Ang Bantang Nuklear—Hindi Pa Tapos
“Ang pagdami ng malalakas na armas ang pinakamapanganib ngayon na pangitain na nakaharap sa planetang ito.”—CRITICAL MASS, NINA WILLIAM E. BURROWS AT ROBERT WINDREM.
MADALING-ARAW ng Enero 25, 1995, isang nagbabantang larawan ang lumitaw sa mga iskrin ng early-warning radar para sa buong hilagaang Russia. Isang rocket ang inilunsad sa isang lugar sa may baybayin ng Norway! Ipinabatid ng mga nagpapaandar ng radar sa Moscow ang posibleng pagdating ng isang bombang nuklear. Sa loob lamang ng ilang minuto, iniabot sa presidente ng Russia ang isang maleta na naglalaman ng elektronikong kagamitan na magpapangyari sa kaniya na iutos ang isang mapangwasak na nuklear na kontra-salakay. Waring ilang sandali na lamang at sasapit na ang ganap na digmaang nuklear.
Mabuti na lamang, nanaig ang kahinahunan, at nakita na ang direksiyon ng rocket ay hindi isang banta sa Russia. Nalaman nang dakong huli na ang rocket ay may lulan na kasangkapan para sa pagsasaliksik sa atmospera. Magkagayunman, sinabi ng isang artikulo sa The Washington Post: “Ito ay maaaring naging ilan sa pinakamapanganib na mga sandali sa panahong nuklear. Ipinakikita nito kung paanong gumagana pa rin ang mekanismo ng Cold War sa apurahang paglulunsad ng sandatang nuklear, at kung paano maaaring may pagkakamaling humantong ito sa kapahamakan, bagaman natapos na ang pagpapaligsahan ng makapangyarihang mga bansa.”
Napakadaling Ilunsad
Sa loob ng ilang dekada, ang nuklear na katayuan kapuwa ng dating Unyong Sobyet at ng Estados Unidos ay batay sa ideya ng paghadlang na nakilala bilang ang mutual assured destruction (MAD). Isang mabigat na katangian ng MAD ang estratehiyang tinatawag na launch on warning. Nagbibigay ito sa bawat panig ng nakatatakot na katiyakan na kung sila’y sasalakay, ang kanilang kaaway ay maglulunsad ng isang malawakang pagganti bago pa man tamaan ng lumulusob na mga warhead ang mga puntirya nito. Ikalawang katangian ng MAD ang estratehiyang tinatawag na launch on attack. Ito’y tumutukoy sa kakayahang magpakawala ng ganting-salakay kahit nakagawa na ng pinsala ang mga warhead ng kaaway.
Sa kabila ng paghupa ng Cold War, ang masamang tanawin tungkol sa MAD ay lumiligalig pa rin sa sangkatauhan. Oo, ang nakaimbak na sandatang nuklear ng Estados Unidos at ng Russia ay lubhang nabawasan—sinasabi ng ilan na halos kalahati—ngunit mayroon pa ring libu-libong nuklear na mga warhead. Kung gayon, may posibilidad na ang mga sandata ay mailunsad nang di-sinasadya o nang walang pahintulot. At dahil nangangamba ang dalawang bansang ito sa waring malayong posibilidad na sasalakay muna ang kabilang panig, maraming missile ang pinananatiling napakadaling ilunsad.
Totoo, noong 1994 ay nagkasundo ang Estados Unidos at Russia na itigil na ang pag-uumang nila ng mga strategic missile sa isa’t isa. “Ang pagbabagong ito, bagaman malugod na tinanggap, ay hindi gaanong makabuluhan kung tungkol sa militar,” sabi ng Scientific American. “Sa loob lamang ng ilang segundo ay maaaring muling ipasok ng mga kumandante ng missile sa guidance computer ang lokasyon ng mga puntirya.”
Natatanaw ang mga Bagong Sandata?
Hindi dapat kaligtaan na nagpapatuloy pa rin ang pananaliksik at pagbuo ng nuklear na mga sandata. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang taunang badyet para sa gayong mga sandata ay mga $4.5 bilyon! Noong 1997, nag-ulat ang The Toronto Star: “Nakapagtataka, ang Estados Unidos ay gumagasta ngayon ng mas malaki kaysa sa ginastos nito noong cold war sa pagpapanatili ng hukbong pandigma nito. At ang ilan sa salaping iyon ay itinalaga para sa hindi maliwanag na mga programa na ayon sa mga kritiko ay maaaring humantong sa bagong pangglobong pagpapaligsahan sa armas.”
