Patunayan ang mga Kuwento
IBA’T IBA ang pagtugon ng mga tao sa makabagong-panahon na mga kuwento tungkol sa mga pagpapakita ng mga anghel. Una, nariyan ang mga naniniwala. Ikinakatuwiran nila na dahil sa napakarami at napakalaganap ng gayong mga kuwento, totoo nga ito. Ikalawa, nariyan ang mga mapag-alinlangan. Binabanggit nila na walang matibay na ebidensiya na umaalalay sa mga pag-aangkin. Ikinakatuwiran nila na ang malaganap na paniniwala ay hindi nagpapaging-totoo sa isang bagay. Isaalang-alang na ang mga tao noo’y naniwala sa mga sirena. Ikatlo, nariyan yaong mga nasa neutral na katayuan. Sa pagpapahayag ng neutral na pangmalas na ito, ganito ang sabi ng aklat na Angels—Opposing Viewpoints: “Maraming tao ang nagsasabing nakakita sila ng mga anghel. Ang mga pagpapakitang ito ay hindi mapatunayan; ang mga ito’y itinuturing na totoo batay sa pananampalataya. Gayunman, hindi mapasinungalingan ng mga mapag-alinlangan ang mga ito, at ang ilan ay sumusubok.”
Maraming tao ang sumasang-ayon na ang Bibliya ay isang mapananaligang pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa dako ng espiritu.a Matutulungan tayo nito na suriin ang makabagong mga kuwento tungkol sa mga anghel. Gaya ng marahil ay nalalaman mo, tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mga anghel ay tunay, makapangyarihan at maluwalhating espiritung mga nilalang. Ang Bibliya ay naglalaman ng mga ulat tungkol sa mga anghel na naghahatid ng mga mensahe at sumasagip sa mga lingkod ng Diyos mula sa panganib.—Awit 104:1, 4; Lucas 1:26-33; Gawa 12:6-11.
Ipinahihiwatig din ng Bibliya na may masasamang anghel. Nililinlang at inililigaw ng espiritung mga nilalang na ito ang mga tao, anupat itinatalikod sila sa Diyos. (2 Corinto 11:14) May mabuting dahilan, ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang pahayag, kundi subukin ang kinasihang mga pahayag upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Halimbawa, bago natin paniwalaan ang mga hula ng isang ipinahayag-ang-sarili na propeta, makabubuting suriin natin ang sinasabi niya ayon sa sinasabi ng Salita ng Diyos, na maaaring inaangkin niya na kaniyang kinakatawanan. Tiyak, dapat nating asahan na ang makabagong-panahon na mga ulat tungkol sa pagpapakita ng anghel ay makatatayo sa gayunding masusing pagsusuri. Kung gayon, paano maihahambing ang mga kuwento ng makabagong-panahon na mga pagpapakita ng mga anghel sa nakaulat sa Kasulatan?
Ang mga Anghel ay Hindi Gaya ng Pinaniniwalaan ng Marami
Magsimula tayo sa pamamagitan ng paglilinaw sa dalawang malaganap na maling pagkaunawa tungkol sa mga anghel. Salungat sa popular na paniniwala, ang mga anghel ay hindi nagsimula ng kanilang buhay bilang mga tao. Sila’y umiiral sa langit malaon nang panahon bago pa nilalang ng Diyos ang buhay sa lupa. Sinasabi ng Bibliya na noong panahon na “itatag [ng Diyos] ang lupa . . . , sumigaw sa pagpuri ang lahat ng [anghelikong] mga anak ng Diyos.”—Job 38:4-7.
Isa pang makabagong maling pagkaunawa ay na maluwag at kunsintidor ang mga anghel may kinalaman sa mga paggawa ng kamalian. Sa halip, itinataguyod ng tapat na mga anghel ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos at kumikilos na kasuwato ng kaniyang patnubay. Sila’y naglilingkod sa Diyos, hindi sa mga tao.—Awit 103:20.
