Mga Palatandaan ng Panganib?
“Hindi na kailangan ng 73-taóng-gulang na si Veu Lesa, isang taganayon sa Tuvalu, ang mga ulat ng siyensiya para maniwala siyang tumataas ang tubig ng dagat,” ang sabi ng The New Zealand Herald. “Ang mga baybayin noong bata pa siya ay unti-unti nang nawawala. Ang mga pananim na dating kinakain ng kanilang pamilya ay nasira na ng tubig-alat. Noong Abril [2007], kinailangan niyang iwan ang kaniyang bahay dahil sa pagtaas ng tubig. Inanod ng mga alon sa bahay niya ang mga bato at sukal.”
PARA sa mga naninirahan sa Tuvalu, na binubuo ng mga islang hindi hihigit sa apat na metro ang taas sa kapantayan ng dagat, ang pag-init ng globo ay hindi lamang isang teoriya sa siyensiya kundi “bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay,” ang sabi ng Herald.a Libu-libo na ang umalis sa mga islang ito, at marami pa ang naghahandang lumikas.
Samantala, sa Brisbane, Australia, sa ilang partikular na mga araw lamang puwedeng magdilig si Robert ng kaniyang mga halaman, at timba ang dapat niyang gamitin sa halip na hose. At kung maglilinis naman siya ng kaniyang kotse, mga salamin, bintana, at plaka lamang nito ang puwede niyang linisin, maliban na lamang kung dadalhin niya ito sa carwash na nagreresiklo ng tubig. Bakit tipid na tipid siya sa paggamit ng tubig? Nakatira si Robert sa isang bahagi ng bansa na dumaranas ng matinding tagtuyot. Ayon sa mga tagaroon, ito ang pinakamatinding tagtuyot na naranasan nila sa loob ng isang daang taon. Mas malala pa nga ang epekto sa ibang lugar. Ang mga problema ba sa Australia at Tuvalu ay katibayan na talagang umiinit ang globo?
Kung Ano ang Prediksiyon ng Ilan
Marami ang naniniwala na ang tao ang pangunahin nang may kagagawan sa pag-init ng globo, na maaaring sanhi ng matinding pagbabago sa klima at pagkasira ng kalikasan. Halimbawa, ang malawakang pagkatunaw ng mga yelong tumatakip sa ilang rehiyon ay maaaring maging dahilan ng malaking pagtaas ng tubig sa dagat. Dahil dito, maaaring lumubog ang mabababang isla gaya ng Tuvalu, gayundin ang malalaking bahagi ng Netherlands at Florida. Milyun-milyong tao ang maaaring mawalan ng tirahan sa mga lugar na gaya ng Shanghai at Calcutta, pati na sa iba’t ibang bahagi ng Bangladesh.
Kasabay nito, dahil sa pagtaas ng temperatura, maaaring magkaroon ng mas malalakas na bagyo, mas malawakang pagbaha, at mas matitinding tagtuyot. Sa kabundukan ng Himalaya, ang pagkatunaw at pagkaubos ng mga glacier, na pinanggagalingan ng tubig ng pitong ilog, ay maaaring mangahulugan ng kakapusan ng tubig-tabang para sa 40 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Nanganganib din ang libu-libong uri ng hayop, kasama na rito ang mga polar bear, na karaniwan nang kumukuha ng pagkain sa mayeyelong lugar. Sa katunayan, ipinakikita ng mga ulat na marami na sa mga ito ang pumapayat at ang ilan ay halos mamatay pa nga sa gutom.
Dahil sa pagtaas ng temperatura, maaari ding kumalat ang mga sakit yamang nakararating sa ibang mga lugar ang mga lamok, garapata, at iba pang organismong nagdadala ng sakit, tulad ng mga fungus. “Ang panganib na dulot ng pagbabago sa klima ay halos katumbas ng panganib ng nuklear na mga sandata,” ang sabi ng Bulletin of the Atomic Scientists. “Maaaring sa simula ay hindi gaanong kapansin-pansin ang mga epekto nito . . . , pero sa paglipas ng tatlo o apat na dekada, ang pagbabago sa klima ay maaaring maging dahilan ng lubusang pagkapinsala ng kapaligiran kung saan nakadepende ang buhay ng tao.” Mas masaklap pa rito, sinasabi ng ilang siyentipiko na ang mga pagbabagong ito dahil sa pag-init ng globo ay mas mabilis na nangyayari kaysa sa inakala nila.
Dapat ba tayong maniwala sa mga prediksiyong ito? Talaga bang nanganganib ang planetang lupa? Sinasabi ng mga hindi naniniwala sa pag-init ng globo na walang basehan ang mga prediksiyong ito. Hindi naman alam ng iba kung sino ang kanilang paniniwalaan. Kaya ano ba ang totoo? Talaga bang nanganganib ang kinabukasan ng planeta—pati na ang kinabukasan natin?
[Talababa]
a Ang “pag-init ng globo” ay tumutukoy sa kabuuang pagtaas ng temperatura sa atmospera at mga karagatan ng planetang lupa.