Ang Pangmalas ng Bibliya
Paano Magiging Isang Mabuting Mamamayan?
PAGKATAPOS ng Digmaang Pandaigdig II, maraming tao sa Europa at Hapón na nagtuturing sa kanilang mga sarili na mabubuti at masunurin-sa-batas na mga mamamayan ang nilitis at nahatulan dahil sa mga krimen sa digmaan. Kabilang sa kanila ang matataas-ang-ranggong opisyal ng militar, mga siyentipiko, at iba pang propesyonal. Sa pagsisikap na bigyang-katuwiran ang kanilang mga ginawa, ipinaliwanag ng ilan sa mga kriminal na ito na sinusunod lamang nila ang mga utos, gaya ng inaasahan sa sinumang mabuting mamamayan. Gayunman, ang sinasabi nilang mabuting pagkamamamayan ay umakay sa kanila na gawin ang kakila-kilabot na mga krimen laban sa sangkatauhan.
Sa kabilang panig, may mga hindi nagbibigay-pansin sa awtoridad ng Estado. Tahasan namang tinatanggihan ng ilan ang awtoridad ng pamahalaan, samantalang ang iba ay handang labagin ang batas kung kaunti lang ang panganib na sila’y mahuli. Mangyari pa, ilan lamang ang magkakaila na may pangangailangang sumunod sa awtoridad, sapagkat kung wala ito ay magkakaroon ng anarkiya at kaguluhan. Gayunman, ang tanong ay, Hanggang saan natin dapat tuparin ang tungkuling pambayan at sundin ang batas? Isaalang-alang ang ilang pangunahing simulain na tumulong sa unang-siglong mga Kristiyano upang magkaroon ng timbang na pangmalas sa kanilang mga pananagutan sa Estado.
Pagpapasakop ng Kristiyano sa mga Awtoridad
Kusang nagpasakop ang unang-siglong mga Kristiyano sa mga batas at tuntunin niyaong mga “nakatataas na awtoridad”—yaon ay, ang namamahalang kapangyarihan noon. (Roma 13:1) Ang mga Kristiyano’y naniniwala na tama lamang ang “magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala.” (Tito 3:1) Bagaman kinilala nila si Kristo bilang kanilang makalangit na Hari, sila rin ay masunurin-sa-batas na mga sakop ng kanilang mga pinunong tao at hindi isang banta sa seguridad ng Estado. Sa katunayan, hinimok silang “magbigay-dangal sa hari” sa lahat ng panahon. (1 Pedro 2:17) Hinimok pa nga ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Kaya nga ako ay masidhing nagpapayo, una sa lahat, na ang mga pagsusumamo, mga panalangin, mga pamamagitan, mga paghahandog ng pasasalamat, ay gawin may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao, may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na kalagayan; upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay na may lubos na maka-Diyos na debosyon at pagkaseryoso.”—1 Timoteo 2:1, 2.
Matapat na nagbayad ang unang-siglong mga Kristiyano ng anumang buwis na hiniling sa kanila, kahit na kung minsan ito ay isang mabigat na pasanin. Sinunod nila ang kinasihang payo na ibinigay ni apostol Pablo hinggil sa bagay na ito: “Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis.” (Roma 13:7) Sa pangmalas ng mga alagad ni Jesus, ang pamahalaang Romano at ang mga opisyal nito ay namamahala sa pagpapahintulot ng Diyos at sa diwa’y naglilingkod bilang “mga pangmadlang lingkod ng Diyos,” sa bagay na naglalaan sila ng kapayapaan at katatagan sa lipunan.—Roma 13:6.
“Handa Para sa Bawat Mabuting Gawa”
Ang unang-siglong mga Kristiyano ay pinasiglang tumanggap ng mga tungkuling pambayan na ipinatutupad ng Estado. Pinayuhan mismo ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad na maging handa kung minsan na gumawa nang higit pa kaysa karaniwang hinihiling ng mga awtoridad ng bayan. “Kung may isa sa ilalim ng awtoridad na pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya,” ang sabi niya, “sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Sa pagsunod sa payong ito, ipinakikita ng mga Kristiyano na hindi nila hangad na tamasahin ang mga pakinabang ng pamumuhay sa isang sibilisadong lipunan nang hindi naman nagbibigay ng isang bagay na kapalit. Lagi silang “handa para sa bawat mabuting gawa.”—Tito 3:1; 1 Pedro 2:13-16.