Interesado ang mga Anghel sa Ating Espirituwal na Kapakanan
Sa mga kasalukuyang kuwento tungkol sa mga anghel, napakaraming ulat tungkol sa pagsagip. Sa isang pinakamabiling aklat, mababasa natin ang tungkol sa isang batang babae na marahang inakay palabas mula sa isang nasusunog na bahay ng isang di-nakikitang kamay. Sinasabi naman ng isa pang aklat ang tungkol sa dalawang estudyante sa kolehiyo na nalagay sa kagipitan sa kanilang sasakyan sa isang bagyo ng niyebe. Walang anu-ano, lumitaw ang isang trak at hinila sila tungo sa ligtas na dako, gayunman ay hindi ito nag-iwan ng mga bakas! Sa ibang dako naman, sinasabi ng isa pang kuwento ang tungkol kay Ann, na may kanser. Tatlong araw bago siya pumasok sa ospital para operahan, isang matangkad na estranghero ang kumatok sa kaniyang pinto. Ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang si Thomas at sinabi niyang siya’y isinugo ng Diyos. Itinaas ni Thomas ang kaniyang kamay, at nadama ni Ann ang isang mainit at maputing liwanag na tumagos sa kaniyang katawan. Nang dumating siya para sa kaniyang operasyon, namangha ang mga doktor. Wala na ang kaniyang kanser!
Ang mga kuwentong ito ay nagbabangon ng isang maliwanag na katanungan, Kung ang bawat isa ay may anghel de la guwardiya, bakit ang ilang tao ay nasasagip, samantalang ang marami ay hindi? Di-mabilang na milyun-milyon ang namatay na dahil sa karamdaman, digmaan, gutom, at likas na mga kasakunaan. Tiyak, marami ang masikap na humingi ng tulong sa pamamagitan ng panalangin. Bakit hindi sila iniligtas ng isang anghel de la guwardiya?
Ang Bibliya ay nagbibigay ng tulong sa katanungang ito. Binabanggit nito na ang Diyos ay hindi nagtatangi. (Gawa 10:34) Isa pa, bagaman ang matapat na mga anghel ng Diyos ay interesado sa ating pisikal na kapakanan, mas interesado sila sa ating espirituwal na kapakanan. Ipinahiwatig ito ni apostol Pablo sa anyong patanong: “Hindi ba silang lahat [na mga anghel] ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan?” (Hebreo 1:14) Ang pisikal na tulong ay nagdudulot ng pansamantalang mga pakinabang, subalit ang espirituwal na tulong ay makapagdudulot ng walang-hanggang mga pakinabang.
Maraming kuwento tungkol sa mga anghel ang tila walang gaanong halaga. Sinasabing ang mga anghel ay tumutulong sa isang pagod na ina na palitan ang mga sapin sa kama, nagpapaalaala sa isang mamimili na bumili ng posporo, at tumutulong sa mga tsuper na humanap ng mga dakong mapagpaparadahan. Isang kabataang babae sa Scotland ang natatawang nagsabi: “Sa nakalipas na tatlong linggo, ipinaparada ko ang aking kotse sa dilaw na linya sa St Mary’s Street at hinihiling ko sa aking anghel na palibutan ito ng pag-ibig at pagkamahabagin. Kung may sinumang warden ng trapiko na lalapit dito ay labis silang malilipos ng mga damdamin ng pag-ibig anupat hindi nila ako titikitan. Hindi pa ako kailanman natikitan.” Hindi kataka-taka na inihahambing ng ilan ang makabagong-panahon na anghel de la guwardiya sa isang diwatang ninang o isang Santa Klaus para sa mga nasa hustong gulang.
Hindi Sinasalungat ng Tapat na mga Anghel ang Salita ng Diyos
Ang mga aklat tungkol sa mga anghel ay punô ng mga kawikaan at payo na diumano’y mula sa daigdig ng espiritu. Halimbawa, sinasabi ng isang aklat na ito’y naglalaman ng mga turong inihatid ni arkanghel Miguel sa isang babae sa Colorado, E.U.A. Kabilang sa “mga pasabi” na mula kay Miguel ay ito: “Lahat ng daan ay patungo sa Diyos. Lahat ng paniniwala, lahat ng liwanag ng katotohanan ay umaakay patungo sa Diyos.” Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus na mayroon lamang dalawang relihiyosong daan at na isa lamang sa mga ito ang umaakay sa pagsang-ayon ng Diyos at sa buhay na walang hanggan. Ang isa naman ay umaakay sa hindi pagsang-ayon at sa walang-hanggang pagkapuksa. (Mateo 7:13, 14) Maliwanag, hindi maaaring maging totoo ang kapuwa pananalitang ito.
