Mga Laruan—Noon at Ngayon
MASAYANG pinanonood ni Philipa at ng kaniyang musmos na mga kalaro ang pagtalbog ng bolang ginawa nila sa inikid na mga piraso ng pisi. Sinimulan nilang sipain ito at masayang naglaro ng soccer. Manghang-mangha si Mike kung paano sumusunod ang kaniyang kotse-kotsehan sa mga hudyat ng hawak niyang remote control. Madali niya itong napaaabante at napaaatras. Sa bahay, binibihisan at sinasapatusan ni Andrea at ng kaniyang paslit na mga kaibigan ang kanilang mga manika, samantalang pinag-uusapan kung paano sila mananamit paglaki nila.
Pare-parehong may ano ang mga batang ito? Mga laruan na mapaglilibangan nila nang maraming oras. Kung minsan, ang isang laruan—gaya ng paboritong stuffed toy na oso—ay nagiging matalik na kaibigan ng isang bata mula pagkasanggol. Baka may litrato pa nga ito sa album ng pamilya. Paano nagsimula ang mga laruan? Bakit napakahalaga nito sa mga bata?
Ang Pinagmulan ng mga Laruan
Ganito ang sabi sa isang ensayklopidiya: “Ang laruan ay kadalasan nang isang instrumento na ginagamit sa paglalaro. Ang mga laruan, . . . at mga laro ay nagsimula napakatagal nang panahon ang lumipas at nagmula sa napakaraming iba’t ibang kultura. Nagkakaiba-iba ito mula sa pinakasimple hanggang sa pinakamasalimuot, mula sa ordinaryong patpat na pinulot ng isang bata at sinakyan na parang kabayo hanggang sa sopistikado at masalimuot na laruang de-makina.” Kaya anumang bagay na magagamit sa paglilibang at paglalaro ay maaaring maging laruan. At yamang likas sa tao na humanap ng mapaglilibangan, malaki ang posibilidad na halos kasintanda na ng sangkatauhan ang mga laruan.
Halimbawa, ang mga manika—o kahit ang mga bahagi lamang nito—ay natuklasan sa mga lupain na gaya ng sinaunang Babilonia at Ehipto. Ang mga manika ang malamang na pinakasinauna sa mga laruan. Ang bola ay isa pang sinaunang laruan. Bagaman walang nakaaalam kung kailan unang ginamit ang bola, natuklasan sa sinaunang libingan ng isang batang Ehipsiyo ang mga batong bolilyo na pinagugulungan ng batong bola sa isang uri ng larong bowling.
Mayroon nang batong yoyo sa Gresya mahigit tatlong libong taon na ang nakararaan, at ipinakikita ng mga katibayan na maaaring ginamit na ito sa sinaunang Tsina. Ang laruan ng mga batang Romano ay mga papet at heometrikong mga hugis na yari sa garing at pinagkakabit-kabit. Naging laruan din ng mga batang lalaking Griego at Romano ang munting mga kariton, na nagpapakitang hindi kumupas ang popularidad ng mga laruang sasakyan sa paglipas ng mga taon. Itinatanghal sa isang museo ang modelong hayop na gawa sa luwad at may gulong na posibleng isang laruan mula sa sinaunang kultura ng Mexico. Kapansin-pansin, wala nang iba pang gulong ang natuklasan may kaugnayan sa kulturang ito. Noong Edad Medya, ang biluhaba o bilog na mga bola ay gawa sa pinalobong pantog ng mga hayop. Kagayang-kagaya ng modernong putbol, sinisipa ang mga ito o binibitbit patungo sa buslo.
Nang maglaon, noong ika-18 siglo sa Inglatera, naimbento ang mga puzzle para sa pagtuturo, at naging napakapopular nito noong simula ng ika-20 siglo. Nagsimula na ring mapabantog ang mga krayola. Sa Estados Unidos pa lamang, mahigit sandaang bilyong krayola na ang nagawa ng isang kompanya. Gaya ng nakita mo, unang lumitaw ang ilan sa ating makabagong mga laruan noong sinaunang panahon pa, at may mahalagang papel ito sa buhay ng mga tao.
Bakit Dapat Maglaro at Magkaroon ng mga Laruan?
“Ang paglalaro ay likas na gawain ng bawat bata. Ang paglalaro ay nagbibigay ng maraming pagkakataon sa mga bata na matuto at umunlad—sa pisikal, mental at sosyal na paraan. Kung ang paglalaro ang trabaho ng isang bata, ang mga laruan naman ang kanilang mga kasangkapan, at makatutulong ang angkop na mga laruan upang mapahusay ng mga bata ang kanilang trabaho.” Ang kahalagahan ng mga laruan ay inilarawan sa ganiyang paraan ng isang giyang babasahin ng pamahalaan hinggil sa pagpili ng angkop na mga laruan.