Halimbawa, malaking kontrobersiya ang bumangon tungkol sa multi-bilyong dolyar na proyekto ng pamahalaan ng Estados Unidos na tinatawag na Stockpile Stewardship and Management Program. Bagaman ang lumilitaw na layunin ng programa ay ang pagpapanatili ng umiiral na mga sandatang nuklear, sinasabi ng mga kritiko na mayroon din itong mas nakatatakot na layunin. Ganito ang ulat ng The Bulletin of the Atomic Scientists: “May mga plano para sa pagbabago, pag-aayos, pagrerebisa, at pagpapalit—hindi lamang upang magtagal ang pag-iral ng nuklear na arsenal . . . kundi upang ‘pasulungin’ na rin ito.”
Noong 1997, bumangon ang kaguluhan tungkol sa pagkakabuo ng isang bombang nuklear na tinatawag na B-61, na may kakayahang tumagos sa ibabaw ng lupa bago sumabog. Sa gayo’y maaari nitong wasakin ang mga himpilan, pabrika, at mga laboratoryo sa ilalim ng lupa. Bagaman sinasabi ng mga nagtataguyod nito na ito ay bagong anyo lamang ng isang mas lumang bomba, sinasabi naman ng mga sumasalansang dito na ito ay isa ngang bagong bomba—isang malaking paglabag sa mga pangako ng pamahalaan ng Estados Unidos na hindi na ito gagawa ng mga bagong sandatang nuklear.
Gayunpaman, ganito ang sabi ni Ted Taylor, isang pisiko sa nuklear sa Princeton University: “Sa palagay ko, ang uri ng pananaliksik na ginagawa ngayon (sa Estados Unidos) ay ginagawa rin sa Russia, Pransiya, Alemanya at iba pang lugar, at naniniwala ako na ang ilan sa ating mga proyekto ay umaakay sa daigdig tungo sa isang bagong pagpapaligsahan sa armas.” Sinasabi rin ng mga kritiko na ang pananaliksik, pagbuo, at disenyo ng bagong mga sandata ay masigasig na itinataguyod ng mga disenyador mismo ng mga sandata. Ang nasaktang amor propyo, naglalahong katanyagan, at suliranin sa pananalapi ay maaaring malakas na pangganyak para sa mga bihasang siyentipikong ito upang isulong ang pagbabalik ng pananaliksik tungkol sa mga sandata.
Mga Bagong Kapangyarihan sa Larangan ng Nuklear
Pagkatapos ay nariyan ang mga pagbabago sa pulitikal na mga grupo sa daigdig. Dati-rati, limang bansa lamang ang bumubuo sa samahang nuklear: ang Britanya, Tsina, Pransiya, Russia, at ang Estados Unidos. Subalit karaniwan nang kinikilala na may sandatang nuklear din ang ibang mga bansa. Halimbawa, ang India at Pakistan ay nagsagawa kamakailan ng mga pagsubok sa sandatang nuklear anupat lumikha ng mga pangamba na baka magkaroon ng mahigpit na paligsahan sa mga armas sa Timog-silangang Asia. Kasali sa iba pang mga bansa na pinaghihinalaang may programa sa nuklear ang Algeria, Iran, Iraq, at Hilagang Korea. Mahigit sa 180 bansa ang lumagda na sa Nuclear Non-Proliferation Treaty, na nagkabisa noong 1970. Pero hanggang sa ngayon, hindi pa lumalagda rito ang ilang bansa na pinaghihinalaang nagkukubli ng kanilang hangaring gumawa ng mga sandatang nuklear.
Nag-ulat ang Asiaweek: “Ang mga ekspertong sumusubaybay sa pagdami ng mga sandatang nuklear ay naniniwala pa rin na ang totoong banta ay nanggagaling sa dumaraming mga bansa na ang mga lider ay nagnanais na magkaroon ng sandatang nuklear.” Inaakala ng ilang tagamasid na ang Nuclear Non-Proliferation Treaty ay talagang hindi makapipigil sa mga pamahalaan na desidido, sa kabila ng mga parusa, na makuha ang teknolohiya at mga materyales na kailangan nila upang palihim na makabuo ng mga sandatang nuklear. Inihula ni James Clapper, direktor ng U.S. Defense Intelligence Agency: “Sa pagsisimula ng bagong siglo, makikita natin ang maraming bansa na may kakayahang tapatan ang isang [kemikal, biyolohikal, o nuklear] na warhead ng isang missile na ginawa sa kanilang sariling lugar.”
