Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Gagawin ang Malayuang Pakikipagligawan?
“Kahahatid ko lamang sa isang grupo ng mga delegado na dumalo sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova pabalik sa kanilang otel. Uuwi na sana ako, ngunit isa na namang grupo ang dumating. Kaya huminto ako at nakipag-usap, at nakilala ko si Odette. Muli kaming nagkita di-nagtagal nang linggo ring iyon. Ipinasiya naming magsulatan, at pagkatapos nang ilang taon ng pagkikilala sa pamamagitan ng sulat, nagsimula kaming magligawan.”—Tony.
ANG daigdig ay naging mas maliit na lugar. Sa mga nagdaang dekada lamang, ang pagkakaroon ng murang pasahe sa eroplano, pangglobong network sa telepono, mabilis na pagpapadala ng liham, at ng Internet ay nagbukas ng bagong mga pagkakataon sa daigdig ng romansa. At sa maraming paraan, ang ideya ng malayuang pakikipagligawan sa distansiyang daan-daan o maging ng libu-libong milya ay maaaring waring kaakit-akit—lalo na kung ang pag-asa na makapag-asawa sa sariling bayan ay waring limitado.
Para sa ilang mag-asawa, ang malayuang pagliligawan ay napatunayang isang pagpapala. “Kami’y 16 na taon nang masayang nagsasama,” ang sabi ni Tony. Baka ikatuwiran pa ng ilan na ang bentaha ng malayuang pagliligawan ay na pinahihintulutan nito ang mga nagliligawan na makilala ang isa’t isa nang hindi nabubulagan ng kapangyarihan ng pisikal na atraksiyon. Subalit anuman ang mga bentaha nito, ang malayuang pagliligawan ay naghaharap ng ilang kakaibang hamon.
Pagkilala sa Isa’t Isa
Napakabuti na makilala nang lubusan hangga’t maaari ang isa na binabalak ninyong pakasalan. Gayunman, gaya ng sabi ng isang asawang lalaki na nagngangalang Frank batay sa kaniyang personal na karanasan, “hindi madali na makilala ang tunay na pagkatao, ‘ang lihim na pagkatao ng puso.’” (1 Pedro 3:4) Si Doug, isa pang Kristiyano na nakipagtipanan nang malayuan, ay umamin: “Sa pagbabalik-tanaw, natanto ko na hindi namin lubusang kilala ang isa’t isa.”
Talaga nga bang posible na makilala ang isa na naninirahan sa layong daan-daan o libu-libong milya? Oo, ngunit mangangailangan ito ng di-karaniwang pagsisikap. “Wala kaming pera para ipantawag sa telepono, kaya nagsusulatan kami nang minsan sa isang linggo,” ang sabi ni Doug. Subalit nasumpungan nina Joanne at Frank na hindi sapat ang pagsusulatan. “Sa simula ay nagsulatan kami at pagkatapos ay nagtawagan sa telepono,” sabi ni Joanne. “Pagkatapos ay pinadalhan ako ni Frank ng maliit na teyp rekorder. Nagrerekord kami ng isang bagong teyp bawat linggo.”
Katapatan, ang Tanging Paraan
Anumang anyo ng pakikipag-usap ang ginagamit ninyo, mahalaga na maging tapat. “Kung magsisinungaling ka, lalabas din ito sa dakong huli at makaaapekto sa inyong relasyon,” ang sabi ng isang Kristiyanong asawang babae na nagngangalang Ester. “Maging tapat sa isa’t isa. Maging tapat sa sarili. Kung mayroon kang hindi gusto, huwag itong ipagwalang-bahala. Ipakipag-usap ito.” Si apostol Pablo ay nagbibigay ng magandang payo: “Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kaniyang kapuwa.”—Efeso 4:25; ihambing ang Hebreo 13:18.
