Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
NOONG 1844, natagpuan ng isang iskolar na Griego na si Konstantin von Tischendorf ang 129 na pilyego ng isang sinaunang manuskrito sa basurahan sa isang monasteryo. Kinuha ni Tischendorf ang napakahalagang mga pahinang iyon, at ang mga ito ay bahagi ngayon ng Codex Sinaiticus—ang isa sa pinakakilalang mga manuskrito ng Bibliya.
Ang kayamanang iyon ay nasagip sa tamang panahon. Ang maulang gubat—na ang tunay na halaga ay malimit ding ipagwalang-bahala—ay bihirang maging gayong kapalad. Taun-taon tuwing tag-araw, libu-libong sunog na inumpisahan ng mga rantsero at gumagalang mga magsasaka ang nagbibigay-liwanag sa kalangitang tropiko. Ganito ang sabi ni Al Gore, bise presidente ngayon ng Estados Unidos, na nakasaksi sa gayong sunog sa rehiyon ng Amason: “Talagang di-kapani-paniwala ang pagkawasak. Ito ay isa sa pinakamalalaking trahedya sa buong kasaysayan.”
Bihira nating sunugin ang isang bagay na alam nating mahalaga. Ang trahedya tungkol sa maulang gubat ay ang bagay na winawasak ang mga ito bago pa natin maunawaan ang halaga ng mga ito, bago pa natin malaman kung ano ang ginagawa ng mga ito, at bago pa man din natin matuklasan kung ano ang nilalaman ng mga ito. Ang pagsunog sa isang maulang gubat ay tulad sa pagsunog sa isang aklatan upang painitin ang isang tahanan—nang hindi tinitingnan ang nilalaman ng mga aklat.
Sa nakalipas na mga taon ay sinimulang pag-aralan ng mga siyentipiko ang “mga aklat” na ito, ang malawak na imbakan ng impormasyon na nakalagay sa maulang gubat. Kawili-wiling “basahin” ang mga ito.
Isang Walang-Kaparis na Gubat
“Ang mga punungkahoy sa mga Indies na ito ay isang bagay na hindi maipaliwanag, dahil sa karamihan ng mga ito,” ang ibinulalas ng Kastilang tagaulat na si Gonzalo Fernández de Oviedo noong 1526. Tama pa rin ang kaniyang sinabi pagkaraan ng limang siglo. “Ang maulang gubat,” isinulat ng awtor na si Cynthia Russ Ramsay, ang “pinakasari-sari, pinakamasalimuot, at lubhang di-nauunawaang ekosistema sa lupa.”
Ganito ang sabi ng biyologo sa tropiko na si Seymour Sohmer: “Hindi natin dapat kalimutan ang bagay na kakaunti o wala tayong nalalaman tungkol sa kayarian ng pinakamahalumigmig na mga gubat sa tropiko at kung ano ang ginagawa ng mga ito, bukod pa sa mga uri ng halaman at hayop doon.” Ang dami ng mga uri at ang pagkamasalimuot ng kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa ay nagpapangyaring maging nakasisira ng loob ang trabaho ng mga mananaliksik.
Ang isang gubat sa lugar na may katamtamang temperatura ay maaaring magkaroon lamang ng ilang uri ng punungkahoy sa bawat ektarya. Sa kabilang panig, ang kalahating ektarya ng isang maulang gubat ay maaaring tumustos sa mahigit na 80 iba’t ibang uri, kahit na ang kabuuang dami ng mga punungkahoy sa bawat ektarya ay may katamtamang bilang na mga 700 lamang. Dahil sa ang pag-uuri sa gayong pagkakasari-sari ay isang nakapapagod at mahirap na gawain, ilan lamang na bahagi ng maulang gubat na mas malaki sa isang ektarya ang nasuri na. Subalit yaong mga nasuri na ay may nakagugulat na mga resulta.
Ang lubhang pagkakasari-sari ng mga punungkahoy ay naglalaan ng napakaraming tahanan para sa malaking bilang ng mga naninirahan sa gubat—makapupong higit ang dami sa maiisip ng isa. Sinasabi ng U.S. National Academy of Sciences na ang isang tipikal na 10 kilometro kudrado ng dalisay at malinis na maulang gubat ay maaaring pamugaran ng hanggang 125 iba’t ibang uri ng mamal, 100 uri ng reptilya, 400 uri ng ibon, at 150 uri ng paruparo. Bilang paghahambing, masasabi natin na ang buong Hilagang Amerika ay mayroon o dinadalaw ng wala pang 1000 uri ng ibon.
Bagaman ang ilan sa laksa-laksang uri ng halaman at hayop ay maaaring masumpungan sa isang malawak na bahagi ng maulang gubat, ang iba ay nasa isa lamang hanay ng mga bundok. Ito ang dahilan kung bakit madaling masira ang mga ito. Matapos kalbuhin ng mga magtotroso ang isang tagaytay ng bundok sa Ecuador ilang taon na ang nakalipas, nalipol ang 90 sa katutubong uri ng halaman doon.