Malayo ring mangyari na ang lahat ng bansa ay pumayag na magpagipit sa pagbabawal sa nuklear na pagsubok. Nang itaguyod ng ilang bansa ang paglagda sa Comprehensive Test Ban Treaty noong 1996, ganito ang sabi ng isang editoryal sa Asiaweek: “Mainam para sa mga Amerikano o sa mga Europeo na ipangaral ang ebanghelyo ng pagbabawal sa mga pagsubok, yamang sapat na ang dami ng mga napasabog nilang sandata upang upuan na lamang ang impormasyon na natipon nila.”
Pagpupuslit ng Sandatang Nuklear at ang Terorismo
Inaakala ng ilan na ang pinakamalaking banta ay baka makakuha ang ilang grupong terorista ng isang sandatang nuklear at magpasiyang pasabugin—o kaya’y magbantang pasasabugin—ang aparato upang igiit ang kanilang pulitikal na plano. May mga pangamba rin na baka gamitin din ng isang sindikato ang radyoaktibong materyal para sa malawakang pangingikil sa isang pamahalaan o korporasyon. Ganito ang paliwanag ng isang artikulo sa Scientific American: “Masasabing madali para sa isang nuklear na mangingikil na magtatag ng kredibilidad sa pamamagitan ng pag-iiwan ng sampol para masuri. Ang sumunod na mga banta na dumhan ang mga suplay ng hangin o tubig, o pasabugin pa nga ang isang maliit na nuklear na sandata, ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensiya.” Natuklasan na ng mga ahensiya sa pagpapatupad ng batas ang mga pagtatangkang magpuslit ng nuklear na materyal. Ginagatungan nito ang pangamba na maaari ngang nagsisikap ang mga buhong na grupo na makagawa ng nuklear na mga sandata.
Totoo, itinuturing ng ilang analista ang pagpupuslit ng sandatang nuklear bilang isa lamang maliit na banta. Hindi lamang daw sa kakaunti ang materyal na nagpalipat-lipat na ng mga kamay, kundi, maliban sa ilan, ang karamihan sa mga ito ay hindi umabot sa uri na maaaring gawing sandata. Gayunman, ipinaaalaala ng Scientific American sa mga mambabasa na “sa halos lahat ng ilegal na pamilihan, katiting na bahagi lamang ang nakikita, at walang dahilan kung bakit ang ilegal na pamilihan ng nuklear na mga materyales ay dapat na hindi isali. . . . Isang kamangmangan ang maniwalang napipigil ng mga awtoridad ang 80 porsiyento ng pangangalakal. Isa pa, kahit maliit na bahagi lamang ang nakaaalpas, maaari itong magkaroon ng malalaking epekto.”
Bagaman isang iniingatang lihim ang eksaktong dami, tinataya na ang isang bombang nuklear ay nangangailangan ng 3 hanggang 25 kilo ng siniksik na uranium o isa hanggang walong kilo ng uri ng plutonium na maaaring gawing sandata. Tuwang-tuwa naman ang mga nagpupuslit, yamang ang pitong kilo ng plutonium ay mangangailangan lamang ng espasyo na sinlaki ng karaniwang lata ng soft drink. Iniisip ng ilan na maging ang uri ng plutonium para sa reactor—na mas madaling makuha kaysa sa uri na ginagawang sandata—ay maaaring gamitin upang gumawa ng isang di-pulido, ngunit mapangwasak pa rin na bombang nuklear. Kung, gaya ng sinasabi ng maraming eksperto, hindi gaanong iingatan ang nakaimbak na mga radyoaktibong materyales, ang mga ito ay baka mas madaling nakawin kaysa sa inaakala ng karamihan ng mga tao. Nagbiro si Mikhail Kulik, isang Rusong opisyal: “Baka nga mas binabantayan pa ngayon ang mga patatas kaysa sa mga radyoaktibong materyales.”