Ano ang ilang isyu na dapat ninyong tiyaking pag-usapan? Lahat ng nagliligawan ay kailangang mag-usap tungkol sa mga paksa na gaya ng tunguhin, pag-aanak, pananalapi, at kalusugan. Gayunman, may mga bagay na kailangang pag-ukulan ng pantanging pansin. Halimbawa, ang isa sa inyo—o kayong dalawa—ay baka kailangang lumipat kung magpapakasal kayo. Ang inyo bang isip at damdamin ay handa at kayang gawin iyon? Paano ninyo alam? Nasubukan na ba ninyong lumipat sa malayo o mawalay sa inyong pamilya nang mahabang panahon? Gusto ng magiging asawa ni Joanne na silang dalawa ay maglingkod bilang mga boluntaryong manggagawa sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower, ang tagapaglathala ng magasing ito. “Tinanong niya ako kung kaya kong tumira sa isang maliit na kuwarto, nang may kaunting pera,” ang gunita ni Joanne. “Kinailangan naming pag-usapan iyon.”
Kung kasangkot sa pagliligawan ang isa na taga-ibang lupain, handa ba kayong makibagay sa ibang kultura? “Nararanasan na ba ninyo ang araw-araw na pagkalugod sa kultura ng isa’t isa?” ang tanong ni Frank. “Pag-usapan ang malalaking isyung ito sa pasimula pa lamang ng inyong ugnayan. Mas mabuti kung maaga ninyong matutuklasan—bago kayo makapag-ukol ng labis-labis na emosyon at salapi.” Oo, ang araw-araw na pamumuhay sa ibang kultura ay naiiba sa pagiging isang turista nang ilang araw. Kailangan ba kayong matuto ng ibang wika? Kaya ba ninyong makibagay sa malaking pagkakaiba ng kalagayan sa pamumuhay? Sa kabilang panig, hindi kaya naaakit ka lamang sa kultura at marahil ay hindi gaano sa tao? Ang gayong pagkabighani ay maglalaho pagdating ng panahon. Subalit permanenteng pinagsasama ng pag-aasawa ang dalawang tao.—Mateo 19:6.
Ganito ang paliwanag ni Tony: “May kilala akong babae sa ibang panig ng daigdig na nag-asawa ng isang taga-Caribbean. Subalit nahirapan siya sa buhay sa isla. Laging mainit doon, at siya ay nagkasakit. Ang pagkain ay naiiba, at nanabik siya sa kaniyang pamilya. Kaya sinubukan nilang manirahan sa tinubuang-bansa ng babae. Subalit nadama naman ng lalaki na masyadong materyalistiko ang istilo ng pamumuhay roon, at pinanabikan nito ang pagkamalapit sa isa’t isa na kinasanayan niya sa kaniyang pamilya at mga kapit-bahay. Ngayon ay magkahiwalay sila; ang lalaki ay naninirahan sa kaniyang tinubuang-lupain, at ang babae naman ay sa kaniyang sariling bayan. Ang kanilang dalawang anak ay nananabik sa pag-ibig at atensiyon ng dalawang magulang.”
Naghaharap ng iba pang hamon ang pag-aasawa sa isang taong malayo ang pinanggalingan, na marahil ay iba ang kultura. Handa ka ba sa karagdagang gastos sa paglalakbay at pakikipag-ugnayan? Nagunita ni Lydia: “Madalas akong biruin ni Phil na kailangan na raw kaming magpakasal dahil masyadong mahal ang bayad sa telepono, pero ngayon ay kailangan kaming magbayad para sa mga tawag ko sa aking inay!” Paano kung magkaanak kayo? Ang ilan ay lumalaki na kaunti ang alam tungkol sa kanilang mga kamag-anak, ni hindi marunong makipag-usap sa kanila sa telepono dahil sa pagkakaiba ng wika! Hindi naman ito nangangahulugan na hindi mapananagumpayan ang gayong mga problema. Subalit dapat tayahin ng isa ang gugugulin sa pagpasok sa gayong pag-aasawa.—Ihambing ang Lucas 14:28.
Sino ba Talaga Siya?
Paano mo malalaman kung talagang totoo at tapat ang iyong kaibigan? “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga,” ang sabi sa Mateo 7:17. Kung gayon, ano ang kaniyang mga gawa? Pinatutunayan ba ng kaniyang mga gawa ang kaniyang sinasabi? Sinusuhayan ba ng kaniyang nakaraan ang kaniyang sinasabing tunguhin sa hinaharap? “Ang unang bagay na aming natuklasan sa bawat isa sa amin ay ang aming espirituwal na mga tunguhin,” ang paliwanag ni Ester. “Walong taon na siyang naglilingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador, at binigyan ako nito ng dahilan na magtiwala na nagsasabi siya ng totoo tungkol sa pagnanais na magpatuloy.”
