Pagkidnap—Ang Pangunahing mga Dahilan Nito
NAGING modernong salot ang mga pagkidnap. Subalit gayundin ang pagpaslang, panghahalay, pagnanakaw, pag-abuso sa bata, at paglipol pa nga ng lahi. Bakit lubhang naging mapanganib ang buhay anupat ang mga tao’y madalas na natatakot lumabas ng kanilang mga tahanan sa gabi?
Ang pangunahing mga dahilan ng epidemyang ito ng kriminal na mga gawain, pati na ang mga pagkidnap, ay nauugnay sa mga depekto sa lipunan mismo ng tao na malalim ang pagkakaugat. Batid mo ba na halos 2,000 taon na ang nakalipas, inihula ng Bibliya ang mapanganib na mga panahong ito? Pakisuyong isaalang-alang ang inihula sa 2 Timoteo 3:2-5.
“Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki [sa pagmamapuri], mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”
Marahil ay sumasang-ayon ka na tamang-tamang inilalarawan ng mga salitang ito na malaon nang naitala ang kalagayan sa ngayon. Patuloy na lumalala ang depekto sa lipunan ng tao sa sukdulan nito sa ating buong-buhay. Kaya naman, ang paglalarawan sa itaas ng nakalulungkot na paggawi ng tao ay ipinakilala sa Bibliya sa pananalitang: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Isaalang-alang natin ang tatlo lamang na pangunahing depekto ng lipunan na naging sanhi ng epidemya ng mga pagkidnap.
Mga Problema sa Pagpapatupad ng Batas
“Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi inilalapat kaagad, kung kaya ang puso ng mga anak ng tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama.”—Eclesiastes 8:11.
Maraming puwersa ng pulisya ang walang kakayahan na labanan ang epidemya ng kriminal na gawain. Kaya sa maraming bansa, ang pagkidnap ay isang krimen na pinakikinabangan. Noong 1996, mga 2 porsiyento lamang ng lahat ng kidnaper sa Colombia ang naidemanda. Sa Mexico, di-kukulangin sa $200 milyon ang perang pantubos na ibinayad noong 1997. Ang ilang kidnaper sa Pilipinas ay tumanggap pa nga ng tseke na bayad sa pantubos.
Isa pa, hinahadlangan ng katiwalian sa loob ng mga ahensiya na nagpapatupad ng batas ang mabisang paglaban sa krimen. Ang mga pinuno mismo ng mga pangkat ng kilalang tao na laban sa pagkidnap sa Mexico, Colombia, at dating mga republika ng Sobyet ay naparatangan ng pagkidnap. Sa magasing Asiaweek, ang presidente ng Senado sa Pilipinas, si Blas Ople, ay nagsabi na ipinakikita ng opisyal na bilang na 52 porsiyento niyaong kasangkot sa mga pagkidnap sa Pilipinas ay mga aktibo o nagretirong pulis o militar. Isang kilabot na kidnaper sa Mexico ang sinasabing protektado ng “isang tila pader na opisyal na proteksiyon ng mga pulis at piskal sa munisipyo, estado at pederal na nasuhulan.”
Karalitaan at Kawalang-Katarungan sa Lipunan
“Ako ay nagbalik upang makita ko ang lahat ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha ng mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan.”—Eclesiastes 4:1.
Maraming tao sa ngayon ang nasa malubhang kalagayan sa ekonomiya at sa lipunan, at kadalasang sila ang nagsasagawa ng mga pagkidnap. Kaya sa isang daigdig kung saan patuloy na lumalaki ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap at kung saan ang mga pagkakataon na kumita ng salapi sa malinis na paraan ay karaniwang bibihira, patuloy na magiging isang tukso ang pagkidnap. Hangga’t may paniniil, ang pagkidnap ang magiging paraan upang gumanti at makatawag ng pansin sa itinuturing na isang di-matitiis na kalagayan.
Kasakiman at Kawalan ng Pag-ibig
“Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:10) “Dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—Mateo 24:12.
Sa buong kasaysayan, ang pag-ibig sa salapi ay nagpangyari sa mga tao na gawin ang kasuklam-suklam na mga bagay. At marahil wala nang ibang krimen na kumakalakal sa panggigipuspos, pamimighati, at pagkasiphayo ng tao na katulad ng pagkidnap. Para sa marami ang kasakiman—ang pag-ibig sa salapi—ang nagtutulak sa kanila na pagmalupitan at pahirapan ang isang taong di-kilala at ilagay ang kaniyang pamilya sa isang malupit at masaklap na karanasan sa loob ng ilang linggo, buwan, at kung minsan ay mga taon.
Maliwanag, may malaking pagkakamali sa lipunan na nagbibigay-diin sa salapi at yumuyurak sa mga simulain ng tao. Walang alinlangan, ang situwasyong ito ay naglalaan ng angkop na kalagayang pabor sa lahat ng uri ng kriminal na gawain, lakip na ang pagkidnap.
Nangangahulugan ba ito na tayo’y nasa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw”? Kung gayon, ano ang magiging kahulugan nito para sa lupa at para sa atin? May lunas ba sa kakila-kilabot na mga problemang napapaharap sa sangkatauhan, lakip na ang pagkidnap?
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Hindi Bago
Ang Kautusang Mosaiko ay naggawad ng parusang kamatayan sa mga kidnaper noon pa mang ika-15 siglo B.C.E. (Deuteronomio 24:7) Si Julio Cesar ay kinidnap upang ipatubos noong unang siglo B.C.E., gayundin si Richard I, ang Pusong-leon, hari ng Inglatera, noong ika-12 siglo C.E. Ang pinakamalaking pantubos na kailanma’y ibinayad ay ang 24 na toneladang ginto at pilak na ibinigay ng mga Inca sa mananakop na Kastilang si Francisco Pizarro upang mapalaya ang kanilang nabihag na pinunong si Atahuallpa noong 1533. Gayunpaman ay sinakal siya hanggang mamatay ng mga mananakop.
[Larawan sa pahina 9]
Sa kabila ng kakayahan ng pulisya, laganap ang mga pagkidnap