Maliwanag, kung gayon, na ang panganib sa sandatang nuklear, gaya ng isang espada ni Damocles, ay nagbabanta pa rin sa sangkatauhan. May pag-asa pa kaya na mawala ito?
[Blurb sa pahina 8]
“Ang mga ekspertong sumusubaybay sa pagdami ng sandatang nuklear ay naniniwala pa rin na ang totoong banta ay nanggagaling sa dumaraming mga bansa na ang mga lider ay nagnanais na magkaroon ng sandatang nuklear.”— Asiaweek
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]
Mga Panganib na Biyolohikal at Kemikal
Ang mapupusok na bansang napakahirap para bumuo ng nuklear na mga arsenal ay maaaring bumaling sa pangmalapitang mga missile na kargado ng lasong gas o ng biyolohikal na sandata. Ito ay tinaguriang sandatang nuklear ng taong dukha. Sa katunayan, nangangamba ang maraming analista na ang gayong mga pamamaraan ay maaari ring maging paboritong sandata ng mga grupong terorista.
Gayunman, ang mga sandatang biyolohikal at kemikal ay maaaring maghasik ng kaguluhan kahit na hindi ihatid sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan. Sinabi ng Kalihim ng Tanggulan ng Estados Unidos na si William Cohen noong Nobyembre 1997: “Sa pamamagitan ng maunlad na teknolohiya at isang mas maliit na daigdig ng madaling mapasok na mga hangganan, ang kakayahang maghasik ng sakit, kamatayan, at pagkawasak sa madla sa ngayon ay umabot na sa napakalaking antas. Ang iisang hibang o ang isang grupo ng mga panatiko na may botelya ng mga kemikal, isang bunton ng baktirya na nagdadala ng salot, o isang di-pulidong bombang nuklear ay maaaring magsapanganib o pumatay ng sampu-sampung libong tao sa isa lamang akto ng kasamaan.” Napatunayang may saligan ang gayong mga pangamba nang ang mga kultong terorista ay gumamit ng sarin, isang sangkap sa nerbiyo, upang salakayin ang mga pasahero sa subwey sa Tokyo noong Marso 1995. Labindalawa katao ang namatay, at 5,500 ang napinsala.
“Kung nakakatakot ang isang kemikal na pagsalakay, ang biyolohikal na sandata ay lalo nang isang bangungot,” sabi ng propesor sa political science na si Leonard Cole. “Ang kemikal na mga sangkap ay walang buhay, ngunit ang baktirya, mga virus at iba pang buháy na mga sangkap ay maaaring makahawa at dumami. Kung kumalat na ito sa kapaligiran, maaaring dumami ang mga ito. Di-tulad ng ibang sandata, ang mga ito ay maaaring maging lalong mapanganib sa paglipas ng panahon.”
Sa pagsisikap na sugpuin ang paglaganap ng mga sandatang kemikal at biyolohikal, ipinatupad ang Biological and Toxin Weapons Convention ng 1972 at ang Chemical Weapons Convention ng 1993. Gayunman, sinabi ng The Economist na sa kabila ng gayong mabubuting intensiyon, “walang perpektong rehimen sa pagkontrol ng armas. . . . Hindi kayang matutop ng mga ito ang bawat paglabag.” Sinabi pa ng magasing ito: “At, mangyari pa, ang tunay na mga mandaraya ay malamang na hindi naman sumali sa kasunduan.”
[Mga larawan]
Nangangamba ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas na ang mga sandatang kemikal at biyolohikal ay madaling magagamit ng mga terorista
[Mapa sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga bansang may kakayahang nuklear
BRITANYA
TSINA
PRANSIYA
RUSSIA
ESTADOS UNIDOS
Mga bansang napag-alamang nagsagawa ng mga pagsubok nuklear
INDIA
ISRAEL
PAKISTAN
Mga bansang pinaniniwalaang bumubuo ng kakayahang nuklear
ALGERIA
IRAN
IRAQ
HILAGANG KOREA
[Larawan sa pahina 4, 5]
Paghuhulog ng isang bombang nuklear na B-61, na dinisenyo upang wasakin ang mga pasilidad na nasa ilalim ng lupa
[Credit Line]
U.S. Air Force Photo
[Picture Credit Line sa pahina 4]
U.S. Air Force Photo