Isang Buhay na may Namamalaging Katiwasayan
KUNG may lagnat ka, malamang na iinom ka ng isang tableta upang humupa ang sakit ng iyong ulo at marahil gagamit ka ng isang bulsa de yelo upang bumaba ang iyong lagnat. Ngunit bagaman natitiis mo ang mga sintoma dahil sa tulong ng tableta at bulsa de yelo, hindi napapawi ng mga ito ang sanhi ng iyong lagnat. At kung malubha ang sakit mo, kailangan mong magpagamot sa isang makaranasang doktor.
Ang sangkatauhan ay pinahihirapan ng di-nawawalang lagnat ng kawalang-katiwasayan. Tama lamang na gumagawa tayo ng panandaliang mga hakbang upang pahupain ang di-kanais-nais na mga sintoma, ngunit ang lunas ay manggagaling lamang sa isa na makagagawa ng lubusang pagsusuri sa ating situwasyon. At walang sinuman ang nakakakilala sa sangkatauhan nang higit sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Batid niya na ang buhay ay di-tiwasay dahil sa mga suliraning dumarating sa atin.
Sinira ang Isang Matiwasay na Pasimula
Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos na nilalang ni Jehova na sakdal ang unang mag-asawang tao at inilagay sila sa isang matiwasay na kapaligiran. Wala silang kabalisahan. Layunin ng Diyos na mabuhay ang mga tao magpakailanman sa isang paraiso, na may ganap na katiwasayan. Sa unang tahanan ng tao ay naroroon “ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin.” Pansinin na pinaglaanan ang kanilang pisikal na mga pangangailangan; at gayundin ang kanilang emosyonal na mga pangangailangan, yamang ang kapaligirang iyon ay inilarawan na “kanais-nais sa paningin.” Walang-alinlangang nangahulugan ito na inilagay ang unang mag-asawa sa isang kapaligiran na titiyak sa kanila ng isang buhay na matatag at walang suliranin.—Genesis 2:9.
Tinanggihan nina Adan at Eva ang maibigin at soberanong pamamahala ng Diyos, sa gayo’y nakadama sila ng pag-aalinlangan, pagkatakot, kahihiyan, pagkakasala, at kawalang-katiwasayan. Matapos itakwil ang Diyos, inamin ni Adan na siya’y “natakot.” Tinakpan ng unang mga tao ang kanilang sarili at nagtago sa kanilang maibiging Maylalang, na sa kaniya ay mayroon silang malapit at kapaki-pakinabang na kaugnayan hanggang noon.—Genesis 3:1-5, 8-10.
Hindi nagbago ang orihinal na layunin ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na ang ating Maylalang ay isang maibiging Diyos, na malapit nang magpangyari na maibalik ng masunuring sangkatauhan ang lupa sa malaparaisong kalagayan at mamuhay sa katiwasayan magpakailanman. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, ang pangako ay ibinigay: “Ako ay lumalalang ng mga bagong langit at ng bagong lupa; . . . kayo ay magbunyi at magalak magpakailanman.” (Isaias 65:17, 18) Tungkol sa bagong langit at bagong lupang ito, sinabi ni apostol Pedro: “Sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Paano ito matatamo? Sa pamamagitan ng isang pamahalaan na inilagay ni Jehova sa dako nito. Ito ang Kaharian na sinabi ni Jesu-Kristo na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Hahalinhan ng Kaharian ng Diyos ang mga pamahalaan ng tao at maibiging ipatutupad nito ang layunin ng Diyos sa buong daigdig. (Daniel 2:44) Maglalaho na ang pag-aalinlangan, pagkatakot, kahihiyan, pagkakasala, at kawalang-katiwasayan na sumalot sa sangkatauhan sapol noong panahon ni Adan. Ayon sa Bibliya, malapit na ang Kahariang iyan. Maging sa ngayon, sa isang daigdig na walang-katiyakan, makadarama ng isang antas ng katiwasayan yaong nagmimithi sa Kaharian ng Diyos.
