Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Diyos ba ay Omnipresente?
MARAMI ang naniniwala na ang Diyos ay omnipresente, ibig sabihin, literal siyang nasa lahat ng dako at nasa lahat ng bagay. Ganito ang hiniling kay Jehova ng matalinong hari na si Solomon: “Makinig ka nawa mula sa langit, ang iyong tatag na dakong tinatahanan.” (1 Hari 8:30, 39) Kaya ayon sa Bibliya, may tahanang dako ang Diyos na Jehova. Tinukoy ni Solomon ang dakong ito bilang “langit.” Ano ang ibig sabihin nito?
Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “langit” para tumukoy sa pisikal na dakong nakapalibot sa Lupa. (Genesis 2:1, 4) Pero yamang Diyos ang lumalang sa lahat ng bagay, tiyak na umiiral na ang kaniyang tahanang dako bago pa niya anyuan ang pisikal na uniberso. Kaya walang pisikal na hangganan ang kinaroroonan ng Diyos. Kung gayon, kapag binabanggit ng Bibliya ang langit bilang tahanang dako ng Diyos na Jehova, ang tinutukoy nito ay ang dako ng mga espiritu at hindi ang kalangitan o ang kalawakan.
Isang Kamangha-manghang Pangitain
Mababasa sa Bibliya ang isang pangitain ni apostol Juan tungkol sa kagila-gilalas na paglalarawan sa tahanang dako ni Jehova. Nakita niya ang isang bukás na pinto sa langit at narinig ang isang tinig na nagsasabi: “Umakyat ka rito.”—Apocalipsis 4:1.
Pagkatapos, nakita ni Juan ang isang kamangha-manghang pangitain ng Diyos na Jehova mismo. Ganito ang isang bahagi ng kaniyang pangitain: “Isang trono ang nasa kinalalagyan nito sa langit . . . Ang nakaupo, sa kaanyuan, ay tulad ng batong jaspe at ng mahalagang kulay-pulang bato, at sa palibot ng trono ay may isang bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan. . . . Mula sa trono ay may lumalabas na mga kidlat at mga tinig at mga kulog . . . At sa harap ng trono ay may gaya ng isang malasalaming dagat na tulad ng kristal.”—Apocalipsis 4:2-6.
Ito ay isang napakalinaw na paglalarawan sa walang-katulad na kaningningan at karingalan ni Jehova. Pansinin ang nasa palibot ng trono ni Jehova. Ang bahaghari ay nagpapahiwatig ng katahimikan at kapayapaan. Itinatampok ng mga kidlat, tinig, at mga kulog ang kapangyarihan ng Diyos. Itinatampok naman ng malasalaming dagat ang malinis na katayuan ng lahat ng nasa harap ng Diyos.
Bagaman makasagisag ang paglalarawang ito, marami itong sinasabi sa atin tungkol sa tahanang dako ng Diyos. Pinananatili ni Jehova ang sakdal na kaayusan sa langit. Walang kaguluhan doon.
Nasa Lahat ng Dako sa Lahat ng Panahon?
Yamang may tahanang dako si Jehova, ipinahihiwatig nito na hindi posibleng siya ay nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon. Kung gayon, paano niya nalalaman ang lahat ng nangyayari? (2 Cronica 6:39) Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Isinulat ng salmista: “Saan ako makaparoroon mula sa iyong espiritu, at saan ako makatatakbo mula sa iyong mukha? Kung aakyat ako sa langit, naroon ka; at kung ilalatag ko ang aking higaan sa Sheol, narito! ikaw ay doroon.”—Awit 139:7-10.
Para maunawaan kung paano ito nagagawa ng banal na espiritu ng Diyos, isaalang-alang ang araw. Bagaman nasa iisang lokasyon lang, nakapagbibigay ito ng enerhiya sa malaking bahagi ng Lupa. Sa gayunding paraan, may tahanang dako ang Diyos na Jehova pero naisasakatuparan niya ang kaniyang kalooban saanman sa uniberso. Karagdagan pa, nagagamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para malaman ang nangyayari sa lahat ng dako sa lahat ng panahon. Ganito ang sinasabi sa 2 Cronica 16:9: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”
Nasa kontrol din ng Diyos ang isang organisasyon ng mga espiritung nilalang na kung tawagin ay mga anghel. Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang bilang ng mga ito ay daan-daang milyon—baka bilyun-bilyon o higit pa nga.a (Daniel 7:10) Maraming beses na iniulat sa Bibliya na ang mga anghel ay nagsilbing kinatawan ng Diyos dito sa lupa, anupat nakipag-usap sa mga tao at nag-ulat muli sa Diyos. Halimbawa, noong panahon ni Abraham, siniyasat ng mga anghel ang sigaw ng pagdaing tungkol sa Sodoma at Gomorra. Nagpasiya ang Diyos na wasakin ang mga lunsod na iyon, malamang na pagkatapos niyang matanggap ang ulat mula sa mga anghel.—Genesis 18:20, 21, 33; 19:1, 13.
Kung gayon, ipinahihiwatig ng Bibliya na hindi kailangang literal na nasa lahat ng dako ang Diyos na Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at ng kaniyang mga anghel, may kakayahan siyang lubusang malaman ang nangyayari sa kaniyang mga nilalang.
Kaya naman, tinutulungan tayo ng Bibliya na mas makilala ang ating Maylalang. Dahil dito, nalaman natin na ang Diyos ay nakatira sa isang dakong tinatawag na langit, isang dako ng mga espiritu na iba sa pisikal na kalangitan. Kasama niya roon ang laksa-laksang makapangyarihang espiritung nilalang. Mababanaag sa kaniyang tahanan ang katahimikan, kapangyarihan, at kadalisayan. Tinitiyak ng Bibliya na darating ang panahon na tatamasahin din ng mga tao ang mapayapang kalagayan na gaya ng sa langit.—Mateo 6:10.
[Talababa]
a Sinasabi sa Apocalipsis 5:11 na “laksa-laksang mga laksa” ng mga anghel ang nasa palibot ng trono ng Diyos. Ang isang laksa ay katumbas ng 10,000. Kaya ang isang laksa na pararamihin ng isang laksa (10,000 x 10,000) ay 100 milyon. Pero malamang na bilyun-bilyon ang bilang ng mga espiritung nilalang na ito dahil ang terminong ginamit sa teksto ay “laksa-laksang mga laksa.”
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Ang Diyos ba ay nasa lahat ng dako?—1 Hari 8:30, 39.
● Hanggang saan ang nararating ng espiritu ng Diyos?—Awit 139:7-10.
[Blurb sa pahina 29]
Ang araw ay nasa iisang lokasyon lang, pero nakararating ang enerhiya nito sa malaking bahagi ng Lupa. Sa gayunding paraan, may tahanang dako ang Diyos pero maisusugo niya ang kaniyang banal na espiritu saanman sa uniberso