Ano ang katayuan ng “mga anghel” ng “bagong espirituwalidad” may kinalaman sa pag-aasawa at moralidad? Sa isang aklat ay malalaman ng isang mambabasa ang tungkol kay Roseann, na sinabihan ng kaniyang “anghel”: “Marami ka pang dapat makausap, at ang pakikisama [sa iyong asawa] ay hindi na ang landas ng iyong buhay. Mahal mo siya at mahal ka niya, subalit panahon na upang maghiwalay.” Siya’y nakipagdiborsiyo. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na kinapopootan ng Diyos ang pagdidiborsiyo nang walang tamang dahilan. (Malakias 2:16) Isang kuwento ang tungkol naman sa nagsasamang lalaki’t babae na nangangalunya, na kumbinsidong ang mga anghel ay masayang nagmamasid sa kanila at may pantanging pagsang-ayon sa kanila. Subalit sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang mangangalunya.”—Exodo 20:14.
Maaari kayang ang makabagong-panahon na mga mensaheng ito ay pagrerebisa sa Bibliya? Hindi, hindi nagbabago ang Salita ng Diyos. Si apostol Pablo ay sumulat sa ilan noong unang siglo: “Namamangha ako na kay dali ninyong naaalis mula sa Isa na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Kristo tungo sa ibang uri ng mabuting balita. Ngunit hindi ito iba; lamang ay may mga lumilikha ng kaguluhan sa inyo at nagnanais na pilipitin ang mabuting balita tungkol sa Kristo. Gayunman, kung kami man o isang anghel mula sa langit ay magpahayag sa inyo ng anumang bagay bilang mabuting balita na higit pa sa ipinahayag namin sa inyo bilang mabuting balita, sumpain siya.”—Galacia 1:6-8.
“Manalangin sa Lahat ng Anghel!”
Dapat ba tayong manalangin sa mga anghel upang humingi ng tulong para harapin ang mga problema at mga panganib sa buhay? Ito ang paksa ng maraming aklat. Narito ang dalawang halimbawa. Sinasabing ipinakikita ng aklat na Ask Your Angels sa mga mambabasa nito ‘kung paano sila makakakuha ng kapangyarihan mula sa mga anghel upang magkaroon silang muli ng kaugnayan sa kanilang hindi na kilalang panloob na mga damdamin at upang makamit nila ang kanilang mga tunguhin.’ Isang nahahawig na aklat ang Calling All Angels!: 57 Ways to Invite an Angel Into Your Life.
Gayunman, hindi tayo kailanman hinihimok ng Bibliya na manalangin sa mga anghel. Nilinaw ito ni Jesus sa modelong panalangin. Sinabi niya: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa mga langit . . . ’” (Mateo 6:9) Sa katulad na paraan, si apostol Pablo ay sumulat: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.
Sa Pangalan ng mga Anghel
Lubhang binibigyang importansiya ng “bagong espirituwalidad” ang pag-alam sa mga pangalan ng mga anghel. Ang popular na mga aklat ay nagbibigay ng diumano’y mga pangalan ng libu-libong anghel. Bakit? Hindi upang bigyan-kasiyahan ang basta pagkamausisa; ito’y upang makatawag sa kanila. Ito’y may malapit na kaugnayan sa mahika. Ang Encyclopedia of Angels ay nagsasabi na kasama ng ritwal, mga bagay na may kaugnayan sa mahika, at mga pananalangin, “ang paggamit ng ‘mga pangalan ng kapangyarihan,’ o mga pangalan ng espesipikong mga espiritu, ay naglalabas ng malalakas na pagyanig na nagbubukas sa pinto sa pagitan ng pisikal na daigdig at ng daigdig ng mga espiritu, anupat pinangyayari ang mahiko na . . . makipag-usap sa mga espiritu.” Gayunman, maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong magsasagawa ng mahika.”—Levitico 19:26.