Unahin ang Espirituwal na mga Bagay
Si David ay isang lingkod ng Diyos na nakababatid kung ano ang ibig sabihin ng pagkatakot at pagkabalisa. Gayunma’y sumulat si David, na nakaulat sa Awit 4:8: “Payapa akong hihiga at matutulog, sapagkat ikaw lamang, O Jehova, ang nagpapatahan sa akin sa katiwasayan.” Ipinadama ni Jehova kay David ang katiwasayan, bagaman si David noon ay punung-puno ng mga suliranin. May matututuhan ba tayo mula rito? Paano tayo magtatamasa ng isang antas ng katiwasayan maging sa isang di-tiwasay na daigdig?
Isaalang-alang ang salaysay ng Genesis tungkol kina Adan at Eva. Kailan sila nakadama ng kawalang-katiwasayan? Nang sandaling tumalikod sila sa kanilang personal na kaugnayan sa Maylalang at tumangging mamuhay na kasuwato ng kaniyang layunin sa sangkatauhan. Kaya naman, kung babaligtarin natin ang prosesong ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malapit na kaugnayan kay Jehova at pagsisikap na mamuhay na kasuwato ng kaniyang kalooban, kahit ngayon ay makapagtatamasa tayo ng higit na matiwasay na buhay na hindi sana magkakagayon.
Ang pagkilala kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa atin na maunawaan ang kahulugan ng buhay. Pagkatapos ay saka lamang natin mauunawaan kung sino tayo at kung bakit tayo naririto. Posible ang isang matiwasay na buhay kapag iniibig natin ang Diyos, nababatid ang kaniyang layunin sa sangkatauhan, at nauunawaan kung ano ang bahagi natin dito. Natuklasan ito ng isang lalaking nagngangalang Paul ilang taon na ang nakalilipas.
Si Paul ay isinilang at lumaki sa isa sa mga isla na malapit lamang sa baybayin ng Alemanya. Dahil sa naranasan ng kaniyang mga magulang noong Digmaang Pandaigdig II, nawalan ng interes sa relihiyon ang kaniyang pamilya. Ganito ang sabi ni Paul tungkol sa kaniyang sarili bilang isang kabataan: “Wala akong pinaniniwalaan at iginagalang na sinuman. Nilulunod ko sa alak ang aking kalungkutan, anupat naglalasing ako nang dalawa o tatlong beses sa isang linggo. Walang katiwasayan ang aking buhay.”
Pagkatapos ay nakausap ni Paul ang isa sa mga Saksi ni Jehova. Nakipagtalo nang husto si Paul, ngunit pinag-isip siya ng isang bagay na sinabi ng Saksi. “Walang anuman ang nanggaling sa wala.” Sa ibang salita, lahat ng nakikita natin sa palibot natin sa kalikasan ay tiyak na may isang Manlalalang.
“Paulit-ulit ko itong pinag-isipan, at kinailangan kong sumang-ayon.” Kaya si Paul ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nakilala niya si Jehova. Inamin niya: “Bukod sa aking mga magulang, si Jehova ang unang persona sa aking buhay na may nagawa para sa akin.” Nabautismuhan si Paul bilang isang Saksi noong 1977 at kaniyang sinabi: “Alam ko na ngayon kung ano talaga ang layunin ng buhay. Nasisiyahan akong mamuhay na kasuwato ng kalooban ni Jehova. Panatag ang aking loob, yamang walang anuman na maaaring mangyari sa akin o sa aking pamilya na hindi maitutuwid ni Jehova sa hinaharap.”
Ano ang matututuhan natin mula sa karanasang ito? Napagtagumpayan ni Paul ang kaniyang kawalang-katiwasayan—isang pabigat sa damdamin—sa pamamagitan ng hindi pagtutuon ng pansin sa materyal na kayamanan kundi sa espirituwal na mga bagay. Nagkaroon siya ng matibay na kaugnayan sa Maylalang. Milyun-milyong Saksi ni Jehova ang nagtatamasa ng gayong kaugnayan. Nagbibigay ito sa kanila ng lakas ng loob na tumutulong sa kanila na maging mapagsakripisyo-sa-sarili sa kanilang pakikitungo sa iba. Sa pagdalaw sa mga tao sa kanilang mga tahanan, ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sariling panahon upang tulungan ang iba na gawing matiwasay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay. Ngunit hindi lamang nangangaral ang mga Saksi.
