Ano ang Nasa Likod ng Hiwaga ng Buhay?
ANG molekula ng DNA ay nakagagawa ng kagulat-gulat na mga bagay. Tinutugunan ng DNA ang dalawang tungkulin na kailangan ng iyong selula sa henetikong materyal. Una, ginagawan ng eksaktong mga kopya ang DNA upang maipasa ang impormasyon sa mga selula. Ikalawa, sinasabi ng kawing-kawing na DNA sa selula kung anong protina ang gagawin, sa gayon ay natitiyak kung magiging ano ang selula at kung anong tungkulin ang gagawin nito. Gayunman, ang prosesong ito ay hindi kayang gawing mag-isa ng DNA. Sangkot dito ang maraming pantanging protina.
Ang DNA ay hindi makalilikha ng buhay sa ganang sarili nito. Taglay nito ang lahat ng kinakailangang instruksiyon upang makagawa ng lahat ng protinang kailangan ng buháy na selula, lakip na yaong mismong kumokopya ng DNA para sa susunod na henerasyon ng mga selula at yaong mga tumutulong sa DNA upang makagawa ng panibagong protina. Magkagayunman, nawawalan ng saysay ang pagkarami-raming impormasyong nakalagay sa genes ng DNA kung walang RNA at pantanging mga protina, pati na ang mga ribosome, na kailangan upang “basahin” at gamitin ang mga impormasyong iyan.
Hindi rin naman makalilikha ng buhay ang protina sa ganang sarili nito. Ang nag-iisang protina ay hindi makalilikha ng gene na kinaroroonan ng kodigo, para sa paggawa ng higit pang protina na may gayunding uri.
Kaya nga, ano ang ipinakikita ng paglutas sa hiwaga ng buhay? Nakapaglaan ng sapat na katibayan ang modernong henetiko at molekulang biyolohiya hinggil sa napakasalimuot at nagtutulungang ugnayan ng DNA, RNA, at protina. Ipinahihiwatig ng natuklasang ito na ang buhay ay depende sa sabay-sabay na pagkakaroon ng lahat ng elementong ito. Kung gayon, ang buhay ay hindi kailanman kusang lumitaw na lamang.
Ang tanging makatuwirang paliwanag ay na may isang pinakamatalinong Maylalang na siyang naglagay ng instruksiyon sa DNA at sabay na ginawa ang buung-buong mga protina. Napakaayos ng pagkakabalangkas sa pagtutulungan ng mga ito anupat minsang magsimula na, matitiyak sa prosesong ito na patuloy na kokopyahin ng mga protina ang DNA upang makagawa ng higit pang genes, samantalang babasahin naman ng ibang protina ang genes upang makagawa ng higit pang protina.
Maliwanag, ang kahanga-hangang siklo ng buhay ay pinakilos ng Dalubhasang Disenyador, ang Diyos na Jehova.
Kamangha-manghang Ginawa
Bagaman ito’y hindi isang aklat ng siyensiya, ang Bibliya ay nagbibigay ng ilang liwanag hinggil sa papel ng Maylalang, na siyang nagdisenyo ng kodigo ng buhay. Mga tatlong libong taon na ang nakalilipas, si Haring David ng Israel, na walang anumang nalalaman tungkol sa kasalukuyang mga pagsulong sa henetikong pananaliksik, ay patulang nagsabi sa kaniyang Maylalang: “Ikaw mismo ang gumawa ng aking kaloob-looban, at binuo ako sa sinapupunan ng aking ina; sa lahat ng hiwagang ito ay nagpapasalamat ako sa iyo: dahil sa aking sarili na kagila-gilalas, dahil sa iyong mga gawa na kagila-gilalas. Kilalang-kilala mo ako, mula sa pag-aanyo ng aking mga buto na iyong nasaksihan nang ako’y buuin sa lihim, na pinagdugtung-dugtong sa limbo ng sinapupunan.”—Awit 139:13-15, Jerusalem Bible.
Kaya titigan mong muli nang matagal ang iyong sarili sa salamin. Pansinin ang kulay ng iyong mga mata, ang salat ng iyong buhok, ang kulay ng iyong balat, at ang pangunahing hubog ng iyong katawan. Isip-isipin kung paano namana ang mga katangiang ito mula sa nakalipas na mga henerasyon at kung paano naililipat ang mga ito sa iyong mga supling. Ngayon, alalahanin ang Isa na nagsaayos sa kahanga-hangang kayariang ito. Baka mapakilos kang ulitin ang pananalitang isinulat ni apostol Juan: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.”—Apocalipsis 4:11.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]
Nagkataon Lamang ba?
Ang kamakailang tuklas ng dalawang Britanong siyentipiko ay tumitiyak na ang henetikong kodigo ay hindi isang bagay na nagkataon lamang. “Ipinakita ng kanilang pagsusuri na [ang henetikong kodigo] ay kabilang sa pinakamagagaling sa mahigit na bilyun-bilyong posibleng kodigo,” sabi ng magasing New Scientist. Sa halos 1020 (1 na sinundan ng 20 sero) posibleng henetikong kodigo, isa lamang ang pinili sa pagsisimula ng kasaysayan ng buhay. Bakit ang partikular na isang ito? Sapagkat nililimitahan nito ang mga pagkakamaling nagawa sa panahon ng proseso ng paggawa ng protina o mga pagkakamaling dulot ng henetikong mga pagbabago. Sa ibang pananalita, ginagarantiyahan ng espesipikong kodigo na ang mga batas ng pagmamana ay mahigpit na nasusunod. Bagaman ang pagpili ng henetikong kodigong ito ay idinadahilan ng iba sa tinatawag na “strong selective pressures,” ipinalagay ng dalawang mananaliksik na “hinding-hindi maaari na ang gayong kahusay na kodigo ay nagkataon lamang.”