Natural Gas—Enerhiya Para sa mga Tahanan
MAHIGIT 20 porsiyento ng kabuuan ng enerhiyang kailangan ng daigdig ay galing sa natural gas. Saan nakukuha ang natural gas? Ano ang kailangang gawin para magamit ito? At gaano na lang ito karami?
Naniniwala ang maraming siyentipiko na ang natural gas ay galing sa nabubulok na mga halaman at hayop, pati sa mga plankton. Ayon sa teoriyang ito, sa loob ng napakahabang panahon, nagiging fossil fuel—coal, gas, at petrolyo—ang organikong basura kapag nahalo sa mikrobyo. Nangyayari ito dahil sa pressure mula sa naiipong putik sa ibabaw nito at init sa ilalim ng lupa. Sa paglipas ng panahon, ang gas na ito ay pumapasok sa magagaspang na bato. Kung minsan, napakarami ng naiipong gas dito na nagiging gas field. Nahaharangan ito ng mga suson ng bato na hindi tinatagusan ng likido. Ang ilan sa mga gas field na ito ay naglalaman ng trilyun-trilyong metro kubiko ng gas. Paano nahahanap ang mga deposito ng gas?
Paghahanap ng Natural Gas
Nakatulong nang malaki sa paghahanap ng natural gas ang mga satelayt, global positioning system, reflection seismology, at computer. Sa reflection seismology, naririnig ang mga tunog mula sa mga suson ng bato sa ilalim ng lupa. Dahil dito, nagkakaideya ang mga siyentipiko kung ano ang nasa ilalim ng lupa. Ang mga tunog na ito ay gawa ng tao na karaniwan nang ginagamitan ng maliliit na pampasabog o mga vibrator na isinasakay sa isang espesyal na trak. Ang pagyanig na nililikha nito ay nakararating sa pinakabalat ng lupa at nasasagap ng nakaabang na mga instrumento. Kaya nakabubuo sa computer ang mga siyentipiko ng three-dimensional na larawan ng pormasyon ng mga bato. Makikita naman sa mga larawang ito kung saan maaaring makakuha ng maraming gas.
Gumagamit ng mga espesyal na baril na may hangin, singaw, o tubig para lumikha ng sound wave sa paghahanap ng gas sa karagatan. Magkakaroon ng pressure wave na tumatagos sa sahig ng dagat at nasasagap ng mga hydrophone na hila ng barko sa pamamagitan ng mahabang kable. Gaya ng paghahanap ng gas sa lupa, ginagamit ng mga mananaliksik ang mga signal na ito para makabuo sa computer ng mga larawan na kanilang susuriin.
Para sulit ang gastos sa pagkuha ng gas sa isang lugar, dapat na maraming gas dito. Kaya tinitiyak muna ng mga heologo ang pressure at dami ng gas. Maaaring makuha ang halos tumpak na sukat ng pressure. Pero mahirap malaman ang eksaktong dami ng gas. May isang paraan para malaman ito. Kukunin muna ang pressure, pakakawalan ang isang takdang dami ng gas, at babasahing muli ang pressure. Kung maliit lang ang ibinaba ng pressure, pahiwatig ito na maraming naipong gas; kung malaki naman, kaunti lang ang gas.
Kung Paano Pinoproseso ang Gas
Matapos makuha, ang natural gas ay padadaanin sa tubo papunta sa refinery para alisin ang mga hindi kinakailangang kemikal na gaya ng carbon dioxide, hydrogen sulfide, at sulfur dioxide, pati na singaw na nagiging sanhi ng kalawang sa tubo. Pagkatapos, dumadaan ito sa distilasyon sa napakababang temperatura para maalis ang nitrohenong hindi lumilikha ng apoy, at para makuha ang mahahalagang helium, butane, ethane, at propane. Ang pinakaprodukto nito ay purong methane na walang kulay at amoy, at madaling magningas. Dahil ang methane ay kuha sa natural na mga sangkap, tinatawag din itong natural gas.
Para maging ligtas gamitin sa mga tahanan, hinahaluan ito ng kaunting pinagsama-samang kemikal na may sulfur na masangsang ang amoy para madaling malaman kung may tumatagas. Sa gayon, magagawan ito ng paraan bago pa ito sumabog. Gayunman, mas malinis ang natural gas kaysa sa iba pang fossil fuel gaya ng coal at langis.
Para maibiyahe, ang ilang natural gas ay pinalalamig sa napakababang temperatura at ginagawang liquefied natural gas. Ang butane at propane naman ay karaniwan nang nagiging liquefied petroleum gas (LPG), na ginagamit sa pagluluto sa mga tahanan sa ilang lugar, pati na sa mga bus, traktor, trak, at iba pang sasakyan. Ang butane at propane ay nagagamit din sa paggawa ng plastik, solvent, synthetic fiber, at iba pang organikong produkto.
Limitadong Suplay ng Enerhiya
Gaya ng iba pang fossil fuel, nauubos din ang natural gas. Tinataya na mga 45 porsiyento ng gas sa daigdig ang hindi pa nahahanap. Kung tama ang tantiyang ito, ang suplay ng natural gas ay tatagal nang mga 60 taon ayon sa kasalukuyang gamit. Pero yamang lumalakas ang konsumo ng gas sa maraming bansa, baka hindi na tumagal nang ganiyan kahabang panahon ang suplay ng natural gas.
Napakabilis ng industriyalisasyon sa ilang lupain, kaya maaaring isipin ng ilan na hindi nauubos ang likas na yaman ng lupa. Totoo, mayroon ding nuklear na enerhiya at iba pang mapagkukunan ng enerhiya na hindi nauubos gaya ng araw at hangin. Pero masasapatan ba nito ang lumalaking pangangailangan sa enerhiya? At ligtas kayang gamitin ang mga ito? Panahon lang ang makapagsasabi.
[Dayagram/Larawan sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Matapos makuha, ang natural gas ay padadaanin sa mga tubo papunta sa refinery, kung saan ito pinoproseso para magamit sa mga tahanan at industriya
[Dayagram]
Pinagkukunan ng gas
Refinery
Kompanya ng gas
[Larawan sa pahina 13]
Makinang lumilikha ng sound wave na sinasagap naman ng nakaabang na mga instrumento
[Larawan sa pahina 13]
Sinusuri ng mga heologo ang three-dimensional na mga larawan na nabuo sa pamamagitan ng sound wave
[Picture Credit Lines sa pahina 13]
Itaas: © Lloyd Sutton/Alamy; ibaba: © Chris Pearsall/Alamy