Sabihin pa, ang pangunahing dahilan kung bakit napakapopular ng mga laruan ay sapagkat nakatutuwang paglaruan ang mga ito. Gayunpaman, napakahalaga ng papel ng mga ito sa pag-unlad ng isang bata. Pag-isipan ang sumusunod na mga halimbawa: Kapag itinutulak ng isang bata ang laruang kariton, pinalalakas niya ang kaniyang mga kalamnan. Kapag nagluluksong-lubid siya, pinahuhusay niya ang koordinasyon ng kaniyang katawan. Kapag tumatayo siya sa isang paa upang sipain ang bola o kapag nagbibisikleta siya, natututo siyang manimbang. At kapag nagpapatung-patong siya ng mga laruang bloke o nagpipinta ng mga larawan, natututo siyang kontrolin nang eksakto ang kaniyang mga galaw.
Kumusta naman ang isip ng isang bata? Nalilinang ang mga kasanayan sa wika kapag kasali sa laro ng isang bata ang pag-awit at pagtula ng mga tugmang pambata, marahil ay ginagawa ito samantalang nagluluksong-lubid o naghahabulan-taya. Kapag bumubuo ng istraktura ang bata gamit ang mga laruang bloke, sumusunod sa mga panuntunan ng isang laro, bumubuo ng puzzle, nagsasadula ng mga kuwento, o naglalaro nang may pantanging mga kostiyum, napasisigla rin ang kaniyang kakayahang mag-isip at lumikha. Ganito rin ang nangyayari kapag tumutugtog siya ng mga instrumentong pangmusika o gumagawa ng mga likhang-sining at gawaing-kamay.
Mahalaga rin kung paano tinutulungan ng paglalaro ang mga bata na matutong makihalubilo sa iba, gaya kapag nagpapangkat-pangkat sila sa paglalaro ng bola. Ganito ang sinabi ni Dr. Bruce Duncan Perry: “Nagtatamo ng kaunawaan ang bata sa mga tao sa paligid niya at maaari siyang maging higit na madamayin at hindi masyadong makasarili. Kapag nakikipaglaro sa mga kababata, natututo ang mga bata ng isang sistema ng mga tuntunin sa pakikisalamuha, kasali na ang mga paraan upang kontrolin ang kanilang sarili at tanggapin ang kanilang mga kabiguan kapag kasama ng ibang tao.”
Gumagamit din ang mga bata ng laruan upang tularan ang nakikita nilang ginagawa ng mga adulto. Sinabi ng Griegong pilosopo na si Aristotle: “Likas na sa tao ang manggaya mula sa kaniyang pagkasanggol.” Oo, marami sa pang-araw-araw na mga gawain sa buhay ang tinutularan at sa gayon ay natututuhan sa laro ng mga bata. Madali nating maguguniguni ang isang munting batang babae habang ipinaghehele ang kaniyang manika, gaya ng maaari niyang gawin sa kalaunan sa isang tunay na sanggol. O marahil naglulutu-lutuan siya para makakaing kasama ng kaniyang paslit na mga kaibigan. Sa katulad na paraan, pinaaandar ng mga batang lalaki ang kanilang “mga sasakyan,” na ginagaya pa nga ang tunog ng motor, anupat nagsasanay ng aktuwal na pagmamaneho. Gayunman, may mga salik na dapat isaalang-alang kapag pumipili ng mga laruan para sa iyong mga anak. Bakit?
Pagiging Mapamili sa mga Laruan
“Itinataguyod na ngayon ng mga laruan ang pag-iisip ng marahas, tampalasang lipunan,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. Bagaman hindi naman kumakapit sa lahat ng laruan ang pangungusap na ito, karaniwan nang mas kakaunti ngayon ang makikitang tradisyonal na mga laruan at mas marami naman ang “nakatatakot, maskuladong mga tau-tauhan . . . na may agresibong hitsura,” ayon sa isang artikulo sa pahayagang La Jornada ng Mexico. Sinisipi ng artikulong ito si Patricia Ehrlich, isang guro at mananaliksik sa Xochimilco Autonomous University, na nagsabing marami sa mga laruan sa pamilihan ang nagtataguyod sa ideolohiya ng panunupil na tumatangkilik sa karahasan, pananalakay, kapangyarihan, pagpapasailalim, at takot.
Pinatototohanan ng National Association of School Psychologists sa Estados Unidos na ang pagkahantad sa mga laruang nagtataguyod sa karahasan ay “maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa pagkatuto at pag-unlad ng mga bata at maaaring humantong sa nakapipinsalang mga resulta.” Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mararahas na video at computer game ay posibleng maging sanhi ng agresibong ugali at humantong sa pagkadelingkuwente. Kaya, bawat adulto na nangangalaga sa isang bata ay dapat mag-isip nang mabuti sa pagpili ng angkop na mga laruan.—Tingnan ang kahon sa pahina 26.
