Ang Pangmalas ng Bibliya
Kahinaan ba ang Maging Banayad?
“Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat.”—2 TIMOTEO 2:24.
NASA sinapupunan pa lamang tayo, unti-unti nang nakararamdam ang ating balat. Mula sa pagsilang, hinahanap-hanap na natin ang magiliw na haplos ng ating ina. Noong bata pa tayo, ang ating pagngiti, ang kakayahan nating makaramdam, at maging ang pagnanais natin na matutong makipagtalastasan ay nakadepende sa ipinadaramang pagmamahal sa atin ng ating mga magulang.
Gayunman, inihula ng Bibliya na sa mga huling araw, ang mga tao ay magiging “mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal.” Bihira na lamang ang magpapamalas ng banayad na mga katangiang gaya ng kabaitan at habag, yamang ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili” at “mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1-3.
Marami sa ngayon ang nag-aakalang dapat silang maging malupit at manhid sa damdamin ng iba. Ipinapalagay nila na tanda ng kahinaan ang pagiging banayad. Pero totoo ba ito?
Banayad, Subalit Makapangyarihan
Inilalarawan ang Diyos na Jehova bilang isang “tulad-lalaking mandirigma.” (Exodo 15:3) Siya ang sukdulang Pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan. (Awit 62:11; Roma 1:20) Gayunman, hindi naging hadlang ang lakas ni Jehova sa kaniyang pagiging “napakamagiliw sa pagmamahal at maawain” nang gantimpalaan niya ang tapat na lalaking si Job. (Santiago 5:11) Sa pakikitungo niya sa Israel, ipinakita ni Jehova ang kaniyang napakamagiliw na kaugnayan sa kanila sa pamamagitan ng paghahambing ng kaniyang damdamin sa damdamin ng isang ina na nahahabag sa “anak ng kaniyang tiyan.”—Isaias 49:15.
Si Jesus ay malakas subalit banayad din. Tahasan niyang tinuligsa ang mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon noong kaniyang panahon. (Mateo 23:1-33) Buong-tapang din niyang pinalayas sa templo ang sakim na mga tagapagpalit ng salapi. (Mateo 21:12, 13) Subalit naging manhid ba si Jesus sa damdamin ng iba dahil sa kaniyang pagkamuhi sa katiwalian at kasakiman? Hinding-hindi! Kilalá si Jesus sa pagiging banayad sa pakikitungo niya sa iba. Sa katunayan, inihambing pa nga niya ang kaniyang sarili sa isang inahing manok na ‘nagtitipon ng kaniyang langkay ng mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak.’—Lucas 13:34.
Mabalasik o May Lakas ng Loob?
Pinasisigla ang mga Kristiyano na tularan si Kristo sa pamamagitan ng pagsusuot ng “bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos.” (Efeso 4:20-24) Tinagubilinan tayo na “hubarin . . . ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito,” kung paanong ang isang alimango ay naghuhunos ng lumang talukab upang lumaki. (Colosas 3:9) Gayunman, di-tulad ng alimango na matapos maghunos ng lumang talukab ay muling nagkakaroon ng matigas na katawan, inuutusan tayo na permanenteng damtan ang ating sarili ng “magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, . . . at mahabang pagtitiis.” (Colosas 3:12) Kaya ang pagiging banayad ay dapat maging isa sa ating pangunahing mga katangian.
Ang pagiging magiliw ay hindi tanda ng kahinaan. Sa kabaligtaran, upang magawa ito, kailangang maging ‘malakas ang pagkatao natin sa loob na may kapangyarihan sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova.’ (Efeso 3:16) Halimbawa, ganito ang sabi ng lalaking nagngangalang Lee: “Isa akong malupit at napakasamang tao noon. Sa hitsura ko pa lamang ay matatakot ka na dahil sa nakatusok na mga alahas sa aking katawan. Determinado akong magkamal ng maraming salapi at kaagad akong nagmumura o nananakit makuha ko lamang ang gusto ko. Wala akong awa.” Gayunpaman, nakipag-aral ng Bibliya si Lee sa isang katrabaho at nakilala at inibig niya ang Diyos na Jehova. Hinubad niya ang kaniyang lumang personalidad at natutong magpigil sa sarili. Ngayon, ipinahahayag niya ang kaniyang pag-ibig sa mga tao sa pamamagitan ng paggugol ng kaniyang panahon upang tulungan silang mag-aral ng Bibliya.
Si apostol Pablo ay isa ring “taong walang pakundangan” noon at gumagamit siya ng dahas makamit lamang ang kaniyang mga tunguhin. (1 Timoteo 1:13; Gawa 9:1, 2) Subalit nang mapahalagahan ni Pablo ang awa at pag-ibig na ipinakita ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo, tumugon siya sa pamamagitan ng pagsisikap na tularan ang gayong mga katangian. (1 Corinto 11:1) Bagaman nanindigang matatag si Pablo sa mga simulaing Kristiyano, natutuhan niyang maging banayad sa kaniyang pakikitungo sa iba. Sa katunayan, hindi nag-atubili si Pablo na ipahayag ang kaniyang magiliw na pagmamahal sa kaniyang mga kapatid.—Gawa 20:31, 36-38; Filemon 12.
Pagtatamo ng Lakas Upang Maging Banayad
Gaya ng ipinakikita ng karanasan nina Lee at apostol Pablo, hindi kahinaan ang matutong makitungo nang banayad sa iba. Sa katunayan, ang kabaligtaran nito ang totoo. Kailangan ang tunay na lakas upang mabago ng isa ang kaniyang pag-iisip at paggawi at upang mapagtagumpayan ang makalamang hilig na ‘gumanti ng masama para sa masama.’—Roma 12:2, 17.
Matututuhan din nating maging madamayin sa magiliw na paraan sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay sa pag-ibig at awa na ipinakita sa atin ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Kung gagawin natin ito, hinahayaan nating palambutin ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos ang ating puso. (2 Cronica 34:26, 27; Hebreo 4:12) Anuman ang pamilyang pinagmulan natin o gaanuman kapait ang ating mga karanasan sa buhay, matututuhan nating maging “banayad sa lahat.”—2 Timoteo 2:24.
[Larawan sa pahina 18]
Ang isang mabuting ama ay banayad sa kaniyang mga anak