Sa harap ng gayong mga trahedya, ganito ang babala ng United States Interagency Task Force on Tropical Forests: “Ang mga bansa ay dapat maglunsad kaagad ng isang mabilisan at magkakaugnay na solusyon sa suliranin upang ang ganitong lubhang ipinagwawalang-bahala at malamang na di na mapapalitang kayamanan ay maipagsanggalang mula sa lubusang pagkawasak sa pagsisimula ng susunod na siglo.”
Ngunit maaaring bumangon ang mga tanong: Gayon nga ba kahalaga ang likas na mga kayamanang ito? Maaapektuhan ba nang husto ang ating buhay sa pagkawasak ng maulang gubat?
Pagkain, Sariwang Hangin, at Gamot
Sinisimulan mo ba ang iyong araw sa pamamagitan ng pagkain ng isang mangkok ng cornflakes, marahil ng isang nilagang itlog, at isang tasa ng mainit na kape? Kung gayon, sa di-tuwirang paraan ay nakikinabang ka sa yaman ng tropikong kagubatan. Ang mais, ang mga butil ng kape, at ang inahing manok na nangitlog, at maging ang baka na pinagkunan ng gatas—ay pawang nagmula sa mga hayop at halaman ng tropikong kagubatan. Ang mais ay galing sa Timog Amerika, ang kape ay galing sa Etiopia, ang mga alagang inahing manok ay mula sa lahi ng mga ibon sa kagubatan ng Asia, at ang baka ay galing sa nanganganib na banteng ng Timog-silangang Asia. “Di-kukulangin sa 80 porsiyento ng kinakain natin ay nanggaling sa tropiko,” paliwanag ng aklat na Tropical Rainforest.
Hindi maaaring talikuran ng tao ang pinagmumulan ng kaniyang suplay ng pagkain. Kapuwa ang mga inaani at alagang hayop ay humihina dahil sa labis na pagpapalahi. Ang maulang gubat, na naglalaman ng napakaraming uri ng halaman at hayop, ay maaaring maglaan ng henetikong pagkakasari-sari na kailangan upang palakasin ang mga halaman at hayop na ito. Halimbawa, natuklasan ng Mexicanong botaniko na si Rafael Guzmán ang isang bagong uri ng halaman na may kaugnayan sa modernong mais. Ang kaniyang natuklasan ay nakapagpasigla sa mga magsasaka sapagkat ang halamang ito (Zea diploperennis) ay di-tinatablan ng lima sa pitong pangunahing sakit na sumisira sa pananim na mais. Umaasa ang mga siyentipiko na magagamit ang bagong uri na ito upang makabuo ng isang uri ng mais na hindi tinatablan ng sakit.
Noong 1987 ay pinangalagaan ng pamahalaan ng Mexico ang hanay ng mga bundok kung saan natagpuan ang mais na ito. Ngunit dahil sa napakalaking kagubatan ang nawawasak, ang mahahalagang uring gaya nito ay tiyak na naglalaho, bago pa man matuklasan ang mga ito. Sa kagubatan ng Timog-silangang Asia, may ilang uri ng ligaw na baka na maaaring magpalakas sa lahi ng alagang mga kawan. Ngunit ang lahat ng uring ito ay nasa bingit ng pagkalipol dahil sa pagkawasak ng tirahan ng mga ito.
Ang sariwang hangin ay kasinghalaga ng ating pagkain. Gaya ng mapapansin ng sinumang nasisiyahan sa nakapagpapalakas na paglalakad sa kagubatan, ang mga punungkahoy ay gumagawa ng napakahalagang gawain sa pagsasauli ng oksiheno sa atmospera. Ngunit kapag sinunog ang mga ito, lumalabas ang karbon sa anyo ng carbon dioxide at carbon monoxide. Ang dalawang gas na ito ay lumilikha ng mga suliranin.
Tinataya ng ilan na dinoble na ng gawain ng tao ang antas ng carbon dioxide sa atmospera ng lupa. Bagaman inaakalang ang polusyon mula sa industriya ang siyang pangunahing salarin, ang pagsunog sa mga kagubatan ay sinasabing siyang dahilan ng mahigit sa 35 porsiyento ng lahat ng pagsingaw ng carbon dioxide. Kapag nasa atmospera na, ang carbon dioxide ay lumilikha ng tinatawag na greenhouse effect, na hinuhulaan ng maraming siyentipiko na siyang magiging sanhi ng pag-init ng globo.
