Ang Pangmalas ng Bibliya
Binibigyang-matuwid ba ng Karalitaan ang Pagnanakaw?
“Karalitaan ang pinakamahigpit na kalaban ng kaligayahan ng tao; totoong sumisira ito sa kalayaan at ginagawa nitong di-praktikal ang ilang kagalingan, at pinagiging mahirap gawin ang iba pa.”—Samuel Johnson, ika-18 siglong awtor.
GANITO ang sabi ng Romanong estadistang si Magnus Aurelius Cassiodorus: “Ang ina ng krimen ay karalitaan.” Ang ganitong mga pananaw ay waring nagpapahiwatig na ang ilang krimen ay normal na resulta lamang ng karalitaan. Marami sa ngayon ang tila sumasang-ayon, lalo na kung ang krimen ay pagnanakaw.
Nagiging lubhang popular ang paniniwalang nagbibigay-matuwid sa pagnanakaw ang paniniil at karalitaan. Isaalang-alang ang bantog na balad sa Ingles noong ika-14 na siglo tungkol kay Robin Hood, na naglalarawan sa isang maalamat na bandido na nagnanakaw sa mayayaman upang ibigay sa mahihirap. Siya’y itinuring na isang bayani sa loob ng maraming siglo.
Di-maikakaila, marami sa ngayon ang dumaranas ng matitinding suliranin sa pananalapi. Kamakailan lamang ay iniulat ng World Bank na may 1.3 bilyong tao ang nabubuhay mula sa wala pang isang dolyar bawat araw. Sa isang surbey 70 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabi na itinuturing nila ang kanilang sarili na mahirap. Sa Brazil ang pinakamayamang 20 porsiyento ng mamamayan ay kumikita ng 32 ulit ang laki kaysa sa pinakamahirap na 20 porsiyento. Ang ganitong kalagayan ay nakasisiphayo sa ilang tao anupat gumagamit sila ng anumang pamamaraan, hanggang sa magnakaw na nga, para matustusan lamang ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan upang mabuhay.
Maliwanag na hinahatulan ng Bibliya ang pagnanakaw. Ganito ang sabi ng ikawalo sa Sampung Utos: “Huwag kang magnanakaw.” (Exodo 20:15) Gayunman, maraming naniniwala sa Bibliya ang may tendensiya na bigyang-matuwid ang pagnanakaw kapag ang magnanakaw ay napilitan lamang dahil sa nakapanlulumong kalagayan sa pananalapi.
Ito’y nagbabangon ng maseselan na katanungan: Talaga bang binibigyang-matuwid ng karalitaan ang pagnanakaw? Ano ang dapat gawin ng isang tao kung siya’y nabubuhay sa isang gipit na kalagayan sa pananalapi? Paano kung mayroon siyang inaalagaang mga anak na may sakit o nagugutom? Pahihintulutan ba ng Diyos na Jehova ang pagnanakaw sa ganitong mga kalagayan, lalo na kung ang mga bagay na kinuha ay pag-aari niyaong hindi naman nangangailangan nito?
Ano ang Sabi ng Diyos?
Yamang naaaninag kay Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama, makatutulong sa atin ang kaniyang halimbawa upang maunawaan ang pangmalas ng Diyos. (Juan 12:49) Habang nasa lupa, si Jesus ay naging napakamadamayin sa kaniyang pakikitungo sa mga nangangailangan. Sinasabi ng Bibliya na “sa pagkakita sa mga pulutong siya ay nahabag sa kanila.” (Mateo 9:36) Magkagayunman, hindi niya kailanman, sa anumang kalagayan, kinunsinti ang pagnanakaw. Gayundin naman, bagaman ang Diyos ay nagmamalasakit sa mahihirap, hindi niya itinuring ang karalitaan na dahilan para magnakaw. Sa Isaias 61:8, sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘kinapopootan [ng Diyos] ang pagnanakaw sampu ng kalikuan.’ At maliwanag na binanggit ni apostol Pablo na ang mga magnanakaw ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Kaya wala tayo sa balag ng alanganin kung tungkol sa pangmalas ng Diyos.—1 Corinto 6:10.
