Pagsamba sa Ahas—Noon at Ngayon
ANG sinaunang mga Ehipsiyo ay sumasamba sa ahas o serpiyente, gaya ng mga Minoan, ang mga unang nanirahan sa Creta. Ang ilan sa sinaunang mga Israelita ay naghain sa isang tansong ahas. Ang iba naman sa kanila ay nagpausok ng insenso sa harap ng mga imahen ng “gumagapang na mga bagay.”—Ezekiel 8:10-12; 2 Hari 18:4.
Sumasamba rin sa mga diyus-diyosang ahas ang mga tao sa sinaunang Mexico. Serpiyente kung minsan ang simbolo ni Itzamná, ang kataas-taasang bathala ng mga Maya. Si Quetzalcoatl naman, ang “serpiyenteng may balahibo,” ang diyos ng kaalaman, kultura, at pilosopiya ng mga Toltec. Para sa mga Aztec, bukod sa pagiging diyos ng kaalaman, siya rin ang maylalang sa tao. Tungkol sa maraming papel at kakayahan ng diyos na iyon, sinasabi ng magasing Arqueología Mexicana (Arkeolohiya ng Mexico): “Sa lahat na yata ng mga bathala, ang serpiyenteng may balahibo ang may pinakamaraming papel na ginampanan.”
Maraming siglong sinamba ng mga naninirahan sa Mesoamerica ang serpiyenteng may balahibo. Hanggang ngayon, sinasamba pa rin ito ng mga Cora at Huichol, mga katutubo sa Mexico. Sa ilang kapistahan, pinapalamutian nila ang kanilang sarili ng mga balahibo at ginagaya ang galaw ng ahas sa kanilang pagsasayaw. Ang mga Quiche naman ay gumagamit ng buháy na ahas sa pagsasayaw bilang bahagi ng kanilang ritwal sa pag-aanak. Sinasamba ng mga Chorti, isang grupo ng mga Maya sa Guatemala, ang serpiyenteng may balahibo at iniuugnay nila ito sa ilang santo ng Katoliko.
Ang tanong ay: Ano ang pangmalas ng Maylalang ng tao at hayop—kasama na ang ahas—sa pagsamba sa mga diyus-diyosang serpiyente?
Ang Pangmalas ng Diyos sa Pagsamba sa Ahas
Inutusan ng Diyos na Jehova ang sinaunang bansang Israel: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon.”—Exodo 20:4, 5.
Pinagbawalan ni Jehova ang kaniyang bayan na sumamba sa mga imahe ng hayop, katulad ng ahas. Kaya kung gusto nating makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi ba’t dapat nating iwasan ang pagsamba sa ahas? Bakit kaya kinamumuhian ng Diyos ang idolatriya, kasama na ang pagsamba sa ahas? Malinaw ang dahilan: Siya ang nagbigay ng buhay sa tao, ahas, at sa iba pang nabubuhay na bagay. Lahat ng ito ay gawa ng kaniyang mga kamay, kaya siya lang ang nararapat sambahin, hindi ang mga bagay na nilalang niya.
Bilang paglalarawan: Ipagpalagay nang isang arkitekto ang nagtayo ng mga bahay at ipinagkaloob ito sa mga pamilya. Paano kaya kung sa mismong bahay nagpasalamat ang mga pamilyang iyon at hindi sa arkitekto? Isa itong kamangmangan, hindi ba? Nakakasamâ rin ito ng loob para sa bukas-palad na arkitekto. Sa katulad na paraan, ikinagagalit ng Diyos ang pagsamba sa hayop sa halip na sa Maylalang nito.
Maliwanag na dapat makinig ang mga nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos sa babala ni apostol Juan: “Mumunting mga anak, bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.”—1 Juan 5:21.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
PAGSAMBANG GUMAGAMIT NG AHAS
● May ilang relihiyong karismatiko sa timog-silangan ng Estados Unidos na gumagamit ng buháy at makamandag na ahas sa kanilang pagsamba. May ilan na nagsasabit ng makamandag na ahas sa kanilang balikat, habang sabay-sabay namang dinadampot ng iba ang mga ahas. Posibleng mabigla at manuklaw ang mga ahas kapag dinampot ang mga ito o ginalaw. Mayroon nang ilang miyembrong namatay dahil sa tuklaw ng ahas.
Ibinatay nila ang paggamit ng ahas sa ulat ng Marcos 16:17, 18. Sinasabi rito: “Pupulutin nila ng kanilang mga kamay ang mga serpiyente.” Sa King James Version at sa iba pang matandang salin, lumilitaw na para bang bahagi ng orihinal na teksto ang mga talatang ito. Pero binabanggit sa New Revised Standard Version, New American Standard Bible, at sa The New King James Version na hindi ito makikita sa karamihan ng pinakamatatandang manuskrito ng Ebanghelyo ni Marcos.
Hindi sang-ayon ang Bibliya sa paghawak ng ahas bilang bahagi ng tunay na pagsamba. Sinasabi nito: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Malamang na sasang-ayon ka na hindi hihilingin ng ating maibiging Maylalang sa kaniyang mga tunay na mananamba na magsagawa ng mapanganib na ritwal para lang mapaluguran siya. Nag-anyaya ang kaniyang Anak, si Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.” (Mateo 11:28, 29) Tiyak na hindi nanaisin ni Jehova at ni Jesus na ang kanilang mga tagasunod ay humawak ng ahas at pagkatapos ay masaktan, magkasakit, at mamatay pa nga!
[Credit Line]
REUTERS/Tami Chappell
[Larawan sa pahina 22]
Makikita sa dingding ng isang templo ng Aztec ang ulo ng serpiyenteng may balahibo
[Larawan sa pahina 22]
Bahorelyebe ni Quetzalcoatl, ang serpiyenteng may balahibo, diyos ng mga Toltec
[Picture Credit Lines sa pahina 22]
Top: REUTERS/Tami Chappell; bottom: © Leonardo Díaz Romero/age fotostock