Tunay na minamahal nila ang kanilang mga kapuwa at humahanap ng mga paraan upang tulungan sila. (Mateo 22:39) Dahil sa pag-ibig na ito at sa pagsunod nila sa matataas na pamantayang moral, ang unang-siglong mga Kristiyano ay isang mabuting impluwensiya sa kanilang pamayanan. May sapat na dahilan ang kanilang mga kapitbahay na malugod na isang Kristiyano ang kanilang kapitbahay. (Roma 13:8-10) Ipinakikita ng mga Kristiyano ang kanilang pag-ibig hindi lamang sa basta pag-iwas sa kasamaan. Sila’y pinasigla na maging palakaibigan at magpakita ng aktibong interes sa iba, upang “gumawa ng mabuti [hindi lamang sa mga kapananampalataya kundi] sa lahat,” gaya ng ginawa ni Jesu-Kristo.—Galacia 6:10.
“Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala sa Halip na mga Tao”
Gayunman, may mga hangganan sa kanilang pagsunod sa sekular na mga awtoridad. Hindi nila gagawin ang anumang bagay na lalabag sa kanilang budhi o sisira sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Halimbawa, nang ipag-utos ng relihiyosong mga awtoridad sa Jerusalem sa mga apostol na huminto na sila sa pangangaral tungkol kay Jesus, tumanggi sila. “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao,” ang pahayag nila. (Gawa 5:27-29) Matatag na tumatanggi ang mga Kristiyano na masangkot sa idolatrosong pagsamba sa emperador. (1 Corinto 10:14; 1 Juan 5:21; Apocalipsis 19:10) Taglay ang anong mga resulta? “Sumunod ang mga pagbatikos,” sabi ng mananalaysay na si J. M. Roberts, “hindi dahil sa pagiging Kristiyano, kundi dahil sa pagtangging gawin ang isang bagay na hinihiling ng batas.”—Shorter HIstory of the World.
Bakit sa pagkakataong ito’y ‘tumanggi silang gawin ang isang bagay na hinihiling ng batas’? Kinikilala nila na “ang nakatataas na mga awtoridad” ay humahawak ng kapangyarihan sa pagpapahintulot ng Diyos at sa gayo’y nagsisilbing “ministro ng Diyos” sa pagpapanatili ng batas at kaayusan. (Roma 13:1, 4) Subalit minamalas pa rin ng mga Kristiyano na nakatataas ang batas ng Diyos. Naalaala nila na itinatag ni Jesu-Kristo ang timbang na pangmalas na ito para sa kaniyang magiging mga tagasunod: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Ang kanilang pananagutan sa Diyos ay dapat mauna kaysa sa mga kahilingan ni Cesar.
Na ito ang tamang landasin ay ipinakita ng naging resulta nang hindi sundin ng maraming nag-aangking Kristiyano ang maiinam na mga simulaing ito. Halimbawa, ang apostatang mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay naging “sunud-sunurang mga tao na [ginamit] bilang mga instrumento ng pamahalaang pambayan, na kapansin-pansin sa pagpaparami at pagpapairal ng mga hukbong militar,” sabi ng pangmilitar na mananalaysay na si John Keegan. Ang kanilang mga tagasunod ay pumanig sa mga digmaan na nagbubo ng dugo ng milyun-milyong walang-malay na mga biktima. Ganito ang sabi ni Keegan: “Ang batas ng Diyos ay ipinagwawalang-bahala ng tao kapag napupukaw ang damdamin.”
Gayunman, ang unang-siglong mga Kristiyano ay naglaan ng natatanging halimbawa sa pagtatamo ng tamang pagkakatimbang. Sila’y mabubuting mamamayan. Tinutupad nilang mabuti ang kanilang mga tungkuling pambayan at mga pananagutan. Subalit may katatagan silang nanindigan sa malinaw na mga simulain ng Bibliya at sumunod sa kanilang budhing sinanay sa Bibliya sa lahat ng aspekto ng buhay.—Isaias 2:4; Mateo 26:52; Roma 13:5; 1 Pedro 3:16.
[Larawan sa pahina 26]
“Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar”