Dengue—Lagnat Mula sa Isang Kagat
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pilipinas
HINDI napansin ng batang babae nang dumapo ang isang lamok sa kaniyang braso. Mabilis na kinagat ng insekto ang kaniyang balat at tumagos ito sa daluyan ng dugo ng bata. Pagkalipas ng ilang sandali, nasulyapan ng ina ang kaniyang anak na babae at ang lamok sa braso nito. Sa isang dagling hampas, wala na ang lamok. Iyon na ba ang katapusan nito? Maaaring hindi. Totoong wala na ang lamok, ngunit ang maikling pagsalakay nito sa daluyan ng dugo ng bata ay nag-iwan ng di-kanais-nais na mga organismong nagdudulot ng sakit.
Sa loob ng dalawang linggo, ang bata ay nakararanas na ng pangangaligkig, sakit ng ulo, kirot sa likuran ng mga mata, matinding pananakit ng kasukasuan, at mataas na lagnat. Habang lumulubha ang sakit, nilalabasan siya ng mga pulang batik sa balat at nakararamdam ng matinding pagod. Siya’y nagkaroon ng dengue, isang lagnat mula sa isang kagat ng lamok.
Gayunpaman, lalo na kung ang bata ay dati nang nagkasakit ng dengue, maaaring magkaroon siya ng mas malubhang anyo ng sakit na ito, ang dengue hemorrhagic fever (DHF). Ang sakit na ito ay nagpapangyaring tumagas ang dugo mula sa mga capillary, na nagiging sanhi ng malubhang mga pagdurugo ng balat. Maaaring magkaroon ng pagdurugo sa loob ng katawan. Kung hindi magagamot sa tamang paraan, ang may-sakit ay baka makaranas ng masidhing pagkasindak at paghinto ng sirkulasyon ng dugo, na humahantong sa dagling kamatayan.
Ano ba talaga ang dengue? Maaari ka bang maapektuhan nito? Paano mo maipagsasanggalang ang iyong sarili at ang iyong pamilya? Ating masusing suriin ang sakit na ito.
Ano ang Dengue?
Ang dengue, na tinatawag ding breakbone fever, ay isa lamang sa napakaraming sakit na maaaring makuha mula sa kagat ng lamok. Ang tunay na pinagmumulan ng sakit ay isang virus. Ang virus ay taglay ng nahawahang lamok (alalaong baga, isang lamok na kumagat sa isang taong nahawahan) sa glandula ng laway nito. Sa pagkagat ng lamok sa isang tao upang kumuha ng dugo, inililipat nito ang virus sa tao.
May apat na uri ng dengue virus. Ang impeksiyon na dulot ng isang virus ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring tablan ang isa ng tatlong iba pang uri. Matapos ang isang impeksiyon, kung ang biktima ay kinagat ng lamok na may dalang ibang uri ng virus, ang resulta ay maaaring DHF.
Nanganganib ang “Dalawang Ikalimang Bahagi ng Populasyon ng Daigdig”
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang dengue ay nagbabanta sa 2.5 bilyong katao na katumbas ng “dalawang ikalimang bahagi ng populasyon ng daigdig.” Ang Asiaweek ay nag-ulat: “Mahigit sa 100 tropikal at sub-tropikal na mga bansa ang nag-ulat ng pagkalat ng dengue, at may sampu-sampung milyong kasong iniuulat taun-taon, at 95% sa mga nagkakasakit ay mga bata.”