Sa tulong ng makabagong pagsulong sa teknolohiya, may mabibili na ngayong napakaraming uri ng laruan na may sopistikadong mga bahagi. Pero baka hindi sapat ang badyet ng pamilya para mabili ito, baka madali itong pagsawaan ng mga bata, o baka talagang hindi ito mabuti para sa mga bata. Ganito ang sabi ni Leanne, nagsosolong ina na may limang anak sa Australia: “Naiimpluwensiyahan ng anunsiyo ang aking nakatatandang mga anak na lalaki at madalas silang humiling ng mamahaling mga computer game. Gayunman, tila mas maraming oras silang nagkakasayahan at naeehersisyo sa paglalaro sa bakuran gamit ang mumurahing bat at bolang yari sa goma. Nasumpungan ko na ang simpleng mga laruan ang siyang pinakamatitibay at nagbibigay sa aking mga anak ng pinakamaraming pagkakataon na gamitin ang kanilang imahinasyon.”
Bakit Hindi Gumawa ng Sarili Mong Laruan?
Kung isa kang bata at wala kang pambili ng pinakabagong mga laruan, puwede ka pa ring maging masaya sa pamamagitan ng pagkamalikhain at paggamit ng iyong imahinasyon. Sa maraming bahagi ng daigdig, ang mga batang tulad mo ay gumagawa ng sarili nilang laruan.
Tingnan mo ang mga larawan sa mga pahinang ito. Hindi ba’t mukhang napakasaya ng mga bata? Hindi madaling buuin ang ilan sa mga “kotseng” ito. Kailangan mong mag-ipon ng mga piraso ng lumang alambre at baluktutin ito sa tamang hugis. Para makabuo ng gulong, sapat na ang goma o plastik na maaari mong gupitin nang pabilog. Ano ang masasabi mo sa tren na iyon na gawa sa mga sisidlan ng soft drink at gatas? Ano naman ang palagay mo sa trak na iyon na gawa sa mga piraso ng kahoy? Kung minsan, posible pa ngang sakyan ang mga laruang ito, gaya ng scooter na ito mula sa Aprika na gawa sa bahay. Natuklasan ng mga batang ito na hindi naman pala kailangang maging mamahalin ang mga laruan para masiyahan sa mga ito. At ang paggawa ng mga ito ay bahagi ng katuwaan. Bakit hindi mo subuking gumawa nito?
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
Ang isang magandang laruan ay . . .
● Angkop at ligtas sa edad, abilidad, at pisikal na mga kakayahan ng bata
● Mahusay ang pagkakayari at matibay (mahilig magkalas ng mga bagay-bagay ang mga bata)
● Kaakit-akit at kawili-wili upang makuha ang pansin ng bata
● Nagpapasigla sa pagkamalikhain at imahinasyon ng bata
● Magaan sa bulsa
● Di-nakalalason
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Upang Maiwasan ang mga Panganib sa Laruan . . .
● Ilagay ang mga laruan ng mas malalaking bata sa lugar na hindi maaabot ng mas maliliit na bata
● Basahing mabuti ang mga etiketang panseguridad at mga tagubilin, kasama ng iyong anak hangga’t maaari
● Turuan ang anak at ang kalaro niya kung paano gagamitin at ililigpit nang wasto ang mga laruan
● Iwasan ang mga laruang lumilikha ng ingay na maaaring umabot sa antas na nakapipinsala sa pandinig
● Suriin ang mga laruan sa pana-panahon. Sa maraming kalagayan, ang nasirang laruan ay dapat kumpunihin o itapon kaagad
● Ang mga laruang maaaring magdulot ng panganib gaya ng mga laruang kailangan ng target, matatalim na kasangkapan, at de-kuryenteng mga laruan ay dapat lamang gamitin ng mas malalaking bata kasama ng mga adulto
● Ang mga laruang may maliliit na bahagi na posibleng malulon ay dapat ilayo sa maliliit na bata
[Larawan sa pahina 24]
Leon at “hedgehog” sa platapormang de-gulong, ikalawang milenyo, B.C.E., Iran
[Credit Line]
Leon at hedgehog: Erich Lessing/Art Resource, NY
[Larawan sa pahina 25]
Manikang luwad, mga 600 B.C.E., Italya
[Larawan sa pahina 25]
Trumpo, Yugto ng klasikal na Griego, mga 480 B.C.E.
[Larawan sa pahina 25]
Manikang yari sa balat ng mais, Kolonyal na Amerika
[Larawan sa pahina 25]
Mga krayola, unang mga taon ng ika-20 siglo, Estados Unidos
[Mga larawan sa pahina 26]
Mga bata na may laruang ginawa sa bahay
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Manikang luwad: Erich Lessing/Art Resource, NY; itaas: Réunion des Musées Nationaux/ Art Resource, NY; manikang yari sa balat ng mais: Art Resource, NY