Isinisiwalat mismo ng Bibliya ang mga pangalan ng dalawa lamang tapat na mga anghel, sina Miguel at Gabriel. (Daniel 12:1; Lucas 1:26) Sa pagbibigay ng mga pangalang ito, ipinakikita ng Bibliya na ang mga anghel ay natatanging mga espiritung persona. Bakit hindi nagbigay ng higit pang mga pangalan? Malamang na ang dahilan ay upang hadlangan ang mga tao sa pagtataas sa mga anghel sa isang hindi nararapat na marangal na posisyon—isang bagay na ang mga anghel mismo ay hindi nangahas na hangarin. Kaya, nang hiniling ni Jacob sa isang anghel na isiwalat ang kaniyang pangalan, tumanggi ang anghel. (Genesis 32:29) Nang maglaon, ipinakilala ng anghel na nagpakita kay Josue ang kaniyang sarili hindi sa kaniyang pangalan kundi bilang ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova.” (Josue 5:14) Sa katulad na paraan, nang tanungin ng ama ni Samson ang pangalan ng isang anghel, siya’y sinabihan: “Bakit mo pa itinatanong ang pangalan ko, gayong ito ay kamangha-mangha?” (Hukom 13:17, 18) Ibig ng tapat na mga anghel ng Diyos na parangalan natin ang Diyos at manalangin sa kaniya, hindi sa kanila.
[Talababa]
a Para sa impormasyon na nagpapakita kung bakit ang Bibliya ay isang mapananaligang pinagmumulan, tingnan ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 6]
“Para sa mga agad na nakadarama na para silang hinihigpitan ng Diyos at ng kaniyang mga tuntunin, . . . ang mga anghel [ng Bagong Panahon] ay isang kombinyenteng pagsasama ng mga katangian ng dalawang magkaibang bagay . . . mabait at hindi humahatol. At sila’y madaling makuha ng bawat isa, na gaya ng aspirin.”—Magasing Time
[Kahon sa pahina 5]
Makabagong-Panahon na “mga Pagpapakita” ng mga Anghel at mga Tagaibang Planeta
Maraming tao ngayon ang nagsasabing nakakita sila ng mga anghel at nakipag-usap sa kanila. Sinasabi naman ng iba na sila’y nakakita ng mga tagaibang planeta. Itinatala ng aklat na Angels—An Endangered Species ang mga pagkakahawig sa mga ulat na ito, na sinasabing ang mga ito’y kapuwa may iisang paliwanag.b Ang sumusunod ay isang buod ng ilang pagkakahawig na itinala sa aklat.
1. Kapuwa ang mga anghel at ang mga tagaibang planeta ay galing sa ibang daigdig.
2. Kapuwa sila mas mataas na uri ng buhay, alinman sa espirituwal o teknolohikal na paraan.
3. Ang palakaibigang uri ay bata at maganda ang anyo, at sila’y mababait at punô ng pagkamadamayin.
4. Kapuwa sila walang problema sa wika, na nagsasalita nang malinaw sa wika ng tagapakinig.
5. Kapuwa sila mga dalubhasa sa paglipad.
6. Ang mga pagpapakita kapuwa ng mga anghel at mga tagaibang planeta ay may kasamang maningning na liwanag.
7. Kapuwa sila nakikita na ganap na nadaramtan, karaniwan na alinman sa mahahabang damit o hapit na mga tunika. Puti o asul ang paboritong mga kulay.
8. Kapuwa sila karaniwang kasintaas ng mga tao.
9. Kapuwa sila nagpapahayag ng pagkabahala sa mga suliranin ng sangkatauhan at ng planeta.
10. Ang katibayan na kapuwa ang mga pagpapakita ng tagaibang planeta at anghel ay patotoo ng mga nakakita.
[Talababa]
b Ang paliwanag na karaniwan sa dalawa ay na ang mga balakyot na espiritu, o mga demonyo, ay maliwanag na nasa likuran ng maraming “pagpapakita” na ito. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14)—Tingnan ang Gumising!, ng Hulyo 8, 1996, pahina 26.
[Larawan sa pahina 7]
Ang Bibliya ay naglalaman ng tunay na mga ulat ng mga anghel na nagpakita sa mga tao