‘Tumawag Kayo sa Inyong Diyos, si Jehova’
Noong Hulyo 1997, nang umapaw ang tubig ng Oder River sa malalaking lugar sa hilagang Europa, nabalitaan ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ang nangyari sa mga tao sa karatig na Poland. Ano ang magagawa nila? Ang indibiduwal na mga Saksi sa loob at sa palibot ng Berlin ay nagpakita ng kahanga-hangang pagkabukas-palad sa pamamagitan ng boluntaryong pag-aabuloy ng mahigit na $116,000 sa loob lamang ng ilang araw.
Ang mga Saksi na may karanasan sa konstruksiyon ay naglakbay ng anim na oras sa daan—sa sarili nilang gastos—mula sa Berlin patungo sa rehiyon sa palibot ng Wrocław, Poland. Sa isang munting bayan, maraming bahay ang napinsala nang husto. Ang bahay ng isang pamilyang Saksi ay lumubog sa tubig na mahigit sa 6 na metro ang taas. Ang anak na babae ay nagbabalak na magpakasal sa susunod na buwan at manirahan sa bahay na iyon kasama ng kaniyang asawa. Ano ang maaaring gawin upang kumpunihin ang tahanan at matulungan ang pamilya, na nawalan halos ng lahat?
Nang bumaba na ang tubig, may panunuyang nagtanong ang isang kapitbahay: “Bakit hindi kayo tumawag sa inyong Diyos, si Jehova, at tingnan ninyo kung tutulungan niya kayo?” Laking gulat ng kapitbahay na iyon nang kinabukasan ay may ilang sasakyan mula sa Alemanya na pumarada sa tapat ng tahanan ng pamilyang Saksi! Bumaba sa mga sasakyan ang isang grupo ng mga estranghero at nagsimulang kumpunihin ang bahay. “Sino sila? Sino ang nagbayad ng materyales?” tanong ng kapitbahay. Ipinaliwanag ng pamilyang Saksi na ang mga ito ay kanilang espirituwal na mga kapatid at na ang mga panauhing ito ang nagbayad ng materyales. Hindi makapaniwala ang mga residente sa bayang iyon habang minamasdan nila ang pagkukumpuni sa bahay. Siyanga pala, natuloy ang kasal ayon sa itinakdang petsa.
Natuklasan ng pamilyang ito na ang pagiging kabilang sa isang internasyonal na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova ay nagdudulot hindi lamang ng espirituwal na mga kapakinabangan kundi ng isang antas ng katiwasayan sa isang di-tiwasay na sanlibutan. Hindi lamang sila ang nakaranas nito. Sa buong lugar na nasalanta, kinumpuni ang mga bahay at Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. At hindi rin kinalimutan ang mga kapitbahay na di-Saksi. Marami ring ginawa sa kanilang tahanan, na lubhang pinahalagahan.
Katuwiran, Katahimikan, at Katiwasayan
Kapag sa wakas ay napawi na ang mataas na lagnat at nagbalik na sa normal ang kalusugan, laking pasasalamat natin sa doktor na tumulong sa atin! Kapag napawi na magpakailanman ang lagnat ng kawalang-katiwasayan na nagpapahirap sa sangkatauhan—sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos—anong laking pasasalamat natin sa ating Maylalang! Oo, siya ang nangangako sa atin ng buhay sa “tunay na katuwiran, katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.” Anong gandang pag-asa!—Isaias 32:17.
[Blurb sa pahina 10]
Maiibsan natin ang isang pabigat sa damdamin sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin hindi sa materyal na kayamanan kundi sa espirituwal na mga bagay
[Larawan sa pahina 8, 9]
Nangangako ang Diyos ng isang bagong sanlibutan kung saan ang lahat ay mabubuhay na may namamalaging katiwasayan