Hindi maliwanag kung kailan unang natuklasan ang dengue. Ang isang ulat ng “knee fever” sa Cairo noong 1779 ay maaaring tumutukoy sa dengue. Mula noon, ang dengue ay naiuulat na sa buong daigdig. Lalo sapol noong Digmaang Pandaigdig II, ang dengue ay nagdulot ng malubhang pinsala sa kalusugan ng tao, pasimula sa Timog-silangang Asia. Maraming uri ng virus na ito ang kumalat, at ito’y humantong sa paglitaw ng mas mapanganib na uring nagdudulot ng malubhang pagdurugo. Isang publikasyong inilabas ng WHO ang nagsabi: “Ang unang mabilis na pagkalat ng haemorrhagic fever sa Asia ay kinilalang nangyari sa Manila noong 1954.” Ang ibang mga bansa ay sumunod, lalo na ang Thailand, Vietnam, Malaysia, at ang karatig na mga lugar. Sa mga unang pagkalat nito sa Timog-silangang Asia, 10 hanggang 50 porsiyento ng mga may-sakit ang namatay, subalit habang dumami ang nalalaman tungkol sa sakit na ito, ang bilang na ito ay bumaba.
Mula noong mga taon ng 1960, ang pagiging maluwag ng mga programa sa pagsugpo ng lamok na may dala ng virus ay nagbunga ng mabilis na pagdami ng mga kaso ng dengue. Habang lumalaganap ang dengue, gayundin ang DHF. Siyam na bansa lamang ang nagkaroon ng mga epidemya bago ng 1970, ngunit pagsapit ng 1995, ang bilang na ito ay naging 41. Tinataya ng WHO na taun-taon, 500,000 kaso ng DHF ang nangangailangan ng pagpapa-ospital.
Bagaman ang sakit ay di-gaanong kilala sa mga bansang hindi tropikal, may mga kasong ang mga bumibisita sa mga lugar na may panganib na mahawahan nito ang nagdadala ng virus sa kanilang sariling bansa. Halimbawa, sa pagtatapos ng 1996, ang The New York Times ay bumanggit ng mga kaso ng dengue sa Estados Unidos—sa Massachusetts, New York, Oregon, at Texas.
Mga Partikular na Panganib ng DHF
Gaya nang nabanggit na, ang DHF ang nakamamatay na anyo ng dengue. Ang isa sa mga panganib ng DHF ay na nililinlang nito ang mga tao upang isiping hindi naman gaanong malubha ang sakit na ito. Marami ang nag-aakalang ito’y trangkaso lamang. Gayunman, ang pagpapaliban ng pagpapagamot ay magbibigay ng panahon para lalong lumubha ang sakit, anupa’t mabilis na bumababa ang bilang ng mga platelet sa dugo, nag-uumpisa ang malubhang pagdurugo (sa loob ng katawan o sa gilagid, ilong, o balat), at bumababa ang presyon ng dugo. Ang may-sakit ay maaaring himatayin. Sa panahong matanto na ng kaniyang mga kasambahay na ang kaniyang situwasyon ay malubha, siya’y nasa kalagayan na ng pagkasindak. Siya’y isusugod ng pamilya sa pagamutan. Doon, matutuklasan ng mga doktor na ang pagdaloy ng kaniyang dugo ay nahinto na. Dahil sa delikadong kalagayan, ang pagpapasok ng mga likido sa mga ugat ay isinasagawa sa may-sakit.
Pag-iingat sa Iyong Pamilya
Ano ang maaaring gawin upang mabawasan ang mga epekto ng sakit na ito? Kung ang pamilya ay nakatira sa lugar na laganap ang dengue at may isang kapamilya na may mataas na lagnat na mahigit nang isang araw, dapat na may katalinuhang kumonsulta ang pamilya sa isang doktor. Ito’y higit na mahalaga kung ang maysakit ay kakikitaan ng iba pang mga sintoma ng dengue, tulad ng pulang batik sa balat o kirot sa mga kalamnan at kasukasuan o sa likuran ng mga mata.
