakataon para sa paghahandog ng hayop.
Sa pagbabasa ng Bibliya sa kauna-unahang pagkakataon, hindi naging kanais-nais para sa isang matandang babaing Hindu na 70-taong-gulang ang paghahandog ng hayop. Subalit habang sumusulong ang kaniyang kaalaman sa Kasulatan, nauunawaan niya na ang paghahandog na iniutos ng Diyos ay may layunin. Ipinamamalas nito ang paghahandog ni Jesu-Kristo sa hinaharap, na siyang katuparan ng legal na kahilingan para sa kapatawaran ng mga kasalanan. (Hebreo 8:3-5; 10:1-10; 1 Juan 2:1, 2) Sa maraming kalagayan ang paghahandog ay nagsisilbi ring pagkain ng mga saserdote at kung minsa’y ng mga mananamba. (Levitico 7:11-21; 19:5-8) Ang Diyos, na siyang nagmamay-ari sa lahat ng nabubuhay na nilalang, ay makatuwirang makapagtatag ng gayong kaayusan para sa isang layunin. Mangyari pa, nang namatay si Jesus, ang mga handog na hayop ay hindi na kailangan pa sa pagsamba.—Colosas 2:13-17; Hebreo 10:1-12.
Paggamit ng mga Hayop Bilang Pagkain
Kumusta naman ang tungkol sa pagpatay sa mga hayop para gawing pagkain? Totoo na ang orihinal na pagkain ng tao ay walang karne. Subalit pinalawak ito ni Jehova sa dakong huli anupat inilakip ang laman ng hayop. Halos 4,000 taon na ang nakalilipas—noong mga kaarawan ng matuwid na si Noe—pinangyari ni Jehova ang isang delubyo sa mundo at winakasan ang dating umiiral na kabalakyutan sa lupa. Si Noe, ang kaniyang pamilya, at ang nabubuhay na mga nilalang na dinala niya sa daong ay nakaligtas sa Baha. Paglabas nila sa daong, ganito ang sinabi ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon: “Bawat gumagalaw na hayop na buháy ay maaaring magsilbing pagkain para sa inyo. Gaya ng sa kalagayan ng luntiang pananim, ibinibigay ko ngang lahat iyon sa inyo.” (Genesis 9:3) Gayunman, kasabay nito’y nagbigay ang Diyos ng ganitong batas: “Sinumang magbububo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ang kaniyang sariling dugo ay ibububo, sapagkat sa larawan ng Diyos ay ginawa niya ang tao.” (Genesis 9:6) Maliwanag, hindi ipinantay ng Diyos ang mga hayop sa mga tao.
Ang totoo, ang paniniwala ni Sujata tungkol sa mga hayop ay nakasalig sa kaniyang paniniwala sa doktrina ng reinkarnasyon. Sa bagay na ito ang Bibliya ay nagpapaliwanag na bagaman ang mga tao at mga hayop ay mga kaluluwa, ang kaluluwa ay namamatay. (Genesis 2:7; Ezekiel 18:4, 20; Gawa 3:23; Apocalipsis 16:3) Bilang mga kaluluwa, kapuwa ang tao at mga hayop ay namamatay at naglalaho. (Eclesiastes 3:19, 20) Subalit, ang mga tao ay may kahanga-hangang pag-asa ng pagkabuhay-muli sa bagong sanlibutan ng Diyos.b (Lucas 23:43; Gawa 24:15) Ipinakikita rin nito na ang mga hayop ay hindi kapantay ng tao.
“Pero, bakit may pagbabago sa pagkain?” ang ibig malaman ni Sujata. Ang klima ng lupa ay maliwanag na sumailalim sa napakalaking pagbabago dahil sa Baha. Hindi naman sinabi ng Bibliya kung sinabi pa ni Jehova na idagdag ang karne sa pagkain ng tao dahil sa inaasahan niya ang mga pangangailangan ng susunod na mga salinlahi na nabubuhay sa mga lugar na kakaunti ang pananim. Subalit natatanggap ni Sujata na ang May-ari ng lahat ng nabubuhay na bagay ay may karapatan na gumawa ng pagbabago.