Mas masahol pa ang carbon monoxide. Ito ang pangunahing nakamamatay na sangkap na masusumpungan sa usok na lumalason sa mga karatig-lunsod. Ngunit namangha ang mananaliksik na si James Greenberg na matuklasan na “ang antas ng carbon monoxide sa ibabaw ng kagubatan ng Amason ay katulad ng nasa mga karatig-lunsod sa Estados Unidos.” Ang walang-patumanggang panununog sa kagubatan ng Amason ay nagparumi sa mismong atmospera na nilayong linisin sa pamamagitan ng mga punungkahoy!
Bukod sa pagiging isang pinagmumulan ng pagkain at malinis na hangin, ang maulang gubat ay maaaring maging isang tunay na kabinet ng mga gamot. Sangkapat ng lahat ng gamot na inirereseta ng mga doktor ay kinukuha sa mga halaman na tumutubo sa tropikong kagubatan. Mula sa maulap na mga gubat ng Andes ay nariyan ang quinine, para sa paglaban sa malarya; mula sa rehiyon ng Amason, ang curare, na ginagamit bilang pampakalma ng kalamnan sa panahon ng pag-opera; at mula sa Madagascar, ang sitsirika, na ang mga alkaloid nito ay lubhang nagpapalaki sa tsansang makaligtas ng maraming pasyenteng may lukemya. Sa kabila ng gayong kahanga-hangang mga resulta, mga 7 porsiyento lamang ng lahat ng tropikong mga halaman ang nasuri para sa posibleng katangiang pangmedisina ng mga ito. At nauubos na ang panahon. Nagbabala ang United States Cancer Institute na “ang malawakang pagsira sa mahalumigmig na tropikong kagubatan ay maaaring mangahulugan ng isang seryosong hadlang sa kampanya laban sa kanser.”
May iba pang mahahalagang gawain na ginagampanan ng maulang gubat—bagaman bihirang maunawaan ang kahalagahan ng mga ito hanggang sa maglaho na ang kagubatan. Kabilang sa mga ito ang pagkontrol sa ulan at temperatura gayundin ang pananggalang laban sa pagkaagnas ng lupa. “Ang yaman ng tropikong kagubatan sa daigdig ay makapupong higit sa nauunawaan natin ngayon tungkol dito,” ulat ng aklat na The Emerald Realm: Earth’s Precious Rain Forests. “Ngunit alam natin kahit ngayon pa man na ang halaga nito ay di-masusukat.”
“Pangangalagaan Lamang Natin Kung Ano ang Minamahal Natin”
Ang pagsira sa kayamanan na saganang nakapaglalaan sa atin ay tiyak na siyang karurukan ng kamangmangan. Mahigit na 3,000 taon na ang nakalipas, tinagubilinan ng Diyos ang mga Israelita na pangalagaan nila ang mga namumungang punungkahoy kapag sila’y nakikipagdigma sa isang kaaway na lunsod. Simple ang dahilang ibinigay niya sa kanila: “Ang mga ito ay naglalaan sa inyo ng pagkain.” Isa pa, “ang mga punungkahoy sa parang ay hindi mga tao para kubkubin ninyo ang mga ito.” (Deuteronomio 20:19, 20, The New English Bible) Ganito rin ang masasabi tungkol sa nililigalig na maulang gubat.
Maliwanag, tulad ng mga namumungang punungkahoy, makapupong higit ang halaga ng maulang gubat kapag iniwang nakatayo ang mga ito kaysa kapag pinutol ang mga ito. Ngunit sa modernong daigdig na ito, nangingibabaw ang panandaliang mga pakinabang kaysa sa pangmatagalang halaga. Subalit maaaring mabago ng edukasyon ang mga saloobin. Ganito ang sabi ng ekologong taga-Senegal na si Baba Dioum: “Ang totoo ay pangangalagaan lamang natin kung ano ang minamahal natin; mamahalin lamang natin kung ano ang nauunawaan natin; at mauunawaan lamang natin kung ano ang itinuturo sa atin.”
Ninakaw ni Tischendorf ang sinaunang mga pahinang iyon sa Disyerto ng Sinai dahil mahal niya ang mga antigong manuskrito at ibig niyang maingatan ang mga ito. Matututuhan kaya ng sapat na dami ng tao na mahalin ang maulang gubat sa tamang panahon upang mailigtas ang mga ito?
[Blurb sa pahina 11]
Ang pagsunog sa isang maulang gubat ay tulad sa pagsunog sa isang aklatan upang painitin ang isang tahanan—nang hindi tinitingnan ang nilalaman ng mga aklat
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Pangangalaga sa mga Nilalang sa Kagubatan
SI JESÚS ELÁ ay nangaso ng mga gorilya at iba pang hayop sa maulang gubat ng Aprika sa loob ng mga 15 taon. Pero hindi na siya nangangaso ngayon. Siya ay naging isang giya sa parke sa isang reserbasyong pangkalikasan na inilaan upang pangalagaan ang 750 gorilya sa mabababang lugar sa Equatorial Guinea.