Maaaring suriin ng doktor ang dugo. Ang dengue na hindi nagdudulot ng malubhang pagdurugo ay nangangailangan ng simpleng paggamot lamang. Ngunit kung ang pagsusuri ay nagpapahiwatig na ang isa’y may DHF, ang doktor ay malamang na magmumungkahi ng maingat na pagpapasok ng mga likido sa katawan. Kasama rito ang paggamit ng mga oral rehydration solution, tulad ng ginagamit para sa diarrhea, o sa mas mapanganib na mga kalagayan, ang pagpapasok ng likido na ginagamit ang Ringer’s solution, mga saline solution, o iba pa. Sa paggamot sa mga kasong may pagkasindak, maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot upang tumaas ang presyon ng dugo at panumbalikin ang tamang bilang ng mga platelet.
Kung matindi ang pagdurugo, malamang na imungkahi ng mga doktor ang pagsasalin ng dugo. Ang ilan ay maaaring mabilis na magrekomenda nito nang hindi isinasaalang-alang ang ibang mga pagpipilian. Gayunman, bukod sa ito’y labag sa batas ng Diyos, ang pagsasalin ng dugo ay karaniwan nang hindi naman kailangan. (Gawa 15:29) Ang karanasan ay nagpapakita na ang maingat na pagpapasok ng mga likido sa daluyan ng dugo nang patuluyan simula sa mga unang yugto ng sakit ang pinakamahalagang salik sa paggamot. Ang pagtutulungan ng pasyente at doktor sa bagay na ito ay makatutulong upang maiwasan ang pagtatalo tungkol sa pagsasalin ng dugo. Ang lahat ng ito ay nagdiriin ng kahalagahan ng mabilis na pagkilos kapag naghihinala ang isa na siya’y may DHF.—Tingnan ang kahon “Ano ang mga Sintoma?”
Mga Hakbang sa Pag-iingat
Ang isa sa mga pangunahing tagapagdala ng dengue virus ay ang Aedes aegypti na lamok. Ang uring ito ay palasak sa mga tropikal at subtropikal na mga lugar sa daigdig. (Tingnan ang kalakip na mapa.) Ang Aedes aegypti na lamok ay dumarami sa mga lugar na may napakarami ring nakatirang mga tao. Ang pagsugpo sa lamok ang isa sa mga susi upang masugpo ang sakit.
Ang pagsugpo sa mga lamok sa pambuong-daigdig na lawak ay hindi madali. Gayunman, may magagawa ka upang mabawasan ang panganib sa palibot ng iyong tahanan. Ang babaing lamok ay nangingitlog sa tubig. Ang mga kitikiti ay nabubuhay sa anumang lalagyan na may tubig sa loob ng humigit-kumulang isang linggo, tulad ng itinapong mga gulong, nakakalat na mga lata, bote, o mga bao. Kung itatapon ang gayong mga lalagyan, mawawalan ang mga lamok ng lugar na pangingitlugan. Karagdagan pa, iminumungkahi na inyong itaob ang mga timba o mga bangka. Ang pag-aalis ng mga nakatigil na tubig mula sa mga kanal ay makatutulong din. Dahilan dito, kapansin-pansin na sa pasimula ng 1997/98 na taon ng pasukan sa paaralan, hindi inirekomenda ng kagawaran ng kalusugan sa Pilipinas ang paglalagay ng mga pasó sa mga silid-aralan.
Kung ang isa sa tahanan ay magkaroon ng dengue, gumawa ng mga hakbang upang maiwasang siya’y makagat ng ibang mga lamok na maaaring magdala ng impeksiyon sa iba. Isang proteksiyon ang mga screen sa bintana o gusaling may air conditioner.
Kumusta naman ang pagpapabakuna? Walang angkop na bakuna sa kasalukuyan. Patuloy ang pagsasaliksik upang makagawa nito, ngunit ito’y humihirap dahil sa bagay na ang ganap na proteksiyon ay nangangahulugan ng bakuna para sa lahat na apat na uri ng dengue. Ang pagpapabakuna para sa isa lamang uri ay lalo pang nagsasapanganib sa isa na magkasakit ng DHF. Umaasa ang mga mananaliksik na magkakaroon ng epektibong bakuna sa loob ng lima hanggang sampung taon.
