Mga Lindol, Hula ng Bibliya, at Ikaw
BAGO ang kaniyang kamatayan, inihula ni Jesus ang mga pangyayari at mga kalagayan na magpapatunay na ang daigdig na ito ay pumasok na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi niya na ang panahong iyon ay kakikitaan ng mga bagay na gaya ng mga salot, kakapusan sa pagkain, at malawakang pakikipagdigma. Binanggit din niya ang “malalakas na lindol” na mangyayari “sa iba’t ibang dako.” (Mateo 24:3, 7; Lucas 21:10, 11) Tinutukoy ba ni Jesus ang ating panahon?
Marami ang nagsasabing hindi. Iginigiit nila na ang bilang ng mga lindol ay hindi naman lubhang tumaas sa nakalipas na mga dekada. Sa katunayan, iniulat ng National Earthquake Information Center sa Estados Unidos na ang mga lindol na may magnitude na 7.0 at mas malakas pa ay nanatiling “hindi nagbabago sa pangkalahatan” sa buong ika-20 siglo.a
Gayunman, pansinin na upang matupad ang hula ni Jesus, hindi kinakailangang dumami o lumakas ang mga lindol. Ang sinabi lamang ni Jesus ay na magkakaroon ng malalakas na lindol sa iba’t ibang dako. Bukod pa riyan, binanggit niya na ang mga pangyayaring ito ang magiging tanda ng “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” (Mateo 24:8) Ang kabagabagan ay sinusukat, hindi sa pamamagitan ng dami ng mga lindol o kung ano ang sukat nito sa Richter scale, kundi sa epekto nito sa mga tao.
Tunay na ang mga lindol ay nagdulot ng labis na kabagabagan sa ating panahon. Sa katunayan, noong ika-20 siglo, milyun-milyon ang namatay o nawalan ng tahanan dahil sa mga kasakunaang ito. Sinasabi ng mga dalubhasa na marami sa mga kamatayang ito ang maaari sanang naiwasan. “Sa papaunlad na mga bansa,” ulat ng BBC News, “ang mga regulasyon sa pagtatayo ay kadalasang itinuturing na di-gaanong mahalaga dahil sa mga kahilingan para sa mura at mabilis na paggawa ng mga bahay upang matugunan ang mga pangangailangan ng mabilis na urbanisasyon.” Sa pagkokomento hinggil sa dalawang trahedya kamakailan, ganito ang sabi ni Ben Wisner, isang dalubhasa sa mga kasakunaan sa lunsod: “Ang mga taong ito ay hindi namatay sa mga lindol. Ito’y ang kombinasyon ng pagkakamali, kawalang-malasakit, katiwalian, at kasakiman ng tao.”
Oo, kung minsan ang pinakanakamamatay na mga salik sa isang lindol ay ang kasakiman at kapabayaan ng tao. Kapansin-pansin, ang mga katangiang ito ay itinatampok sa isa pang hula ng Bibliya may kinalaman sa “mga huling araw” ng sistemang ito. Sa panahong iyon, binabanggit ng Bibliya na ang mga tao ay magiging “makasarili, mga maibigin sa salapi,” at “manhid.” (2 Timoteo 3:1-5, The Amplified Bible) Kasuwato ng pananalita ni Jesus hinggil sa katapusan ng sistema ng mga bagay, ang hulang ito ay nagbibigay ng malinaw na katibayan na nalalapit na tayo sa panahong pasasapitin ng Diyos ang ginhawa sa nababagabag na sangkatauhan mula sa lahat ng kasalukuyang sanhi ng kirot at pagdurusa—pati na ang malalakas na lindol.—Awit 37:11.
Gusto mo bang malaman ang higit pa tungkol sa pag-asang ito na salig sa Bibliya? Makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa angkop na direksiyon sa pahina 5.
[Talababa]
a Sinasabi ng ilan na ang anumang ulat ng pagtaas sa bilang ng mga lindol ay dahil lamang sa mga pagsulong sa teknolohiya, na nagpangyaring mapuna nito ang mas maraming pagyanig.