“Mas nasisiyahan ako sa maulang gubat kapag hindi ako nangangaso,” paliwanag ni Jesús. “Para sa akin, ang gubat ay tulad ng aking nayon dahil panatag ako rito at inilalaan nito ang lahat ng kailangan ko. Dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin upang pangalagaan ang mga gubat na ito para sa ating mga anak.”
Mapalad si Jesús, na sabik na ibinabahagi sa iba ang kaniyang pagmamahal sa kagubatan. Mas malaki ngayon ang kinikita niya sa pangangalaga sa mga gorilya kaysa noong nangangaso siya ng mga ito. Yamang maligaya ang mga turista na magbayad para sa pribilehiyo na makita ang gayong mga hayop sa ilang, ang mga parke ay nakapaglalaan ng kita sa mga tao roon at nagbibigay sa mga bisita ng di-malilimutang pagsulyap sa napakaraming nilalang. Ngunit ang pangangalaga sa ganitong kawili-wiling “ekolohiya ng buhay,” paliwanag ng aklat na Tropical Rainforest, ay nangangailangan ng “malalawak na reserbadong dako, na doo’y dapat sanang matagpuan ang buong mga libis-agusan.”a
Bakit kailangang maging gayon kalaki ang mga parke upang makapaglaan ng sapat na proteksiyon? Sa kaniyang aklat na Diversity and the Tropical Rain Forest, tinantiya ni John Terborgh na ang maaaring mabuhay na populasyon ng mga jaguar (mga 300 palahiang adulto) ay nangangailangan ng mga 7,500 kilometro kudrado. “Sa pamantayang ito ay may iilan lamang na parke sa lupa ang may sapat na lugar para sa mga jaguar,” sabi niya. Maaaring kailanganin ng mga tigre ang mas malaking lugar. Ang isang kawan ng palahiang mga tigre (400 hayop) ay baka mangailangan ng isang lugar na hanggang 40,000 kilometro kudrado.
Sa pamamagitan ng paglalaan ng malalawak na reserbadong dako para sa mga maninilang hayop gaya ng mga ito, kailangan din namang pangalagaan ang malalaking bahagi ng maulang gubat. Bilang karagdagang kapakinabangan, mahalagang papel ang ginagampanan ng mga hayop na ito sa pagpapanatili ng pangkalahatang kalusugan ng komunidad ng mga hayop.
[Talababa]
a *Ang isang libis-agusan ay isang pook na umaagos patungo sa isang ilog, isang sistema ng mga ilog, o isa pang bahagi ng katubigan.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Malalaki at Maliliit na Nilalang
1. Maraming tipaklong sa maulang gubat ang may maririkit na kulay. Ang ibang mga kulisap ay may totoong kahanga-hangang balatkayo anupat mahirap makilala ang mga ito
2. Ang mga paruparo ang pinakakapansin-pansin at maselan na nilalang sa maulang gubat
3. Ang isang pangkat ng mga unggoy na kumakarimot ng takbo mula sa isang sanga tungo sa isang sanga ay isa sa pinakakawili-wiling tanawin sa gubat
4. Bagaman ang jaguar ang siyang di-maikakailang hari ng maulang gubat sa Amerika, iilan lamang na naturalista ang nakakita ng isa nito sa ilang
5. Ang maselan na mga bulaklak ng orkidya ay nagpapalamuti sa mamasa-masang mga gubat sa ulap na nakalatag sa mga bundok sa tropiko
6. Kulang na sa 5,000 tigre ang natitira sa ilang
7. Ang angkop na pinanganlang rhinoceros beetle ng tropikong Amerika ay may nakatatakot na mga sungay ngunit hindi naman nananakit
8. Bagaman ang mga gorilya ay isang pinangangalagaang uri, makasusumpong pa rin ng karne ng mga ito sa mga pamilihan sa Aprika. Ang maamong higanteng ito ay kumakain lamang ng pananim at pagala-gala sa gubat bilang isang pamilya
9. Ang mga ocelot ay tinugis hanggang sa halos malipol dahil sa kaakit-akit na balat ng mga ito
10. Kabilang ang mga loro sa pinakamaiingay at pinakapalakaibigang mga ibon sa gubat
11. Gaya ng ipinahihiwatig ng malalaking mata nito, ang galago ay nanginginain kung gabi
[Credit Line]
Foto: Zoo de Baños
Foto: Zoo de la Casa de Campo, Madrid
[Credit Line]
Foto: Zoo de Baños
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang maulang gubat ay pinagkukunan ng (1) kakaw, (2) sitsirika, na ginagamit sa paggamot sa lukemya, at (3) langis ng palma. (4) Humahantong sa mapangwasak na pagguho ng lupa ang pagkalbo sa kagubatan