Ang ilang mga mananaliksik ay sumusubok ng ibang pamamaraan. Sa pamamagitan ng genetic engineering, umaasa silang maiiwasan ang dengue virus na mapasalin sa laway ng lamok. Kung ito’y maging epektibo ayon sa plano, maipapása ng genetically engineered na mga lamok sa mga supling nito ang pagiging di-tinatablan ng dengue. Bagaman nagkaroon na ng pagsulong, hindi pa tiyak kung magiging gaano katagumpay ito.
Sa kasalukuyan, ang lubusang paglipol sa dengue ay waring imposible. Ngunit ang pagkuha ng mga hakbangin upang makapag-ingat ay makatutulong sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay na maiwasan ang nakamamatay na mga komplikasyong dulot ng dengue—isang lagnat mula sa isang kagat.
[Kahon sa pahina 22]
Ano ang mga Sintoma?
Mga sintoma kapuwa ng dengue fever at dengue hemorrhagic fever (DHF)
• Biglaang pagkakaroon ng mataas na lagnat
• Matinding sakit ng uloa
• Kirot sa likuran ng mga mata
• Pagkirot ng mga kasukasuan at mga kalamnan
• Pamamaga ng kulani
• Mga pulang batik sa balat
• Pagkapagod
Mga espesipikong sintoma ng DHF
• Biglang pagkahimatay
• Pagdurugo ng balat
• Pangkalahatang pagdurugo
• Malamig, mamasa-masa at nanlalagkit na balat
• Pagiging di-mapakali
• Pagkasindak kaakibat ng mahinang pulso (dengue shock syndrome)
Huwag ipagpaliban ang pagkonsulta sa doktor kung maobserbahan ang mga sintoma. Ang mga bata ang lalo nang nanganganib
[Talababa]
a Ang mga awtoridad sa medisina ay nagsasabi na ang aspirin ay dapat na iwasan dahil maaari nitong palalain ang pagdurugo.
[Kahon sa pahina 23]
Mga Mungkahi Para sa mga Manlalakbay
Manaka-naka, ang mga naglalakbay sa tropikal na mga lugar ay nagkakasakit ng dengue, ngunit ang dengue hemorrhagic fever ay mas madalang dahil ang mas malalang sakit na ito ay karaniwan nang nakukuha pagkatapos ng pangalawang pagkakasakit ng dengue. Narito ang ilang mungkahi upang makapag-ingat ang mga naglalakbay:
• Magsuot ng mga pang-itaas na may mahahabang manggas at ng mga pantalon
• Gumamit ng panlaban sa lamok
• Umiwas sa mga lugar na maraming tao ang nakatira
• Tumuloy sa mga matitirahang maaari mong isara ang mga bintana at hindi makakapasok ang lamok
• Kung ikaw ay lagnatin pag-uwi mo, sabihin sa doktor ang mga lugar na iyong pinuntahan
[Mapa/Larawan sa pahina 23]
Mga lugar na kamakailan lamang ay may epidemya ng dengue
Mga lugar na nanganganib na magkaroon ng epidemya ng dengue
Nasasaklaw ng “Aedes aegypti,” isang lamok na nagdadala ng dengue
[Credit Line]
Pinagkunan: Centers for Disease Control and Prevention, 1997
© Dr. Leonard E. Munstermann/Fran Heyl Associates, NYC
[Mga larawan sa pahina 24]
Ang mga posibleng lugar na pangingitlugan ng mga lamok ay ang (1) mga itinapong gulong, (2) mga kanal, (3) pasó, (4) timba o iba pang lalagyan, (5) nakakalat na mga lata, (6) mga dram
[Picture Credit Line sa pahina 21]
© Dr. Leonard E. Munstermann/Fran Heyl Associates, NYC