Pagpapakita ng Paggalang sa Buhay ng Hayop
Subalit, napag-isip-isip ni Sujata, ‘Hindi ba tayo sa paano man ay dapat na magpakita ng paggalang sa buhay ng hayop?’ Oo, dapat tayong magpakita ng paggalang. At sinabi sa atin ng Maylalang ng lahat ng bagay kung paano natin ito gagawin. “Tanging ang laman na kasama ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ay hindi ninyo dapat kainin,” ang kaniyang utos sa Genesis 9:4. Bakit nagkaroon ng pagbabawal sa pagkain ng dugo? “Sapagkat ang kaluluwa [buhay] ng laman ay nasa dugo,” ang sabi ng Bibliya. (Levitico 17:10, 11) Tiniyak ni Jehova ang ganitong utos: ‘Iyong ibubuhos sa lupa ang dugo ng pinatay na hayop na parang tubig.’—Deuteronomio 12:16, 24.
Hindi ito nangangahulugan na ang pagpapahintulot na kumain ng karne ay malayang makapagbibigay-daan sa hindi kinakailangang pagbububo ng dugo ng hayop para sa katuwaan lamang ng pangangaso o pagpapakita ng personal na kasanayan. Maliwanag na ganito ang ginawa ni Nimrod. Ipinakilala siya ng Bibliya bilang “isang makapangyarihang mangangaso na nasa pagsalansang kay Jehova.” (Genesis 10:9) Maging sa ngayon, ang kasiyahan sa pangangaso at pagpatay sa mga hayop ay madaling matutuhan ng ilan. Subalit ang gayong espiritu ay may malapit na kaugnayan sa walang pagpapakundangan sa buhay ng hayop, at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos.c
Ang Pagiging Maawain sa mga Hayop
Ang mga tao sa ngayon na di-kumakain ng karne ay may taimtim na pagkabahala rin sa pagtrato sa mga hayop sa pamamagitan ng makabagong industriya ng karne. “Ang agribusiness ay may kakaunting interes sa likas na ugali ng mga hayop,” ang komento ng The Vegetarian Handbook. “Palibhasa’y inaalagaan sa napakasisikip na lugar at hindi likas na kapaligiran,” ang sabi ng aklat, “ang mga hayop sa kasalukuyang panahon ay mas lubusang napagsasamantalahan kaysa mga hayop noong una.”
Bagaman ang paggamit ng mga hayop para sa pagkain ay hindi laban sa kalooban ng Diyos, ang malupit na pagtrato sa mga ito ang laban sa kalooban ng Diyos. “Ang matuwid ay nagpapakundangan sa buhay ng kaniyang hayop,” ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 12:10. At iniutos ng Batas Mosaiko ang tamang pangangalaga sa mga hayop.—Exodo 23:4, 5; Deuteronomio 22:10; 25:4.
Hindi ba Dapat Kumain ng Karne ang Isang Kristiyano?
Gaya ng ipinakita sa naunang nabanggit, ang usapin tungkol sa di-pagkain ng karne—ang pananatili ng isa na maging gayon—ay totoong isang bagay na pagpapasiyahan ng indibiduwal. Dahil sa kalusugan, kabuhayan, ekolohiya, o pagkahabag sa mga hayop, maaaring piliin ng isang tao na sundin ang isang alituntunin ng hindi pagkain ng karne. Subalit dapat niyang kilalanin ito bilang isa lamang paraan ng pagkain. Hindi niya dapat punahin yaong mga kumakain ng karne, kung paanong hindi dapat hatulan ng isang kumakain ng karne ang isang taong di-kumakain ng karne. Ang pagkain ng karne o pag-iwas mula rito ay hindi nagpapangyari sa isa na maging mas mabuting tao. (Roma 14:1-17) Ni hindi rin dapat maging pangunahing pagkabahala ng isang tao ang pagkain sa kaniyang buhay. “Ang tao ay mabubuhay,” ang sabi ni Jesus, “hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
May kinalaman sa kalupitan sa mga hayop at maling paggamit ng mga pinagkukunang-yaman sa lupa, ipinangako ni Jehova na lilipulin niya ang buktot at sakim na sistemang ito at hahalinhan ito ng bagong sanlibutan na siya ang may gawa. (Awit 37:10, 11; Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:13) Sa bagong sanlibutang iyan, ang tao at mga hayop ay magkakasama magpakailanman sa kapayapaan, at ‘bibigyang-kasiyahan [ni Jehova] ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buhay.’—Awit 145:16; Isaias 65:25.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Hunyo 22, 1997, mga pahina 3-13.
b Tingnan Ang Bantayan ng Mayo 15, 1997, pahina 3-8, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Punch