Gayunman, sinasabi sa Kawikaan 6:30 na “hindi hinahamak ng mga tao ang isang magnanakaw kung siya’y nagnanakaw upang busugin ang kaniyang kaluluwa pagka siya’y nagugutom.” Ang pananalita bang ito’y nagpapatawad sa pagnanakaw? Hindi naman. Ipinakikita ng konteksto na pinarurusahan pa rin ng Diyos ang magnanakaw dahil sa kaniyang pagkakamali. Ganito ang sabi ng kasunod na talata: “Ngunit, kung siya’y masumpungan, isasauli niya iyon nang makapito; ibibigay niya ang lahat ng mahalagang laman ng kaniyang bahay.”—Kawikaan 6:31.
Bagaman ang magnanakaw na nagnanakaw dahil sa nagugutom ay hindi gaanong masisisi na di-tulad ng isa na nagnanakaw dahil sa kasakiman o may intensiyong saktan ang kaniyang biktima, yaong nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ay hindi dapat gumawa ng anumang uri ng pagnanakaw. Kahit na nasa matinding karalitaan, ang pagnanakaw ay nagdadala pa rin ng kahihiyan sa Diyos. Ganito ang pagkakasabi sa Kawikaan 30:8, 9: “Pakanin mo ako ng pagkaing kailangan ko, . . . upang ako’y hindi maging maralita at aktuwal na magnakaw at lapastanganin ang pangalan ng aking Diyos.” Oo, binibigyang-kahihiyan ng magnanakaw ang pangalan ng Diyos. Yamang ang pagnanakaw ay isang walang-pag-ibig na gawa, mayaman man o mahirap ang pinagnakawan ito’y kasalanan. Para sa mga umiibig sa Diyos at sa kapuwa, ang pagnanakaw ay hindi kailanman mabibigyang-matuwid.—Mateo 22:39; Roma 13:9, 10.
Ang pangangatuwiran na may karapatang magnakaw ang isang taong kapospalad ay hindi makatuwiran. Sa pagsasabi nito ay para na ring sinabi na ang isang maliit na manlalaro ay may karapatang uminom ng ipinagbabawal na gamot upang manalo. Nanalo nga siya, ngunit gumamit naman siya ng mapandayang pamamaraan. Tama lamang na ituring ng iba na nanalo siya sa masamang paraan. Gayundin naman sa isang magnanakaw. Kinukuha nila ang pag-aari ng iba sa mapandayang paraan. Ang kaniyang pagiging kapospalad ay hindi nagbibigay-matuwid sa pamamaraang ito.
Sinumang magnanakaw na nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ay dapat magsisi sa kaniyang paraan ng paggawi. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay ng mabuting gawa.” (Efeso 4:28) Maaasahan ng dating mga tapat-na-nagsisising magnanakaw na patatawarin sila ni Jehova.—Ezekiel 33:14-16.
Ano ang Magagawa ng Mahihirap?
Nangangako ang Bibliya: “Hindi pangyayarihin ni Jehova na magutom ang kaluluwa ng matuwid, ngunit ang nasa ng mga balakyot ay kaniyang itatakwil.” (Kawikaan 10:3) Hindi tutulungan ng Diyos ang mga kusang lumalabag sa kaniyang batas upang bigyang-kasiyahan ang kanilang mga pagnanasa. Ngunit siya’y nahahabag sa mga taimtim na nagsisikap na tumalima sa kaniya, at pagpapalain niya ang kanilang pagsisikap na matamo kung ano ang kinakailangan.—Awit 37:25.
Milyun-milyon na ang nakapagpatunay na kapag sinusunod nila ang makadiyos na mga simulain, bumubuti ang kanilang kalagayan sa buhay. Halimbawa, dahil sa pagsunod sa payo ng Bibliya na maging masipag at iwasan ang mga bisyo, gaya ng pagsusugal, paglalasing, paninigarilyo, at pag-abuso sa droga, nagkakaroon sila ng higit pa sa kanilang pangangailangan. (Galacia 5:19-21) Kailangan dito ang pagkakaroon nila ng pananampalataya, at nabatid niyaong mga nakagawa na nito na “si Jehova ay mabuti” at na talagang tinutulungan niya yaong nagtitiwala sa kaniya.—Awit 34:8.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Robin Hood: General Research Division/The New York Public Library/Astor, Lenox and Tilden Foundations