Subalit paano kung ang nililigawan mo ay waring umiiwas. Huwag mong ipagwalang-bahala ang bagay na ito at basta na lamang umasa nang maganda. Siyasatin ito nang higit pa! Itanong kung BAKIT? Isang kawikaan ang nagsasabi: “Ang payo sa puso ng isang tao ay parang malalim na tubig, ngunit ang taong may pang-unawa ang iigib niyaon.” (Kawikaan 20:5) “Sinumang walang-karanasan ay naglalagak ng pananampalataya sa bawat salita, subalit isinasaalang-alang ng isang matalino ang kaniyang mga hakbang,” ang babala ng isa pang kawikaan.—Kawikaan 14:15.
Mukha sa Mukha
Gayunman, kaunti pa rin ang inyong malalaman tungkol sa tao sa pamamagitan ng liham o telepono. Kapansin-pansin, sumulat si apostol Juan ng ilang liham sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Bagaman malaki ang nagawa ng mga liham na ito upang patibayin ang buklod ng pagmamahalan sa pagitan nila, sinabi ni Juan: “Bagaman marami akong mga bagay na isusulat sa inyo, hindi ko nais na gawin iyon sa papel at tinta, kundi umaasa akong pumariyan sa inyo at makipag-usap sa inyo nang mukha sa mukha.” (2 Juan 12) Gayundin naman, wala nang iigi pa sa personal na paggugol ng panahon kasama ng isang tao. Baka pa nga praktikal para sa isa sa inyo na pansamantalang lumipat upang magkalapit kayo sa isa’t isa. Magpapahintulot din ito sa isa na lumipat na maranasan ang klima at mga kalagayan ng pamumuhay sa magiging kaniyang bagong tahanan.
Paano ninyo magagamit nang mahusay ang inyong panahon nang magkasama? Gumawa ng mga bagay na magsisiwalat sa mga katangian ng bawat isa. Magkasamang pag-aralan ang Salita ng Diyos. Masdan ang pakikibahagi ng bawat isa sa mga pulong ng kongregasyon at sa ministeryo. Magkasamang gawin ang mga pang-araw-araw na gawain, gaya ng paglilinis at pamamalengke. Ang pagkakita kung paano gumagawi ang isang tao sa ilalim ng kaigtingan ng isang magawaing iskedyul ay maaaring totoong nakapagbubukas ng unawa.a
Dapat ding gumugol ng panahon kasama ang pamilya ng iyong mapapangasawa. Sikaping makapaglinang ng mabuting kaugnayan sa kanila. Tutal, kung magpapakasal kayong dalawa, magiging pamilya mo sila. Kilala mo na ba sila? Nagkakasundo ba kayo? Ganito ang payo ni Joanne: “Hangga’t maaari, mabuti kung magtatagpo ang dalawang pamilya.” Sinabi pa ni Tony: “Ang pagtrato ng iyong kaibigan sa kaniyang pamilya ay siya ring magiging pagtrato niya sa iyong pamilya.”
Nagliligawan man kayo nang mukha sa mukha o sa pamamagitan ng telepono at liham, iwasan ang padalus-dalos na pagdedesisyon. (Kawikaan 21:5) Kung naging maliwanag na hindi magtatagumpay ang inyong pagsasama, kung gayon ay isang katalinuhan na pag-usapan ang pagputol sa inyong pagliligawan. (Kawikaan 22:3) Sa kabilang panig, baka naman kailangan lamang ang higit pang panahon para sa bukás at tapatang pag-uusap.
Maaaring mahirap ang malayuang pakikipagligawan, subalit maaari rin itong maging kasiya-siya. Sa paano man, ito ay seryosong bagay. Huwag magmadali. Kilalanin ang isa’t isa. Pagkatapos, kung ipasiya ninyong magpakasal, ang inyong pagliligawan ay magiging isang panahon na masaya ninyong gugunitain, hindi isang bagay na pagsisisihan.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagliligawan, tingnan ang aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, pahina 255-60, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 15]
Tiyaking pag-usapan ang mga isyu na gaya ng mga tunguhin, pag-aanak, at pinansiyal na mga bagay sa pasimula pa lamang ng inyong ugnayan